2023
Mahalin ang Isa’t Isa: Ang mga Turo sa Bagong Tipan para sa Buhay-Pamilya
Oktubre 2023


Konteksto ng Bagong Tipan

Mahalin ang Isa’t Isa: Ang mga Turo sa Bagong Tipan para sa Buhay-Pamilya

Ang pag-unawa sa sambahayang makikita sa Bagong Tipan ay makatutulong sa atin na palakasin ang “sambahayan ng Diyos” ngayon.

si Jesucristo habang nagtuturo

Pakinggan Ninyo Siya, ni Simon Dewey

Ang pamilya ay mahalaga sa Bagong Tipan. Ang pagsamba ng mga Kristiyano ay nagsimula sa loob ng isang bahay (Griyego oikos o oikia, “bahay” or “sambahayan,” pinatutungkulan kapwa ang pisikal na bahay at ang mga naninirahan dito).1 Ang mga Kristiyano ay gumamit ng mga paglalarawan at terminolohiyang nauukol sa pamilya upang ilarawan ang kanilang sarili—ang mga nagsisisampalataya ay “magkakapatid,” at ang Simbahan ay sambahayan ng Diyos (oikos theou) o pamilya ng Diyos (tingnan sa 1 Timoteo 3:15; 5:1–2).

Maraming aktibidad ng Simbahan at mga turo sa Bagong Tipan ang nakasentro sa buong sambahayan. Ang pag-unawa sa buhay-pamilya sa Bagong Tipan ay makatutulong sa atin na palakasin ang mga indibiduwal, mag-asawa, at pamilya at maitaguyod ang diwa ng pagiging kaisa ng lahat ng iba’t ibang miyembro ng “sambahayan ng Diyos.”

Ang Sambahayan sa Bagong Tipan

Ang mga sinaunang tahanang Mediteraneo ay karaniwang binubuo ng hindi lamang mga magulang at mga anak kundi pati na rin ng mga kamag-anak tulad ng mga pinsan, matatandang kamag-anak, o mga kapatid ng mga magulang at kanilang mga asawa. Kabilang sa mga pamilya sa mga nayon sa Galilea ang mga kamag-anak na ito, na nabuhay at nagtrabaho nang magkakasama (tingnan sa Marcos 10:29). Ang mga mayayaman na sambahayan ng mga Romano ay kinabilangan ng iba pang mga tao tulad ng mga empleyado, alipin, malayang alipin, at katulong.

Mga Pagbabago ng mga Kristiyano sa Karaniwang mga Alituntunin ng Sambahayan

Ilang aklat sa Bagong Tipan ang naglalahad ng mga tagubilin sa mga miyembro ng mga sinaunang sambahayan ng mga Kristiyano (tingnan sa Colosas 3:18–4:1, 1 Pedro 2:13–3:12; Efeso 5:21–6:9; Timoteo 2:8–15; 5:1–22; 6:1–10; Tito 2:1–10). Ang “mga alituntunin ng sambahayan (household codes),” na tinatawag ng mga iskolar, ay katulad ng mga talata sa literaturang Griyego at Hellenistic Jewish na nagtataguyod ng katatagan ng lipunan sa pamamagitan ng maaayos na tahanan kung saan ginagampanan ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang mga tungkulin sa isa’t isa.

Ang mga talatang ito sa Bagong Tipan ay nagtuturo ng mga tradisyonal na pinahahalagahan noon na sumusuporta sa istruktura ng kanilang lipunan, tulad ng payo na magpasailalim sa mga namumuno, iwasan ang mga pagtatalo, at maging magalang sa lahat (tingnan sa 1 Pedro 2:17; 1 Timoteo 2:1–2; Tito 3:1–2).

Gayunman, ang mga alituntunin ng sambahayan sa Bagong Tipan ay mayroon ding ilang mahahalagang pagbabago. Halimbawa, binigyang-diin nila ang respeto sa isa’t isa at binago ang mga ugnayan upang isama ang Diyos:

  • Dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang sa Panginoon (tingnan sa Efeso 6:1–3; Colosas 3:20).

  • Hindi dapat galitin ng mga ama ang kanilang mga anak kundi palakihin sila sa disiplina at tagubilin ng Panginoon (tingnan sa Efeso 6:4; Colosas 3:21).

  • Ang mga lalaki ay hindi dapat malupit na makitungo sa asawa kundi maging maunawain sa kanya, igalang siya, at mahalin siya tulad ng pagmamahal ni Cristo sa Simbahan at pagbibigay ng Kanyang sarili para dito (tingnan sa Efeso 5:25–33; Colosas 3:19; 1 Pedro 3:7).

  • Ang tagubilin sa Efeso 5:22 para sa mga babae na isuko ang kanilang sarili sa kanilang mga asawa tulad ng pagsuko nila sa Panginoon ay lumabas lamang pagkatapos ng paunang pahayag sa Efeso 5:21 na lahat ng miyembro ng sambahayan—kapwa ang mag-asawa—ay dapat “magpasailalim sa isa’t isa dahil sa pagpipitagan kay Cristo” (Efeso 5:21, New Revised Standard Version).2 Tulad ng ipinayo ni Pablo, “Sa kababaan, ituring na ang iba ay higit na mabuti kaysa inyong sarili” (Filipos 2:3, New Standard Revised Version).

Nakikita rin natin ang isa pang pagbago ng mga Kristiyano sa pagtawag sa mga itinuturing noon na mas nakabababang miyembro ng sambahayan—mga asawang babae, anak, at alipin3—na “mga tao na may sarili nilang karapatan at pinagkalooban ng dignidad,” na nagpapakita na sila ay “may mahalagang papel na ginagampanan.”4

At ang payo sa mga asawang babae sa 1 Pedro 3:1–6 ay direktang sumasalungat sa sinaunang kaugalian na ang isang babae ay dapat katakutan ang kanyang asawa at sumamba sa mga diyos na sinasamba nito. Sa halip, ang pananampalataya ng babaeng mananampalataya ay maaaring mapagbalik-loob ang kanyang hindi sumasampalatayang asawa.

Bagama’t ang mga sinaunang household o sambahayan ay patriyarkal at hierarchical alinsunod sa mga kaugalian ng panahong iyon, hinikayat ng mga pagbabagong ito ang mga sambahayan ng mga Kristiyano na maging mas pantay-pantay at igalang ang bawat tao, at ipinaalala sa kanila na “magmahalan sa isa’t isa” (Juan 13:34) tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.

Umasa kay Jesucristo

Ang mga tagubilin sa Bagong Tipan para sa mga pamilya ay nagtuturo ng mga alituntunin na magpapala sa sinumang pamilya o indibiduwal na nagsisikap na maging disipulo ni Jesucristo sa makabagong mundo. Ang mahalagang aral noon at ngayon ay umasa kay Jesucristo at sundin ang Kanyang halimbawa ng di-makasariling paglilingkod sa lahat ng ating mga ugnayan (tingnan sa Filipos 2:3–11). Tulad ng ipinaalala sa atin ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pag-ibig ang katangiang naglalarawan sa isang disipulo ni Cristo.”5

Mga Tala

  1. Ang artikulong ito ay mula sa Mark D. Ellison, “Family, Marriage, and Celibacy in the New Testament,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, ed. Lincoln Blumell (2019), 532–54.

  2. Ang pandiwang isinalin na “isuko” o “ipasakop” ay hindi lumitaw sa talata 22 ngunit hinihiram mula sa talata 21. Ang kahulugan ng dalawang talata ay, “[21] Isuko ang inyong sarili sa isa’t isa, [22] mga babae sa inyong asawa,” at iba pa sa kabuuan ng sambahayan, na may mga tagubilin na naglalahad ng mga paraan para maipakita ng bawat miyembro ang pagsuko ng isa’t isa.

  3. Ang pang-aalipin ay karaniwang kaugalian sa mga sinaunang lipunan at hindi batay sa lahi o nasyonalidad. Sa Imperyo ng Roma noong panahon ng Bagong Tipan, maraming sambahayan ang may mga alipin, kabilang na ang mga sambahayan ng mga Kristiyano. Ang pagkaalipin ay hindi palaging habambuhay. Sa ating dispensasyon, sinabi ng Panginoon na “hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa” (Doktrina at mga Tipan 101:79).

  4. Carolyn Osiek, “Family Matters,” sa Christian Origins: A People’s History of Christianity, vol. 1, ed. Richard A. Horsley (2005), 216.

  5. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-ibig sa Diyos,” Liahona, Nob. 2009, 22–23; tingnan din sa Juan 13:35.