“Pagpapakain sa mga Tupa ng Panginoon sa Temporal at sa Espirituwal na Paraan,” Liahona, Okt. 2023.
Pagpapakain sa mga Tupa ng Panginoon sa Temporal at sa Espirituwal na Paraan
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, nagpapahayag tayo ng pagmamahal sa Kanya sa paraan ng pagpapakain natin sa Kanyang mga tupa.
Minsan, tinanong ng nabuhay na mag-uling Panginoong Jesucristo si Pedro, “Minamahal mo ba ako?” Sagot ni Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Dalawang beses pang nagtanong si Jesus, “Minamahal mo ba ako?” Laging opo ang sagot ni Pedro. At sa tuwina’y sumasagot si Jesus ng, “Pakainin mo ang aking mga kordero” o “Pakainin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:15–17).
Sa opisina ko sa headquarters ng Simbahan, ang ilang larawan sa dingding ay naglalarawan sa Panginoon na pinanglilingkuran, binabasbasan, at pinagagaling ang Kanyang mga tupa. Ipinapaalala ng mga ito sa akin kung gaano Siya nag-aalala sa kapakanan ng lahat ng anak ng Kanyang Ama. Siya ang Mabuting Pastol. Kilala at mahal Niya ang Kanyang mga tupa. Kaya nga inutusan Niya si Pedro na pakainin ang Kanyang mga tupa.
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, inaanyayahan din tayong makibahagi sa gawain ng Panginoon na pangalagaan at pakainin ang iba. Tinawag tayo upang pakainin ang mga tupa ng Panginoon kapwa sa temporal at sa espirituwal.
Mga Temporal na Pangangailangan, mga Espirituwal na Pangangailangan
“Ako ang ilaw ng sanlibutan,” sabi ni Jesus (Juan 8:12). Gayunman, kapag may matitinding temporal na pangangailangan ang mga indibiduwal at pamilya, maaaring mahirap para sa kanila na makita ang Kanyang liwanag at madama ang Kanyang Espiritu. Maaari nilang madama na para silang nabubuhay sa kadiliman.
Maraming resources ang Simbahan na tutulong sa mga tupa ng Panginoon na mapagbuti ang kanilang pisikal at emosyonal na kalusugan, makapag-aral at makapagtrabaho, at maging handa sa temporal.1 Kadalasa’y hindi alam ng mga nangangailangan kung saan sila susuling o anong resources ang makukuha nila. Kung minsa’y maaaring masyado silang mahiyain o nahihiyang humingi ng tulong. Sa pagsunod sa utos ng Panginoon na pakainin ang Kanyang mga tupa, matutulungan natin ang mga tao na mahanap ang resources na ito.
Lahat ng resources ng Simbahan ay batay sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Kapag ginamit ng mga indibiduwal ang mga espirituwal na alituntuning ito sa kanilang mga temporal na pangangailangan, palalakasin nito ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Sa ganitong paraan madarama nila ang liwanag ng Tagapagligtas sa kanilang buhay, lalakas sila sa espirituwal, at magpapatuloy sa landas ng tipan pabalik sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Pag-aayuno, Ikapu, at mga Handog
Ang dalawang mahahalagang paraang naibigay sa atin ng Panginoon para tulungan tayong pakainin ang Kanyang mga tupa ay ang pag-aayuno at pagbabayad ng mga ikapu at mga handog.
Kapag nagawa sa tamang diwa, ang pag-aayuno ay higit pa sa hindi pagkain at pag-inom. Ito ay tungkol sa pagsamba na nagpapatatag sa relasyon natin sa ating mga pamilya, kaibigan at kapitbahay, at sa huli ay sa Panginoon. Alam ko na kapag ako ay nasa diwa ng pag-aayuno, mas sensitibo ako sa mga pangangailangan ng iba. Mas nauunawaan ko kung paano ko sila matutulungan.
Ang pagbabayad ng ikapu ay nangangailangan ng malaking pananampalataya, ngunit nagpapalakas din ito ng pananampalataya. Habang lumalago ang ating pananampalataya, hihikayatin tayo ng Espiritu na magbigay ng bukas-palad na handog-ayuno. Ang mga handog-ayuno ay nagbibigay ng pagkakataon na lihim na magbigay ng ating kabuhayan para mapagpala ang ating mga kapatid sa kanilang espirituwal o temporal na pangangailangan. Pinagkakaisa tayo ng pag-aayuno at pagbabayad ng mga ikapu at mga handog sa Panginoon, sa ating pamilya, at sa mga pinaglilingkuran natin sa Simbahan.
Paglilingkod para Mahanap ang Isa
Naglingkod si Jesucristo sa lahat ng nasa paligid Niya. Hinanap Niya lalo na ang taong lubos na nangangailangan sa Kanya. Kapag lumalabas tayo bilang mga ministering brother o sister, mahahanap at mapaglilingkuran natin ang mga nangangailangan. At kapag alam ng mga pinaglilingkuran mo na talagang nagmamalasakit ka sa kanila, madarama nila ang liwanag ng ebanghelyo at ang pagmamahal mo at ng Panginoon. Mas malamang din na humingi sila ng suporta sa iyo at sa Simbahan kung kailangan nila ito.
Kung nais mong pakainin ang mga tupa ng Panginoon, magandang magsimula sa paglilingkod sa iba, magbahagi ng liwanag ng Panginoon sa kanila, at, kung kailangan, ituro sila sa kailangang resources kapag bumisita ka para sa iyong ministering.
Maging Bukas sa Inspirasyon
Isang araw ng Linggo habang naglilingkod bilang bishop sa Mexico, umupo ako sa pulpito bago magsimula ang sacrament meeting at napansin kong pumasok ang isang sister sa chapel. Bagong binyag siya at parang nahihiya palagi. Hinikayat ako ng Espiritu na alamin kung paano siya matutulungan ng ward council na maging mas komportable sa simbahan. Hiniling ko sa Relief Society president na tulungan ang sister na ito.
Kalaunan, sinabi sa akin ng Relief Society president, “Bishop, talagang kailangang mapalitan ang ngipin ng sister na ito.”
Isa ito sa mga dahilan kaya napakamahiyain ng sister na ito. Hindi siya nagsasalita o ngumingiti dahil ayaw niyang makita ninuman ang ngipin niya. Nagtanong ang Relief Society president kung ano ang dapat naming gawin. Nagpasiya akong kausapin ang isang dentista para suriin siya at alamin kung ano ang kailangang gawin.
“Sigurado po kayo?” tanong ng Relief Society president. “Baka mahal ito.”
Sinabi ko sa kanya na puwede naming ituloy ito. Bilang ward, nakahanap kami ng paraan para matulungan ang sister na ito. Nang makita ko siyang muli, nagsasalita na siya at nakangiti. Noon ko lang siya nakitang ngumiti!
Mula noon, nagbago ang buhay ng sister na ito. Naging mas aktibo siyang miyembro ng ward at kalauna’y nagpunta sa templo. Ngayo’y isa na siyang temple ordinance worker. Sigurado ako na kung pupunta ako sa templo kung saan siya naglilingkod, makikita ko siyang nakangiti.
Natuklasan ko na kapag pinapansin natin ang mga pangangailangan ng iba, mapapalakas natin sila, matutulungan natin silang daigin ang kanilang mga hamon, mapapangalagaan sila, at madadala sila kay Jesucristo. Hindi natin dapat ipalagay kung ano ang magagawa o hindi magagawa. Sa tulong ng Panginoon, makakahanap tayo ng maraming pagkakataong paglingkuran at pagpalain ang Kanyang mga tupa.
Umasa kay Jesucristo
Sa Bagong Tipan, mababasa natin ang tungkol sa babaeng 12 taon nang inaagasan ng dugo. Nagpakita siya ng malaking pananampalataya sa Panginoon nang lumapit siya sa Kanya sa maraming tao. Buong puso siyang naniwala na mahipo lang niya ang Kanyang damit ay gagaling siya. Nang hawakan niya ang laylayan ng damit ng Panginoon, agad siyang gumaling. (Tingnan sa Lucas 8:43-44.) Sinabi sa kanya ni Jesus na magalak at sinabing, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya; humayo kang payapa” (Lucas 8:48).
Kung kailangan mo ng temporal o espirituwal na tulong, tularan ang halimbawa ng matapat na babaeng ito at umasa kay Jesucristo. Espirituwal na unatin ang iyong sarili at mas lumapit pa sa Panginoon kaysa rati. Sa pamamagitan ng sarili mong mga pagsisikap at sa kapangyarihan ni Jesucristo, maaari mong pagsikapan ang iyong espirituwal at temporal na kapakanan. Ilalaan ng Panginoon ang mga himalang kailangan mo para matamo ang mga espirituwal at praktikal na pangangailangan sa buhay ayon sa Kanyang sariling kalooban, paraan, at takdang panahon.
Mahal ba Natin Siya?
Ang tanong ng Panginoon kay Pedro ay isang bagay na maaari Niyang itanong sa bawat isa sa atin: “Minamahal mo ba ako?” Kung oo ang sagot natin, kailangan nating gawin ang ating sinabi. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, nagpapahayag tayo ng pagmamahal sa Kanya sa paraan ng pagpapakain natin sa Kanyang mga tupa.
Nangyayari man ito rito o doon sa kabilang panig ng tabing, ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang mga pagpapala sa atin kapag sinunod natin ang Kanyang mga turo at pinaglingkuran ang iba ayon sa patnubay ng Espiritu. Marami sa mga pagpapalang iyon ang matatagpuan sa loob ng Kanyang Simbahan ngayon. Kung tayo ay tapat, nangangako Siya na “lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa [inyo]” (Doktrina at mga Tipan 84:38).
Madarama ninyo ang pagmamahal ng Panginoon para sa inyo at makasusumpong kayo ng kagalakan sa buhay kapag gumugol kayo ng panahon sa pagpapakain sa Kanyang mga tupa sa paraang gagawin Niya kung nabubuhay Siya sa piling natin ngayon.