2023
Mula sa Pagiging Manhid Tungo sa Pagkakaroon ng Layunin
Oktubre 2023


“Mula sa Pagiging Manhid Tungo sa Pagkakaroon ng Layunin,” Liahona, Okt. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mula sa Pagiging Manhid Tungo sa Pagkakaroon ng Layunin

Tinulungan ako ng Diyos na makita kung paano ko magagamit ang aking pagsubok para tulungan ang iba na dumaranas ng gayon ding paghihirap.

babaeng young adult

Ang karaniwang mga sintomas na nadarama ng mga tao kapag nakikibaka sa depresyon at iba pang karamdaman sa pag-iisip ay ang pagiging manhid sa Espiritu Santo. Kadalasa’y nahihirapan silang madama ang kaliwanagan at mainit na pakiramdam na iyon sa kalooban.

Bilang isang taong may matinding depressive disorder at obsessive-compulsive disorder, naharap ako sa realidad na ito nang maraming taon. Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam na nariyan ang Espiritu. Nang lumala ang mga sintomas ko noong nasa kolehiyo ako, naospital ako nang isang linggo.

Sa madilim na mga panahong iyon sa aking isipan, inisip ko kung paano ako tutulungan ng mga sakit na ito sa katagalan. Paano gagamitin ng Diyos ang nakababagabag na karanasang ito para sa aking ikabubuti? Ano ang layunin Niya para sa akin sa pagbibigay sa akin ng pagsubok na ito?

Humingi ako ng mga basbas ng priesthood sa panahong ito, at palaging may isang pahayag na paulit-ulit kong narinig: “Binigyan ka ng Diyos ng mga kailangan mo para malampasan ang pagsubok na ito.” Nananampalatayang aakayin Niya ako sa kailangan ko para gumaling, nagpasiya akong magtiwala sa mga doktor ko. Unti-unti, natanggap ko ang tulong na kailangan ko. Sa paglipas ng panahon, nai-share ko online ang aking pakikibaka sa kalusugan ng isipan.

Hindi nagtagal, nagsimula akong makatanggap ng mga mensahe mula sa mga kaibigan kong lalaki, at nagtatanong tungkol sa kalusugan ng aking isipan at nagbabahagi ng ganito ring mga ideya at damdamin. Humingi sila ng tulong sa akin para malaman kung paano paglalabanan ang kanilang pagiging manhid. Nagulat ako noong una.

Sa maraming kultura, inaasahan ang mga lalaki na laging magmukhang malakas at hindi kailanman ipakita ang kanilang damdamin. Dahil diyan ay nahihirapan silang aminin na kailangan nila ng tulong, at kadalasa’y tahimik silang nagdurusa.

Nang mangyari ito sa ikatlong pagkakataon, natanto ko na naihanda ako ng aking mga pagsubok para tumulong. Lahat ng madidilim na sandaling iyon, lahat ng therapy session na iyon, lahat ng aking panalangin, at lahat ng pagsisikap kong manampalataya nang humingi ako ng tulong sa Diyos ay nagturo sa akin na mapansin kapag nahaharap ang iba sa gayon ding mga pagsubok at kung paano sila tutulungan.

Nalaman ko ang katotohanan ng mga salitang ito mula kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung kayo ay may apendisitis, aasahan ng Diyos na magpapabasbas kayo sa priesthood at magpapagamot sa pinakamahusay na doktor. Gayon din sa depresyon o emotional disorder. Inaasahan ng ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang lahat ng magagandang kaloob na ibinigay Niya sa dakilang dispensasyong ito.”1