2023
Mahal Pa Rin Namin ang Panginoon
Oktubre 2023


“Mahal pa rin Namin ang Panginoon,” Liahona, Okt. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mahal Pa Rin Namin ang Panginoon

Ang kinalabasan ay hindi ang inasahan namin, pero alam ko na ang mga panalangin ko para sa aking anak ay hindi nawalan ng saysay.

kamay na nagtatala sa pabalat sa likod ng magasin ng kumperensya

Mga tatlong taon na ang nakalipas, natuklasan na may kanser ang anak kong si Mark. Inoperahan siya ng mga surgeon, pero patuloy na kumalat ang kanser. Nagdasal at nag-ayuno ang buong pamilya para sa kanya sa mahahabang buwan na iyon.

Nabasa ko sa mga banal na kasulatan at sa iba’t ibang mensahe sa kumperensya kung gaano kahalaga at katunay ang kapangyarihan ng pananampalataya. Nagpasiya akong mag-ayuno at manalangin, nadarama na sapat ang lakas ng aking pananampalataya na magkakaroon ng isang himala. Gagaling ang anak ko, o mawawala ang kanyang kanser. Lagi kong isinasara ang taimtim kong mga dalangin sa “Mangyari nawa ang Inyong kalooban.”

Binasa ko ang bawat mensahe tungkol sa pananampalataya na nakita ko sa mga nakaraang pangkalahatang kumperensya o lumitaw sa iba pang mga materyal na inilathala ng Simbahan. Lubhang nakakaaliw ang mga mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson para sa akin.

Namatay ang aming anak noong Hunyo 28, 2021. Labis na nalungkot at nasaktan kaming lahat. Nadama ko na hindi pala naging sapat ang lakas ng aking pananampalataya.

Isang araw tiningnan ko ang pabalat sa likod ng isang isyu ng Liahona sa pangkalahatang kumperensya at nakita ko ang isang retrato ni Pangulong Nelson na nakatayo sa pulpito. Sa ilalim ng retrato ay may talatang hinango sa isa sa kanyang mga mensahe. Sinabi niya na kailangan ng pananampalataya para sumapi sa Simbahan, sundin ang mga propeta, magmisyon, ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri, at ituro ang ebanghelyo. “Pananampalataya ang kailangan para makapagsumamo para sa buhay ng isang mahal ninyo at higit pang pananampalataya,” dagdag pa niya, “para matanggap ang isang nakapanlulumong sagot.”1

Nabasa ko ang pahayag na iyon nang hindi kukulangin sa tatlong beses bago ko natanto na para sa akin iyon. Napayapa ang damdamin ko. Nalaman ko na ang mga panalangin namin para sa aking anak ay hindi nawalan ng saysay. Malakas ang aking pananampalataya sa paraang alam at tanggap ng Panginoon.

Naranasan na ng aming pamilya na mawalan ng mahal sa buhay, kabilang na ang pagpanaw ng aking asawa at tatlong apong lalaki. Ang pananampalataya ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay nagsasabi sa akin na ang aking yumaong anak ay kasama ng aking asawa at mga apo. Ang kaalamang iyan ay naghahatid sa akin ng kapayapaan. Sa kabila ng paghihirap ng aming pamilya, mahal pa rin namin ang Panginoon at ang Kanyang ebanghelyo, at lumago na ang aming patotoo. Pinatototohanan ko na si Pangulong Nelson ay isang propeta at ang ibinibigay niyang payo ay nagmumula sa Panginoon.