“Maaari Kaya Akong Maging Isa sa mga Pinili ng Diyos?,” Liahona, Okt. 2023.
Mga Young Adult
Maaari Kaya Akong Maging Isa sa mga Pinili ng Diyos?
Habang lumalaki ako, naniwala ako na may listahan ang Diyos ng mga paborito Niyang bata, at hindi ako naniwala na nasa listahan ako.
Pinili ka ba?
Habang lumalaki ako, hindi ako gaanong relihiyosa. Alam ko ang mga pangunahing alituntunin ng Kristiyanismo, pero lagi akong mas maraming tanong kaysa pananampalataya at hindi ko talaga gaanong inisip iyon. Pero lagi kong naririnig ang tita kong deboto at relihiyosa na binibigkas ang Mateo 22:14:
“Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
“Pinili para saan?” ang naiisip ko.
Hindi ko kailanman naunawaan ang tunay na kahulugan ng talatang ito, at hindi ako nag-abalang tanungin siya kailanman. Sinimulan kong ipalagay na ang ibig sabihin ng talatang ito ay may listahan ang Diyos ng mga paborito Niyang anak na uupo sa mga luklukan ng langit—ang iilan na Kanyang pinili.
Hindi ako naniwala na isa ako sa mga paboritong iyon.
Nang tumanda ako at lalo kong namasdan ang pamumuhay ng iba sa paligid ko, tila anuman ang ginawa ko sa buhay ko, mabubuti man o masasamang bagay, hindi ako magiging mahalaga kung hindi ako isa sa Kanyang mga “pinili.”
Ni hindi ko alam kung paano makarating sa katayuang iyon!
Nababatid ito, nagsimula akong maniwala na hinding-hindi ako magiging mahalaga sa paningin ng Diyos. Hindi ko mamanahin ang Kanyang mga pagpapala o pangako dahil hindi ako isinilang na isang paborito.
Ibinilang na Isa sa Kanyang mga Pinili
Madalas na nakabalisa sa akin ang mga ideyang ito. Naging desperado akong malaman ang iba pa tungkol sa ibig sabihin ng maging isa sa mga taong pinili ng Diyos at kung ano ang kailangan para matanggap ang Kanyang mga pagpapala.
Isang araw, nag-scroll ako sa social media nang mabasa ko ang isang advertisement para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Nang mag-klik ako sa ad, nakahanap ako ng paraan para kumonekta sa mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kahandaan kong makahanap ng mga sagot at pag-asa para sa buhay ko ang nagtulak sa akin na pumayag na makausap sila.
Sa kanilang mga lesson at maraming panalangin, marami akong natutuhan tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, sa layunin ko sa buhay, at, higit sa lahat, sa sakdal na pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin—na Kanyang banal na anak.
Nabinyagan ako at nakadama ng pag-apaw ng napakalaking kagalakan at pag-unawa sa buhay ko. Pero hindi ko pa rin gaanong nadama ang katiyakang inaasam ko noon. Nabawasan ang mga nakababalisang bagay sa isip ko bago ako sumapi sa Simbahan, pero hindi ko pa rin alam kung isa ako sa mga pinili ng Diyos na magmamana ng lahat ng mayroon Siya. Hindi ko tiyak kung ano pa ang magagawa ko para maging isa sa mga espesyal na taong iyon.
Nagbago ang lahat ng iyon makalipas ang ilang buwan habang nanonood ako ng pangkalahatang kumperensya. Umasa ako na makakahanap ako ng ilang sagot sa mga tanong na bumabagabag pa rin sa akin nang magsimulang magsalita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nagulat ako nang marinig kong banggitin niya ang mismong talatang buong buhay nang gumugulo sa aking isipan.
Bigla akong nakadama ng pag-asa.
Ipinaliwanag ni Elder Bednar na “hindi [nililimitahan ng Ama sa Langit] ‘ang [pinili]’ sa iilang tao lang. Sa halip, ang ating mga puso, ating mga naisin, ating pagtupad sa sagradong mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo, ating pagsunod sa mga kautusan, at, ang pinakamahalaga, ang nakatutubos na biyaya at awa ng Tagapagligtas ang tutukoy kung kabilang tayo sa mga napili ng Diyos.”1
At sa sandaling iyon, nabatid ko—ako ay pinili.
Nakaramdam ako ng matinding pasasalamat na pumuspos sa akin dahil sa mga salita ni Elder Bednar. Nadama ko na higit kailanman ay mapalad ako na natagpuan ko Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Pagpili Rin sa Kanya
Walang mga paborito ang Diyos—sakdal ang pagmamahal Niya sa lahat ng Kanyang anak—pero ang mapili ay nangangahulugan na pinipili rin natin Siya.
Pinili tayo dahil pinipili natin na hayaan Siyang manaig sa ating buhay nang higit sa lahat ng bagay.
Nahikayat ako ni Elder Bednar na tapat na manatili sa landas ng tipan habang nananatili akong tapat hanggang wakas. Nahikayat din ako ng mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na unahin ko ang aking relasyon sa Ama sa Langit at sikaping talikuran at daigin ang mundo2 upang makabalik ako sa Kanya!
Pinatototohanan ko na anuman ang inyong pinagmulan, anuman ang inyong mga kasalanan, anuman ang inyong mga kakulangan o pagdududa sa sarili, dahil kay Jesucristo tayong lahat ay maaaring maging “pinili” ng Diyos. Maaari nating makapiling na muli ang ating Ama sa Langit at manahin ang “lahat ng mayroon [Siya]” (Doktrina at mga Tipan 84:38). Kung lalapit tayo kay Cristo, gagawa at tutupad tayo ng mga tipan, tatanggapin natin ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo, at sisikapin nating maging katulad Niya, ang ating pagiging isa sa Kanyang mga pinili ay nagkakatotoo. Napakagandang kaloob niyan mula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.