2023
Ang Tiyak na Patotoo ng mga Makabagong Propeta
Oktubre 2023


“Ang Tiyak na Patotoo ng mga Makabagong Propeta,” Liahona, Okt. 2023.

Ang Tiyak na Patotoo ng mga Makabagong Propeta

Ang awtoridad ng priesthood ay dumarating lamang sa pamamagitan ng ordinasyon na pinahintulutan ng Panginoong Jesucristo, na namamahala sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan ngayon.

sina Pangulo at Sister Nelson sa miting ng mga missionary

Si Pangulong Russell M. Nelson at ang kanyang asawang si Wendy, sa isang pagtitipon ng mga missionary sa Auckland, New Zealand, Mayo 2019. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, pinamamahalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng “tahimik na patnubay … ng isang banal na plano ng paghalili.”

Tulad ng nakasaad sa Biblia, ang tunay na Simbahan ni Jesucristo ay “itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok” (Efeso 2:20). Naranasan ko ang pagsasabuhay ng pangunahing alituntuning iyon ng ipinanumbalik na ebanghelyo maraming taon na ang nakararaan.

Dinala ng isang miyembro ng Simbahan ang kapitbahay niya sa opisina ko. Ang asawa ng kapitbahay ay isang Protestanteng pastor na may malaking kongregasyon. Sa loob ng maraming taon, naglingkod sa Panginoon ang mag-asawang ito nang buong kasigasigan sa isang relihiyong Kristiyano. Maraming tao siyang nabinyagan sa simbahang iyon.

Ngayon, sa pamamagitan ng impluwensya ng kanyang mga kapitbahay na Banal sa mga Huling Araw, nabasa niya ang Aklat ni Mormon at na-convert siya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Handa na siyang magbitiw sa kanyang ministeryo at sumapi sa ipinanumbalik na Simbahan. Ngunit una muna, kinailangan nilang mag-asawa ng sagot sa kanilang tanong tungkol sa awtoridad ng priesthood. Ipinapaalala sa akin na maraming taong nabinyagan ang kanyang asawa, itinanong ng kanyang asawa, “Sinasabi mo ba sa akin na walang awtoridad ang asawa ko na binyagan ang lahat ng taong bininyagan niya?”

Ipinahiwatig ng Espiritu ang sagot ko, tulad ng gagawin nito sa ganitong mga sitwasyon.

“Hindi,” sabi ko. “Sigurado ako na may awtoridad ang iyong asawa na binyagan ang lahat ng taong bininyagan niya. Taglay niya ang lahat ng awtoridad na maibibigay sa kanya ng kanyang simbahan. Maaari siyang magkasal. Maaari niyang gawing miyembro ng kongregasyon ang mga tao. Maaari siyang umupa ng kontratista para lagyan ng bagong bubong ang inyong simbahan. Pero hindi iyan ang klase ng awtoridad na pinag-uusapan natin. Ang awtoridad na itinatanong mo ay ang awtoridad na ibinigay ni Jesus kay Pedro, na anuman ang kanyang ginawa sa lupa ay kikilalanin sa langit (tingnan sa Mateo 16:19). At dahil ang banal na awtoridad na iyon ay kailangang matunton sa mga Apostol, umiiral lamang ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

si Jesus na inoorden si Pedro bilang Apostol

Mga Susi ng Priesthood

Ang awtoridad ng priesthood ay hindi natatamo sa pamamagitan ng isang kurso sa pag-aaral o isang degree mula sa isang seminaryo. Ang mga banal na kasulatan ay maaaring magturo, magpalago ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo, at maghikayat ng mga hangarin na maglingkod sa Diyos, pero hindi ito nagkakaloob ng awtoridad. Ni hindi rin dumarating ang awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng inspirasyon o paghahangad. Ang awtoridad ng priesthood ay dumarating lamang sa pamamagitan ng ordinasyon. Nililinaw ito sa Biblia.

Sa Kanyang ministeryo sa lupa, sinabi ng Tagapagligtas na si Jesucristo sa Labindalawang Apostol, “Ako’y hindi ninyo pinili, ngunit kayo’y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo’y humayo at magbunga” (Juan 15:16). Itinuro ni Apostol Pablo na, “At sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron” (Mga Hebreo 5:4).

Sumusunod ang ilang bagay mula sa katotohanan na ang awtoridad ay natatamo lamang kapag pinili at inorden ng Diyos. Una ay ang kahalagahan ng “mga susi” na ibinigay ni Jesus kay Pedro sa sagradong okasyong iyon (tingnan sa Mateo 16:19). “Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood para sa mga anak ng Diyos.”1

Tulad ng ipinakita ng Tagapagligtas sa pagbibigay ng mga susi kay Pedro, ang mga susi ng priesthood ay ibinibigay sa Kanyang mga Apostol. Ang mga susing iyon, na nawala sa pagkamatay ng orihinal na mga Apostol, ay kinailangang ipanumbalik upang ang awtoridad ng priesthood ay maigawad at magamit sa ipinanumbalik na Simbahan. Ginawa ito nang dumating ang mga sugo ng langit, na kumikilos sa ilalim ng pamamahala ni Jesucristo, upang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagtuturo at pag-orden kay Propetang Joseph Smith at pagbibigay sa kanya ng mga kinakailangang susi ng priesthood. Wala ang mga susing iyon sa labas ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa ganitong paraan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ang ipinanumbalik na Simbahan—ay may awtoridad na isagawa ang lahat ng gawain at ordenansang isinagawa sa mga naunang dispensasyon ng ebanghelyo at “[kikilalanin ang mga ito] sa langit” (Mateo 16:19; Doktrina at mga Tipan 128:8). Kabilang sa mahahalagang ordenansang ito ng kaligtasan at kadakilaan ang binyag, pagkakaloob ng Espiritu Santo, endowment sa templo, at kasal para sa kawalang-hanggan. Lahat ng ito, para sa mga buhay at patay, ay ginagawang posible na makabalik tayo sa Diyos Ama at sa Anak, nang may pagpapatuloy ng mga relasyon ng pamilya magpasawalang-hanggan.

Sa pamamagitan ng Kanyang mga turo at Kanyang Pagbabayad-sala, ang Panginoong Jesucristo ang pangulong bato sa panulok sa lahat ng ito, at ang Kanyang gawain ay nabubuo sa pamamagitan ng Kanyang mga apostol at propeta.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”2

Korum ng Labindalawang Apostol noong 1984

Ang larawang ito noong 1984 (ibaba) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay ipinapakita ang apat na magiging mga Pangulo ng Simbahan. Ang ikalimang Apostol, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay naglilingkod noon sa Unang Panguluhan. Sa pamamagitan ng paglilingkod at karanasan, bawat Apostol ay handa para sa mga responsibilidad sa hinaharap, kabilang na, para sa ilan, ang maging Pangulo ng Simbahan.

Mga Natatanging Saksi

Ang Labindalawang Apostol ay tinatawag para maging “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:23). Sila ay may natatanging patotoo tungkol kay Jesucristo. Pinatototohanan nila ang Kanyang realidad, Kanyang kabanalan, Kanyang misyon at Pagbabayad-sala, Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, Kanyang banal na priesthood, at ang ating potensyal para sa buhay na walang-hanggan. Ang mga Apostol ay tinutulungan dito ng iba pa na tinawag para gamitin “ang espiritu ng propesiya” (Apocalipsis 19:10).

Sa isang mundong nagdududa sa kabanalan ng Tagapagligtas, pinatototohanan namin ng aking mga Kapatid sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang Kanyang banal na misyon at Pagbabayad-sala. Pinatototohanan namin “na Siya ang Bugtong na Anak ng Ama” (Doktrina at mga Tipan 76:23). Pinatototohanan namin na Siya ay may nabuhay na mag-uling katawan na “may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao” (Doktrina at mga Tipan 130:22). Pinatototohanan namin na dahil sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, lahat ng anak ng Diyos ay mabubuhay ring mag-uli (tingnan sa 1 Corinto 15:21–22; 2 Nephi 9:6, 22; Mormon 9:13; Doktrina at mga Tipan 29:26). Pinatototohanan namin na nangungusap Siya sa Kanyang mga lingkod sa ating panahon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38). Pinatototohanan namin na “walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas” (Mga Gawa 4:12; tingnan din sa Mosias 3:17; Moises 6:52).

Ibinabahagi namin ang aming patotoo—at ang mga turo ng ating Tagapagligtas—nang may pagmamahal. Nagpahayag si Pangulong Russell M. Nelson:

Ang [mga batas ng Diyos] ay lubos na naganyak ng Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin at ng Kanyang hangarin para sa atin na maabot ang buong potensyal natin.

“… Ang Panginoong Jesucristo, na nagmamay-ari ng Simbahang ito, ay humihirang ng mga propeta at apostol para iparating ang Kanyang pagmamahal at ituro ang Kanyang mga batas.”3

Itinuro din ni Pangulong Nelson: “Maaaring hindi ninyo laging mauunawaan ang lahat ng pahayag ng isang buhay na propeta. Ngunit kapag alam ninyo na ang isang propeta ay isang propeta, maaari kayong manalangin sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya at humingi ng sarili ninyong patotoo tungkol sa anumang naipahayag ng Kanyang propeta.”4

Lahat ng ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng Simbahan ng Panginoon, na pinamumunuan ng ministeryo ng Kanyang mga Apostol bilang propeta. Sa araw na ipinahayag ang kanyang pamumuno sa Simbahan, ibinigay ni Pangulong Nelson ang mahalagang paliwanag na ito tungkol sa tinawag niyang “kagila-gilalas na paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan”:

“Sa pagpanaw ng isang Pangulo ng Simbahan, walang anumang hiwaga sa susunod na tinawag na maglingkod sa tungkuling iyon. Walang eleksiyon, walang pangangampanya, kundi tahimik na patnubay lamang ng isang banal na plano ng paghalili, na itinakda mismo ng Panginoon.

“Ang bawat araw na paglilingkod ng isang Apostol ay araw ng pagkatuto at paghahanda para sa karagdagang mga responsibilidad sa hinaharap. Tumatagal [na]ng ilang dekada ang paglilingkod ng isang Apostol bago siya lumipat mula sa upuan ng junior na Apostol papunta sa upuan ng senior na Apostol. Sa panahong iyon, nakakakuha siya ng pangunahing karanasan sa bawat gawain ng Simbahan. Nakikilala rin niya ang mga tao sa mundo, kabilang [na] ang kanilang mga kasaysayan, kultura, at wika sapagkat ang kanyang mga gawain ay paulit-ulit na nagdadala sa kanya sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang proseso ng paghalili sa pamunuan ng Simbahan ay kakaiba. Wala akong alam na katulad nito. Hindi na ito dapat [makagulat] sa atin, sapagkat ito ang Simbahan ng Panginoon. Ang Kanyang gawain ay hindi alinsunod sa pamamaraan ng tao.”5

Pinatototohanan ko ang banal na prosesong iyon, kung saan pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan ngayon.