Digital Lamang
7 Tanong na Dapat Itanong Upang Mas Makaasa sa Sariling Kakayahan
Ihanda ang iyong sarili sa pinansiyal at espirituwal upang mapangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya.
Itinuro ng Unang Panguluhan, “Ipinahayag ng Panginoon, ‘Layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal’ (D&T 104:15). Ang paghahayag na ito ay isang pangako mula sa Panginoon na magbibigay Siya ng mga temporal na biyaya at mga oportunidad para maging self-reliant, na ibig sabihin ay kaya nating tustusan ang mga pangangailangan natin at ng ating pamilya sa buhay na ito. …
“Kayo ay tunay na anak ng ating Ama sa Langit. Mahal Niya kayo at hindi kayo pababayaan. Kilala Niya kayo at handa Siyang ipagkaloob sa inyo ang mga espirituwal at temporal na biyaya ng self-reliance.”1
Ang Simbahan ay maraming resources o sanggunian na tutulong sa atin na maging self-reliant at manatiling self-reliant. Ang pitong tanong na ito, pati na ang resources o mga sanggunian na nasa ibaba, ay makatutulong sa inyo sa inyong paglalakbay.
1. Nagbabayad ba Ako ng Tapat na Ikapu?
Ang pagbabayad ng ikapu at bukas-palad na mga handog ay nagbibigay ng espirituwal na pundasyon upang ipaalala sa atin na lahat ng mayroon tayo ay nagmumula sa Ama sa Langit. May pangako rin tayo na “bubuksan ng Panginoon ang mga dungawan sa langit at magbubuhos ng malalaking pagpapala sa mga nagbabayad ng ikapu at mga handog nang buong katapatan (tingnan sa Isaias 58:6–12; Malakias 3:10–11).
“Kung una nating babayaran ang ating ikapu at mga handog, ang ating katapatan sa mahalagang alituntuning ito ng ebanghelyo ay mapalalakas at malamang na mabawasan ang maling paggamit ng pera [at pinansiyal na paghihirap].”2
2. Sinisikap Ko bang Mamuhay ayon sa Aking Kinikita?
Kung gumagastos tayo nang higit pa sa kinikita natin bawat buwan, dapat tayong humanap ng mga paraan para iwasan ang pagbili ng mga bagay na hindi mahalaga, na maaaring makahadlang sa atin sa mga bagay na talagang mahalaga. Tulad ng ipinahayag ng Panginoon sa Mateo 6:19–21:
“Huwag kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw;
“Kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw.
“Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso.”
Ibinahagi rin sa Doktrina at mga Tipan 48:4 ang kahalagahan ng pag-iipon ng pera bawat buwan:
“Talagang kinakailangan na ipunin ninyo ang lahat ng salaping maaari ninyong ipunin, at na makuha ninyo ang lahat ng inyong makukuha sa kabutihan, nang sa darating na panahon kayo ay makabili ng lupain upang maging mana, maging ang lunsod.”
Bagama’t maaaring hindi natin kailangang bumili ng mga lupain tulad ng ginawa ng mga naunang Banal, ang pagkakaroon ng ipong pera ay makatutulong sa atin na maging handa para sa anumang gawain na kailangang ipagawa sa atin ng Panginoon.
3. Gumagawa at Sumusunod ba Ako sa Badyet?
Itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 88:119 na “isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay.” Ang pagpaplano at pag-iingat ng talaan ng ating pananalapi ay makatutulong sa atin na maitala kung ano ang ating kinikita, ginagastos (tulad ng pagkain, pabahay, mga bill, transportasyon, damit, at makabuluhang mga gawaing panlibangan), at kung ano ang naiipon natin. Ang pagpaplano nang maaga at “pag-oorganisa” ay tutulong sa atin na matiyak na may sapat tayo para sa “bawat kinakailangang bagay” ngayon at sa hinaharap.
4. Mayroon Ba Akong Sapat na Pera para sa mga Emergency?
Ang di-inaasahang mga emergency ay maaaring dumating anumang oras sa pagkukumpuni ng tahanan, mga medikal na emergency, mga kalamidad, kawalan ng trabaho, at iba pang mga paghihirap sa ekonomiya. Ang paghahanda ngayon ay makatutulong sa atin na maiwasan ang takot at problema sa pananalapi kalaunan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:30).
Makabubuting magkaroon ng kahit isang-buwang emergency fund. Mag-isip ng mga paraan na mababawasan ang mga gastusin bawat buwan para magkaroon ng reserbang ito. O tukuyin kung may malaking gastusin kang iniisip na maaaring ipagpaliban o iwasan upang maitabi ang pondong ito. Ang maliliit na sakripisyo ngayon ay makapagdudulot ng kapayapaan at proteksyon kalaunan (tingnan sa Alma 37:6).
5. Paano Ko Mababayaran nang Mas Mabilis ang Aking Utang?
Ang ilang utang sa buhay ay maaaring kailangan o ginawa nang may estratehiya, tulad ng pagbili ng simpleng tahanan o unang kotse, pagtatamo ng edukasyon, pagkakaroon ng credit history, at paglalaan para sa mahahalagang pangangailangan.3 Gayunman, ang hindi kailangang utang ay dapat iwasan dahil inilalagay tayo nito sa pagkaalipin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:35) at maaaring ilagay sa panganib ang ating kakayahang umasa sa sarili sa oras ng paghihirap.
Tulad ng itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961): “Ang patubo o interest ay hindi kailanman natutulog ni nagkasakit ni namamatay; hindi ito nagpupunta sa ospital; mayroon nito sa mga araw ng Linggo at pista-ospital; hindi ito nagbabakasyon. … Kapag nagkautang kayo, susundan kayo ng patubo bawat minuto ng araw at gabi; hindi kayo makakaiwas o makakahulagpos dito; hindi ninyo ito mababalewala; hindi ito maidadaan sa pagmamakaawa, paghingi, o pag-uutos; at tuwing haharang kayo sa daan nito o kakalabanin ninyo ito o hindi ninyo tutugunan ang mga hinihingi nito, dudurugin kayo nito.”4
6. Ako ba ay Underemployed?
Isipin kung lubos na ginagamit ng trabaho mo ang iyong mga kasanayan at talento o kung kwalipikado ka sa isa pang trabaho na may mas magandang pasahod at mga benepisyo para sa iyo at sa iyong pamilya. Patuloy na magkaroon ng mas maraming kasanayan sa pamamagitan ng habambuhay na pagkatuto at mga sertipikasyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:119). Ang paggawa nito ay makatutulong sa iyo na madagdagan ang iyong sahod habang umuunlad ka sa iyong trabaho o propesyon. Kausapin ang mga lokal na lider tungkol sa resources o mga sanggunian na ibinibigay ng Simbahan para matulungan kayo sa paghahanap ng trabaho, tulad ng employment.ChurchofJesusChrist.org.
Alalahanin din ang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Walang shortcut sa kahusayan at kakayahan. Edukasyon ang kaibhan sa pagitan ng pangangarap na matulungan ninyo ang ibang tao at ng pagkakaroon ng kakayahang tulungan sila.”5
Ano ang mga paraan na mapagpapala kayo at ang iba ng paghahanda para sa at pagkakaroon ng akmang trabaho ayon sa inyong mga kasanayan?
7. Ginagamit Ko ba ang Resources na Makukuha Ko?
Lahat tayo ay daranas ng mga pagkakataon sa ating buhay na kailangan nating humingi ng tulong sa iba, impormasyon man ito mula sa mga eksperto o pansamantalang tulong pinansyal. Ang malaman kung kailan at paano humingi ng tulong ay bahagi ng pag-asa sa sariling kakayahan. Sa pamamagitan ng mga programa at materyal ng Simbahan at mga eksperto sa komunidad, binigyan tayo ng Panginoon ng maraming resources (kabilang ang mga nasa ibaba) upang tulungan tayong umasa sa ating sariling kakayahan sa pinansiyal na aspeto ng buhay. Sa pamamagitan ng kasipagan, sakripisyo, pag-aaral, pagtitiwala sa Panginoon, at pagsasanggunian nang sama-sama, makagagawa tayo ng napakalaking pag-unlad sa pagiging self-reliant. At kung kailangan, kapag ginawa natin ang lahat para magamit ang ating magagamit na resources, tandaan na ang mga lider ng ward ay maaari ding magbigay ng pinansyal na tulong; matapos gawin ang “lahat ng pagsisikap, hindi dapat magkaroon ng kahihiyan”6 sa paghingi ng tulong na iyon.