2023
This Church is Built upon Apostles and Prophets, with Christ as the Chief Corner Stone
Oktubre 2023


Mensahe Ng Area

Ang Simbahang Ito ay Nakatayo sa Mga Apostol at Propeta, na Si Cristo ang Batong Panulok

Ang panalangin ng Panginoon na ibinigay sa Sermon sa Bundok na, ‘Dumating nawa ang kaharian Mo’ (Mateo 6:10), ay patungkol sa kaharian ng Diyos sa lupa o ang Kanyang simbahan. Ito ay inorganisa, at ipinagpatuloy ng mga apostol pagkatapos Niyang mamatay. Nang sumapi sa Simbahan ang mga mananampalataya, sa Mga Gawa 2:47 ay nakasaad na “… idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.” Madalas kong marinig sa mga kaibigan na walang simbahan ang makapagliligtas sa tao. Gayunman, mula sa talata sa itaas nauunawaan natin na ang Kanyang simbahan ay makakatulong na iligtas ang tao. Ang kaharian ng Diyos sa lupa (Kanyang simbahan) ay inihahanda ang tao na mamuhay sa Kanyang kaharian sa kalangitan.

Sa pagsasalita tungkol sa turo ng kanyang amang si Mormon, sinabi ni Moroni na, “… Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao…” (Moroni 7:16). Itong Espiritu ni Cristo ang gumagabay at humihikayat sa bawat tao hindi lamang para malaman ang mabuti sa masama, kundi para gabayan din siya na mahanap ang Kanyang simbahan. Ang mas nakatutok na pag-aaral sa inihayag na mga salita, ang mga banal na kasulatan, ay nagtuturo sa atin na ang inilarawan ni Pablo na simbahan ni Cristo ay “itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok” (Efeso 2:20). Ang batong panulok sa isang gusali ay ang pangunahing pundasyon nito na nagdurugtong sa dalawang dingding at ang dahilan ng pagtayo ng istruktura sa tulong ng iba pang pundasyon. Si Cristo ang batong panulok para sa mga ordenansa, doktrina at alituntunin ng Kanyang simbahan, na nagdurugtong sa pundasyon ng mga propeta at apostol.

Ang mga propeta ay kumikilos bilang mga sugo ng Diyos at ipinababatid ang Kanyang kalooban (Amos 3:7). Ang mga banal na kasulatan ay mga saksi na nangungusap noon ang Diyos sa mga propeta. Ito ay pagpapakita ng Kanyang pagmamahal para sa kanila. Gayunman, hindi nakikialam o pinipigilan ng Diyos ang kanilang kalayaang moral. Malaya silang pakinggan o ipagwalang-bahala ang tinig ng isang propeta. Ngayon ay nabubuhay tayo sa isang panahon na walang katulad. Kailangan ng makabagong patnubay mula sa Diyos upang madaig ang makabagong mga problema at isyu. Tunay na kailangan natin ang makabagong mga buhay na propeta sa ating panahon para tulungan tayong malaman ang Kanyang banal na kalooban.

Ang apostol ay isang taong “itinalaga” (Lucas 6:13) at natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong mundo, lalo na tungkol sa Kanyang kabanalan at sa pagkabuhay na muli ng Kanyang katawan mula sa mga patay (Mga Gawa 1:22; D at T 107:23). Pagkatapos umakyat ni Cristo sa kalangitan, nagtipon ang mga apostol para pag-isipan kung sino ang papalit kay Judas Escariote sa korum, at tinawag nila si Matias para pumalit sa kanya (Mga Gawa 1:23-26). Sa katulad na proseso tinawag si Pablo bilang apostol nang magkaroon ng bakante dahil may namatay. Nang nalalaman kung paano ito ginawa, nasisimulan nating maunawaan na ang mga apostol at propeta ang pundasyon ng Kanyang totoong simbahan. Dahil dito, bawat isa sa mga apostol ay isa-isang pinatay. Mabagal pero may katiyakan, nagsimula ang apostasiya gaya ng ipinropesiya nila na mangyayari hanggang sa dumating ang malawakang apostasiya o pagkawala ng katotohanan at ng Kanyang simbahan.

Sinabi ni Pablo sa Efeso 4:11-14, “Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y ebanghelista, at ang iba’y pastor at mga guro; upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: Hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo: Tayo’y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya.” Ang mga Banal ay hindi perpektong mga tao, kundi mga karaniwang miyembro ng Kanyang simbahan. Kung walang mga propeta at buhay na mga apostol, ang imbitasyon ni Cristo na maging sakdal (Mateo 5:48; 3 Nephi 12:48) na katulad Niya ay hindi mangyayari. Kahit tinapos ni Cristo ang Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo para tayong lahat ay makatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan, kung wala ang Kanyang totoong simbahan na may mga propeta at apostol bilang Kanyang awtorisadong mga kinatawan, ang nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo na nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga tipan ay hindi maisasagawa.

Ang Diyos ay naghanda ng paraan para maipanumbalik ang Kanyang simbahan (Mga Gawa 3:21). Ang pundasyon nito ay mga propeta at apostol, at si Cristo ang batong panulok. Ngayon, ang simbahang iyon ay ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Taimtim nitong dala-dala ang Kanyang banal na pangalan, at mayroon itong mga buhay na propeta at mga buhay na apostol. Simula nang maipanumbalik ang simbahan noong 1830 sa pamamagitan ni propetang Joseph Smith, Jr., ang simbahan ay palagi nang ginabagayan ng mga propeta at apostol.

Ngayon ang ating buhay na propeta ay si Pangulong Russell M. Nelson, at inaanyayahan niya tayong lahat na Lumapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya, sa paggawa at pagtupad ng mga Sagradong Tipan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo1 (“As We Go Forward Together,” Ensign, Abr. 2018, 7). Ang mga tipang ginawa natin sa ordenansa ng binyag at ang mga ordenansa sa mga banal na templo ang nagbibigkis sa atin kay Cristo, at sinabi Niyang, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (D at T 82:10). Bilang mga likas na tao, kadalasan ay nasisira natin ang ating mga tipan at dahil dito ay hindi tayo nagiging kwalipikado na tanggapin ang ipinangakong mga pagpapala, na maaaring kabilangan ng mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos. Gayunman, ang Diyos ay naghahanda ng paraan para matanggap natin ang nagpapanibagong ordenansa ng sakramento sa Kanyang banal na araw (D at T 59:9). Dahil dito ay napapatawad ang mga kasalanang pinagsisihan natin, at inihahanda tayo na madalisay ng Kanyang Espiritu upang makatanggap ng kapatawaran sa lahat ng ating mga kasalanan at mapanibago ang lahat ng ating mga tipan sa Kanya at maging kwalipikado sa buhay na walang hanggan. Pinapaalalahanan tayo ng mga buhay na propeta at mga apostol na manatili sa Landas ng Tipan.

INIHAHANDA NG MISYON ANG LANDAS NG PAMILYA

Para sa pamilyang Negrido, ang pagtulong sa 13-taong-gulang na si Yushin na maghanda para sa kanyang misyon ay gawain ng pamilya. Kinausap namin ang binatilyong mula sa Quezon City, at ikinuwento niya kung paano siya tinutulungan ng kanyang pamilya sa iba’t ibang aspekto ng paghahanda para sa misyon.

Pisikal

“Nagbibisikleta ako kahit minsan lang sa isang linggo para kapag nadestino ako sa isang lugar kung saan nagbibisikleta ang mga missionary ay hindi na ako kailangang mag-adjust. In-enroll din ako ng mga magulang ko sa isang basketball academy kung saan magkakaroon ako ng liksi at lakas, at matututo ako ng teamwork at pakikipagtulungan sa mga kasama ko sa team. Kami ay pamilya ng mga diver at mountaineer kaya umaakyat kami ng bundok at marunong lumangoy, isang skill o kasanayan na kailangan para manatiling ligtas, na maaaring magamit dahil ang bansa natin ay binubuo ng maraming isla.”

Pangkaisipan

“Isa sa mga prayoridad sa aming pamilya ay ang makatapos ng aming pag-aaral. Ipinasok kami ng mga magulang namin sa isang paaralan na maaaring hindi man isa sa mga pinaka-prestihiyoso na paaralan, pero mataas pa rin ang pamantayan nito sa akademiko na tumutulong sa amin na magkaroon ng marami pang kaalaman. Salamat sa mga gawi sa pag-aaral na itinanim sa aming isipan ng aming mga magulang, kami ni Ate Macel ko ay kapwa nakatanggap ng academic merit awards.”

Pakikisalamuha

“Hinihikayat din kami ng aming mga magulang na magkaroon ng mga kaibigan sa labas ng simbahan para matuto kaming pakisamahan ang lahat. Isa ito sa mga aspekto na kailangang taglayin ng mga magiging missionary: ang malaman kung paano makisama sa ibang tao. Kasama ako sa mga organisasyon na gaya ng Rescue Recon Youth Organization at ng Boy Scouts of the Philippines. Dahil mapalad na nagkaroon ng pagkakataong makapagbiyahe sa iba’t ibang panig ng bansa at sa labas ng bansa, natutuhan kong pahalagahan ang iba’t ibang paniniwala at mga kultura.”

Pinansiyal

“Noong nakaraang taon natanggap ko ang isang alkansyang kawayan para tulungan akong makapag-ipon para sa aking misyon. Noong nakaraang Disyembre, nagpunta kami sa bangko at nagbukas ng account para mabayaran ko ang gastos sa aking misyon gamit ang sarili kong ipon na pera. Patuloy akong mag-iipon, pero kung hindi sapat ang maiipon kong pera, sigurado ako na ang mga magulang ko ang magbabayad sa kapupunan nito.”

Emosyonal

“Sa napakaraming mga problema sa pag-iisip sa panahong ito, ang magiging missionary ay kailangang may matatag na damdamin. Ang isa sa mga nakaugalian namin bilang pamilya ay ang palaging magkaroon ng bukas na komunikasyon. Ang oras ng hapunan ang pinakamainam na oras para talakayin ang lahat ng bagay. Para itong pagre-report sa bawat isa kung ano ang nangyari sa buong araw namin. Pinag-uusapan namin ang lahat ng bagay pati na ang ukol sa pulitika. Maaaring magkakaiba kami ng mga pinapanigan sa pulitika pero palaging may paggalang sa aming mga talakayan.”

Espirituwal

“Ang pinakamahalaga ay ang maging handa sa espirituwal, at narito ang ilang bagay na ginagawa namin para makatulong na mapalakas ang aking espirituwalidad:

  1. Manalangin nang madalas bilang indibiduwal at bilang pamilya.

  2. Magkaroon ng indibiduwal at pampamilyang pag-aaral ng banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon.

  3. Magdaos nang regular na Family Home Evening.

  4. Gampanang mabuti ang aming mga tungkulin.

  5. Dumalo sa mga miting at aktibidad ng simbahan.

  6. Gawin ang Family History.

  7. Gawin ang gawain sa templo: mga proxy na binyag para sa akin.

  8. Dumalo sa mga klase at aktibidad sa seminary at institute.

  9. Magsulat sa iyong journal.

  10. Maglingkod.”

Nagpapasalamat si Yushin na ang mga magulang niya na sina Pete at Michelle ay parehong mga returned missionary. Lumaki siya na naririnig ang mga kuwento ng napakagandang mga karanasan sa mission ng kanyang mga magulang at nagkaroon siya ng hangaring magmisyon sa murang edad.

Sa pagsasalita sa Pangkalahatang Kumperensya ng Oktubre 2002, sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kailangan natin ngayon ang pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero sa kasaysayan ng Simbahan. Kailangan namin ang mararapat, may kakayahan, espirituwal, masisiglang misyonerong gaya na 2,000 mga kabataang mandirigma ni Helaman na ‘napakagigiting, at gayon din sa lakas at gawain, at matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagagawa sa kanila’ (Alma 53:20).” Ang pagmamahal at suporta ng mga magulang at mga lider ng Simbahan ang titiyak na marami sa ating bagong henerasyon, tulad ni Yushin, ang makagagawa sa mithiing ito.

Notes

  1. “As We Go Forward Together,” Ensign, Abr. 2018, 7.