Mensahe Ng Area
Namatay ang Asawa Ko at Nagkaroon a Rin Ako ng Kapayapaan
Wala pa akong nakita na taong naghihingalo na masaya pa rin. Siyempre, hindi namin alam noong oras na iyon na iyon na pala ang mga huling sandali niya. Pero baka alam niya.
Sabi niya, “Nakangiti ako o, kita mo? Kita mo ang ngiti ko?” At ang laki ng ngiti niya, na litaw pa nga ang ngipin niya. Sa pagitan ng mababaw na mga paghinga, sinabi niyang “Miss you, miss you,” at ngumuso siya, at gustong halikan ko siya. At ginawa ko iyon. Kalaunan, natanto ko na ang sinabi niyang “miss you” ay talaga pa lang “Mami-miss kita” ang ibig sabihin. Iyon ang mga huling salitang binigkas niya. Alam niyang magkakahiwalay na kami sa loob ng ilang dekada, at gusto lang niyang ipaalam sa akin na mami-miss niya ako, pero magkikita pa rin naman kaming muli.
Nang makita ko ang katawan niyang wala nang buhay sa kama ng ospital, nadama kong bumulong ang Espiritu sa akin, “Hanggang sa araw na lang ito talaga ang buhay niya.” Naroon ang sakit, tumulo ang mga luha, pero mahimalang payapa at panatag ako, at nalaman ko na lahat ng bagay sa mundong ito ay nangyayari sa paraan na nilayon o ipinahihintulot ng Diyos.
Pinanghahawakan ko ang lahat ng katotohanang natutuhan ko mula pa noong bata ako. Ang katunayan ng Plano ng Kaligtasan. Ang pagsilang ay hindi ang simula at hindi ang kamatayan ang katapusan. Ang katunayan na namamatay ang katawan pero buhay pa rin ang espiritu. Na palaging may pag-asa dahil ginawang posible ni Jesucristo sa lahat ang pagkabuhay na muli. Ipinagpapasalamat ko ang malinaw na pagkaunawa ko at pagiging kalmado sa oras na iyon sa mga dasal ng daan-daang tao na nagmamahal sa akin at sa munting pamilya ko, at salamat sa inyong lahat.
Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Makatwiran na maniwala na sa simula, bago inihanda ang mundo, ay inorganisa ng Panginoon ang lahat ng bagay mula sa simula hanggang sa katapusan ng panahon”1. Kaya’t ganoon na nga. Alam ng Diyos ang lahat. Bago ang pisikal na paglikha ng mundo, mayroon nang espirituwal na blueprint para sa lahat ng bagay. Matagal na panahon na ang nakalipas, idinisenyo Niya ang ating buhay pamilya na maging ganito. Si Titus ang mamumuno sa amin, magtuturo at maghahanda sa amin sa unang 10 taon, pero sa edad na 34 anyos, ang kanyang panahon ay magwawakas. Isang pamilya pa rin kami dahil gumawa kami ng mga walang-hanggang tipan sa loob ng templo, at may obligasyon pa rin kami na akayin ang aming mga anak pabalik sa Ama sa Langit. Gayunman, ako na ang mag-isang magpapalaki at magbibigay ng kanilang mga pangangailangan magmula ngayon. At dahil ganito ang disenyo ng aming buhay, tiwala ako na inihanda na ng Diyos ang lahat ng tulong na kakailanganin namin.
Ito ang pinakamalaking himala na naranasan ko - ang kakayahang umayon kaagad sa kalooban ng Ama sa Langit. Himala ang tawag ko rito dahil hindi naman ako ganito noon. Sisikapin kong gawin din ang gayon sa lahat ng mga pagsubok ko sa hinaharap. Sa tingin ko ang pinakamalalaking hirap ang makapagtuturo sa atin ng pinakamagagandang aral. At ngayon mayroon akong patotoo na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, dahil nadaig Niya ang kasalanan at kamatayan, tayong lahat ay magkakaroon ng kapayapaan at maging ng kagalakan sa anumang kalagayan.
(Namatay kamakailan ang asawa ng awtor, ang dating Antique Philippines District President na si Titus Literatus, dahil sa atake sa puso. May dalawa silang anak na babae: sina Tara, 7; at Isla, 3.)