Mensahe Ng Area
#Bff: Mga Tampok ng Pagdiriwang ng Family Week sa 2023
Ang National Family Week ay taunang pagdiriwang sa Pilipinas sa utos ng Presidential Proclamation 60 na ipinalabas noong Setyembre 28, 1992 ng dating Pangulong Fidel V. Ramos. Bilang isa sa mga pangunahing nagpanukala nito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nangunguna sa pagtataguyod ng Family Week simula nang mailunsad ito.
Narito ang ilan sa mga tampok ng pagdiriwang sa taong ito:
Sa unang pagkakataon, isang pasinaya kasama ang Area Presidency ang ginanap noong Setyembre 2 sa Urdaneta Stake Center sa Pangasinan. Si Elder Steven R. Bangerter at ang kanyang asawang si Sister Susan Bangerter ay sinamahan ni Elder Yoon Hwan Choi at ng kanyang asawang si Sister Bon Kyung Koo, gayundin ni Elder Carlos G. Revillo Jr. at ng kanyang asawang si Sister Marie Revillo. Ito ang unang pagkakataon na nakilahok ang Area Presidency sa isang face-to-face Family Week event dahil sila ay karaniwang nasa Headquarters ng Simbahan, dumadalo sa mga miting ng General Authority at General Officers Leadership sa huling linggo ng Setyembre.
“Ang mga puso namin ay napuno ng pasasalamat na makasama ang libu-libong mga miyembro ng Simbahan, at ang mga hindi miyembro rin na nakilahok sa mga online broadcast sa unang bahagi ng Setyembre,” sabi ni Elder Bangerter. “Ang tunay na pokus ng ating pagtitipon ay upang madama ang kagalakan na nagmumula sa dakilang Plano ng Kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Sa Kanyang plano ay nagkakaroon ng pag-asa ang mga pamilya na tatagal sa kawalang hanggan ang kanilang pagmamahalan.”
Isang #BFF Songwriting at Photo Contest din ang ginanap para bigyang-diin ang tema ng Simbahan na “Maaari tayong makabuo ng mga walang hanggang pamilya sa pamamagitan ni Cristo.” Ang nanalong awitin ay isinulat ni Heber Nathaniel Martinez, isang Pilipinong young single adult mula sa Abu Dhabi. Pinamagatang “F.A.M. (Forevers are Made)” ang awitin ay inirekord nina Caleb Costales, Daday Baluyot, at Xia Vigor at ginamit para ipaalam sa maraming tao ang Family Week.
Ang nanalong retrato, na may pamagat na “Bonded by Love: Simple Joys of Family Unity behind Mountain Shadows” ay kuha ni Zia Louise Mariano ng Rosario Ward, Agoo Philippines Stake. Inilarawan ng retrato kung paano natin matatagpuan ang liwanag ni Cristo at kung paano tayo makakabuo ng mga pamilya sa walang hanggan anuman ang ating temporal na kalagayan. “… Sa mga kalagayan na puno ng mga hamon at kakaunti ang panalo, ang tunay na debosyon at pagmamahal ay maaaring lumaganap, na tinatanglawan kahit ang pinakamadilim at mapupusyaw na sulok ng ating buhay bilang mga indibiduwal at bilang isang pamilya,” paliwanag ng retratista.
Binati ni Elder Choi ang mga nanalo at binanggit kung paanong ang pokus sa walang hanggang pamilya ay nagbigay inspirasyon at nagpatatag sa bawat isa. “Salamat sa inyong lahat na nakilahok at tumulong sa amin na madama ang Espiritu sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,” dagdag pa niya.
Ang mga stake at district sa iba’t ibang panig ng bansa ay nag-organisa ng iba’t ibang mga aktibidad sa pakikipagtulungan sa mga katuwang na organisasyon sa komunidad. Sa Metro Manila, isang #BFF Covenant Path Family Adventure culminating event ang ginanap sa Mall of Asia concert grounds noong Setyembre 30.
Libu-libong mga miyembro mula sa 30 stake sa Metro Manila at kalapit na mga lugar ang nasiyahan sa mga palaro at masasayang aktibidad na nakabatay sa ebanghelyo. Ibinahagi ni Eric “Eruption” Tai na nag-host ng programa kasama ang asawa niyang si Rona na, “Palagi kaming nagpapasalamat na maging bahagi ng mga proyekto ng Simbahan sa Family Week dahil naipagdiriwang ko ang dalawang bagay na nakahihikayat sa akin at nagbibigay ng kahulugan sa aking buhay: ang aking pananampalataya at ang aking pamilya.”