Ang Tagumpay ng Pag-asa
Ang pag-asa ay isang buhay na kaloob, isang kaloob na lumalago habang nadaragdagan ang ating pananampalataya kay Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid sa buong mundo, sa pagsisimula natin nitong napakaespesyal na panahon ng pangkalahatang kumperensya, tiyak nang nakatutok sa atin ang kalangitan. Maririnig natin ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod; madarama natin ang “patnubay, tagubilin, [at] nakapagpapanatag” na impluwensya ng Espiritu Santo, at mapapalakas ang ating pananampalataya.
Tatlong taon na ang nakararaan, sinimulan ni Pangulong Russell M. Nelson ang pangkalahatang kumperensya sa mga salitang ito: “Sa dalisay na paghahayag para sa mga katanungan ng inyong puso, ang kumperensyang ito ay magiging tunay na nakalulugod at di-malilimutan. Kung hindi pa ninyo hinangad ang patnubay ng Espiritu Santo na tulungan kayong marinig ang nais ng Panginoon na marinig ninyo ngayon at bukas, inaanyayahan ko kayong gawin na ito ngayon. Nawa ang kumperensyang ito ay maging pagpapakabusog sa mga mensahe ng Panginoon na ibibigay sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod.”
Inuugnay ng mga banal na kasulatan ang tatlong makapangyarihang salitang ito: pananampalataya, pag-asa, pag-ibig [sa kapwa]. Ang kaloob na pag-asa ay isang walang kapantay na kaloob mula sa Diyos.
Ipinahahayag natin ang ating pag-asa na mangyari ang mga bagay-bagay gamit ang salitang sana. Halimbawa, “Sana hindi umulan,” o “Sana manalo ang aming koponan.” Ang layunin ko ngayon ay magsalita tungkol sa ating mga banal at walang-hanggang mga pag-asa na nakasentro kay Jesucristo at sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at ang ating “[mga] pag-asam … sa mga ipinangakong pagpapala ng kabutihan.”
Ang Ating Pag-asam sa Buhay na Walang Hanggan
Ang ating pag-asa na matanggap ang buhay na walang hanggan ay matitiyak sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo at ng ating sariling mga pagpili, na nagiging daan para matanggap natin ang kaloob na makabalik sa ating tahanan sa langit at mamuhay nang walang-hanggan sa kapayapaan at kaligayahan kasama ang Ama sa Langit, ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, at ating matatapat na kapamilya at minamahal na kaibigan, at ang matatapat na lalaki at babae mula sa lahat ng lugar at panahon.
Sa mundo ay makakaranas tayo ng kagalakan at kalungkutan habang tayo ay sinusubok. Ang ating tagumpay ay magmumula sa ating pananampalataya kay Jesucristo habang nadadaig natin ang ating mga kasalanan, paghihirap, tukso, kawalang-katarungan, at mga pagsubok nitong mortal na buhay.
Habang pinalalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo, lalawak ang ating pananaw sa ating mga paghihirap at makikita natin ang mga pagpapala at mga pangako ng kawalang-hanggan. Tulad ng bumbilya na nagliliwanag, ang pag-asa ay nagbibigay ng liwanag sa isang madilim na mundo para makita natin ang ating maluwalhating hinaharap.
Ang Pag-asa ay Nagmumula sa Diyos
Magmula pa noong simula, ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nasasabik na ipagkaloob ang dakilang kaloob na pag-asa sa lahat ng matatapat.
Pagkatapos lisanin ang halamanan, itinuro ng anghel kina Adan at Eva ang tungkol sa pangako na si Jesucristo. Ang kaloob na pag-asa ay nagbigay ng liwanag sa kanilang buhay. Ipinahayag ni Adan, “Ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan.” Si Eva ay nagsalita tungkol sa “kagalakan ng [kanilang] pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.”
Tulad ng pagdadala ng Espiritu Santo ng pag-asa kay Adan, ang kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoon ay nagbibigay-liwanag sa matatapat ngayon, na nililiwanagan ang katotohanan ng buhay na walang hanggan.
Nagsugo ang Tagapagligtas ng isang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo, isang gabay sa ating pananampalataya at pag-asa na naghahatid ng kapayapaang “hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan.”
“Sa sanlibutan,” sabi ng Tagapagligtas, “ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob [at magkaroon ng pag-asa], dinaig ko na ang sanlibutan.”
Sa mga panahon ng paghihirap, kailangan nating piliing magtiwala sa Panginoon nang may pananampalataya. Tayo ay tahimik na manalangin, “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.” Madarama natin ang pagsang-ayon ng Panginoon sa ating mapagpakumbabang kahandaang sumunod, at hihintayin natin ang ipinangakong kapayapaan na ipadadala ng Panginoon ayon sa Kanyang piniling panahon.
Itinuro ni Apostol Pablo, “Pupuspusin kayo ng Diyos ng pag-asa … kagalakan at kapayapaan … , upang kayo’y sumagana sa pag-asa,” “magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian;” “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”
Isang Aral tungkol sa Pag-asa
Alam mismo ng Propetang si Moroni ang pagkakaroon ng pag-asa kay Cristo sa panahon ng kapighatian. Ipinaliwanag niya ang kanyang kalunus-lunos na kalagayan:
“Ako ay nag-iisa. … Wala akong … patutunguhan.”
“Ako ay hindi nagpapakita … baka patayin nila ako.”
Nakamamangha na sa madilim at mapanglaw na oras na ito, itinala ni Moroni ang mga salita ng pag-asa ng kanyang ama.
“Kung ang isang tao ay may pananampalataya siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya ay hindi magkakaroon ng kahit na anong pag-asa.”
“Ano ito na inyong aasahan? … Kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan.”
Mga kapatid, ang pag-asa ay isang buhay na kaloob, isang kaloob na lumalago habang nadaragdagan ang ating pananampalataya kay Jesucristo. “Ang pananampalataya ay kapanatagan sa mga bagay na inaasam.” Binubuo natin ang mga kapanatagang ito—ang katibayan ng ating pananampalataya— sa pamamagitan ng panalangin, mga tipan sa templo, pagsunod sa mga kautusan, patuloy na pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta, pagtanggap ng sakramento, at pagsamba linggu-linggo kasama ng ating mga kapwa Banal.
Isang Bahay ng Pag-asa
Para mapatatag ang ating pag-asa sa panahon ng tumitinding kasamaan, iniutos ng Panginoon sa Kanyang propeta na maglagay ng maraming templo sa buong mundo.
Sa pagpasok natin sa bahay ng Panginoon, madarama natin ang Espiritu ng Diyos, na siyang magpapatibay sa ating pag-asa.
Ang templo ay nagpapatotoo sa libingang walang laman at na nagpapatuloy ang buhay para sa lahat sa kabilang panig ng tabing.
Para sa mga wala pang makakasama sa kawalang-hanggan, matibay na kinukumpirma ng mga ordenansa na ang lahat ng matwid na tao ay matatanggap ang bawat ipinangakong pagpapala.
May dakilang pag-asa habang nakaluhod ang magkasintahan sa altar para ibuklod, hindi lang para sa panahon ngayon kundi para sa kawalang-hanggan.
Mapupuspos tayo ng pag-asa sa mga pangakong ginawa para sa ating mga inapo, anuman ang kanilang kasalukuyang kalagayan.
Walang sakit, walang karamdaman, walang kawalang-katarungan, walang pagdurusa, walang anuman ang makakapag-alis ng ating pag-asa kapag tayo ay naniniwala at mahigpit na hinahawakan ang ating mga tipan sa Diyos sa bahay ng Panginoon. Ito ay isang bahay ng liwanag, isang bahay ng pag-asa.
Kapag ang Pag-asa ay Binalewala
Naluluha tayo dahil sa kalungkutan kapag nakikita natin ang mga walang pag-asa kay Cristo.
Kamakailan lamang ay tahimik kong naobserbahan ang isang mag-asawa na minsan ay nagkaroon ng pananampalataya kay Cristo ngunit nagpasiyang balewalain ang kanilang paniniwala. Matagumpay sila sa daigdig na ito, at nalulugod sila sa kanilang katalinuhan at sa pagtakwil nila sa kanilang pananampalataya.
Tila maayos ang lahat hanggang sa nagkasakit at namatay ang lalaki na bata pa at masigla. Tulad ng isang eclipse ng araw, hinarangan nila ang liwanag ng Anak, at ang naging resulta ay isang eclipse ng pag-asa. Ang babae, sa kanyang kawalang-paniniwala, ngayon ay naguguluhan, nasasaktan, at hindi kayang aluin ang kanyang mga anak. Ang kanyang katalinuhan ay nagturo sa kanya na ang kanyang buhay ay perpekto na hanggang sa isang iglap ay hindi na niya makita ang bukas. Ang kanyang kawalang-pag-asa ay nagdala ng kadiliman at kalituhan.
Pag-asa sa Kalunus-lunos na Trahedya
Ngayon ay hayaan ninyo akong ihambing ang kanyang kawalang-pag-asa sa pag-asa ng isang pamilya kay Cristo sa isang kalunus-lunos na sitwasyon.
Dalawampu’t isang tao na ang nakararaan, ang bagong silang na anak na lalaki ng aking pamangkin na si Ben Andersen at kanyang asawang si Robbie ay isinugod mula sa kanilang sakahan sa Idaho patungong Salt Lake City. Dumating ako sa ospital, at ipinaliwanag ni Ben ang malubha at nakamamatay na komplikasyon sa puso ng kanilang sanggol. Ipinatong namin ang aming mga kamay sa maliit na ulo ni Trey. Binasbasan siya ng Panginoon na patuloy na mabuhay.
Si Trey ay sumailalim sa operasyon sa puso sa unang linggo ng kanyang buhay, at marami pang operasyon ang sumunod. Sa paglipas ng mga taon, naging malinaw na mangangailangan si Trey ng bagong puso. Bagama’t limitado ang kanyang mga pisikal na aktibidad, lumago naman ang kanyang pananampalataya. Isinulat niya, “Hindi ko kailanman kinaawaan ang sarili ko dahil alam ko noon pa man ang kahalagahan ng pananampalataya kay Jesucristo at ang patotoo sa plano ng kaligtasan.”
Inilagay ni Trey sa kanyang cellphone ang sinabing ito ni Pangulong Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”
Isinulat ni Trey: “Palagi kong inaasam na makapaglingkod sa full-time mission, ngunit … hindi ako pinapayagan ng aking mga doktor na maglingkod hanggang sa isang taon pagkatapos ng aking heart transplant. … Inilalagay ko ang aking pananampalataya kay Jesucristo.”
Nagalak si Trey nang matanggap siya sa accounting major sa BYU simula ngayong semestre, ngunit mas nagalak siya sa pagtatapos ng Hulyo nang matanggap niya ang pinakahihintay niyang tawag sa telepono para magpunta sa ospital para sa kanyang heart transplant.
“Isang taon,” sabi ni Trey, “at makakapagmisyon na ako.”
Malaki ang mga inaasahan habang papasok siya sa operating room. Gayunman, habang isinasagawa ang operasyon, nagkaroon ng kalunus-lunos na mga komplikasyon, at hindi na muling nagising si Trey.
Sabi ng kanyang inang si Robbie: “Biyernes ang pinakanakakadurog ng puso … habang inuunawa ko ang nangyayari. … Hindi ako makatulog habang sinusubukang unawain ang lahat. … Ngunit noong Sabado, nagising ako nang may lubos na kagalakan. Hindi lamang iyon kapayapaan; hindi iyon pagtatanggi. Nakadama ako ng kagalakan para sa aking anak, at nakadama ako ng kagalakan bilang kanyang ina. … Naunang nagising si Ben kaysa sa akin, at nang makapag-usap na kami, si Ben ay nagising din na may katulad na pakiramdam.”
Ipinaliwanag ni Ben: “Nagkaroon ng kalinawan sa aking kaluluwa nang tinuruan ako ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu Santo. Nagising ako ng alas-4 ng umaga na puspos ng hindi maipaliwanag na kapayapaan at kagalakan. Paano ito nangyari? … Ang pagpanaw ni Trey ay napakasakit, at nangungulila ako sa kanya. Ngunit hindi tayo iiwan ng Panginoon na nag-iisa . … Inaasam ko ang masaya naming pagkikitang muli.”
Ang Pangako ng Pag-asa
Isinulat ni Trey sa kanyang journal ang mga salitang ito mula sa mensahe ni Pangunong Nelson sa pangkalahatang kumperensya: “Tila imposibleng magalak kapag may malubhang karamdaman ang anak mo o nawalan ka ng trabaho o nagtaksil ang asawa mo. Ngunit iyon mismo ang kagalakang iniaalok ng Tagapagligtas. Ang Kanyang kagalakan ay hindi nagbabago, na tinitiyak sa atin na ang ating ‘mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang’ [D at T 121:7] at ilalaan sa ating kapakinabangan.”
Mga kapatid, ang kapayapaang hinahanap ninyo ay maaaring hindi kaagad dumating tulad ng nais ninyo, ngunit pangako ko na kapag nagtiwala kayo sa Panginoon, darating ang Kanyang kapayapaan.
Nawa’y patatagin natin ang ating pananampalataya, magpatuloy na sumulong nang may ganap na kaliwanagan ng pag-asa. Pinatototohanan ko na ang ating pag-asa ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa pamamagitan Niya, lahat ng ating matwid na pangarap ay matutupad. Siya ang Diyos ng pag-asa—ang tagumpay ng pag-asa. Siya ay buhay at mahal Niya kayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.