Liahona
Mga Anak na Lalaki at Anak na Babae ng Diyos
Nobyembre 2024


9:58

Mga Anak na Lalaki at Anak na Babae ng Diyos

Talagang naniniwala tayo na lahat tayo ay literal na mga anak ng Diyos, at dahil doon, may potensiyal tayong maging katulad Niya.

Ngayong araw, nais kong talakayin ang isa sa pinakamaluwalhati, pinakamasaya, at lubhang makapangyarihang mga katotohanan ng ebanghelyo na inihayag ng Diyos. Kasabay din nito, tayo ay madalas na kinukutya dahil sa mga ito. Isang karanasan ko ilang taon na ang nakararaan ang lubos na nagpalalim ng aking pagpapahalaga para sa katotohanang ito ng ebanghelyo.

Bilang kinatawan ng Simbahan, naimbitahan ako minsan sa isang kumperensyang panrelihiyon kung saan inihayag na mula sa sandaling iyon ay kikilalanin nila na may bisa ang lahat ng binyag na isinagawa ng halos lahat ng iba pang mga simbahang Kristiyano, hangga’t ang ordenansa ay isinagawa sa tubig at sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Pagkatapos, ipinaliwanag din na ang patakarang ito ay hindi angkop sa mga binyag na isinagawa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Pagkatapos ng kumperensya mas naunawaan ko ang mga dahilan sa eksepsiyon na iyon mula sa lider na nag-anunsyo. Maganda at makabuluhan ang naging pag-uusap namin.

Sa madaling salita, ipinaliwanag niya sa akin na ang eksepsiyon ay may kinalaman lalo na sa ating partikular na mga paniniwala tungkol sa Panguluhang Diyos, na madalas na tinutukoy ng ibang mga relihiyong Kristiyano bilang Trinity. Pinasalamatan ko siya sa pag-uukol ng oras na ipaliwanag sa akin ang kanyang mga paniniwala at ang patakaran ng kanyang simbahan. Pagkatapos naming mag-usap, nagyakap kami at nagpaalam sa isa’t isa.

Habang pinagninilayan ko kalaunan ang aming pag-uusap, ang sinabi ng lider na ito tungkol sa hindi nauunawaan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa tinatawag niyang “hiwaga ng Trinity” ay nanatili sa aking isipan. Ano ang tinutukoy niya? Tumutukoy iyon sa pag-unawa natin tungkol sa likas na katangian ng Diyos. Naniniwala tayo na ang Diyos Ama ay “isang taong dinakila” na may maluwalhating “katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; [at] ang Anak din.” Kaya, sa tuwing pinag-uusapan natin ang tungkol sa likas na katangian ng Diyos, napag-uusapan din natin sa ilang paraan ang ating sariling likas na katangian.

At totoo ito hindi lamang dahil lahat tayo ay nilikha “sa [Kanyang] larawan, ayon sa [Kanyang] wangis,” kundi dahil, tulad ng isinulat ng Mang-aawit, sinabi ng Diyos, “Kayo’y mga diyos, kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.” Para sa atin, ito ay isang napakahalagang doktrina na naipabatid sa pagdating ng Pagpapanumbalik. Ito ang itinuturo ng ating mga missionary bilang unang lesson, unang talata, unang linya: “Ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit …[;] tayo ay mga anak Niya.”

Ngayon, maaari ninyong sabihin na maraming tao ang naniniwala na tayo ay mga anak ng Diyos. Oo, totoo iyan, pero ang kanilang pagkaunawa ay maaaring medyo naiiba sa ipinahihiwatig na mas malalim na kahulugan nito na pinagtitibay natin. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang turong ito ay hindi metaporikal. Sa halip, talagang naniniwala tayo na tayong lahat ay literal na mga anak ng Diyos. Siya ay “Ama ng [ating] espiritu,”6 at dahil diyan, may potensyal tayong maging katulad Niya, na tila hindi nauunawaan ng ilang tao.

Mahigit 200 taon na ngayon mula noong Unang Pangitain na nagbigay-daan sa Pagpapanumbalik. Sa panahong iyon, humingi ng patnubay sa langit ang batang si Joseph Smith upang malaman kung aling simbahan ang sasapian. Sa pamamagitan ng paghahayag na natanggap niya sa araw na iyon, at sa mga paghahayag na ibinigay sa kanya kalaunan, nagtamo ng kaalaman si Propetang Joseph tungkol sa likas na katangian ng Diyos at sa ating kaugnayan sa Kanya bilang Kanyang mga anak.

Dahil diyan, mas malinaw nating natutuhan na itinuro ng ating Ama sa Langit ang mahalagang doktrinang ito mula pa sa simula. Hayaan ninyong magbahagi ako ng dalawang karanasan mula sa mga banal na kasulatan para mailarawan ito.

Maaaring naaalala ninyo ang mga tagubilin ng Diyos kay Moises na nakatala sa Mahalagang Perlas.

Mababasa natin na “ang Diyos ay nangusap kay Moises, sinasabing: Masdan, ako ang Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, at Walang Hanggan ang aking pangalan.” Sa madaling salita, Moises, nais kong malaman mo kung sino ako. Pagkatapos ay idinagdag Niya, “At, masdan, ikaw ay aking anak.” Kalaunan ay sinabi pa Niya, “At ako ay may gawain para sa iyo, Moises, aking anak; at ikaw ay kawangis ng aking Bugtong na Anak.” At sa huli, nagtapos Siya sa pagsasabing, “At ngayon, masdan, ito ang isang bagay na ipakikita ko sa iyo, Moises, aking anak.”

Malinaw na determinado ang Diyos na ituro kay Moises ang isang aral: “Ikaw ay aking anak,” na inulit Niya nang mga tatlong beses. Hindi nga Niya maiwasang banggitin ang pangalan ni Moises nang hindi agad na idinaragdag dito na siya ay Kanyang anak.

Gayunman, nang maiwang mag-isa si Moises, nanghina siya dahil wala na siya sa presensiya ng Diyos. Iyon ang sandali na dumating si Satanas para tuksuhin siya. May nakikita ba kayong pattern dito? Ang unang sinabi niya ay, “Moises, anak ng tao, sambahin mo ako.”

Sa kontekstong ito, ang sinabi ni Satanas na sambahin siya ay maaaring panlito lamang. Ang matinding tukso kay Moises sa sandaling iyon ng panghihina ay ang malito siya at maniwala na siya ay “anak ng tao,” sa halip na anak ng Diyos.

“At ito ay nangyari na, na tumingin si Moises kay Satanas at nagsabi: Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos, na kawangis ng kanyang Bugtong na Anak.” Mabuti na lang, hindi nalito si Moises at hindi niya hinayaang malihis ang kanyang sarili. Natutuhan niya ang aral kung sino talaga siya.

Ang sumunod na tala ay matatagpuan sa Mateo 4. Pinamagatang ito ng mga iskolar na “tatlong tukso kay Jesus,” na para bang tatlong beses lamang natukso ang Panginoon, na siyempre ay hindi ang kaso.

Napakarami nang isinulat para ipaliwanag ang kahulugan at nilalaman ng mga tuksong ito. Tulad ng alam natin, nagsimula ang kabanata sa pagpapaliwanag na si Jesus ay nagtungo sa ilang, “[at] Siya ay apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno, pagkatapos ay nagutom siya.”

Ang unang tukso ni Satanas ay tila may kinalaman lamang sa pagtugon sa pisikal na mga pangangailangan ng Panginoon. “Ipag-utos mo na ang mga batong ito ay maging tinapay,” paghamon nito sa Kanya.

Ang pangalawang pang-uudyok ay maaaring may kinalaman sa pagtukso sa Diyos: “Magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, Siya’y mag-uutos sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo.”

Sa huli, ang pangatlong tukso ni Satanas ay tumutukoy sa mga hangarin at karangyaan ng mundo. Pagkatapos ipakita kay Jesus ang “lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, … sinabi [ni Satanas] sa kanya, Ang lahat ng mga ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.”

Ang totoo, ang pinakamatinding tukso ni Satanas ay maaaring walang gaanong kinalaman sa tatlong partikular na tuksong iyon ngunit higit na may kinalaman sa pagtukso kay Jesucristo na pag-alinlanganan ang Kanyang banal na katangian. Dalawang beses na sinimulan ang panunukso sa paghamon ni Satanas: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos”—kung talagang naniniwala ka rito, gawin mo ito o iyon.

Mangyaring pansinin ang nangyari bago nagtungo sa ilang si Jesus upang mag-ayuno at manalangin: nakita natin ang tala tungkol sa binyag ni Cristo. At nang umahon Siya mula sa tubig, “sinabi ng isang tinig mula sa langit, Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.”

Nakikita ba natin ang koneksyon? Nakakakita ba tayo ng pattern dito?

Hindi na nakapagtataka na sa tuwing itinuturo sa atin ang tungkol sa ating banal na katangian at tadhana, tinutukso tayo ng kaaway ng lahat ng kabutihan na pag-alinlanganan ang mga ito.

Napakalaki ng magiging kaibhan ng ating mga desisyon kung talagang alam natin kung sino talaga tayo.

Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng hamon, isang mundo na lalo pang gumugulo, kung saan sinisikap ng mararangal na tao na bigyang-diin kahit man lang ang ating dignidad bilang tao, habang tayo ay kabilang sa simbahan at tinatanggap ang ebanghelyo na tumutulong sa atin na magkaroon ng mas dakilang pananaw at nag-aanyaya sa atin sa kabanalan.

Ang utos ni Jesus na maging “sakdal, gaya ng [ating] Ama sa langit na sakdal” ay malinaw na tumutukoy sa Kanyang matataas na inaasahan at sa ating mga walang hanggang posibilidad. Hindi mangyayari ang mga ito sa isang iglap lang. Sa mga salita ni Pangulong Jeffrey R. Holland, mangyayari ito “sa wakas.” Ngunit ang pangako ay kung tayo ay “luma[la]pit kay Cristo,” tayo ay magiging “ganap sa kanya.” Nangangailangan iyan ng maraming pagsusumigasig—hindi lamang iyan basta gawain, kundi isang banal na gawain. Ang Kanyang gawain!

Ngayon, ang mabuting balita ay mismong ang ating Ama sa Langit ang nagsabing, “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”

Ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na “mag-isip nang selestiyal” ay nagpapahiwatig ng napakagandang paalala tungkol sa ating banal na katangian, pinagmulan, at maaaring patunguhan. Matatamo lamang natin ang selestiyal sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.

Marahil iyan ang dahilan kaya ang panunukso na ginamit ni Satanas kay Jesus ay pareho mula sa simula hanggang sa katapusan ng Kanyang ministeryo sa lupa. Isinulat ni Mateo na habang nakabayubay sa krus si Jesus, “Siya’y inalipusta ng mga nagdaraan, … na nagsasabi[ng], … Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus.” Luwalhati sa Diyos na hindi Siya nakinig kundi sa halip ay naglaan ng paraan para matanggap natin ang lahat ng selestiyal na pagpapala.

Alalahanin natin sa tuwina na napakalaki ng ibinayad para sa ating kaligayahan.

Pinatototohanan ko tulad ni Apostol Pablo na “ang Espiritu mismo ay nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos. At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo’y luwalhatiin namang kasama niya.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.