Liahona
Buong Puso Ninyo Siyang Hanapin
Nobyembre 2024


12:4

Buong Puso Ninyo Siyang Hanapin

Kung si Jesucristo ay naghanap ng tahimik na sandali para makipagniig sa Diyos at mapalakas Niya, makabubuti para sa atin na gawin din iyon.

Ilang taon na ang nakalipas, naglingkod kaming mag-asawa bilang mga mission leader sa Tokyo, Japan. Sa isang pagbisita sa aming mission ng noon ay si Elder Russell M. Nelson, tinanong siya ng isa sa mga missionary kung ano ang pinakamagandang sagot kapag sinabi sa kanila ng isang tao na masyado silang abala para makinig sa kanila. May kaunting pag-aatubili, sinabi ni Elder Nelson, “Tatanungin ko siya kung masyado ba siyang abala para kumain ng tanghalian sa araw na iyon at pagkatapos ay ituturo ko sa kanya na mayroon siya kapwa ng katawan at espiritu, at katulad ng ang kanyang katawan ay mamamatay kung hindi mapapangalagaan, gayon din ang kanyang espiritu kung hindi ito mapapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.”

Nakakatuwang pansinin na ang salitang Hapon para sa “abala,” ang isogashii, ay binubuo ng isang character na may dalawang simbolo (). Ang ibig sabihin ng nasa kaliwa ay “puso” o “espiritu,”at ang nasa kanan naman ay “kamatayan”—na marahil ay nagmumungkahi, tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, na ang pagiging masyadong abala para pangalagaan ang ating espiritu ay maaari tayong ihantong sa espirituwal na kamatayan.

Alam ng Panginoon na sa napakaabalang mundong ito na puno ng gambala at kaguluhan—na dahilan para maging isa sa pinakamalalaking hamon ng ating panahon ang paglalaan ng oras para sa Kanya. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, Ibinigay Niya ang payo at babalang ito, na maaaring ihalintulad sa magulong panahon ng ating buhay:

“Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay maliligtas kayo; sa katahimikan at [sa] pagtitiwala ay magiging inyong lakas. Ngunit ayaw ninyo.

“Kundi inyong sinabi, ‘Hindi; kami ay tatakas na sakay sa mga kabayo.’ Kaya kayo’y tatakas, at, ‘Kami ay sasakay sa mabibilis na kabayo.’ kaya’t ang mga humahabol sa inyo ay magiging mabilis.”

Sa madaling salita, kahit nakasalalay ang ating kaligtasan sa madalas na pagbalik sa Kanya at pagpapahinga mula sa mga alalahanin ng mundo, hindi natin ito ginagawa. At kahit na ang ating pagtitiwala ay magmumula sa lakas na natamo sa mga sandali ng katahimikan na nakaupong kasama ng Panginoon sa pagninilay at pagmumuni-muni, hindi natin ito ginagawa. Bakit hindi? Dahil sinasabi nating, “Hindi, abala kami sa iba pang mga bagay”—na tumatakas sakay ng ating mga kabayo, ika nga. Samakatwid, mas lalo pa tayong mapapalayo sa Diyos; igigiit natin na mas lalo pa tayong magpabilis; at kapag mas bumilis ang ating paglayo, mas mabilis ding hahabol si Satanas.

Marahil ito ang dahilan kaya paulit-ulit na nagsumamo sa atin si Pangulong Nelson na maglaan ng panahon para sa Panginoon sa ating buhay—“sa bawat araw.” Ipinaaalala niya sa atin na “ang tahimik na oras ay sagradong oras—oras na magpaparating ng personal na paghahayag at magpapadama ng kapayapaan.” Ngunit upang marinig ang tahimik na tinig ng Panginoon, nagpayo siya na “kayo ay dapat na tahimik din.”

Gayunman, ang pagtahimik ay nangangailangan ng higit pa sa paglalaan ng oras para sa Panginoon—nangangailangan ito ng paglimot sa ating mga pagdududa at pangamba at pagtutuon ng ating puso’t isipan sa Kanya. Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang paalala ng Panginoon na ‘mapanatag’ ay nangangailangan ng higit pa sa hindi lamang pagsasalita o paggalaw.” Ang mapanatag, mungkahi niya, “ay maaaring isang paraan ng pagpapaalala sa atin na huwag mabigong magtuon sa Tagapagligtas”

Ang pagiging panatag ay isang pagpapakita ng pananampalataya at nangangailangan ng pagsisikap. Ipinahayag sa Lectures on Faith na, “Kapag ang isang tao ay nagtatrabaho nang may pananampalataya pinag-iisipan niyang maigi iyon.” Ipinahayag ni Pangulong Nelson: “Kailangan tayong magtuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip. Nguni’t kapag ginawa natin ito, mawawala ang ating mga pagdududa at takot.” Sa pagtukoy sa pangangailangang ito na ituon ang ating isipan, sabi ni Pangulong David O. McKay: “Sa palagay ko hindi natin masyadong pinapansin ang kahalagahan ng pagninilay, isang alituntunin ng pagsamba. … Ang pagninilay ay isa sa … pinakasagradong mga pintuang dinaraanan natin patungo sa kinaroroonan ng Panginoon.”

May isang kataga sa wikang Hapon, ang mui, na para sa akin ay kuhang-kuha ang mas puspos ng pananampalataya at pagninilay na diwa ng kahulugan ng pumanatag. Binubuo ito ng dalawang character (無為). Ang ibig sabihin ng nasa kaliwa ay “wala” o “kawalan,” at ang nasa kanan naman ay “gawin.” Kapag pinagsama, ang ibig sabihin nito ay “walang gawin.” Sa literal na kahulugan, maaaring bigyan ang salita ng maling kahulugang “walang gawin” at maaari ding bigyan ng maling kahulugan ang “pumanatag” na “huwag magsalita o kumilos.” Gayunman, tulad ng katagang “pumanatag,” may mas malalim na kahulugan ito; para sa akin ito ay isang paalala na magdahan-dahan at mamuhay nang may higit na espirituwal na kamalayan.

Habang naglilingkod kami ni Elder Takashi Wada sa Asia North Area Presidency, nalaman ko na ang kanyang asawang si Sister Naomi Wada ay isang mahusay na Japanese calligrapher. Tinanong ko si Sister Wada kung maaari niyang iguhit para sa akin ang mga Japanese character para sa salitang mui. Gusto kong isabit ang calligraphy sa dingding ko bilang paalala na mapanatag at magtuon sa Tagapagligtas. Nagulat ako nang hindi siya kaagad pumayag sa tila simpleng kahilingang ito.

Kinabukasan, batid na malamang na hindi ko naunawaan ang kanyang pag-aatubili, ipinaliwanag ni Elder Wada na kakailanganin ng malaking pagsisikap ang pagsulat ng mga character na iyon. Kakailanganin ni Sister Wada na pagbulayan at pagnilayan ang konsepto at ang mga character hanggang sa maunawaan niya sa kanyang kaluluwa ang kahulugan at maipahayag ang taos-pusong mga impresyon na ito sa bawat pahid ng kanyang pinsel. Napahiya ako dahil basta ko lang hiniling sa kanya na gawin ang isang bagay na napakahirap. Hiniling ko kay Elder Wada na iparating sa kanyang asawa ang paghingi ko ng paumanhin para sa aking kamangmangan at ipaalam dito na binabawi ko na ang aking hiling.

Mga Japanese character sa opisina ni Bishop Budge.

Maiisip ninyo ang malaking gulat ko at pasasalamat na bago kami umalis ng Japan, iniabot sa akin ni Sister Wada ang magandang calligraphy na ito ng mga Japanese character para sa salitang mui. Nakasabit ito ngayon sa dingding ng opisina ko, na nagpapaalala sa akin na pumanatag at hanapin ang Panginoon araw-araw nang aking buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Kuhang-kuha niya, sa di-makasariling gawang ito, ang kahulugan ng mui, o kapanatagan, nang higit pa sa anumang salita. Sa halip na iguhit ang mga character nang hindi nag-iisip at masunod lang ang hiling, ginawa niya ang calligraphy nang may buong layunin ng puso at tunay na layunin.

Gayundin, nais ng Diyos na ibigay natin ang ating oras sa Kanya nang may gayon ding taos-pusong pagsamba. Kapag ginagawa natin ito, ang ating pagsamba ay nagiging pagpapahayag ng ating pagmamahal sa Kanya.

Nasasabik Siyang makipagniig tayo sa Kanya. Minsan, matapos akong magbigay ng pambungad na panalangin sa isang miting na kasama ang Unang Panguluhan, bumaling sa akin si Pangulong Nelson at nagsabi, “Habang nagdarasal ka, naisip ko kung gaano nalulugod ang Diyos kapag naglalaan tayo ng oras sa ating mga abalang iskedyul para pasalamatan Siya.” Iyon ay isang simple ngunit makapangyarihang paalala kung gaano kahalaga sa Ama sa Langit na tumigil tayo sandali para makipagniig sa Kanya.

Kahit gusto Niyang bigyan natin Siya ng pansin, hindi Niya tayo pipiliting lumapit sa Kanya. Sa mga Nephita, sinabi ng nabuhay na mag-uling Panginoon, “Kaydalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw, at tumanggi kayo.” Sinundan Niya ito ng isang paanyayang puno ng pag-asa na angkop pa rin sa atin ngayon: “Gaano kadalas ko kayong titipunin tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, kung kayo ay magsisisi at magbabalik sa akin nang may buong layunin ng puso.”

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng mga oportunidad na bumalik sa Kanya nang madalas. Kabilang sa mga oportunidad na ito ang araw-araw na panalangin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, ang ordenansa ng sakramento, ang araw ng Sabbath, at pagsamba sa templo. Ano kaya kung alisin natin ang mga sagradong oportunidad na ito sa ating listahan ng mga gagawin at ilipat ang mga ito sa ating listahan ng “mga walang gagawin”—ibig sabihin ay gawin natin ang mga ito nang may katulad na pag-iisip at pagtutuon na ginawa ni Sister Wada sa kanyang calligraphy?

Naiisip ninyo siguro, “Wala akong panahon para diyan.” Madalas ko ring madama iyan. Pero hayaan ninyong imungkahi ko na ang kailangan marahil ay hindi naman dagdag na oras kundi dagdag na kamalayan at pagtutuon sa Diyos sa mga oras na itinalaga na natin para sa Kanya.

Halimbawa, kapag nagdarasal, ano kaya kung bawasan natin ang oras sa pagsasalita at dagdagan ang oras na makasama ang Diyos; at kapag tayo ang nagsasalita, magbigay tayo ng mas taos-puso at partikular na pagpapahayag ng pasasalamat at pagmamahal?

Ipinayo ni Pangulong Nelson na huwag lamang nating basahin ang mga banal na kasulatan kundi lasapin ang mga ito. Anong kaibhan ang magagawa kapag binawasan natin ang pagtutuon sa pagbabasa at dinagdagan natin ang pagtutuon sa paglasap sa mga ito?

Ano kaya kung mas sikapin nating ihanda ang ating isipan sa pagtanggap ng sakramento at masayang pagnilayan ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa oras ng sagradong ordenansang ito?

Sa araw ng Sabbath, na ang kahulugan sa Hebreo ay “pahinga,” ano kaya kung magpahinga tayo mula sa iba pang mga alalahanin at maglaan ng oras na tahimik na maupo kasama ang Panginoon at sumamba sa Kanya?

Sa ating pagsamba sa templo, ano kaya kung higit nating pagsikapang magtuon ng pansin o manatili nang mas matagal sa silid selestiyal sa tahimik na pagmumuni-muni?

Kapag hindi tayo gaanong magtutuon sa paggawa at mas magtutuon tayo sa pagpapalakas ng ating ugnayan sa tipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, pinatototohanan ko na bawat isa sa mga sagradong sandaling ito ay pagyayamanin, at tatanggapin natin ang patnubay na kailangan sa ating personal na buhay. Tayo, tulad ni Marta sa tala ni Lucas, ay madalas na “nag-iingat at nababahala sa maraming bagay.” Gayunman, kapag nakipagniig tayo sa Panginoon bawat araw, tutulungan Niya tayong malaman kung ano ang pinakakailangan.

Kahit ang Tagapagligtas ay naglaan ng sandali mula sa Kanyang ministeryo para pumanatag. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng pagpunta ng Panginoon sa isang tagong lugar—sa isang bundok, sa ilang, sa isang disyerto, o “lumayo nang kaunti”—para manalangin sa Ama. Kung si Jesucristo ay naghanap ng tahimik na sandali para makipagniig sa Diyos at mapalakas Niya, makabubuti para sa atin na gawin din iyon.

Kapag itinuon natin ang ating puso’t isipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at nakinig tayo sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo, magiging mas malinaw sa atin kung ano ang pinakakailangan, magkakaroon tayo ng higit na habag, at makasusumpong tayo ng kapahingahan at lakas sa Kanya. Ang kakatwa, sa pagtulong sa Diyos na pabilisin ang Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, maaari nating kailanganing magdahan-dahan. Ang pagiging laging abala ay maaaring makaragdag sa kaguluhan sa ating buhay at agawin sa atin ang kapayapaang hangad natin.

Pinatototohanan ko na kapag bumalik tayo nang madalas sa Panginoon nang may tunay na layunin ng puso, may katahimikan at tiwala natin Siyang makikilala at madarama natin ang Kanyang walang-hanggang pagmamahal sa tipan para sa atin.

Nangako ang Panginoon:

“Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan.”

“[At] hahanapin ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso.”

Pinatototohanan ko na ang pangakong ito ay totoo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Eter 2:14–15.

  2. Isaias 30:15–16; idinagdag ang diin.

  3. Ang 2 Nephi 10:24 ay inaanyayahan tayo na i-re-con-cile ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos. Ang ibig sabihin ng “re” ay muli, ang “con” ay kasama, at ang “cile” ay upuan o trono. Ang iayon ang ating kalooban sa Diyos ay maaaring literal na mangahulugan ng muling maupo na kasama ng Diyos.

  4. Russell M. Nelson, “Maglaan ng Oras para sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2021, 120.

  5. Russell M. Nelson, “Ang Ating mga Natututuhan at Hindi Malilimutan Kailanman,” Liahona, Mayo 2021, 80.

  6. Russell M. Nelson, “Ang Ating mga Natututuhan at Hindi Malilimutan Kailanman,” 80.

  7. David A. Bednar, “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,” Liahona, Mayo 2024, 28.

  8. Tingnan sa Mga Hebreo 11:6.

  9. Lectures on Faith (1985), 72.

  10. Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 41.

  11. David O. McKay, “Consciousness of God: Supreme Goal of Life,” Improvement Era, Hunyo 1967, 80–82.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:2.

  13. Tingnan sa Mosias 7:33; Eter 2:14.

  14. “Ang isang malusog at tumitibok na puso ay mahalaga sa kalusugan at kapakanan ng bawat isa sa atin. Gayunman, ang natutuhan ko bilang isang lingkod at saksi ni Jesucristo ay na ang isang malusog na pisikal na puso ay kalahati lamang ng hamon sa atin. Taimtim kong tinatanggap ang utos na mahalin ang Diyos nang ating buong puso, dahil ang pagmamahal sa Kanya ang siyang nagpapanatili sa ating sigla” (Russell M. Nelson, The Heart of the Matter: What 100 Years of Living Have Taught Me [2023], 8; idinagdag ang diin).

  15. Tingnan sa Mga Awit 14:2; Apocalipsis 3:20.

  16. 3 Nephi 10:5; idinagdag ang diin.

  17. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ang pagbabago ng ating ugali at pagbalik sa ‘tamang landas’ ay bahagi ng pagsisisi, ngunit hindi ang kabuuan nito. Ang totoong pagsisisi ay kinapapalooban din ng pagbaling ng ating mga puso at kalooban sa Diyos at pagwaksi sa kasalanan” (“Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2016, 121; idinagdag ang diin).

  18. 3 Nephi 10:6; idinagdag ang diin.

  19. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, “Ang higit na paglalaan ay hindi paghiling ng dagdag na oras para sa gawain ng Simbahan kundi dagdag na kamalayan kung kaninong gawain talaga ito!” (“Settle This in Your Hearts,” Ensign, Nob. 1992, 67).

  20. Nang magkomento kung paano nagbago ang kanyang mga panalangin sa paglipas ng panahon, ang sabi ni Desmond Tutu: “Palagay ko sinisikap [ko] na lumago, sa pananatili lang doon. Tulad ng pag-upo ninyo sa harap ng apoy sa taglamig—naroon lang kayo sa harap ng apoy. Hindi ninyo kailangang maging matalino o anuman. Ang apoy ang nagpapainit sa inyo” (“Desmond Tutu, Insisting We Are ‘Made for Goodness’” [Panayam sa NPR ni Renee Montagne, Mar. 11, 2010], npr.org).

  21. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 117-19.

  22. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Namumuhay sa Patnubay ng mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Ene. 2001, 19–22; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127–28.

  23. Tingnan sa 3 Nephi 17:3. Ipinahayag ni Pangulong David O. McKay:

    “Naniniwala ako na ang maikling sandali ng pangangasiwa sa sakramento ay isa sa ating pinakamagagandang pagkakataon para sa gayong pagninilay, at wala dapat makaagaw ng ating pansin sa sagradong sandaling iyon mula sa layunin ng ordenansang iyon. …

    “Lubos ko kayong hinihimok na dagdagan pa ang inyong pagpipitagan sa sagradong ordenansang ito, nang may perpektong kaayusan; nang ang bawat isang pumunta sa bahay ng Diyos ay makapagnilay at tahimik na maipahayag sa panalangin ang kabutihan ng Diyos. … Hayaang maging isang karanasan ang oras ng sakramento sa araw na iyon kung kailan sinisikap ng sumasamba na matanto man lang sa kanyang sarili na posible siyang makipagniig sa kanyang Diyos” (“Consciousness of God: Supreme Goal of Life,” Improvement Era, Hunyo 1967, 80–81).

  24. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:10.

  25. “Kapag dala ninyo ang inyong temple recommend, nagsisising puso, at hangaring matuto sa bahay ng Panginoon, tuturuan Niya kayo” (Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 95).

  26. “Aakayin at gagabayan Niya kayo sa inyong personal na buhay kung kayo ay maglalaan ng panahon para sa Kanya sa inyong buhay—sa bawat araw” (Russell M. Nelson, “Maglaan ng Oras para sa Panginoon,” 121).

  27. Tingnan sa Lucas 10:40–42.

  28. 3 Nephi 19:19; tingnan din sa Joseph Smith Translation, Matthew 4:1 (sa Matthew 4:1, footnote a); Mateo 5:1; 14:13, 23; Marcos 1:35; 6:46; Lucas 5:16; 6:12.

  29. Tingnan sa 3 Nephi 21:29.

  30. Doktrina at mga Tipan 88:63.

  31. Jeremias 29:13; tingnan din sa Mga Panaghoy 3:25.