Paghahanap ng mga Kasagutan sa mga Espirituwal na Katanungan
Ang ating taos-pusong mga katanungan tungkol sa ebanghelyo ay maaaring magbigay ng mga oportunidad sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo na tulungan tayong lumago.
Alam ko na maaari kayong magulat dito, pero sapat na ang katandaan ko para maalala noong tinuruan kami sa paaralan na may siyam na planeta sa ating solar system. Ang isa sa mga planetang iyon, ang Pluto, ay binigyan ng pangalan ng 11-taong-gulang na si Venetia Burney ng Oxford, England, matapos itong matuklasan noong 1930. At hanggang 1992, pinaniwalaan na ang Pluto ang pinakamalayong bagay sa ating solar system. Sa panahong ito, karaniwan nang makakita ng mga childhood papier mâché model ng mga planeta sa mga silid-aralan at science fair, na bawat isa ay nagpapakita ng posisyon ng Pluto sa isang tiyak na hangganan. Maraming siyentipikong naniwala na paglagpas sa hangganang iyon, wala nang laman ang kalawakan sa labas na bahagi ng solar system.
Gayunman, patuloy na nanatiling tanong sa komunidad ng mga siyentipiko ang pinanggalingan ng isang partikular na uri ng kometa na regular na binabantayan ng mga astronomer. At nanatili ang katanungang iyan sa loob ng maraming dekada bago natuklasan ang isa pang malayong rehiyon ng ating solar system. Sa kanilang limitadong kaalaman, ginamit ng mga siyentipiko ang mga pagitang dekadang iyon para magkaroon ng makabuluhang pagsulong sa teknolohiya na nagbigay-daan sa karagdagang pag-aaral at pagtuklas. Ang tuklas nila kalaunan ay nagpabago sa ating planetary zone at nagresulta sa paglilipat ng Pluto sa bagong rehiyong ito ng kalawakan at sa ating solar system na binubuo ng walong planeta.
Ito ang sabi ng isang nangungunang planetary scientist at pangunahing investigator para sa New Horizons space mission na inutusang siyasatin ang Pluto nang malapitan tungkol sa karanasang ito: “Akala namin naintindihan namin ang heograpiya ng ating solar system. Hindi pala. Akala namin naintindihan namin ang populasyon ng mga planeta sa ating solar system. At mali pala kami.”
Ang nakakagulat sa akin tungkol sa panahong ito sa kasaysayan ng pagtuklas sa kalawakan ay ang ilang pagkakatulad at pangunahing pagkakaiba sa metaporikong hangarin na palawakin ang mga naaabot ng siyensya at ang paglalakbay na ginagawa natin, bilang mga anak ng Diyos, sa paghahanap ng mga kasagutan sa ating mga espirituwal na katanungan. Partikular na, kung paano tayo maaaring tumugon sa mga limitasyon ng ating espirituwal na pang-unawa at maghanda ng ating sarili para sa susunod na yugto ng personal na paglago—at kung saan tayo maaaring humingi ng tulong.
Taludtod sa Taludtod
Ang pagtatanong at paghahanap ng kahulugan ay isang natural at normal na bahagi ng ating mortal na karanasan. Sa ilang pagkakataon, maaaring masagad ang ating pang-unawa kapag hindi tayo nagtamo kaagad ng mga kumpletong kasagutan, at ang mga limitasyong ito ay maaaring makabigo o makabahala sa atin. Ang kamangha-mangha, ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit para sa ating lahat ay dinisenyo para tulungan tayong umunlad sa kabila ng ating mga limitasyon at maisakatuparan ang hindi natin maisakatuparan nang mag-isa, kahit hindi natin lubos na nalalaman ang lahat ng bagay. Ang plano ng Diyos ay maawain sa mga limitasyon ng ating pagkatao; ibinigay sa atin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo para maging ating Mabuting Pastol; at hinihikayat tayong gamitin ang kalayaan nating piliin Siya.
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf na “ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan,” kundi sa halip ay “simula iyon ng paglago.” Tuwirang nagsasalita sa ating personal na pagsisikap bilang mga naghahanap ng katotohanan, itinuro ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson na kailangang magkaroon tayo ng “matinding hangarin” at “[magtanong] nang may matapat na puso [at] may tunay na layunin, na may pananampalataya kay [Jesu]cristo.” Itinuro pa Niya na “ang ibig sabihin ng ‘tunay na layunin’ ay [na] talagang layon ng isang tao na sundin ang ipagbibilin ng langit.”
Ang ating personal na pagsisikap na lumago sa karunungan ay maaaring umakay sa atin na suriin ang ating mga katanungan, kumplikado man o hindi, sa pamamagitan ng lente ng sanhi at epekto, naghahanap at nakakakita ng mga huwaran at pagkatapos ay bumubuo ng mga kuwento upang magkahugis ang ating pagkaunawa at mabuo ang mga kakulangan sa kaalaman. Gayunman, kung iisipin natin ang ating hangarin na magkaroon ng espirituwal na kaalaman, maaaring makatulong ang pinag-isipang mga prosesong ito kung minsan pero maaaring kulangin kung mag-isa lamang kapag hinangad nating mahiwatigan ang mga bagay-bagay patungkol sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, sa Kanilang ebanghelyo, sa Kanilang Simbahan, at sa Kanilang plano para sa ating lahat.
Ang paraan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak sa pagbabahagi ng Kanilang karunungan sa atin ay inuuna ang pag-anyaya sa kapangyarihan ng Espiritu Santo para maging ating personal na guro habang isinesentro natin ang ating buhay kay Jesucristo at sa ating matapat na paghahangad sa Kanilang mga kasagutan at Kanilang kahulugan. Inaanyayahan Nila tayong tuklasin ang katotohanan sa pamamagitan ng paglalaan ng oras sa pag-aaral ng banal na kasulatan at paghahangad na malaman ang inihayag na katotohanan sa mga huling araw para sa ating panahon at oras, na ibinahagi ng mga makabagong propeta at apostol. Nakikiusap sila na gumugol tayo ng regular na oras sa pagsamba sa bahay ng Panginoon at na lumuhod at manalangin “para makakuha ng impormasyon mula sa langit.” Ang pangako ni Jesus sa mga naroon para makinig sa Kanyang Sermon sa Bundok ay totoo pa rin para sa atin sa ating panahon tulad noong Kanyang ministeryo sa lupa: “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan.” Tinitiyak ng ating Tagapagligtas na ang “inyong Ama na nasa langit [ay nagbi]bigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya.”
Ang pamamaraan ng pagtuturo ng Panginoon ay “taludtod sa taludtod, … tuntunin sa tuntunin.” Maaaring kailanganin nating “[m]aghintay sa Panginoon” sa puwang sa pagitan ng ating kasalukuyang pang-unawa at sa susunod pang ipararating. Ang sagradong puwang na ito ay maaaring maging isang lugar kung saan maaaring maganap ang ating pinakamalaking espirituwal na pagsasanay—ang lugar kung saan maaari nating “pasanin nang buong pagtitiyaga” ang ating tapat na paghahanap at pagpapanibago ng ating lakas na patuloy na tuparin ang mga sagradong pangakong nagawa natin sa Diyos sa pamamagitan ng tipan.
Ang ating pakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay tanda ng ating nananaig na pagiging kabilang sa kaharian ng Diyos. At ang ating pagiging kabilang doon ay nangangailangan ng pag-ayon ng ating buhay sa mga banal na alituntunin at pagsisikap na espirituwal na lumago.
Pagsunod
Ang isang pangunahing alituntuning itinuro sa Aklat ni Mormon ay kapag pinipili ng mga anak ng Diyos na magpakita ng pagkamasunurin at tinutupad ang kanilang mga tipan, tumatanggap sila ng patuloy na espirituwal na gabay at patnubay. Sinabi sa atin ng Panginoon na sa ating pagsunod at kasigasigan, maaari tayong magtamo ng kaalaman at katalinuhan. Ang mga batas at utos ng Diyos ay hindi dinisenyo upang maging sagabal sa ating buhay kundi isang makapangyarihang daan tungo sa personal na paghahayag at espirituwal na pagkatuto. Itinuro ni Pangulong Nelson ang mahalagang katotohanan na “ang paghahayag mula sa Diyos ay laging nakaayon sa Kanyang walang-hanggang batas” at ipinaliwanag pa niya na “hindi ito kailanman sumasalungat sa Kanyang doktrina.” Ang inyong kusang pagsunod sa mga utos ng Diyos, sa kabila ng ‘di pagkakaroon ng lubos na kaalaman tungkol sa Kanyang mga dahilan, ay inilalagay kayo sa piling ng Kanyang mga propeta. Itinuturo sa atin sa Moises 5 ang isang partikular na pag-uusap sa pagitan ni Adan at ng isang anghel ng Panginoon.
Matapos ibigay ng Panginoon kina Adan at Eva ang “mga kautusan, na kanilang nararapat sambahin ang Panginoon nilang Diyos, at nararapat ialay ang mga panganay ng kanilang mga kawan, bilang isang handog sa Panginoon,” sinasabi sa mga banal na kasulatan na “si Adan ay naging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon.” Mababasa pa natin na “pagkalipas ng maraming araw, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Adan, nagsasabing: Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon? At sinabi ni Adan sa kanya: Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon.”
Ang pagkamasunurin ni Adan ay nauna kaysa sa kanyang pag-unawa at inihanda siyang tanggapin ang sagradong kaalaman na siya ay nakikilahok sa isang sagradong simbolo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang ating mapagpakumbabang pagsunod, katulad niyon, ay magbibigay-daan sa ating espirituwal na paghiwatig sa mga paraan ng Diyos at sa Kanyang banal na layunin para sa bawat isa sa atin. Ang pagsisikap na dagdagan ang kakayahan nating sumunod ay mas inilalapit tayo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo dahil ang pagsunod sa Kanyang mga batas at kautusan ay katumbas ng pakikipag-ugnayan sa Kanya.
Bukod pa riyan, ang ating katapatan sa kaalaman at karunungang natamo na natin sa pamamagitan ng ating tapat na pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo at mga sagradong tipan ay mahalagang paghahanda para sa kahandaan nating matanggap at maging mga tagapangasiwa ng mga komunikasyon mula sa Banal na Espiritu.
Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan at saganang nagbabahagi ng Kanilang karunungan. Gayundin, ang pag-unawa na wala tayong anumang personal na kaalaman na hindi tungkol sa Diyos ay maaaring makatulong sa atin na malaman kung kanino babaling at kung kanino unang magtitiwala.
Malaking Tiwala
Ang kuwento sa Lumang Tipan tungkol kay Naaman, isang lider ng militar na ang ketong ay pinagaling ng propetang si Eliseo, ay isa sa mga partikular kong paborito. Inilalarawan sa kuwento kung paano binago ng matibay na pananampalataya ng isang “dalagita” ang landas ng buhay ng isang lalaki at inihayag, para sa lahat ng mananampalataya, ang lawak ng awa ng Diyos sa mga nagtitiwala sa Kanya at sa Kanyang propeta. Hindi man nabanggit ang pangalan, tumulong din ang dalagitang ito na maragdagan ang ating pang-unawa. At ang paniniwala ni Naaman sa kanyang patotoo ay naghikayat sa kanya na idulog sa hinirang na lingkod ng Diyos ang kanyang hiling na mapagaling.
Ang tugon ni Naaman sa mga tagubilin ng propetang si Eliseo na maligo sa ilog Jordan ay pagdududa at galit noong una. Ngunit ang paanyaya sa kanya na maging masunurin sa payo ng propeta ay nagbigay-daan sa kanyang paggaling at madamdaming pagkaunawa na totoong may Diyos.
Maaari nating matuklasan na ang ilan sa ating mga espirituwal na kahilingan ay may malilinaw na kasagutan at maaaring hindi magpahirap sa atin. O, tulad ni Naaman, maaari nating matuklasan na mas mahirap ang iba pang mga pangangailangan at maaaring magpahirap at magpakumplika sa ating damdamin. O, katulad ng paglalarawan ng mga unang konklusyon ng mga astronomer tungkol sa ating solar system, sa paghahanap natin ng espirituwal na katotohanan, maaaring hindi gaanong maging tumpak ang ating mga interpretasyon kung aasa lamang tayo sa sarili nating limitadong pang-unawa, isang nakalulungkot at di-sadyang bunga na maaaring umakay sa atin palayo sa landas ng tipan. At higit pa riyan, maaaring magpatuloy ang ilang katanungan hanggang sa ang Diyos, na “taglay … ang lahat ng kapangyarihan” at “lahat ng karunungan, at lahat ng pang-unawa,” na “nauunawaan … ang lahat ng bagay” sa Kanyang awa, ay magbigay ng kalinawan kung maniniwala tayo sa Kanyang pangalan.
Ang isang mahalagang babala mula sa kuwento ni Naaman ay na ang pagtangging sumunod sa mga batas at utos ng Diyos ay maaaring magpatagal o makaantala sa ating paglago. Mapalad tayo na nariyan si Jesucristo bilang ating Dalubhasang Manggagamot. Ang ating pagsunod sa mga batas at utos ng Diyos ay maaaring magbigay-daan para ibigay ng Tagapagligtas ang pang-unawa at pagpapagaling na batid Niyang kailangan natin, ayon sa Kanyang itinakdang plano ng panggagamot sa atin.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott na “ang buhay na ito ay isang karanasan sa malaking pagtitiwala—pagtitiwala kay Jesucristo, sa Kanyang mga turo, sa ating kakayahan ayon sa pag-akay ng Banal na Espiritu na sundin ang mga turong iyon para lumigaya ngayon at para mabuhay nang may layunin at napakasaya magpasawalang-hanggan. Ang ibig sabihin ng magtiwala ay kusang sumunod nang hindi nalalaman ang wakas mula sa simula (tingnan sa Mga Kaw. 3:5–7). Para magkaroon ng bunga, kailangang maging mas malaki at walang-maliw ang tiwala ninyo sa Panginoon kaysa sa tiwala ninyo sa inyong sariling personal na damdamin at karanasan.”
Sabi pa ni Elder Scott: “Ang manampalataya ay ang magtiwala na batid ng Panginoon ang Kanyang ginagawa sa inyo at na maisasagawa Niya ito para sa inyong walang-hanggang kabutihan kahit hindi ninyo maunawaan kung paano Niya iyon posibleng magagawa.”
Pangwakas na Patotoo
Mahal na mga kaibigan, pinatototohanan ko na ang ating taos-pusong mga katanungan tungkol sa ebanghelyo ay maaaring magbigay sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo ng mga oportunidad na tulungan tayong lumago. Ang aking personal na pagsisikap na maghanap ng mga kasagutan mula sa Panginoon sa sarili kong espirituwal na mga katanungan—noon at ngayon—ay nagtulot sa akin na magamit ang puwang sa pagitan ng aking pang-unawa at ng pang-unawa ng Diyos upang maging masunurin ako sa Kanya at maging tapat sa espirituwal na kaalamang taglay ko ngayon.
Pinatototohanan ko na ang pagtitiwala ninyo sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga propeta, na Kanyang isinugo, ay tutulungan kayong maragdagan ang inyong espirituwalidad at isusulong kayo tungo sa mas malawak na kaalaman ng Diyos. Magbabago ang inyong tanaw dahil magbabago kayo. Batid ng Diyos na kung mas mataas ang inyong kinalalagyan, mas malayo ang inyong matatanaw. Inaanyayahan kayo ng Tagapagligtas na dagdagan ang inyong kaalaman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.