Maging Malinis Ka
Ang pagsisisi araw-araw ay tinutulutan tayong mahiwatigan ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Noong mga limang taong gulang ako, naglalaro kami ng football ng mga kaibigan ko sa likod ng simbahan sa munting nayon namin sa Côte d’Ivoire. Malinaw kong naaalala ang panawagan ng mangangaral sa kanyang kongregasyon na linisin ang kanilang damit bilang paghahanda para sa pagdating ng Tagapagligtas. Dahil musmos pa ako, literal ang naging pag-unawa ko rito. Mabilis akong tumakbo pauwi hangga’t kaya ng aking munting mga binti at nagsumamo sa aking ina na linisin ang ilang damit ko upang maging walang bahid-dungis at handa para sa pagdating ng Tagapagligtas kinabukasan. Bagama’t alinlangan ang aking ina tungkol sa nalalapit na pagbabalik ng Tagapagligtas, nilabhan pa rin niya ang pinakamaganda kong damit.
Kinaumagahan, isinuot ko ang mamasa-masa pa ring damit at sabik na hinintay ang balita ng pagdating ng Tagapagligtas. Nang lumipas ang maghapon at walang nangyari, nagpasiya akong pumunta sa meetinghouse. Lungkot na lungkot akong makita na walang tao sa simbahan at hindi dumating ang Tagapagligtas. Mawawari ninyo ang damdamin ko nang dahan-dahan akong naglakad pauwi.
Makalipas ang ilang taon, habang tumatanggap ako ng mga missionary lesson bilang paghahanda sa pagsapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nabasa ko ito: “At walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian; anupa’t walang makapapasok sa kanyang kapahingahan maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas.”
Ang paglilinaw na natanggap ko noon ay ipinaunawa sa akin ang mahalagang katotohanan na hindi naunawaan ng aking batang isipan maraming taon bago iyon. Ang mensahe ng mangangaral ay nakasentro sa kahalagahan ng espirituwal na kadalisayan. Hinimok niya ang kongregasyon na hangaring magsisi, gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay, at bumaling sa Tagapagligtas para matubos.
Nauunawaan ng ating Ama sa Langit ang ating paglalakbay bilang mortal at na hindi natin maiiwasang magkasala sa ating buhay. Lubos akong nagpapasalamat na naglaan Siya ng isang Tagapagligtas para magbayad-sala para sa ating mga pagsuway. Sa pamamagitan ng nakatutubos na sakripisyo ng Tagapagligtas, bawat isa sa atin ay maaaring magsisi at humingi ng tawad at maging malinis. Ang pagsisisi, isang saligang alituntunin ng ebanghelyo, ay mahalaga para sa ating espirituwal na pag-unlad at katatagan habang nagdaraan tayo sa mga hamon ng buhay.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2022, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang lahat ng miyembro ng Simbahan na damhin ang kagalakan ng araw-araw na pagsisisi. Sabi niya:
“Sana huwag matakot o ipagpaliban ang pagsisisi. Natutuwa si Satanas sa inyong kasawian. Putulin ito agad. Alisin ang kanyang impluwensya sa inyong buhay! Simulan ngayon na maranasan ang galak ng paghuhubad sa likas na tao. Mahal tayo ng Tagapagligtas sa tuwina ngunit lalo na kapag nagsisisi tayo. …
Kung sa tingin ninyo ay nalayo kayo sa landas ng tipan nang napakatagal at walang paraan para makabalik, iyan ay hindi totoo.”
Kung may isang bagay kayong hindi lubos na napagsisihan, hinihikayat ko kayong sundin ang panawagan ni Pangulong Nelson na huwag ipagpaliban ang inyong pagsisisi. Maaaring mangailangan ng kaunting tapang ang gawin ang prosesong ito; gayunman, matitiyak ko sa inyo na ang kagalakang nagmumula sa tunay na pagsisisi ay higit pa sa kayang ninyong maunawaan. Sa pamamagitan ng pagsisisi, nawawala ang bigat ng ating konsiyensya at napapalitan ng kapayapaan at kapanatagan. Kapag taimtim tayong nagsisi, napapabanal tayo sa pamamagitan ng dugo ng Tagapagligtas, na nagdaragdag sa pagiging sensitibo natin sa mga pahiwatig at impluwensya ng Espiritu Santo.
Ang aking walang-hanggang asawa ay ipinanganak na may kapansanan sa pandinig at dahil dito ay kinailangang gumamit ng mga hearing aid. Maaaring maapektuhan ng alikabok at pawis ang paggana ng mga device na ito, kaya nga tuwing umaga ay inoobserbahan ko ang masigasig na paglilinis niya ng mga connecting tube bago isuot ang mga iyon. Ang simple subalit patuloy na paggawa nito araw-araw ay nag-aalis ng anumang dumi, pawis, o pagkabasa, kaya gumaganda ang kakayahan niyang makarinig at makipag-usap nang maayos. Kapag nakaligtaan niyang gawin ang pang-araw-araw na ritwal na ito, nahihirapan siyang makarinig sa buong maghapon; unti-unting humihina ang sinasabi ng iba at kalauna’y hindi na niya ito marinig. Tulad ng nagagawa ng araw-araw na paglilinis niya ng hearing aid para makarinig siya nang malinaw, ang araw-araw na pagsisisi ay tinutulungan tayo na mahiwatigan ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Nang matatapos na ang ministeryo ng Panginoon sa mundo at bago Siya nagtungo sa Halamanan ng Getsemani, inihanda Niya ang Kanyang mga disipulo sa pagharap sa parating na mga pagsubok. Binigyan Niya sila ng katiyakan, na sinasabing, “Subalit ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo.”
Ang isa sa mahahalagang tungkulin ng Espiritu Santo ay para balaan, akayin, at gabayan ang bawat indibiduwal na nakikinig sa mahinang tinig sa kanilang kalooban. Tulad ng ang maruruming communication tube ng isang hearing aid ay maaaring makaapekto sa maayos na paggana nito, maaari ding magkaproblema ang ating espirituwal na koneksyon sa ating Ama sa Langit, na humahantong sa mapanganib na mga maling akala o kabiguang sundin ang Kanyang payo. Mas napadali ng pagdating ng internet ang pagkuha ng impormasyon kaysa rati. Maaari tayong akayin nitong humingi ng patnubay sa mundo sa halip na sa Diyos. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo.”
Nagpapasalamat ako na bawat isa sa atin ay maaaring tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo kapag tayo ay kinumpirma. Gayunman, nagbabala si Pangulong Dallin H. Oaks na “ang mga pagpapalang matatamo sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo ay nakasalalay sa pagkamarapat [at] ‘ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo’ [Helaman 4:24].”
Kapag sadya nating piniling sundin ang patnubay ng mga propeta at apostol, lumalago ang kakayahan nating makasama palagi ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay nagbibigay ng kalinawan sa paggawa ng desisyon, na nagpapahiwatig ng mga ideya at impresyon na nakaayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Mahalagang makasama natin palagi ang Espiritu Santo para sa ating espirituwal na paglago.
Naatasan ako kamakailan na mamuno sa isang stake conference sa Salt Lake Granger West Stake sa Utah. Sa kaganapang ito, nakilala ko ang isang stake president na masigasig na napaunlad ang kakayahan niyang mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay at araw-araw na pagsisisi. Bilang bahagi ng aming mga pagsisikap na makapaglingkod, bumisita kami sa tatlong pamilya. Nang makatapos kami sa huling binisita namin, nalaman namin na may natitira pang mga 30 minuto bago kami pumunta sa sumunod naming tipanan. Nang maglakbay kami pabalik sa stake center, nagkaroon ng impresyon si President Chesnut na bisitahin ang isa pang pamilya. Nagkasundo kaming sundin ang pahiwatig na ito.
Tumuloy kaming bisitahin ang pamilya Jones, kung saan natuklasan namin na nakaratay sa banig ng karamdaman si Sister Jones. Maliwanag na kailangan niya ng basbas ng priesthood. Sa pahintulot niya, binasbasan namin siya. Nang maghanda na kaming umalis, nagtanong si Sister Jones kung paano namin nalaman ang agarang pangangailangan niyang mabasbasan. Ang totoo, hindi namin alam. Gayunman, totoong alam ng ating Ama sa Langit ang kanyang mga pangangailangan, at binigyang-inspirasyon si President Chesnut na bisitahin siya sa bahay. Kapag nakikinig tayo sa patnubay ng marahan at banayad na tinig, mas kaya nating maglingkod nang epektibo sa mga nangangailangan.
Pinatototohanan ko ang isang mabait at mapagmahal na Ama sa Langit. Si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Pinatototohanan ko na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay totoo at na kapag natuto tayong sundin ang patnubay ng Espiritu Santo, aakayin Niya tayong magsisi at gamitin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay. Si Pangulong Russell M. Nelson ang tunay at buhay na propeta ng Panginoon, na nagtataglay ng lahat ng susi ng priesthood sa lupa ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.