Liahona
Kabanalan sa Panginoon sa Pang-araw-araw na Buhay
Nobyembre 2024


14:17

Kabanalan sa Panginoon sa Pang-araw-araw na Buhay

Ang kabanalan sa Panginoon ay ginagawang sagrado ang pang-araw-araw na buhay. Mas inilalapit at pinasasaya tayo nito sa Panginoon at sa isa’t isa.

Ang Gong family reunion namin kamakailan ay may kasamang masayang talent show, pati na ng paligsahan ng dad jokes.

Ngunit pambihira ang paligsahang ito. Nasa isang team si Lolo (ako) at ang dalawa sa mga apo, edad 12 at 11. Ang nasa kabilang team ay isang artificial intelligence (AI) program na dinidiktahan ng isang pinsan na magsabi ng dad jokes sa estilo ni Gerrit W. Gong. Lolo Gerrit Gong laban kay AI Gerrit Gong.

Kami ng mga apo ko ang nauna.

Ano ang tawag ninyo sa dinosaur na nagwawasak ng kotse niya? Tyrannosaurus Wrecks.

Ang utos kay AI Gerrit Gong—mag-isip na tulad ni Gerrit W. Gong. Gayahin ang pagsasalita niya.

AI Gerrit Gong—“Narito ang isang dad joke na parang si Gerrit W. Gong ang nagsasalita, na ginagaya ang kanyang magiliw, maalalahanin, at nakasisiglang estilo: Bakit pinangiti ng abang puno ang mga tao? Dahil nakaugat ito sa pagmamahal at nagkaroon ng mga sanga ng kabaitan. Gaya ng punong iyon, makasusumpong din tayo ng lakas sa ating mga ugat at galak sa pagpapakita ng kabaitan sa iba.”

Ano sa palagay ninyo? Kaya nga tinawag ang mga ito na dad jokes.

Sa ating paligid may mga oportunidad na tumawa, matuwa, tumingin nang may pasasalamat. Ang nasa atin ay isang ebanghelyo ng kagalakan at kabanalan sa pang-araw-araw na buhay. Ibinubukod ng kabanalan ang mga bagay-bagay para sa sagradong layunin. Ngunit kabanalan din ang nag-aanyaya sa atin na haluan ng mga bagay na sagrado ang pang-araw-araw na pamumuhay—na magalak sa mga pagpapala at karanasan natin araw-araw sa gitna ng mga problema at hamon ng mundong ito. Para makalakad na kasama ng Panginoon, kailangang maging banal tayo, dahil Siya ay banal, at para matulungan tayong maging banal, inaanyayahan tayo ng Panginoon na lumakad na kasama Siya.

Bawat isa sa atin ay may sariling kuwento. Kapag nakikipagkita kami ni Sister Gong sa inyo—na mga miyembro at kaibigan ng Simbahan sa maraming lugar at sitwasyon—nabibigyang-inspirasyon kami ng inyong mga kuwento ng kabanalan sa Panginoon sa pang-araw-araw na buhay. Ipinamumuhay ninyo ang pitong P: pagdarasal sa Diyos, pamayanan o komunidad at pagkakaroon ng habag sa isa’t isa, pagiging tapat at pakikipagtipan sa Diyos, pamilya at mga kaibigan—pagtuon sa Panginoong Jesucristo.

Itinatampok ng dumaraming katibayan ang kapansin-pansing katotohanang ito: karaniwa’y mas masaya, mas malusog, at mas matagumpay ang mga naniniwala sa relihiyon kaysa roon sa mga walang espirituwal na katapatan o koneksyon. Kaligayahan at kasiyahan sa buhay, kalusugan ng isipan at katawan, kahulugan at layunin, pagkatao at kabutihan, malapit na pakikihalubilo sa lipunan, maging pinansyal at materyal na katatagan—sa bawat kategorya, umuunlad ang mga relihiyoso.

Nagtatamasa sila ng higit na malusog na katawan at isipan at higit na kasiyahan sa buhay sa lahat ng edad at lugar.

Ang tinatawag ng mga researcher na “katatagan sa istruktura ng relihiyon” ay nag-aalok ng kalinawan, layunin, at inspirasyon sa gitna ng mga di-inaasahang kaganapan. Nilalabanan ng sambahayan ng pananampalataya at komunidad ng mga Banal ang paghihiwalay ng sarili sa iba at ang kawalan ng mga kaibigan. Ang kabanalan sa Panginoon ay tumatanggi sa kabastusan, sa kasungitan na humahamak sa iba, sa mga social media na kumikita sa paghikayat sa mga tao na magalit at patuloy na magbasa ng partikular na mga bagay. Ang kabanalan sa Panginoon ay tinatangkilik ang sagrado at mapitagan, ang pagiging pinakamalaya, pinakamaligaya, pinakatunay, pinakamainam na pagkatao habang sinusundan natin Siya nang may pananampalataya.

Paano nakikita ang kabanalan sa Panginoon sa pang-araw-araw na buhay?

Ang kabanalan sa Panginoon sa pang-araw-araw na buhay ay tulad ng dalawang matapat na young adult, na isang taon nang kasal, na tunay na nagsasalo nang may matalas na pakiramdam sa mga tipan ng ebanghelyo, sakripisyo, at paglilingkod habang lumalaon sa kanilang buhay.

Pagsisimula ng babae, “Sa high school, nasa madilim na lugar ako. Pakiramdam ko, wala roon ang Diyos para sa akin. Isang gabi, sabi ng isang kaibigan ko sa text, ‘Oy, nabasa mo na ba ang Alma 36?’

“Nang magsimula akong magbasa,” sinabi niya, “napuspos ako ng kapayapaan at pagmamahal. Nadama ko na tila may yumayakap sa akin nang mahigpit. Nang mabasa ko ang Alma 36:12, nalaman ko na nakita ako ng Ama sa Langit at alam na alam Niya ang nararamdaman ko.”

Sabi pa niya, “Bago kami nagpakasal, ipinagtapat ko sa nobyo ko na wala akong patotoo sa ikapu. Bakit kailangan ng Diyos na magbigay kami ng pera samantalang napakarami namang maibibigay ang iba? Ipinaliwanag ng nobyo ko na hindi iyon tungkol sa pera kundi sa pagsunod sa inuutos sa atin. Hinamon niya ako na magsimulang magbayad ng ikapu.

“Talagang nakita kong lumago ang aking patotoo,” sabi niya. “Kung minsa’y wala kaming gaanong pera, pero nakita namin ang napakaraming pagpapala, at kahit paano’y sumapat ang suweldo namin.”

Gayundin, “sa nursing class ko,” sabi niya, “ako lang ang miyembro ng Simbahan at may-asawa. Maraming beses kong nilisan ang klase na naiinis o umiiyak dahil nadama ko na ibinubukod ako ng mga kaklase ko at may sinasabi silang hindi maganda tungkol sa mga paniniwala ko, sa pagsusuot ko ng garments, o pag-aasawa ko nang bata pa.”

Gayunman, patuloy niya, “Nitong nakaraang semestre nalaman ko kung paano mas ipahayag ang aking mga paniniwala at maging mabuting halimbawa sa pamumuhay ng ebanghelyo. Lumago ang aking kaalaman at patotoo dahil nasubukan ang kakayahan kong manindigang mag-isa at maging matatag sa pinaniniwalaan ko.”

Dagdag ng bata pa niyang asawa, “Bago ako nagmisyon may mga nag-alok sa akin na maglaro ng baseball sa kolehiyo. Nang gawin ko ang mahirap na desisyon, isinantabi ko ang mga alok na iyon at naglingkod ako sa Panginoon. Hindi ko ipagpapalit ang dalawang taon na iyon sa anuman.

“Nang makauwi ako,” sabi niya, “inasahan ko na maninibago ako pero natuklasan ko na mas matibay, mas mabilis, at mas malusog ako. Mas malakas akong maghagis ng bola kaysa noong umalis ako. Mas maraming alok sa akin na maglaro kaysa noong umalis ako, pati na ang pangarap kong paaralan. At, ang pinakamahalaga,” sabi niya, “umaasa ako sa Panginoon nang higit kailanman.”

Pagtatapos niya, “Noong missionary ako, itinuro ko na nangangako sa atin ang Ama sa Langit ng kapangyarihan sa ating mga panalangin, ngunit kung minsan, nalilimutan ko mismo iyan.”

Ang kaban ng mga pagpapala ng mga missionary dahil sa pagpapakita nila ng kabanalan sa Panginoon ay mayaman at puno. Ang pera, tiyempo, at iba pang mga sitwasyon kadalasan ay hindi madali. Ngunit ang mga missionary sa iba’t ibang edad at pinagmulan ay lubos na naglalaan ng kabanalan sa Panginoon, mga bagay na maaaring maging epektibo sa panahon at paraan ng Panginoon.

Ngayong may pananaw na ng isang 48 anyos, ipinahayag ng isang senior missionary, “Ang gusto ng tatay ko ay magtapos ako sa kolehiyo, hindi ang magmisyon. ’Di naglaon pagkaraan niyon, inatake siya sa puso at namatay sa edad na 47. Nakonsiyensya ako. Paano ko maitutuwid ang mga bagay-bagay sa aking ama?

“Kalaunan,” patuloy niya, “matapos magdesisyon na magmisyon, napanaginipan ko ang tatay ko. Payapa at kontento, masaya siya na maglilingkod ako.”

Nagpatuloy ang senior missionary na ito, “Tulad ng turo sa Doktrina at mga Tipan bahagi 138, naniniwala ako na maaaring maglingkod ang tatay ko bilang missionary sa daigdig ng mga espiritu. Naiisip ko ang tatay ko na tinutulungan ang aming lolo-sa-tuhod, na umalis ng Germany sa edad na 17 at nawala sa pamilya, na matagpuang muli.”

Dagdag pa ng asawang babae, “Sa limang magkakapatid na lalaki sa pamilya ng asawa ko, ang apat na nagmisyon ang nagtamo ng mga degree sa kolehiyo.”

Ang kabanalan sa Panginoon sa pang-araw-araw na buhay ay tulad ng isang papauwing binatang missionary na natutong hayaan na manaig ang Diyos sa kanyang buhay. Bago iyon, nang hilingang basbasan ang isang taong malubha ang sakit, sinabi ng missionary na ito, “May pananampalataya ako; babasbasan ko siya para siya gumaling. Subalit,” sabi ng papauwing missionary, “nalaman ko sa sandaling iyon na ipagdasal hindi ang gusto kong mangyari, kundi kung ano ang alam ng Panginoon na kailangan ng taong iyon. Binasbasan ko ang brother ng kapayapaan at ginhawa. Kalaunan ay pumanaw siya nang mapayapa.”

Ang kabanalan sa Panginoon sa pang-araw-araw na buhay ay tulad sa isang kislap na tinatawid ang tabing upang kumonekta, magpaginhawa, at magpalakas. Sinabi ng isang administrator sa isang pangunahing unibersidad na nararamdaman niya ang mga taong kilala lamang niya ayon sa reputasyon na ipinagdarasal siya. Inilaan ng mga indibiduwal na iyon ang kanilang buhay sa unibersidad at patuloy na nagmamalasakit sa misyon nito at sa mga estudyante.

Ginagawa ng isang sister ang lahat ng makakaya niya bawat araw, matapos magtaksil sa kanya at sa kanilang mga anak ang kanyang asawa. Lubos ko siyang hinahangaan at ang iba pang katulad niya. Isang araw habang nagtutupi ng mga bagong laba, habang nakapatong ang kamay sa isang bunton ng garments, bumuntong-hininga siya at bumulong, “Para saan pa?” Narinig niya ang isang magiliw na tinig na nagbigay-katiyakan sa kanya, “Nakipagtipan ka sa akin.”

Sa loob ng 50 taon, isa pang sister ang nanabik na maging malapit sa kanyang ama. “Noong lumalaki ako,” wika niya, “naroon ang mga kuya ko at si Itay, tapos ako—ang kaisa-isang anak na babae. Ang gusto ko lang noon ay ‘ipagmalaki’ ako ng tatay ko.

“Tapos, pumanaw si Inay! Siya lang ang nag-uugnay sa amin ni Itay.

“Isang araw,” sabi ng sister na ito, “may narinig akong tinig na nagsasabing, ‘Anyayahan mo ang tatay mo at isama mo siya sa templo.’ Iyon ang naging simula ng pagpunta namin ni Itay sa bahay ng Panginoon nang dalawang beses sa isang buwan. Sinabi ko kay Itay na mahal ko siya. Sinabi rin niya sa akin na mahal niya ako.

“Ang paggugol ng oras sa bahay ng Panginoon ay naglapit sa amin sa isa’t isa. Hindi kami natulungan ni Inay sa lupa. Kinailangan niyang sumakabilang-buhay para ayusin ang aming relasyon. Kinumpleto ng templo ang paglalakbay namin tungo sa pagiging buo bilang isang walang-hanggang pamilya.”

Sabi ng ama, “Ang paglalaan ng templo ay isang malaking espirituwal na karanasan para sa akin at sa kaisa-isang anak kong babae. Ngayo’y magkasama kaming dumadalo at nadarama namin na tumitibay ang aming pagmamahalan.”

Kasama sa kabanalan sa Panginoon sa pang-araw-araw na buhay ang magigiliw na sandali kapag pumapanaw ang mga mahal sa buhay. Sa pagsisimula ng taong ito, payapang pumanaw ang mahal kong inang si Jean Gong, ilang araw bago sumapit ang kanyang ika-98 kaarawan.

Kung tatanungin ninyo ang aking ina, “Gusto ba ninyo ng rocky road, white chocolate ginger, o strawberry ice cream?” Ang isasagot ni Inay ay, “Sige nga, puwede ko bang tikman silang lahat?” Sino ang makapagsasabi ng hindi sa nanay mo, lalo na kapag gustung-gusto niya ang lahat ng karanasan sa buhay?

Tinanong ko minsan si Inay kung aling mga desisyon ang pinakahumubog sa kanyang buhay.

Sabi niya, “Nang mabinyagan akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at lumipat kami sa mainland ng Estados Unidos mula sa Hawaii, kung saan ko nakilala ang iyong ama.”

Nabinyagan sa edad na 15 anyos, ang tanging miyembro ng kanyang malaking pamilya na sumapi sa ating Simbahan, ang aking ina ay may pananampalataya sa tipan at tiwala sa Panginoon na nagpala sa buhay niya at sa lahat ng henerasyon ng aming pamilya. Nangungulila ako sa aking ina, tulad ng pangungulila ninyo sa inyong pamilya. Ngunit alam ko na hindi nawala ang aking ina. Wala lang siya rito ngayon. Ikinararangal ko siya at ang lahat ng namatay na naging magigiting na halimbawa ng pang-araw-araw na kabanalan sa Panginoon.

Siyempre pa, kasama sa kabalanan sa Panginoon sa pang-araw-araw na buhay ang pagdalaw nang mas madalas sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay. Totoo ito, mga miyembro man tayo o mga kaibigan ng Simbahan.

Tatlong magkakaibigan ang nagpunta sa Bangkok Thailand Temple open house.

“Ito ay isang lugar ng napakainam na pagpapahilom,” sabi ng isa.

Sa bautismuhan, sabi ng isa pa, “Kapag narito ako, gusto kong mahugasan nang malinis at hindi na muling magkasala.”

Sabi ng pangatlo, “Nararamdaman ba ninyo ang espirituwal na kapangyarihan?”

Sa pitong sagradong salita, nag-aanyaya at nagpapahayag ang ating mga templo:

“Kabanalan sa Panginoon.

“Ang Bahay ng Panginoon.”

Ang kabanalan sa Panginoon ay ginagawang sagrado ang pang-araw-araw na buhay. Ito ay nagpapalapit at nagpapasaya sa atin sa Panginoon at sa isa’t isa at naghahanda sa atin na mamuhay kasama ang ating Diyos Ama, si Jesucristo, at ang ating mga mahal sa buhay.

Tulad ng aking kaibigan, maaaring iniisip ninyo kung mahal ba kayo ng inyong Ama sa Langit. Ang sagot ay isang matunog at tiyak na oo! Madarama natin ang Kanyang pagmamahal kapag ginagawa nating bahagi ng ating buhay ang kabanalan sa Panginoon sa bawat araw, masaya at magpakailanman. Nawa’y gawin natin ito, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mula sa mga panahon ng Lumang Tipan, tinuruan tayo, “Kaya’t pakabanalin ninyo ang inyong mga sarili, at kayo’y maging banal, sapagkat ako ay banal” (Levitico 11:44). Dapat ay lumakad tayo nang may kabanalan sa harap ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:69), tumayo tayo sa mga banal na lugar (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:32), panatilihin nating banal ang araw ng Sabbath (tingnan sa Exodo 20:8), magsuot tayo ng banal na garments (tingnan sa Exodo 29:29), gumamit tayo ng banal na langis (tingnan sa Exodo 30:25), mabasbasan tayo ng mga banal na propeta (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:46), at umasa tayo sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:11), mga banal na batas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:20), mga banal na anghel (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:6). Ang kabanalan sa Panginoon ay nilayon upang basbasan ang lahat ng aspekto ng ating pang-araw-araw na buhay.

  2. Tingnan sa Moises 6:34.

  3. Tingnan sa “Religion and Spirituality: Tools for Better Wellbeing?,” Gallup Blog, Okt. 10, 2023, news.gallup.com. “Sa buong daigdig, mas tapat ang mga tao sa espirituwalidad o mas magaling ang relihiyon sa maraming aspekto”—kabilang na ang mga positibong emosyon, diwa ng layunin, pakikilahok sa komunidad, at pakikisama sa lipunan (Faith and Wellness: The Worldwide Connection between Spirituality and Wellbeing [2023], 4, faithandmedia.com/research/gallup).

  4. Bawat siniping karanasan ay ikinuwento—taglay ang aking paghanga at pasasalamat—sa mga salita ng mga indibiduwal na sangkot dito at nang may pahintulot nila.

  5. Ngayon sa Simbahan, mga young adult na edad 18–35 (kabilang na kapwa ang mga young single at young adult na may asawa) at mga single adult (edad 36–45) ang bumubuo sa sangkatlo (32.5 porsiyento) ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Simbahan. Sa 5.623 milyong miyembro ng Simbahan, ang kabuuang bilang ng mga young adult na edad 18–35 ay 3.625 milyon (kung saan 694,000 ang may asawa), at ang kabuuang bilang ng mga single adult na edad 36–45 ay 1.998 milyon. Bukod-tangi ang ating mga young at single adult; bawat isa ay mahalaga. Bawat isa ay may indibiduwal na kuwento ng pananampalataya, paghahanap, katatagan, at pagkahabag. Ang halimbawang ibinahagi rito ay kumakatawan sa pambihirang dami ng mga kuwento at karanasan ng mga young at single adult kapag nakakasalamuha ko kayo sa maraming okasyon at sitwasyon sa buong Simbahan.

  6. Sa kasalukuyan, mga 77,500 missionary ang naglilingkod sa 450 mission sa buong mundo. Kabilang dito ang mga nakababatang teaching missionary, mga nakababatang service missionary, at mga senior couple, ngunit hindi ang 27,800 senior service missionary at mga pangmatagalang boluntaryo. Ang kuwento ng bawat missionary, mula sa paghahanda hanggang sa paglilingkod at pag-uwi, ay indibiduwal at puno ng kabanalan sa Panginoon sa personal na karanasan.

    Maraming karanasan ng mga missionary ang makikitaan ng espirituwal na pattern. Kabilang dito ang indibiduwal na patotoo tungkol sa di-makasariling pag-anyaya at pagtulong sa iba na lumapit kay Jesucristo at ng pagiging disipulo ni Jesucristo ng missionary at ng missionary na ipinamumuhay ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Nababago ang mga missionary ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at binabago pa, sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa kanilang mga karanasan. Natututo silang mahalin ang mga tao, lugar, wika, at kultura. Tinutupad nila ang propesiya sa pamamagitan ng paghahatid ng masayang balita ng kabuuan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa mga bansa, mag-anak, at tao. Nasusumpungan nila ang kabutihan at natututong mamuhay sa piling ng bawat kompanyon. Nakikipagtulungan sila sa mga miyembro, lider, at kaibigan sa maraming sitwasyon at pinagmulan, at napakarami pang iba.

    Pinagyayaman ng mga missionary na ipinamumuhay ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang pananampalataya at pagtitiwala. Bumubuo sila ng matatapat na pagsasama. Natututuhan nila na ang pagsunod ay naghahatid ng mga pagpapala at himala. Sa napakaraming iba pang personal na paraan, talagang sila ay nagiging at nalalaman sa pamamagitan ng tipan na: “Ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos” (3 Nephi 5:13).

  7. Natatagpuan ng ilan sa ating pinakamatatapat at matatapang na miyembro ng Simbahan, mga kapatid, ang kanilang sarili na nahaharap sa mga sitwasyong hindi nila akalain at hinding-hindi pipiliin. Ang mga tunay na Banal na ito ay nagpapatuloy, sa pagdaan ng mga araw, na kadalasa’y naghihintay sa Panginoon. Alam ng Panginoon ang nangyayari sa bawat isa at, tulad ng magiliw na ibinabahagi ng halimbawang ito, hangad Niyang hikayatin at patatagin ang bawat isa sa atin sa Kanyang panahon at paraan.

  8. May labis na pananabik para sa mga relasyon sa mga magulang at anak. Lubos akong nagpapasalamat para sa bawat sitwasyon kung saan, kahit pagkaraan ng maraming taon, ang pagkakasundo, pagpapatawad, at pagiging kabilang sa tipan ay nililikha o ibinabalik. Ayaw ng butihing sister na ito na pag-isipan nang masama ng sinuman ang kanyang ama. Sabi niya, “Isa siyang maayos at tapat na lider at isang mabuting ama.”

  9. Ang isang kabalintunaan ng pagiging magulang ay na ang mga anak ay lubhang nahuhubog ayon sa kung paano sila pinalaki, subalit karaniwa’y kakaunti ang naaalala nila tungkol sa mga taon noong bata pa sila nang ang kanilang ina ay walang-pagod at di-makasarili silang inalagaan. Walang sapat na mga salitang maaaring magpahayag ng katotohanan na ang aking pag-unawa, pagmamahal, at pasasalamat para sa aking ama’t ina ay lumawak at lumalim nang ako ay maging isang asawa, magulang, at lolo. Sa pagmumuni-muni tungkol sa likas na pagpapatuloy ng plano ng kaligayahan sa mga henerasyon, maaari nating makita ang ating sarili, sa mga salamin ng kawalang-hanggan sa templo, bilang isang ina, lola, lola-sa-tuhod sa kabilang direksyon.

  10. Ngayon, humigit-kumulang 60 porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ay naninirahan sa mga lugar na 50 milya (80 km, o mga isang oras na pagbibiyahe sa maraming lugar) ang layo mula sa isang bahay ng Panginoon. Sa darating na mga taon, kapag natapos na ang ipinahayag na mga templo, humigit-kumulang tatlong-kapat (3/4) ng mga miyembro ng Simbahan ang maninirahan sa mga lugar na isang oras ang layo mula sa isang bahay ng Panginoon. Depende sa sitwasyon, sana ay sapat na ang lapit na iyan para dalasan ang dalaw sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay, sa gayo’y mapagpala ang mga henerasyon ng mahal na mga kapamilya at tayo mismo at ang ating mga inapo.

  11. Sa ating mga templo, ang karaniwang inskripsyon ay “Kabanalan sa Panginoon, ang Bahay ng Panginoon.” May iba pang kasama sa inskripsyong ito sa ilang templo, tulad ng pagdaragdag ng pangalan ng Simbahan. Baligtad naman ang inskripsyon sa ilang templo: “Ang Bahay ng Panginoon, Kabanalan sa Panginoon” (sa Atlanta, Los Angeles, at San Diego sa Estados Unidos). Ang nakasulat lang sa inskripsyon sa Logan temple ay, “Kabanalan sa Panginoon.”