Handa Tayong Tulungan ng Kanyang Mapagpalang Kamay
Kung umaasa tayo kay Jesucristo nang may pananampalataya, Siya ay palaging naririyan.
Noong bata pa ako, nagbakasyon kami ng buong pamilya ko sa isang dalampasigan sa baybayin ng bansang pinagmulan ko, ang Chile. Nagalak ako dahil makakasama ko ng ilang araw ang aking pamilya na nagsasaya sa panahon ng tag-araw. Natuwa rin ako dahil akala ko, sa wakas, makakasali na ako at magagawa ko na ang karaniwang pinagkakatuwaan ng dalawang kuya ko sa tubig.
Isang araw, nagpunta ang mga kapatid ko para maglaro kung saan humahampas ang mga alon, at naisip ko na malaki na ako at nasa tamang edad na para gayahin sila. Nang makalapit na ako sa dakong iyon, napagtanto ko na mas malalaki ang alon kaysa sa natatanaw ko mula sa dalampasigan. Biglang isang alon ang mabilis na rumagasa sa akin na ikinagulat ko. Sa pakiwari ko ay sinakluban ako ng kapangyarihan ng kalikasan, at kinaladkad ako sa ilalim ng dagat. Wala akong makita o maramdamang makakapitan habang sinisiklot ako ng mga alon. Nang sumaisip ko na ito na marahil ang katapusan ng pakikipagsapalaran ko sa mundo, naramdaman kong may kamay na humihila sa akin pataas. Sa wakas, nasilayan ko na ang araw at habul-habol ko ang aking hininga.
Nakita pala ng kapatid kong si Claudio ang mga pagtatangka kong kumilos na parang matanda at sumaklolo siya sa akin. Malapit lang ako sa dalampasigan. Kahit mababaw ang tubig, nataranta ako at hindi ko naisip na matutulungan ko ang sarili ko. Sinabihan ako ni Claudio na kailangan kong mag-ingat at, kung gusto ko, maaari niya akong turuan. Sa kabila ng galun-galong tubig na nainom ko, mas malakas ang kayabangan at pagnanais kong ipakita na malaki na ako, at sinabi kong, “Sige.”
Sinabi ni Claudio sa akin na kailangan kong salubungin ang mga alon. Nasabi ko sa sarili ko na tiyak na matatalo ako ng ga-pader na taas ng tubig na iyon.
Nang papalapit na ang isang bagong alon na malaki, agad na sinabi ni Claudio, “Tingnan mo ako; ganito ang gagawin mo.” Patakbong sinalubong ni Claudio ang alon at nag-dive bago ito humampas. Napahanga ako nang husto sa pag-dive niya kaya hindi ko napansin ang paparating na alon. Kaya nga, muli akong humantong sa ilalim ng dagat at siniklot ng pwersa ng kalikasan. Ilang segundo ang lumipas, isang kamay ang humawak sa akin, at muli akong iniahon sa tubig at nakalanghap ng hangin. Nagsimulang mamatay ang nag-aapoy na kayabangan ko.
Sa pagkakataong ito, niyaya ako ng kapatid ko na sabayan siya sa pag-dive. Sa kanyang pagyaya, sumunod ako sa kanya, at sabay kaming nag-dive. Nadama ko na tila matagumpay kong nagawa ang pinakakomplikadong hamon sa akin. Ang totoo, hindi ito kadalian, ngunit nagawa ko ito, salamat sa tulong at halimbawang ipinakita ng aking kapatid. Dalawang beses akong sinagip ng kanyang kamay; ipinakita sa akin ng kanyang halimbawa kung paano haharapin ang hamon sa akin at maging matagumpay noong araw na iyon.
Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na mag-isip nang selestiyal, at nais kong sundin ang kanyang payo at ihalintulad ito sa aking kuwento noong tag-araw na iyon.
Ang Kapangyarihan ng Tagapagligtas Laban sa Kaaway
Kung nag-iisip tayo nang selestiyal, mauunawaan natin na haharap tayo sa mga hamon ng buhay na tila mas malaki pa kaysa sa ating kakayahang madaig ang mga ito. Sa buhay natin sa mundo, makakaranas tayo ng pag-atake ng kaaway. Tulad ng mga alon na dumaig sa akin noong tag-araw na iyon, maaari maramdaman natin na nauubusan tayo ng lakas at nais na magtangay na lamang sa mas malakas na impluwensya. Maaari tayong siklut-siklutin ng “masasamang alon” [ng buhay]. Ngunit huwag kalimutan kung sino ang may kapangyarihan sa mga alon na iyon, at, sa katunayan, sa lahat ng bagay. Siya ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. May kapangyarihan Siya na tulungan tayo sa bawat miserableng kalagayan o masamang sitwasyon. Nararamdaman man natin o hindi na malapit tayo sa Kanya, kaya pa rin Niya tayong abutin saanman at kung sinuman tayo ngayon.
Kapag lumalapit tayo sa Kanya nang may pananampalataya, nariyan Siya sa tuwina, at sa Kanyang takdang panahon, handa at sabik Siyang hawakan nang mahigpit ang ating mga kamay at hilahin tayo paakyat sa ligtas na lugar.
Ang Tagapagligtas at Halimbawa ng Kanyang Paglilingkod
Kung nag-iisip tayo nang selestiyal, makikilala natin si Jesucristo bilang halimbawa ng walang-kapintasang paglilingkod. May huwaran para sa atin sa mga banal na kasulatan sa tuwing tumutulong Siya o ang Kanyang mga disipulo sa isang taong nangangailangan ng pagkalinga, pagsagip, o pagpapala na hinahawakan ng kanilang mga kamay. Tulad sa kuwento ko, alam kong naroon ang kapatid ko, ngunit hindi naging sapat para sa akin na naroon lamang siya. Alam ni Claudio na nasa panganib ako, at lumapit siya para tulungan ako na iangat sa tubig.
Kung minsan, akala natin ay sapat nang nasa tabi tayo ng taong nangangailangan ng tulong, at sa maraming pagkakataon, higit pa riyan ang magagawa natin. Ang pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw ay makatutulong sa ating makatanggap ng paghahayag para mabigyan ng napapanahong tulong ang iba pang nangangailangan. Makaaasa tayo sa patnubay at inspirasyon ng Espiritu Santo upang maunawaan kung anong uri ng tulong ang kailangan, kung ito man ay temporal na suporta tulad ng kapanatagan ng damdamin, pagkain, o tulong sa mga gawain sa araw-araw, o espirituwal na patnubay para tulungan ang iba sa kanilang paglalakbay na maghanda, gumawa, at tumupad ng mga sagradong tipan.
Handa ang Tagapagligtas na Sagipin Tayo
Noong si Pedro, na senior na Apostol, ay “lumakad sa ibabaw ng tubig, patungo kay Jesus … natakot siya, at nang siya’y papalubog” ay “sumigaw siya, Panginoon, iligtas mo ako.” Alam ni Jesus ang pananampalatayang ipinakita ni Pedro para lumapit sa Kanya sa ibabaw ng tubig. Alam din Niya ang takot na naramdaman ni Pedro. Ayon sa salaysay, “inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya,” na sinasabi ang mga salitang ito: “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” Ang Kanyang mga salita ay hindi upang pagalitan si Pedro, kundi ipaalala sa kanya na Siya, ang Mesiyas, ay kasama niya at ng mga disipulo.
Kung nag-iisip tayo nang selestiyal, matatanggap natin ang kumpirmasyon sa ating puso na si Jesucristo nga ang ating Tagapagligtas, ang ating Tagapamagitan sa Ama, at ang ating Manunubos. Kapag sumampalataya tayo sa Kanya, ililigtas Niya tayo mula sa ating makasalanang kalagayan, higit pa sa ating mga hamon, karamdaman, at pangangailangan sa temporal na buhay na ito, at ibibigay sa atin ang pinakadakila sa lahat ng kaloob na buhay na walang hanggan.
Hindi Tayo Sinusukuan ng Tagapagligtas
Hindi ako pinabayaan ng kapatid ko noong araw na iyon, bagkus ay nagpumilit siya para matuto ako kung paano gawin ito para sa aking sarili. Nagpumilit siya, kahit pa kinailangan niya akong iligtas ng dalawang beses. Nagpumilit siya, kahit hindi ko ito natutuhan noong una. Nagpumilit siya para malagpasan ko ang hamong iyon at magtagumpay. Kung nag-iisip tayo nang selestiyal, mapagtatanto natin na mananatiling nariyan ang ating Tagapagligtas gaano man karaming ulit na kakailanganin natin ng tulong kung nais nating matuto, magbago, manaig, makaya, o magtagumpay sa anumang magdudulot ng tunay at walang hanggang kaligayahan sa ating buhay.
Ang mga Mapagpalang Kamay ng Tagapagligtas
Binigyang-buhay ng mga banal na kasulatan ang simbolo at kahulugan ng mga mapagpalang kamay ng Tagapagligtas. Sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ipinako ang Kanyang mga kamay upang mailagay Siya sa krus. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nagpakita Siya sa Kanyang mga disipulo sa perpektong katawan, ngunit ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay ay nananatili bilang paalala ng Kanyang walang-hanggang sakripisyo. Ang Kanyang mapagpalang kamay ay laging nariyan para sa atin, bagama’t hindi natin ito nakikita o nadarama sa simula, dahil pinili Siya ng ating Ama sa Langit na maging ating Tagapagligtas, ang Manunubos ng buong sangkatauhan.
Kung nag-iisip ako nang selestiyal, alam kong hindi tayo iiwang mag-isa sa buhay na ito. Bagama’t kailangan nating humarap sa mga hamon at pagsubok, alam ng ating Ama sa Langit ang ating mga kakayahan at alam Niya na makakaya o malalampasan natin ang ating mga paghihirap. Kailangang gawin natin ang ating parte at bumaling sa Kanya nang may pananampalataya. Ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo ay ating tagapagligtas at laging nariyan. Sa Kanyang pangalan, ang sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.