Mga Araw na Hindi Malilimutan Kailanman
Ang mga darating na sandaling ito ay magbibigay sa mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako ng mas maraming oportunidad na ibahagi ang masayang balita ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Pambungad
Mahal kong mga kapatid, ang kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa dispensasyong ito ay nagniningning sa mga banal na karanasan na nagpapakita kung paano ginabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Gayunman, may isang dekada sa ating kasaysayan na kapansin-pansing namumukod-tangi sa lahat—ang dekada mula 1820 hanggang 1830. Simula sa naging karanasan ni Propetang Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan noong tagsibol ng 1820, nang makita niya ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at nagpatuloy hanggang Abril 6, 1830, ang dekadang iyon ay walang katulad.
Isipin ang mga pambihirang kaganapang ito! Nakipag-usap ang batang propeta kay anghel Moroni, isinalin ang mga laminang ginto, at inilathala ang Aklat ni Mormon! Siya ang naging kasangkapan sa pagpapanumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, at pagkatapos ay inorganisa niya ang Simbahan! Mahusay na inilarawan ni Oliver Cowdery ang panahong iyon: “Ang mga araw na ito ay hindi maaaring malimutan [kailanman].” Patuloy hanggang sa araw na ito ang mga kaganapang puno ng himala.
Tahasan kong sinasabi na sinimulan na natin ngayong taon ang isang dekada na maaaring kasinghalaga ng mga pangyayari sa dekada ng walang-katulad na pagtatatag na iyon halos dalawang siglo na ang nakararaan.
Ang Dekada Natin
Hayaan ninyong magpaliwanag ako. Sa pagitan ng ngayon, 2024, at ng 2034, daranas tayo ng mahahalagang kaganapan na magreresulta sa mga pambihirang pagkakataong maglingkod, makiisa sa mga miyembro at kaibigan, at ipakilala ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mas maraming tao kaysa noon.
Nasaksihan pa lamang natin ang kapangyarihan ng isang tunay na makasaysayang sandali nang ipagdiwang natin na kasama ng milyun-milyong tao ang ika-100 kaarawan ni Pangulong Russell M. Nelson.
Sa pag-uulat sa kaarawan ni Pangulong Nelson, mababasa sa Newsweek ang headline nitong, “World’s Oldest Religious Leader Turns 100.” Pagkatapos ay inilista nila ang 10 pinakamatatandang pinuno ng relihiyon sa mundo—na si Pangulong Nelson ang nangunguna sa isang listahang kinabibilangan ni Pope Francis at ng Dalai Lama.
Ang pahayag na ito mula sa isang artikulo ng New York Times ay kumakatawan sa saloobin ng karamihan sa usaping pandaigdigan: “Sa isang presidential election cycle sa [Estados Unidos] na naghikayat ng malalim na pagmumuni-muni tungkol sa pagtanda at pamumuno, iminumungkahi ng mahalagang araw na ito ni Mr. Nelson na, kahit sa kanyang simbahan man lang, ang tatlong-digit na kaarawan ay hindi nararapat alalahaning masyado. Nananatili siyang isang tanyag na tao sa mga miyembro ng simbahan, na ang tingin sa kanilang pangulo ay hindi lamang isang tagapamahala kundi isa ring ‘propeta, tagakita, at tagapaghayag.’”
Kaylaki ng pasasalamat natin na ang natatanging kaarawan ni Pangulong Nelson ay nagbigay sa atin ng oportunidad na ipakilala ang isang propeta ng Diyos sa lahat ng tao sa daigdig, sa isang pagdiriwang na hindi malilimutan kailanman.
Sa simula ng tagsibol na ito, isang inayos na liwasan sa Temple Square—na nagtatampok sa internasyonal na mga bandila na kumakatawan sa mga bansang kumikilala sa Simbahan—ang inilantad sa publiko. Isang monumentong granite ang nasa pasukan ng liwasan kung saan nakasulat ang propesiyang ito: “At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok, at itataas sa ibabaw ng mga burol; at lahat ng bansa ay pupunta roon.”
Tiyak, ang mahahalagang pangyayaring magaganap sa susunod na 10 taon ay binubuo ng isang pagpapakita ng katuparan ng propesiyang ito ni Isaias.
Isipin ang malaking bilang ng mga open house at paglalaan ng templo na nakaplanong idaos sa susunod na dekada, maging ang potensyal na 164 na mga templo at madaragdagan pa. Isipin ang milyun-milyon sa inyo at inyong mga kaibigan na naglalakad sa loob ng templo. Ang simbolikong sentro ng mga kaganapang ito ay ang muling paglalaan ng Salt Lake Temple at ang mga aktibidad na kaugnay nito. Tiyak na ito ay mga araw na hindi malilimutan kailanman.
Ang taong 2030 ay maghahatid ng mga oportunidad sa buong mundo na gunitain ang ikadalawang daang taon ng pagkakatatag ng Simbahan. Bagama’t napakaaga pa para sabihin kung paano kikilalanin ng Simbahan ang mahalagang kaganapang ito, tiyak na tutulutan tayo nitong mag-anyaya ng mga kapamilya, kaibigan, kasamahan, at panauhing-pandangal na “pumarito at tingnan” at mas unawain ang malaking epekto ng Simbahan sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan.
Sa 2034, libu-libong dignitaryo, bisita, at atleta mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang pupuno sa mga lansangan ng Salt Lake City, ang entablado para sa Winter Olympic Games. Marahil ay wala nang hihigit pang pagpapamalas ng pandaigdigang pagkakaisa kaysa roon sa nakapaloob sa Olympic Games. Matutuon ang mga mata ng mundo sa Simbahan at sa mga miyembro nito, na magbibigay ng maraming pagkakataong magboluntaryo, maglingkod, at magbahagi ng masayang balita sa pamamagitan ng mabubuting gawa—isang kaganapang hindi malilimutan kailanman.
Ang parating na mga sandaling ito ay magbibigay sa mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako ng mas maraming oportunidad na ibahagi ang masayang balita ng ebanghelyo ni Jesucristo sa salita at gawa, isang dekadang hindi malilimutan kailanman.
Masayang Balita
Sa isang miting ilang linggo lang bago sumapit ang kanyang kaarawan, ibinahagi ni Pangulong Nelson kung bakit niya pinahahalagahan ang mga katagang “masayang balita.” Sa unang tingin, pagpuna niya, naghahatid ng kagalakan at kaligayahan ang mga katagang ito. Pero higit pa riyan ang ibig iparating ng “masayang balita.” Ipinaliwanag niya na ang mga katagang ito ay mula sa orihinal na salitang Griyegong euangelion, na ang literal na kahulugan ay “mabuting balita” o ang “ebanghelyo.” Ang kaligayahan at kagalakan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay ay laging nakaugnay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa gayon ay napapaloob sa mga katagang “masayang balita” ang dalawang kahulugang ito sa isang kahanga-hangang paraan.
“Ang tao [lalaki at babae] ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.” Ibinigay ng Ama sa Langit ang plano ng kaligayahan upang makadama tayo ng kagalakan sa pamamagitan ng Kanyang mga pagpapala. Kabilang dito ang pamumuhay sa Kanyang kinaroroonan kasama ang ating pamilya magpakailanman. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakamahalaga sa plano ng Diyos na tubusin tayo. Upang matanggap ang buhay na walang hanggan, kailangan nating lumapit kay Cristo. Habang ginagawa natin ito “at tinutulungan ang iba na gayon din ang gawin, nakikibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos.”
Ang mensaheng ito ng masayang balita ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamahalagang mensahe sa mundo. At dito pumapasok ang papel na ginagampanan ng mga kabataan at young adult ng Simbahan.
Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ngayon, bagama’t ang parating na dekadang ito ay maaaring mapuno ng mga araw na hindi malilimutan kailanman para sa bawat miyembro ng Simbahan, maaaring totoo ito lalo na sa inyo na lumalaking henerasyon. Narito kayo ngayon sa mundo dahil pinili kayong pumarito ngayon. May lakas at kakayahan kayong maging mga disipulo ni Cristo sa walang-katulad na paraan.
Itinuro ni Pangulong George Q. Cannon: “Inireserba ng Diyos ang mga espiritu para sa dispensasyong ito na may tapang at determinasyon na harapin ang mundo at lahat ng kapangyarihan ng demonyo [at] … itayo ang Sion ng ating Diyos nang walang takot sa lahat ng ibubunga nito.”
Dahil dito, nais kong magsalita sa inyo na lumalaking henerasyon, upang anyayahan kayong isipin kung gaano maaaring maging kapana-panabik ang susunod na dekadang ito, isang panahong hindi malilimutan kailanman, para sa inyo. Nais ko ring bigyan kayo ng ilang simpleng payo at paghihikayat na maaaring magbigay sa inyo ng lakas sa darating na dekadang ito.
Tulad ng marami sa inyo, may smartphone ako na, paminsan-minsan at walang anumang pahiwatig, ay nangongolekta ng mga larawan na nagpapakita ng mga nagawa ko sa isang partikular na araw. Lagi akong nagugulat na makita kung gaano kalaki ang ipinagbago ng mga bagay-bagay para sa akin at sa aking pamilya sa loob lamang ng ilang taon.
Isipin ang mga larawang makukunan ng inyong cell phone 10 taon mula ngayon! Maaari ninyong makita ang inyong sarili na nagtatapos sa hayskul o kolehiyo, tumatanggap ng inyong endowment, nagmimisyon, ikinakasal, at isinisilang ang inyong unang anak. Para sa bawat isa sa inyo, magiging isang dekada ito na hindi malilimutan kailanman. Ngunit madodoble ito kung masigasig kayong magsisikap na maging liwanag sa sanlibutan at ipakita kung paano mapagyayaman at mapapasigla ng masayang balita ng ebanghelyo ni Jesucristo hindi lamang ang inyong buhay kundi maging ang buhay ng inyong pamilya, mga kaibigan, at mga sumusubaybay sa social media.
Maaaring iniisip ninyo kung paano ito gagawin.
Tinuruan tayo ng mga propeta ng Diyos na isinasagawa ito sa pamamagitan ng apat na simpleng aktibidad, na tinutukoy na mga responsibilidad na bigay ng Diyos: una, pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo; pangalawa, pagmamalasakit sa mga nangangailangan; pangatlo, pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo; at pang-apat, pagbubuklod ng mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Kamangha-mangha na bawat isa rito ay maaaring gawin sa pinakanormal at pinakanatural na mga pamamaraan.
Mga Responsibilidad na Bigay ng Diyos
Ipinapangako ko sa inyo na magiging isang dekada ito na hindi malilimutan kailanman para sa inyo kung tatanggapin ninyo ang apat na responsibilidad na ito na bigay ng Diyos. Isaalang-alang natin kung ano ang maaaring nakapaloob dito.
Una, pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pag-aralan ang mga salita ng mga propeta, at matutong mahalin ang inyong Ama sa Langit. Ibaling ang inyong puso sa Kanya, at sikaping tumahak sa Kanyang landas. Mapasigla ng “tiwala sa tipan” na inilarawan ni Elder Ulisses Soares. Ang tiwalang ito ay nagmumula sa pakikipagtipan na sundin si Jesucristo, batid na palalakasin at susuportahan kayo ng Tagapagligtas bilang kapalit.
Hayaang makita ng inyong mga kaibigan ang kagalakang nadarama ninyo sa pagsasabuhay ng ebanghelyo, at kayo ang magiging pinakamagandang mensahe ng ebanghelyo na matatanggap nila.
Pangalawa, tumulong nang may habag at magmalasakit sa mga nangangailangan. Hindi pangkaraniwan ang pagkamaalalahanin ng inyong henerasyon sa mga kapus-palad. Tuwing may kalamidad at nagmamadaling tumulong ang mga miyembro ng Simbahan sa paglilinis ng mga kalat at pag-aliw sa mga naghihirap, tila karamihan sa mga nakasuot ng mga “Helping Hands” T-shirt ay mga tinedyer at mga nasa dalawampung taon ang edad. Likas sa inyo ang “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.” Sa paggawa nito “[tinutupad natin] ang batas ni Cristo.”
Nagpasiya si Evan, isang batang lalaking edad-Primary, na gugulin ang kanyang summer vacation sa paaralan sa pagkolekta ng mga sangkap para sa mga peanut butter at jelly sandwich na ipamimigay sa kanyang lokal na food bank. Nakita niya ang proyektong ito sa JustServe website. Humingi ng tulong ang batang si Evan sa buong klase niya sa paaralan sa pagkolekta ng mahigit 700 garapon ng jelly! Ipaalam sa mga taong pinaglilingkuran ninyo na ang pagmamalasakit ninyo sa kanila ay nakaugat sa inyong pagmamahal sa Diyos at sa pagnanais ninyong ibigin ang inyong kapwa na gaya ng inyong sarili.
Pangatlo, anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ngayong taon ay nagbukas tayo ng 36 na bagong mission sa buong mundo para mapaunlakan ang lahat ng nagnanais na maglingkod sa mga full-time mission. Sa isang panahon na maraming kabataan ang lubusang tumatangging makibahagi sa pormal na aktibidad sa relihiyon, kapansin-pansin ito at nagpapatunay sa pagiging likas na kahanga-hanga ng inyong mga patotoo. Naglilingkod man nang full-time o hindi, sana’y mapagtanto ninyo ang inyong napakalaking kakayahan na impluwensyahan ang inyong mga kabarkada habang minamahal, binabahaginan, at inaanyayahan silang saliksikin ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Pang-apat, ibuklod ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Kapag bumibisita ako sa mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo, namamangha ako sa dami ng mga kabataang nakatayo na lang dahil punung-puno ang silid habang naghihintay sa baptistry at sa dumaraming mga young adult na naglilingkod bilang mga ordinance worker. Kamakailan lamang ay naglakbay ang isang grupo ng mahigit 600 kabataan mula sa Scotland at Ireland papuntang Preston England Temple, at nagsagawa ng mahigit 4,000 mga ordenansa, na karamihan ay para sa mga ninuno nilang pumanaw na! Hinihikayat ko kayong makibahagi sa family history, mag-ukol ng oras sa templo, at maingat na ihanda ang inyong sarili na maging uri ng lalaki o babae na handang makasal sa templo sa isang karapat-dapat din na makasama sa buhay. Ugaliin sa inyong buhay ngayon na gawing regular na bahagi ng inyong buhay ang templo.
Pangwakas
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigang kabataan, malamang na magkaroon ng mga paghihirap ang bawat isa sa atin sa darating na mga araw. Gayunman, sa pagpasok natin sa darating na dekada ng walang-katulad na mga sandali, nawa’y ibahagi natin ang masayang balita sa pamamagitan ng mga simpleng aktibidad ng pagsasabuhay, pagmamalasakit, pag-aanyaya, at pagkakaisa. Kapag ginawa natin ito, bibiyayaan tayo ng Panginoon ng mga karanasang hindi malilimutan kailanman.
Pinatototohanan ko na ang mga lumalapit sa Panginoon nang may tapat na puso at tunay na layunin, mga sumasambit sa pangalan ng Tagapagligtas at nasa kaibuturan ng kanilang kaluluwa ang Banal na Espiritu, mga nagsisimula sa dakila at maluwalhating paglalakbay na ito ay matutuklasan at mararanasan ang saganang mga pagpapalang selestiyal at tatanggap ng patotoo na naririnig, kilala, at mahal kayo ng Diyos. Daranas kayo ng mga araw na hindi malilimutan kailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.