Welcome sa Simbahan ng Kagalakan
Dahil sa mapagtubos na buhay at misyon ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, tayo ay maaaring—at dapat—maging pinakamasasayang tao sa buong mundo!
Nabinyagan ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Bisperas ng Pasko ng 1987, mga 37 taon na ang nakakalipas. Iyon ay talagang napakagandang araw sa buhay ko at sa aking paglalakbay sa kawalang-hanggan, at lubos ang aking pasasalamat sa mga kaibigang naghanda at nagdala sa akin sa tubig ng bagong buhay.
Kayo man ay nabinyagan kahapon o maraming taon na ang nakalipas, kayo man ay nagtitipon sa isang gusali ng Simbahan o sa isang kubo, tinatanggap man ninyo ang sakramento para alalahanin ang Tagapagligtas sa wikang Thai o Swahili, nais kong sabihin sa inyo, welcome sa simbahan ng kagalakan! Welcome sa simbahan ng kagalakan!
Ang Simbahan ng Kagalakan
Dahil sa mapagpalang plano ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa Kanyang mga anak, at dahil sa mapagtubos na buhay at misyon ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, tayo ay maaaring—at dapat—maging pinakamasasayang tao sa buong mundo! Kahit na dumaranas tayo ng mga pagsubok sa buhay sa magulong mundong ito, maaari tayong magkaroon ng kagalakan at kapayapaan ng kalooban dahil sa ating pag-asa kay Cristo at sa ating pag-unawa sa ating lugar sa magandang plano ng kaligayahan.
Ang senior na Apostol ng Panginoon na si Pangulong Russell M. Nelson ay nagsalita tungkol sa kagalakang nagmumula sa buhay na nakasentro kay Jesucristo sa halos lahat ng kanyang mensahe mula nang siya ay naging Pangulo ng Simbahan. Malinaw niya itong ibinuod: “Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. … Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, si Jesucristo ang kagalakan!”
Tayo ay mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Tayo ay mga miyembro ng simbahan ng kagalakan! At wala nang iba pang paraan kung saan mas makikita ang ating kagalakan bilang isang simbahan kaysa sa sama-sama nating pagtitipon tuwing Sabbath sa ating mga sacrament meeting para sambahin ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan! Dito ay nagtitipon tayo kasama ng ating mga ward at branch para gunitain ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon, ang pagliligtas sa atin mula sa kasalanan at kamatayan, at sa makapangyarihang biyaya ng Tagapagligtas! Pumaparito tayo para maranasan ang kagalakan, kanlungan, kapatawaran, pasasalamat, at pakikipagkapatiran na matatagpuan sa pamamagitan ni Jesucristo!
Ang diwa bang ito ng sama-samang pagkagalak kay Cristo ang hanap ninyo? Ito ba ang inaalay ninyo? Maaaring sa palagay ninyo ay wala itong gaanong kinalaman sa inyo, o marahil ay nasanay na kayo sa mga bagay na nakagawian. Pero lahat tayo ay may magagawa, anuman ang ating edad o calling, para makatulong na ang ating mga sacrament meeting ay mapuno ng kagalakan, nakatuon kay Cristo, malugod na tinatanggap ang lahat, at puno ng diwa ng pagpipitagan na may kagalakan.
Pagpipitagan na may Kagalakan
Pagpipitagan na may kagalakan? Marahil ay maitatanong ninyo, “May ganyan ba?” Oo, mayroon! Lubos ang ating pagmamahal, pagbibigay-puri, at paggalang sa ating Diyos, at ang ating pagpipitagan ay nagmumula sa kaluluwang nagagalak sa saganang pagmamahal, awa, at kaligtasan ni Cristo! Ang pagpipitagan na may kagalakan para sa Panginoon ang dapat na maging diwa ng ating mga sagradong sacrament meeting.
Gayunman, para sa marami, ito lang ang kahulugan ng pagpipitagan: nakaayos ang ating mga kamay na parang nagdarasal, nakayuko ang ating mga ulo, nakapikit ang ating mga mata, at hindi paggalaw—nang matagal! Maaaring makatulong ito sa pagtuturo sa malilikot na bata, pero sa kanilang paglaki at pagkatuto, tiyakin natin na higit pa rito ang kahulugan ng pagpipitagan. Ganyan ba ang gagawin natin kung kasama natin ngayon ang Tagapagligtas? Hindi, dahil “sa [Kanyang] harapan ay may kapuspusan ng kagalakan”!
Para sa marami sa atin, ang pagpapahusay ng mga sacrament meeting sa ganitong paraan ay mangangailangan ng panahon at pagsisikap.
Pagdalo kumpara sa Pagsamba
Hindi tayo nagtitipon sa araw ng Sabbath para lamang dumalo sa sacrament meeting at masabing nagawa natin ito. Nagtitipon tayo para sumamba. May malaking pagkakaiba sa dalawang ito. Ang ibig sabihin ng pagdalo ay pagpunta sa isang kaganapan. Ngunit ang pagsamba ay ang sadyang pagbibigay-puri at pagbibigay-galang sa Diyos sa paraang magpapabago sa ating sarili!
Sa Harapan at sa Kongregasyon
Kung tayo ay nagtitipon para alalahanin ang Tagapagligtas at ang pagtubos na ginawa Niyang posible, dapat nasasalamin sa ating mga mukha ang ating kagalakan at pasasalamat! Minsan ay ikinuwento ni Elder F. Enzio Busche na noong siya ay naglilingkod bilang branch president, isang batang lalaki sa kongregasyon ang tumingin sa kanya sa harapan at nagtanong, “Anong ginagawa ng taong mukhang masungit diyan sa itaas?” Ang mga nakaupo sa itaas—mga tagapagsalita, lider, at koro—at ang mga nagtitipon sa kongregasyon ay ipinahihiwatig sa isa’t isa ang “pag-welcome sa simbahan ng kagalakan” sa pamamagitan ng mga ekspresyon sa kanilang mga mukha!
Pag-awit ng mga Himno
Sa ating pag-awit, tayo ba ay sama-samang nagbibigay ng papuri sa ating Diyos at Hari, anuman ang kalidad ng ating boses, o tayo ba ay bumubulung-bulong lang o hindi talaga umaawit? Nakatala sa mga banal na kasulatan na “ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa [Diyos]” at nalulugod ang Kanyang kaluluwa rito. Kaya’t magsiawit tayo! At purihin Siya!
Mga Mensahe at Patotoo
Ang ating mga mensahe at patotoo ay nakasentro sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa mga bunga ng mapagpakumbabang pamumuhay ng Kanilang ebanghelyo, ang mga bunga na “pinakamatamis sa lahat ng matamis.” At tayo ay tunay na “magpapakabusog … hanggang sa [tayo] ay mapuno, upang hindi na [tayo] magutom pa, ni … mauuhaw,” at maging magaan ang ating pasan sa pamamagitan ng kagalakan ng Anak.
Ang Sakramento
Ang maluwalhating sentro ng ating pagpupulong ay ang pagbabasbas at pagtanggap ng sakramento mismo, ang tinapay at tubig na kumakatawan sa nagbabayad-salang kaloob ng ating Panginoon, at siyang pinakalayunin ng ating pagtitipon. Ito ay “isang sagradong oras ng espirituwal na pagpapanibago” kung kailan muli tayong sumasaksi na pumapayag tayong taglayin natin ang pangalan ni Jesucristo at muling nakikipagtipan na laging aalalahanin ang Tagapagligtas at susundin ang Kanyang mga kautusan.
Sa ilang yugto ng buhay, maaaring lumapit tayo sa sakramento nang may kalungkutan at nakapanlulumong pasanin. Sa ilang pagkakataon naman, lumalapit tayo nang malaya at walang pasan na mga alalahanin at problema. Habang taimtim nating pinakikinggan ang pagbabasbas sa tinapay at tubig at tinatanggap ang mga sagradong simbolong ito, maaaring mahikayat tayong pagnilayan ang sakripisyo ng Tagapagligtas, ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani at sa krus, at ang mga pagdadalamhati at sakit na tiniis Niya para sa atin. At iyan ang magbibigay ng lunas sa ating mga kaluluwa, kapag iniuugnay natin ang pagdurusa natin sa Kanyang mga pagdurusa. Sa ilang pagkakataon, namamangha tayo nang may pasasalamat sa “[ma]ganda at [ma]tamis” na kagalakan na ginawang posible ng kahanga-hangang kaloob ni Jesus sa ating buhay at sa ating kawalang-hanggan! Magagalak tayo sa mangyayari sa hinaharap—ang ating pinakahihintay na muling pagkikita sa ating minamahal na Ama at nabuhay na mag-uling Tagapagligtas.
Marahil ay nasanay tayo na ang layunin ng sakramento ay maupo lamang at isipin ang lahat ng nagawa nating kamalian sa nakaraang linggo. Ngunit dapat nating baguhin iyan. Sa katahimikan, maaari nating pagnilayan ang maraming pagkakataon na walang humpay na nagsikap ang Panginoon para maipadama sa atin ang Kanyang pagmamahal sa nakaraang linggo! Maaari nating pagnilayan ang ibig sabihin ng “tuklasin ang galak na dulot ng araw-araw na pagsisisi.” Maaari nating pasalamatan ang mga pagkakataong tinulungan tayo ng Tagapagligtas sa ating mga problema at mga tagumpay at sa mga pagkakataong nadama natin ang Kanyang biyaya, kapatawaran, at kapangyarihan na nagbibigay sa atin ng lakas na mapagtagumpayan ang ating mga paghihirap at makayanan ang ating mga pasanin nang may tiyaga at galak.
Oo, pagnilayan natin ang mga pagdurusa at kawalang-katarungan na dinanas ng ating Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan, at iyan ay maghihikayat ng taimtim na pagninilay. Ngunit minsan ay dito lang tayo nakatuon—sa halamanan, sa krus, at sa loob ng libingan. Hindi natin nagagawang pagtuunan ng pansin ang kagalakan ng pagbubukas ng libingan, ang pagkagapi ng kamatayan, ang tagumpay ni Cristo laban sa lahat ng pipigil sa atin na matanggap ang kapayapaan at makabalik sa ating tahanan sa langit. Tayo man ay lumuluha dahil sa kalungkutan o pasasalamat sa oras ng sakramento, nawa ito ay para sa pagkamangha sa magandang balita ng kaloob ng Ama na Kanyang Anak!
Mga Magulang na may Maliliit na Anak o may mga Anak na may Espesyal na Pangangailangan
Ngayon, para sa mga magulang na may maliliit na anak o may mga anak na may espesyal na pangangailangan, madalas ay wala silang panahon ng katahimikan at payapang pagninilay sa oras ng sakramento. Ngunit sa maiikling sandali sa buong linggo, maaari ninyong ituro sa pamamagitan ng inyong halimbawa ang pagmamahal, pasasalamat, at kagalakang nadarama ninyo para sa at mula sa Tagapagligtas habang patuloy ninyong pinangangalagaan ang Kanyang maliliit na tupa. Walang nasasayang sa mga pagsisikap na ito. Alam ng Diyos ang inyong kalagayan.
Mga Family, Ward, at Branch Council
Sa tahanan din, masisimulan nating pagbutihin ang ating mga inaasahan para sa ating pagdalo sa simbahan. Sa mga family council, maaaring talakayin kung ano ang makabuluhang mga paraan na magagawa ng bawat isa para malugod na tanggapin ang lahat sa simbahan ng kagalakan! Maaari tayong magplano at umasa na magkaroon ng masayang karanasan sa simbahan.
Ang mga ward at branch council ay maaaring magplano at bumuo ng isang kultura ng pagpipitagan na may kagalakan para sa oras ng sakramento, na tinutukoy ang praktikal na mga paraan na makakatulong.
Kagalakan
Ang kagalakan ay may iba’t ibang kahulugan para sa iba’t ibang tao. Para sa ilan, ito ay ang masayang pagbati sa pintuan. Para sa iba, ito ay ang tahimik na pagtulong sa mga tao na maging komportable sa pamamagitan ng pagngiti at pagtabi sa kanila nang may kabaitan at pagmamahal. Para sa mga taong nakadarama na sila ay nalimutan na o malayo ang loob sa atin, ang init ng pagtanggap na ito ay talagang napakahalaga. Sa huli, maaari nating itanong sa ating sarili kung anong klaseng sacrament meeting ang nais ng Tagapagligtas para sa atin. Paano kaya Niya nais madama ng Kanyang mga anak na sila ay malugod na tinatanggap, inaalagaan, inaaruga at minamahal? Ano kaya ang nais Niyang madama natin kapag tayo ay dumadalo para mapanibago ang ating sarili sa pamamagitan ng pag-alaala at pagsamba sa Kanya?
Katapusan
Sa simula ng aking landas ng pananampalataya, ang kagalakan kay Jesucristo ang aking unang pinakamalaking natuklasan, at ito ang nagpabago sa aking mundo. Kung hindi pa ninyo natutuklasan ang kagalakang ito, simulan itong hanapin. Ito ay paanyayang tanggapin ang kaloob ng Tagapagligtas na kapayapaan, liwanag, at kagalakan—na magsaya dahil dito, mamangha rito, at magalak dahil dito tuwing Sabbath.
Ang mga salita ni Ammon sa Aklat ni Mormon ay nagpapahiwatig ng nadarama ng aking puso:
“Ngayon, hindi ba’t may dahilan upang tayo ay magsaya? Oo, sinasabi ko sa inyo, kailanma’y walang taong may gayong kalaking dahilan upang magsaya kaysa sa atin, mula pa nang magsimula ang daigdig; oo, at ang aking kagalakan ay natatangay, maging hanggang sa ipagmalaki ang aking Diyos; sapagkat taglay niya ang lahat ng kapangyarihan, lahat ng karunungan, at lahat ng kaalaman; nalalaman niya ang lahat ng bagay, at isa siyang maawaing Katauhan, maging hanggang sa kaligtasan, sa mga yaong magsisisi at maniniwala sa kanyang pangalan.
“Ngayon, kung ito ay pagmamalaki, gayon pa man ako ay magmamalaki; sapagkat ito ang aking buhay at aking liwanag, … aking kagalakan, at aking labis na ipinagpapasalamat.”
Welcome sa simbahan ng kagalakan! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.