Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli
Ngayon ang panahon para sa inyo at sa akin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako na pinagpala ako ng Panginoon na makapagsalita sa inyo.
Sa kumperensyang ito, nangusap sa atin ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod. Hinihikayat ko kayo na pag-aralan ang kanilang mga mensahe. Gamitin ang mga ito bilang litmus test sa kung ano ang totoo, at hindi totoo, sa susunod na anim na buwan.
Ang pangangalaga at renobasyon ng Salt Lake Temple, at ng iba pang mga lugar sa Temple Square ay halos limang taon nang isinasagawa. Sa kasalukuyang kalkulasyon, ipinahihiwatig na ang gawaing ito ay matatapos sa katapusan ng taong 2026. Nagpapasalamat kami sa lahat ng nagtatrabaho sa napakalaking proyektong ito.
Sa nakalipas na anim na buwan, inilaan o muli naming inilaan ang siyam na templo sa limang bansa. Mula ngayon hanggang sa pagtatapos ng taon, ilalaan namin ang lima pa.
Ngayon ay masaya naming ipinapaalam ang mga plano na magtayo ng 17 pang mga templo. Mangyaring makinig nang may pagpipitagan habang inihahayag ko ang mga lugar.
-
Juchitán de Zaragoza, Mexico
-
Santa Ana, El Salvador
-
Medellín, Colombia
-
Santiago, Dominican Republic
-
Puerto Montt, Chile
-
Dublin, Ireland
-
Milan, Italy
-
Abuja, Nigeria
-
Kampala, Uganda
-
Maputo, Mozambique
-
Coeur d’Alene, Idaho
-
Queen Creek, Arizona
-
El Paso, Texas
-
Huntsville, Alabama
-
Milwaukee, Wisconsin
-
Summit, New Jersey
-
Price, Utah
Mahal kong mga kapatid, nakikita ba ninyo ang nangyayari mismo sa ating harapan? Dalangin ko na makita natin ang karingalan ng sandaling ito! Talagang minamadali na ng Panginoon ang Kanyang gawain.
Bakit tayo nagtatayo ng mga templo sa bilis na hindi pa nangyari kailanman? Bakit? Dahil iniutos sa atin ng Panginoon na gawin iyon. Ang mga pagpapala ng templo ay tumutulong sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing. Tumutulong din ang mga pagpapalang ito na ihanda ang mga tao na tutulong sa paghahanda ng mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon!
Tulad ng ipinropesiya ng propetang si Isaias, at binanggit sa Handel’s Messiah, kapag bumalik si Jesucristo, “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman.”
Sa araw na iyon, “ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat; at ang kanyang pangalan ay tatawaging Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”
Si Jesucristo ang kapwa mamamahala mula sa lumang Jerusalem at sa Bagong Jerusalem na “itatayo sa lupalop ng Amerika.” Mula sa dalawang sentrong ito, pamamahalaan Niya ang mga gawain ng Kanyang Simbahan.
Sa araw na iyon, ang Panginoon ay makikilala bilang “Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.” Ang mga kasama Niya ay “mga tinawag, mga hinirang at tapat.”
Mga kapatid, ngayon ang panahon para sa inyo at sa akin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ngayon ang panahon para unahin natin higit sa lahat ang ating pagiging disipulo. Sa mundong puno ng mga bagay na nakagagambala, paano natin ito magagawa?
Ang regular na pagsamba sa templo ay tutulong sa atin. Sa bahay ng Panginoon, nakatuon tayo kay Jesucristo. Natututo tayo tungkol sa Kanya. Nakikipagtipan tayo na susundin Siya. Nakikilala natin Siya. Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan sa templo, lalo nating natatamo ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Panginoon. Sa templo, tumatanggap tayo ng proteksyon mula sa pananakit ng mundo. Nararanasan natin nang sagana ang dalisay na pagmamahal ni Jesucristo at ng ating Ama sa Langit! Nakadarama tayo ng kapayapaan at espirituwal na katiyakan, na taliwas sa kaguluhan sa mundo.
Narito ang pangako ko sa inyo: Bawat taos-pusong naghahanap kay Jesucristo ay matatagpuan Siya sa templo. Madarama ninyo ang Kanyang awa. Makikita ninyo roon ang mga sagot sa mga tanong ninyo na lubos na bumabalisa sa inyo. Mas mauunawaan ninyo ang kagalakan ng Kanyang ebanghelyo.
Nalaman ko na ang pinakamahalagang tanong na dapat sagutin ng bawat isa sa atin ay ito: Kanino o para sa ano ko ibibigay ang aking buhay?
Ang desisyon kong sundin si Jesucristo ang pinakamahalagang desisyon na ginawa ko. Noong nag-aaral pa ako ng medisina, nagkaroon ako ng patotoo tungkol sa kabanalan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Mula noon, ang ating Tagapagligtas ang naging bato kung saan ko itinayo ang aking buhay. Ang pagpiling iyan ang nakagawa ng lahat ng kaibhan! Ang desisyong iyan ang nagpadali sa napakarami pang ibang desisyon. Ang desisyong iyan ang nagbigay sa akin ng layunin at direksyon. Nakatulong din ito sa akin na makayanan ang mga unos ng buhay. Hayaan ninyong magbahagi ako ng dalawang halimbawa:
Una, nang pumanaw nang biglaan ang asawa kong si Dantzel, hindi ko makontak ang sinuman sa aming mga anak. Sa sandaling iyon, ako ay nag-iisa, puno ng pighati, at humihingi ng tulong. Nagpapasalamat ako, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, itinuro sa akin ng Panginoon kung bakit kinuha na ang aking mahal na si Dantzel. Sa pagkaunawa na iyon, ako ay napanatag. Sa paglipas ng panahon, mas nakayanan ko ang pighating iyon. Kalaunan, pinakasalan ko ang mahal kong asawa na si Wendy. Siya ay mahalagang bahagi ng aking pangalawang halimbawa.
Nang kami ni Wendy ay nasa malayong lugar para sa isang gawain, itinutok ng armadong tulisan ang isang baril sa aking ulo at kinalabit ang gatilyo. Ngunit hindi pumutok ang baril. Sa buong karanasang iyon, parehong nanganib ang aming buhay. Subalit nakadama kami ni Wendy ng hindi maikakailang kapayapaan. Iyon ay kapayapaan “na hindi maabot ng pag-iisip.”
Mga kapatid, papanatagin din kayo ng Panginoon! Palalakasin Niya kayo. Bibiyayaan Niya kayo ng kapayapaan, maging sa gitna ng kaguluhan.
Mangyaring pakinggan ang pangakong ito sa inyo ni Jesucristo: “Ako ay mapapasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay mapapasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang alalayan kayo.”
Walang hangganan ang kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan kayo. Ang Kanyang di-maaarok na pagdurusa sa Getsemani at sa Golgota ay para sa inyo! Ang Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala ay para sa inyo!
Hinihikayat ko kayo na maglaan ng oras bawat linggo—sa nalalabing panahon ng inyong buhay—na dagdagan ang inyong pag-unawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nahahabag ako sa mga taong nahulog sa kasalanan at hindi alam kung paano makalabas. Tumatangis ako para sa mga taong nahihirapan sa espirituwal o nagdadala ng mabibigat na pasanin nang mag-isa dahil hindi nila nauunawaan ang ginawa ni Jesucristo para sa kanila.
Pinasan ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang inyong mga kasalanan, ang inyong mga pasakit, ang inyong pighati, at ang inyong mga kahinaan. Hindi ninyo kailangang pasanin ang mga ito nang mag-isa! Patatawarin Niya kayo kapag nagsisisi kayo. Pagpapalain Niya kayo ng mga kailangan ninyo. Pagagalingin Niya ang inyong sugatang kaluluwa. Kapag pinasan ninyo ang pamatok na kasama Siya, mas gagaan ang inyong mga pasanin. Kung gagawa at tutuparin ninyo ang mga tipan na susundin si Jesucristo, mauunawaan ninyo na ang masasakit na sandali ng inyong buhay ay pansamantala lamang. Ang inyong mga paghihirap ay “ma[lu]lulon sa kagalakan dahil kay Cristo.”
Hindi napakaaga o napakahuli para maging tapat kayong disipulo ni Jesucristo. Pagkatapos ay mararanasan ninyo ang lubos na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Magiging mas epektibo rin kayo sa pagtulong na tipunin ang Israel.
Mahal kong mga kapatid, sa darating na panahon, si Jesucristo, na ating Mesiyas, ay magbabalik sa mundo at maghahari bilang Mesiyas ng milenyo. Kaya ngayon, nananawagan ako sa inyo na muling ilaan ang inyong buhay kay Jesucristo. Nananawagan ako sa inyo na tumulong na tipunin ang Israel at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Nananawagan ako sa inyo na mangusap tungkol kay Cristo, magpatotoo tungkol kay Cristo, manampalataya kay Cristo, at magalak kay Cristo!
Lumapit kay Cristo at “ialay ang inyong buong kaluluwa” sa Kanya. Ito ang sikreto sa buhay na puno ng kagalakan!
Ang pinakamainam ay darating pa, mahal kong mga kapatid, dahil muling paparito ang Tagapagligtas! Ang pinakamainam ay darating pa dahil minamadali ng Panginoon ang Kanyang gawain. Ang pinakamainam ay darating pa kapag lubos nating ibinaling ang ating puso at buhay kay Jesucristo.
Taimtim kong pinatototohanan na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Ako ay Kanyang disipulo. Karangalan kong maging tagapaglingkod Niya. At sa Kanyang Ikalawang Pagparito “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman.” Ang araw na iyon ay mapupuno ng kagalakan para sa mabubuti!
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga sagradong susi ng priesthood na hawak ko, ipinahahayag ko ang katotohanang ito sa inyo at sa buong mundo! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.