O Mga Kabataang May Marangal na Pamana
Nagtitiwala ang Diyos sa inyo, na mga anak ng tipan, na tulungan Siya sa Kanyang gawain na ligtas na iuwi sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga anak.
Elder Stevenson, isang kumperensya ito na hindi malilimutan kailanman.
Noon pa man ay nasisiyahan na ang aming pamilya sa isang munting aklat na pinamagatang Children’s Letters to God [Mga Liham ng mga Bata sa Diyos]. Narito ang ilan:
“Mahal na Diyos, sa halip na hayaang mamatay ang mga tao at lumikha ng bago, bakit hindi na lamang ninyo panatilihing buhay ang mayroon kayo ngayon?”
“Bakit sampu lang ang mga tuntunin ninyo samantalang milyun-milyon ang sa paaralan namin?”
“Bakit ninyo kami nilagyan ng mga tonsil kung aalisin din naman ninyo ulit ang mga iyon?”
Walang oras ngayon para sagutin ang lahat ng mga tanong na ito, pero may isa pang tanong na madalas kong marinig mula sa mga kabataan na gusto kong sagutin. Mula Ulaanbaatar, Mongolia, hanggang Thomas, Idaho, iisa ang tanong: “Bakit? Bakit kailangang mamuhay ang mga Banal sa mga Huling Araw nang ibang-iba kumpara sa iba?”
Alam kong mahirap maging kaiba—lalo na kapag bata ka pa at gustung-gusto mong magustuhan ka ng ibang mga tao. Lahat ay gustong mapabilang, at lubhang pinatitindi ang hangaring iyon sa digital na mundo ngayon na puno ng social media at cyberbullying.
Kaya nga, sa lahat ng puwersang iyan, bakit nga ba ibang-iba ang pamumuhay ng mga Banal sa mga Huling Araw? Maraming magagandang sagot dito: Dahil kayo ay anak ng Diyos. Dahil kayo ay itinalagang isilang sa mga huling araw. Dahil kayo ay disipulo ni Jesucristo.
Ngunit hindi kayo palaging ibinubukod ng mga sagot na iyon. Lahat ay anak ng Diyos. Lahat ng nasa mundo ngayon ay ipinadala rito sa mga huling araw. Gayunman, hindi lahat ay sumusunod sa Word of Wisdom o sa batas ng kalinisang-puri na katulad ninyo. Maraming magigiting na disipulo ni Cristo na hindi mga miyembro ng Simbahang ito. Pero hindi sila naglilingkod sa mga misyon at nagsasagawa ng mga ordenansa sa mga bahay ng Panginoon para sa mga ninuno na tulad ng ginagawa ninyo. May iba pa sigurong sagot bukod dito—at mayroon nga.
Sa araw na ito, gusto kong magtuon sa isa pang dahilan na naging makabuluhan sa buhay ko. Noong 1988, isang bata pang Apostol na nagngangalang Russell M. Nelson ang nagbigay ng mensahe sa Brigham Young University na may pamagat na “Thanks for the Covenant [Salamat sa Tipan].” Doon, ipinaliwanag ng noon ay si Elder Nelson na kapag ginagamit natin ang ating kalayaang moral na gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, nagiging mga tagapagmana tayo ng walang-hanggang tipan na nagawa ng Diyos sa ating mga ninuno sa bawat dispensasyon. Sa madaling salita, tayo ay nagiging “mga anak ng tipan.” Iyan ang naiiba sa atin. Binibigyan tayo nito ng access sa mga pagpapalang natanggap ng ating mga ninunong lalaki at babae, pati na ang karapatan bilang panganay.
Karapatan bilang panganay! Narinig na ninyo siguro ang salitang iyon. Kumakanta pa tayo ng mga himno tungkol dito: “O kabataang pangako, adhikain ninyo’y ituloy!” Makabagbag-damdaming salita ito. Pero ano ang ibig sabihin nito?
Sa panahon ng Lumang Tipan kung pumanaw ang isang ama, ang kanyang panganay na anak na lalaki ang may pananagutang mangalaga sa kanyang ina at mga kapatid na babae. Tinatanggap ng kanyang mga kapatid na lalaki ang kanilang mana at umaalis para mamuhay nang mag-isa, pero hindi umaalis ang panganay. Mag-aasawa siya at magkakaroon ng sarili niyang pamilya, pero naroon pa rin siya para pamahalaan ang mga ari-arian ng kanyang ama hanggang sa mamatay siya. Dahil sa dagdag na responsibilidad na ito, mas malaki ang natatanggap niyang mana. Kalabisan bang hilingin na pamunuan at pangalagaan ang iba? Hindi kapag isinaalang-alang ninyo ang karagdagang mana na ibinigay sa kanya.
Hindi natin pinag-uusapan ngayon ang pagkakasunud-sunod ng pagsilang ninyo sa inyong pamilya sa mundo o ang mga tungkulin ayon sa kasarian sa panahon ng Lumang Tipan. Ang pinag-uusapan natin ay ang pamanang matatanggap ninyo bilang kasamang tagapagmana ni Cristo dahil sa inyong ugnayan sa tipan na pinili ninyo upang makapasok sa piling Niya at ng inyong Ama sa Langit. Kalabisan bang umasa ang Diyos na mamuhay kayo nang naiiba sa iba pa Niyang mga anak upang mas mapamunuan at mapaglingkuran ninyo sila? Hindi kapag inisip ninyo ang mga pagpapala—kapwa temporal at espirituwal—na naipagkaloob sa inyo.
Ang inyo bang pagkapanganay ay nangangahulugan na mas mabuti kayo kaysa sa iba? Hindi, pero nangangahulugan ito na inaasahan kayong tulungan ang iba na maging mas mabuti. Ang inyo bang pagkapanganay ay nangangahulugan na hinirang kayo? Oo, pero hindi kayo hinirang na mamuno sa iba; hinirang kayong paglingkuran sila. Ang inyo bang pagkapanganay ay katibayan ng pagmamahal ng Diyos? Oo, pero ang mas mahalaga, katibayan ito ng Kanyang tiwala.
Isang bagay ang mahalin at ibang bagay talaga ang mapagkatiwalaan. Sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan, mababasa natin: “Nagtitiwala sa inyo ang inyong Ama sa Langit. Binigyan Niya kayo ng malalaking pagpapala, kabilang na ang kabuuan ng ebanghelyo at mga sagradong ordenansa at tipan na nagbibigkis sa inyo sa Kanya at naghahatid ng Kanyang kapangyarihan sa inyong buhay. Kasama sa mga pagpapalang iyon ang dagdag na responsibilidad. Alam Niya na makagagawa kayo ng kaibhan sa mundo, at kinakailangan diyan, sa maraming sitwasyon, na maiba kayo sa mundo.”
Ang ating karanasan sa mundo ay maikukumpara sa isang cruise ship kung saan ipinadala ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak habang nagpapalipat-lipat sila ng baybayin sa paglalakbay nila. Ang paglalayag ay puno ng mga oportunidad na matuto, lumago, maging masaya, at umunlad, pero puno rin ito ng mga panganib. Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak at nag-aalala tungkol sa kanilang kapakanan. Ayaw Niyang mawala ang sinuman sa kanila, kaya inaanyayahan Niya ang mga handang maging mga tripulante Niya—kayo iyan. Dahil pinili ninyong gumawa at tumupad ng mga tipan, ibinibigay Niya sa inyo ang Kanyang tiwala. Nagtitiwala Siya na kayo ay magiging iba, natatangi, at namumukod sa iba dahil sa mahalagang gawain na tiwala Siyang gagawin ninyo.
Isipin ninyo ito! Nagtitiwala ang Diyos sa inyo—sa lahat ng tao sa mundo, na mga anak ng tipan, na Kanyang mga tripulante—para tulungan Siya sa Kanyang gawain na ligtas na iuwi sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga anak. Kaya pala minsa’y sinabi ni Pangulong Brigham Young, “Lahat ng anghel sa langit ay nakatingin sa kakaunting nilalang na ito.”
Kapag tumingin kayo sa paligid ng cruise ship na ito na tinatawag na mundo, makakakita kayo ng iba pang mga tao na nakaupo sa mga lounge chair na nag-iinuman, nagsusugal sa mga casino, nakasuot ng malalaswang damit, walang tigil sa kapipindot sa mga cell phone, at nag-aaksaya ng napakaraming oras sa paglalaro ng electronic games. Pero sa halip na isiping, “Bakit hindi ko maaaring gawin iyon?,” maaari ninyong alalahanin na hindi kayo ordinaryong pasahero. Kayo ay kabilang sa mga tripulante. May mga responsibilidad kayo na wala ang mga pasahero. Tulad ng sinabing minsan ni Sister Ardeth Kapp, “Hindi kayo makapagliligtas ng buhay kung kamukha kayo ng lahat ng iba pang lumalangoy sa tabing-dagat.”
At bago kayo madismaya sa dami ng dagdag na obligasyon, mangyaring tandaan na ang mga tripulante ay tumatanggap ng isang bagay na hindi natatanggap ng mga pasahero: kabayaran. Sabi nga ni Elder Neil L. Andersen, “Magtatamo ng espirituwal na kapangyarihan ang mabubuti,” kabilang na rito ang “higit na katiyakan, [higit na] pagpapatibay, at [higit na] tiwala.” Tulad ni Abraham noon, tumatanggap kayo ng higit na kaligayahan at kapayapaan, higit na katuwiran, at higit na kaalaman. Ang kabayaran sa inyo ay hindi lamang isang mansyon sa langit at mga kalsadang nalalatagan ng ginto. Mas madali para sa ating Ama sa Langit na ipagkaloob na lang sa inyo ang lahat ng mayroon Siya. Ang nais Niya ay tulungan kayo na maging katulad Niya sa lahat ng aspekto. Sa gayon, malaki ang hinihinging katumbas sa inyong mga pangako dahil ganyan kayo tinutulungan ng Diyos na marating ang inyong potensyal.
Ito’y “isang malaking kahilingan para sa sinuman, pero hindi kayo basta kung sino lang”! Kayo ay mga kabataang may marangal na pamana. Ang pakikipagtipan ninyo sa Diyos at kay Jesucristo ay isang ugnayang may pagmamahal at tiwala kung saan makatatanggap kayo ng mas maraming biyaya mula sa Kanila—ang Kanilang banal na tulong, pagkakaloob ng lakas, at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan. Ang kapangyarihang iyon ay hindi lamang isang pangarap, anting-anting, o katuparan ng sariling propesiya. Ito ay totoo.
Habang isinasakatuparan ninyo ang inyong mga responsibilidad bilang panganay, hindi kayo nag-iisa kailanman. Kasama ninyo ang Panginoon ng ubasan sa inyong mga pagsisikap. Katulong ninyo si Jesucristo sa gawain. Sa bawat bagong tipan—at habang lumalalim ang inyong relasyon sa Kanya—mas humihigpit ang hawak ninyo sa isa’t isa hanggang sa matibay kayong nakakapit sa isa’t isa. Sa sagradong simbolong iyon ng Kanyang biyaya, matatagpuan ninyo ang hangarin at lakas na mamuhay nang tugma sa paraan ng pamumuhay ng Tagapagligtas—ibang-iba sa mundo. Magagawa ninyo ito dahil kaagapay ninyo si Jesucristo!
Mababasa natin sa 2 Nephi 2:6 na, “Anupa’t, ang pagtubos ay darating sa at sa pamamagitan ng Banal na Mesiyas; sapagkat siya ay puspos ng biyaya at katotohanan.” Dahil Siya ay puspos ng katotohanan, nakikita Niya kayo kung ano talaga kayo—mga kapintasan, kahinaan, panghihinayang, at lahat. Dahil Siya ay puspos ng biyaya, nakikita Niya ang kaya ninyong marating. Nauunawaan at tinatanggap Niya ang inyong sitwasyon at tinutulungan Niya kayong magsisi at maging mas mabuti, magtagumpay at marating ang inyong potensyal.
“O kabataang pangako, adhikain ninyo’y ituloy!” Pinatototohanan ko na kayo ay minamahal—at kayo ay pinagkakatiwalaan—ngayon, sa loob ng 20 taon, at magpakailanman. Huwag ipagpalit ang inyong pagkapanganay para sa isang tasang nilaga. Huwag ipagpalit ang lahat ng bagay sa wala. Huwag ninyong hayaang baguhin kayo ng mundo samantalang isinilang kayo para baguhin ang mundo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.