Patabain ang mga Ugat, at Lalago ang mga Sanga
Kukuha ng lakas ang mga sanga ng inyong patotoo sa lumalalim na pananampalataya ninyo sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.
Isang Lumang Kapilya sa Zwickau
Ang taong 2024 ay isang mahalagang taon sa yugto ng aking buhay. Sa taong ito, ika-pitumpu’t limang taon na akong nabinyagan at kinumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Zwickau, Germany.
Ang pagiging miyembro ko sa Simbahan ni Jesucristo ay napakahalaga sa akin. Ang mapabilang sa mga pinagtipanang tao ng Diyos, kasama ninyo, mga kapatid, ay isa sa pinakamalaking karangalan sa buhay ko.
Kapag iniisip ko ang personal kong paglalakbay bilang disipulo, madalas na bumabalik sa isip ko ang isang lumang villa sa Zwickau, kung saan ay nagkaroon ako ng mga katangi-tanging karanasan sa mga pagdalo sa sacrament meeting ng Simbahan ni Jesucristo noong bata pa ako. Doon unang nakatanggap ng pag-aalaga ang binhi ng aking patotoo.
Ang kapilyang ito ay may lumang organong ginagamitan ng hangin para mapatugtog. Tuwing Linggo, isang binatilyo ang nakaatas na magtaas at magbaba ng matibay na lever o hawakan na nagpapagana sa bellows o bulusan para tumunog ang organo. Minsan ay nagkakaroon ako ng malaking pribilehiyong tumulong sa mahalagang gawaing ito.
Habang kinakanta ng kongregasyon ang paborito naming mga himno, buong-lakas akong nagtataas at nagbababa ng hawakan para hindi maubusan ng hangin ang organo. Mula sa upuan ng operator ng mga bulusan, tanaw ko ang ilang nakamamanghang stained-glass window, ang isa ay naglalarawan sa Tagapagligtas na si Jesucristo at ang isa naman ay naglalarawan kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan.
Naaalala ko pa ang mga sagradong damdaming naramdaman ko habang tinatanaw ko ang mga bintanang iyon na nasisikatan ng araw habang nakikinig ako sa mga patotoo ng mga Banal at sa pag-awit nila ng himno ng Sion.
Sa banal na lugar na iyon, nagpatotoo sa aking isipan at puso ang Espiritu ng Diyos na totoo na: si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ito ang Kanyang Simbahan. Nakita ni Propetang Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo at narinig niya ang Kanilang mga tinig.
Sa pagsisimula ng taong ito, habang nasa isang assignment ako sa Europe, nagkaroon ako ng oportunidad na bumalik sa Zwickau. Nakalulungkot na ang luma at minamahal kong kapilya ay wala na roon. Giniba ito maraming taon na ang nakalilipas upang tayuan ng isang malaking apartment building.
Ano ang Walang Hanggan, at Ano ang Hindi?
Aminado ako na nalungkot ako nang malaman na ang minamahal na gusaling ito mula sa aking pagkabata ay isang alaala na lamang ngayon. Isa itong sagradong gusali para sa akin. Ngunit isa lamang itong gusali.
Sa kabilang banda, ang espirituwal na patotoong nakuha ko mula sa Espiritu Santo maraming taon na ang nakararaan ay naroroon pa rin. Sa katunayan, higit pa itong lumakas. Ang mga bagay na natutuhan ko noong kabataan ko tungkol sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang naging matibay kong pundasyon sa buong buhay ko. Ang tipan na nagbibigkis sa akin sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nanatili sa akin—maging pagkaraang buwagin ang kapilya sa Zwickau at mawala ang mga stained-glass window nito.
“Ang langit at lupa ay lilipas,” sinabi ni Jesus, “ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.”
“Sapagkat ang mga bundok ay maglalaho at ang mga burol ay maaalis, ngunit ang aking kabaitan kailanman ay hindi maglalaho sa iyo, ni ang tipan ng aking kapayapaan ay maaalis, wika ng Panginoon.”
Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na matututuhan natin sa buhay na ito ay ang malaman kung ano ang walang hanggan at ano ang hindi. Kapag naunawaan natin iyan, nagbabago ang lahat—ang ating mga relasyon, ang mga pagpili na ginagawa natin, ang pakikitungo natin sa mga tao.
Ang malaman kung ano ang walang hanggan at ano ang hindi ang susi sa paglago ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan.
Huwag Pagkamalang ang mga Sanga ay mga Ugat
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, tulad ng itinuro ni Propetang Joseph Smith, ay “tinatanggap ang lahat, at ang lahat ng katotohanan.” Ngunit hindi ibig sabihin nito na lahat ng katotohanan ay may pare-parehong kahalagahan. Ang ilang katotohanan ay kinakailangan, mahalaga, ugat ng ating pananampalataya. Ang iba ay pandagdag lamang o mga sanga—mahalaga lamang kung ang mga ito ay nakasalig sa mga pangunahing katototohanan.
Sinabi rin ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang dito.”
Sa ibang salita, si Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang ugat ng ating patotoo. Lahat ng iba pang bagay ay sanga lamang.
Hindi nangangahulugang hindi mahalaga ang mga sanga. Kailangan ng puno ang mga sanga. Ngunit tulad ng sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “[Ang] sanga [ay] hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit [ito] sa puno.” Kapag walang koneksyon sa Tagapagligtas, sa sustansiyang matatagpuan sa mga ugat, ang isang sanga ay matutuyo at mamamatay.
Sa pagpapalakas sa ating patotoo kay Jesucristo, iniisip ko kung napagkakamalan natin minsan na ang mga sanga ay mga ugat. Ito ang pagkakamaling napansin ni Jesus sa mga Fariseo noong Kanyang panahon. Lubos silang nagtuon ng pansin sa mga maliliit na detalye ng batas kaya sa huli ay napabayaan nila ang tinatawag ng Tagapagligtas na “higit na mahahalagang bagay”—mga pangunahing alituntunin na tulad ng ‘katarungan at awa at pananampalataya.”
Kung gusto ninyong lumaki ang puno, hindi kayo magsasaboy ng tubig sa mga sanga. Didiligan ninyo ang mga ugat. Gayundin, kung nais ninyong lumago at magbunga ang mga sanga ng inyong patotoo, palakasin ninyo ang mga ugat. Kung hindi kayo sigurado tungkol sa isang partikular na doktrina o gawain o elemento ng kasaysayan ng Simbahan, maghanap ng kaliwanagan nang may pananampalataya kay Jesucristo. Hangarin ninyong maunawaan ang Kanyang sakripisyo para sa inyo, ang Kanyang pagmamahal sa inyo, ang Kanyang kalooban para sa inyo. Sumunod sa Kanya nang may pagpapakumbaba. Kukuha ng lakas ang mga sanga ng inyong patotoo sa lumalalim na pananampalataya ninyo sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.
Halimbawa, kung nais ninyo ng mas malakas na patotoo sa Aklat ni Mormon, magtuon sa patotoo nito tungkol kay Jesucristo. Pansinin kung paano nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon sa Kanya, kung ano ang itinuturo nito tungkol sa Kanya, at kung paano kayo inaanyayahan at binibigyang-inspirasyon nito na lumapit sa Kanya.
Kung naghahanap kayo ng mas makabuluhang karanasan sa mga miting ng Simbahan o sa templo, subukang hanapin ang Tagapagligtas sa mga sagradong ordenansang natatanggap natin doon. Hanapin ang Panginoon sa Kanyang banal na bahay.
Kung nakakaramdam kayo ng pagod o nalulula na sa dami ng tungkulin ninyo sa Simbahan, subukang ituong muli ang inyong paglilingkod kay Jesucristo. Ipadama ang inyong pagmamahal sa Kanya.
Patabain ang mga ugat, at lalago ang mga sanga. At hindi magtatagal, mamumunga ang mga ito.
Nakaugat at Nakatayo sa Kanya
Ang pagkakaroon ng malakas na pananampalataya kay Jesucristo ay hindi nangyayari sa isang magdamag. Hindi, sa mortal na mundong ito, mga tinik at dawag ng pag-aalinlangan ang kusang tumutubo. Ang pagtubo ng malusog, hitik sa bungang puno ng pananampalataya ay nangangailangan ng intensyonal na pagsusumikap. At mahalagang parte ng pagsusumikap na iyan ang pagtiyak na matatag tayong nakaugat kay Cristo.
Halimbawa, sa simula, maaaring naaakit tayo sa ebanghelyo ng Tagapagligtas at sa Simbahan dahil humahanga tayo sa mababait na miyembro o sa butihing bishop o sa malinis na itsura ng kapilya. Totoong mahalaga ang mga ganitong kaganapan sa paglaki ng Simbahan.
Gayunman, kung hindi kailanman magkakaugat ang ating patotoo nang mas malalim kaysa riyan, ano ang mangyayari kung malilipat tayo sa isang ward na hindi gaanong maganda ang gusali, na hindi palakaibigan ang mga miyembro, at may bagay na sinasabi ang bishop na nakasasakit sa atin?
Isa pang halimbawa: Hindi ba makatwirang umasa na kung sinusunod natin ang mga kautusan at nabuklod sa templo, pagpapalain tayo ng malaki at masayang pamilya na may matatalino, masunuring mga anak, na mananatili silang lahat na aktibo sa Simbahan, magsisipaglingkod sa misyon, kakanta sa ward choir, at boluntaryong tutulong sa paglilinis ng meetinghouse tuwing Sabado ng umaga?
Talagang umaasa ako na mararanasan nating lahat ito sa ating buhay. Ngunit paano kung hindi ito mangyari? Mananatili ba tayong nakabigkis sa Tagapagligtas anuman ang mangyari—magtitiwala sa Kanya at sa Kanyang takdang panahon?
Dapat nating tanungin ang ating sarili: Nakabatay ba ang aking patotoo sa inaasahan kong mangyayari sa buhay ko? Nakasalalay ba ito sa mga ginagawa o asal ng ibang tao? O matatag itong nakasalig kay Jesucristo, “nakaugat at nakatayo sa kanya,” magbago man ang ating mga sitwasyon sa buhay?
Mga Kaugalian, Gawi, at Pananampalataya
Ikinuwento sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa mga tao na “mahigpit sa pagpapatupad ng mga ordenansa ng Diyos.” Ngunit kasunod nito, isang taong mapag-alinlangan na nagngangalang Korihor ang dumating na kinukutya ang ebanghelyo ng Tagapagligtas, tinatawag itong “kahibangan” at “hangal na kaugalian ng kanilang mga ama.” Inakay ni Korihor “palayo ang puso ng marami, naging dahilan upang itaas nila ang kanilang ulo sa kanilang kasamaan.” Subalit ang iba ay hindi niya nalinlang, dahil para sa kanila, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay higit pa sa isang tradisyon.
Ang pananampalataya ay malakas kapag may malalim na ugat ito sa personal na karanasan, personal na pangako ng katapatan kay Jesucristo, malaya sa anumang tradisyon natin o malaya sa anumang sasabihin o gagawin ng iba.
Ang ating patotoo ay susubukan at patutunayan. Hindi pananampalataya ang pananampalataya kung hindi pa ito dumaan sa pagsubok. Hindi pa malakas ang pananampalataya kung hindi pa ito nasubok. Kaya huwag panghinaan ng loob kung sinusubok ang inyong pananampalataya o may mga tanong kayo na hindi masagot.
Hindi dapat umasang mauunawaan natin ang lahat ng bagay bago tayo kumilos. Hindi iyan pananampalataya. Tulad ng itinuro ni Alma, “Ang pananampalataya ay hindi ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay.” Kung hihintayin muna nating masagot ang ating mga tanong bago tayo kumilos, labis nating nililimitahan ang mabuting bagay na maisasakatuparan natin, at nililimitahan natin ang kapangyarihan ng ating pananampalataya.
Kahanga-hanga ang pananampalataya dahil nananatili ito kahit hindi dumarating ang mga pagpapala gaya ng inaasahan. Hindi natin nakikita ang hinaharap, hindi natin alam ang lahat ng sagot, ngunit mapagkakatiwalaan natin si Jesucristo habang patuloy tayong kumikilos pasulong at paitaas dahil Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos.
Kinakaya ng pananampalataya ang mga pagsubok at kawalang-katiyakan ng buhay dahil matibay na nakaugat ito kay Cristo at sa Kanyang doktrina. Si Jesucristo, at ang ating Ama sa Langit na nagsugo sa Kanya, ay magkasamang hindi lumilihis, ganap na maaasahang mga nilalang na mapag-uukulan ng ating tiwala.
Ang patotoo ay hindi bagay na minsan lamang ninyong bubuuin at hindi na ito matitinag kailanman. Mas katulad ito ng isang puno na tuluy-tuloy na inaalagaan ninyo. Ang pagtatanim ng salita ng Diyos sa inyong puso ay unang hakbang pa lamang. Kapag nagsimula nang tumubo ang inyong patotoo, dito pa lamang nagsisimula ang tunay na gawain sa paglalago dito! Kapag “buong kalingang alagaan mo ito, magkakaugat ito, yayabong ito, at magkakabunga.” Nangangailangan ito ng “lubos na pagsusumigasig” at “pagtitiyaga sa salita.” Ngunit tiyak ang mga pangako ng Panginoon: “Inyong aanihin ang mga gantimpala ng inyong pananampalataya, at inyong pagsisikap, at pagtitiyaga, at mahabang pagtitiis, sa paghihintay sa punungkahoy na magbigay ng bunga sa inyo.”
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, may bahagi sa puso ko ang nalulungkot sa pagkawala ng lumang kapilya sa Zwickau at ang mga stained-glass window nito. Ngunit sa loob ng 75 taon, ginabayan ako ni Jesucristo sa aking paglalakbay sa buhay na higit na kapana-panabik na hindi ko kailanman inakala. Inaliw Niya ako sa aking mga paghihirap, tinulungan akong matukoy ang aking mga kahinaan, pinagaling ang aking espirituwal na mga sugat, at inalagaan ako sa aking lumalagong pananampalataya.
Taos-puso kong dalangin at basbas na nawa’y patuloy nating pangalagaan ang mga ugat ng ating pananampalataya sa Tagapagligtas, sa Kanyang doktrina, at sa Kanyang Simbahan. Ito ay pinatototohanan ko sa sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas, ating Manunubos, ating Maestro—sa pangalan ni Jesucristo, amen.