Liahona
“Masdan, Ako ang Ilaw na Inyong Itataas”
Nobyembre 2024


13:29

“Masdan, Ako ang Ilaw na Inyong Itataas”

Itinataas natin ang liwanag ng Panginoon kapag kumakapit tayo nang mahigpit sa ating mga tipan at sinusuportahan natin ang ating buhay na propeta.

Sa maraming patotoong ibinahagi sa kumperensyang ito, idinadagdag ko ang aking patotoo bilang apostol na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang ating Panginoon at Tagapagligtas, ang Manunubos ng lahat ng anak ng ating Ama. Sa Kanyang Pagbabayad-sala, ginawa ni Jesucristo na posible para sa atin, kung karapat-dapat tayo, na makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit at makasama ang ating mga pamilya sa kawalang-hanggan.

Lagi nating kasama ang Tagapagligtas sa ating mga paglalakbay sa mundo. Sa nakalipas na dalawang araw ay narinig natin Siyang nagsasalita sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling mamuno upang tayo ay mapalapit sa Kanya. Muli’t muli, sa Kanyang dalisay na pagmamahal at awa, pinalalakas Niya tayo habang hinaharap natin ang mga hamon sa buhay. Inilarawan ni Nephi, “Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod; pinatnubayan niya ako sa aking mga kahirapan. … Pinuno niya ako ng kanyang pagmamahal.”

Ang pagmamahal na iyan ay makikita kapag sinusuportahan natin ang isa’t isa sa Kanyang gawain.

Sinasang-ayunan natin ang ating buhay na propeta sa pangkalahatang kumperensya, at ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, mga General Authority, at mga Opisyal ng Simbahan. Ang ibig sabihin ng pagsang-ayon ay ang pagsuporta sa ibang tao, pagbibigay-pansin sa kanila, pagiging tapat sa kanilang tiwala, pagkilos ayon sa kanilang mga salita. Nagsasalita sila sa pamamagitan ng inspirasyon ng Panginoon; nauunawaan nila ang mga napapanahong isyu, ang pagbagsak ng moralidad ng lipunan, at ang tumitinding pagtatangka ng kaaway na hadlangan ang plano ng Ama. Sa pagtaas ng ating mga kamay, nangangako tayo na susuporta, hindi lamang sa sandaling iyon kundi sa buhay natin sa araw-araw.

Kabilang sa pagsang-ayon ang pagsuporta sa ating mga stake president at bishop, quorum at organization leader, teacher, at maging sa mga camp director sa ating mga ward at stake. Sa personal na malapit sa atin, sinusuportahan natin ang ating mga asawa, anak, magulang, kamag-anak, at kapitbahay. Kapag sinusuportahan natin ang isa’t isa sinasabi natin, “Narito ako para sa iyo, hindi lamang para itaas ang iyong mga braso at kamay kapag ang mga ito ay ‘nakababa’ kundi para maging kasama na magpapapanatag at magpapalakas sa iyo.”

Ang konseptong itaas ay batay sa banal na kasulatan. Sa mga Tubig ng Mormon, nakipagtipan ang mga bagong binyag na miyembro ng Simbahan na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; … aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”

Sinabi ni Jesus sa mga Nephita: “Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas.” Itinataas natin ang liwanag ng Panginoon kapag kumakapit tayo nang mahigpit sa ating mga tipan at kapag sinusuportahan natin ang ating buhay na propeta habang sinasabi niya ang mga salita ng Diyos.

Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, noong naglilingkod pa siya sa Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagsang-ayon natin sa mga propeta ay personal na pangako na gagawin natin ang lahat upang sundin ang kanilang ipinag-uutos.”

Ang pagsang-ayon sa propeta ay sagradong gawain. Hindi tayo nananahimik lamang kundi aktibong nagtatanggol sa kanya, sumusunod sa kanyang payo, itinuturo ang kanyang mga salita, at nananalangin para sa kanya.

Si Haring Benjamin, sa Aklat ni Mormon, ay nagsabi nito sa mga tao, “Ako ay katulad din ng inyong sarili, saklaw ng lahat ng uri ng mga sakit sa katawan at isipan; gayunman ako, ay pinili … ng kamay ng Panginoon … at inaruga at pinangalagaan ng kanyang walang kapantay na kapangyarihan upang paglingkuran kayo nang buo kong kapangyarihan, isipan at lakas na ipinagkaloob sa akin ng Panginoon.”

Pagtataas ng mga kamay ni Moises.

Gayundin, sa edad na 100, si Pangulong Nelson ay inaruga at pinangalagaan ng Panginoon. Si Pangulong Harold B. Lee, noong miyembro pa siya ng Unang Panguluhan, ay nagbanggit ng halimbawa ni Moises na nakatayo sa tuktok ng burol sa Refidim. “Ang mga kamay [ng Pangulo ng Simbahan] ay maaaring mapagod,” sabi niya. “Maaaring bumaba ito paminsan-minsan dahil sa kanyang mabibigat na responsibilidad; ngunit kapag inalalayan namin ang kanyang mga kamay, at kapag sumunod kami sa kanyang pamumuno, sa kanyang tabi, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi magsisipanaig laban sa inyo at sa Israel. Ang kaligtasan natin ay nakasalalay sa pagsunod o hindi pagsunod sa mga taong inilagay ng Panginoon upang mamuno sa Kanyang Simbahan. Alam Niya kung sino ang nais Niyang mamuno sa Simbahang ito, at hindi Siya magkakamali.”

Maraming taon nang naglilingkod si Pangulong Nelson sa Panginoon. Ang kahustuhan ng kanyang edad at malawak na karanasan, karunungan, at palagiang pagtanggap ng paghahayag ay partikular na angkop sa ating panahon. Sinabi niya, “Inihahanda ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mundo para sa araw na ‘ang lupa ay mapupuno ng kaalaman [tungkol sa] Panginoon’ (Isaias 11:9). … Ang gawaing ito ay pinalakas pa ng isang sagradong pahayag 200 taon na ang nakalipas. Binubuo lang ito ng walong salita: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” [tingnan sa Joseph Smith—Kaaysayan 1:17).”

Sinabi rin ni Pangulong Nelson: Sa buong kasaysayan ng mundo, ngayon mas mahalaga at mas kailangan sa personal na buhay ng bawat tao ang kaalaman tungkol sa ating Tagapagligtas. Isipin na lamang ninyo kung gaano kabilis malulutas ang mga hidwaan sa buong mundo—at sa personal nating buhay—kung pipiliin ng lahat na sundin si Jesucristo at ipamumuhay ang Kanyang mga turo.”

Mga kapatid, kailangan natin na higit na magbigay ng lakas kaysa bumulung-bulong pa, mas sumunod sa salita ng Panginoon, sa Kanyang mga pamamaraan, at sa Kanyang propeta, na nagsabi: “Isa sa mga pinakamatinding hamon sa atin ngayon ay ang pagkilala sa pagitan ng mga katotohanan ng Diyos at ng mga panggagaya ni Satanas. Kaya tayo binalaan ng Panginoon na ‘manalangin tuwina, … nang [ating] mapagtagumpayan [ang kaaway], at … matakasan ang mga kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas na tumatangkilik sa kanyang gawain.’ [Doktrina at mga Tipan 10:5; idinagdag ang diin].”

Muling Paglalaan ng Manti Utah Temple.

Noong nakaraang Abril, nagkaroon kami ni Sister Rasband ng karangalang makasama ang ating pinakamamahal na propeta at si Sister Nelson para sa muling paglalaan ng Manti Utah Temple.

Sinopresa ni Pangulong Nelson ang lahat nang pumasok siya sa silid. Iilan lang sa amin ang nakakaalam na darating siya. Sa kanyang presensya, nadama ko kaagad ang liwanag at balabal ng propeta na dala niya. Ang anyo ng kagalakan sa mukha ng mga tao na personal na nakikita ang propeta ay mananatili sa akin magpakailanman.

Sa panalangin ng muling paglalaan, nagsumamo si Pangulong Nelson sa Panginoon na ang Kanyang banal na bahay ay lubos na magpadakila sa lahat ng papasok sa templo “upang sila ay makatanggap ng mga sagradong pagpapala at manatiling karapat-dapat at tapat sa kanilang mga tipan … upang ito ay maging isang bahay ng kapayapaan, isang bahay ng kaginhawahan, at isang bahay ng personal na paghahayag para sa lahat ng pumapasok sa mga pintuang ito nang karapat dapat.”

Lahat tayo ay kailangang dakilain ng Panginoon nang may kapayapaan, kapanatagan, at higit sa lahat ay may personal na paghahayag upang labanan ang takot, kadiliman, at pagtatalo na sumasaklaw sa mundo.

Bago ang muling paglalaan, tumayo kami sa labas sa ilalim ng sikat ng araw kasama sina Pangulo at Sister Nelson para tingnan ang magandang tanawin. Maraming ninuno ni Pangulong Nelson ang nanirahan sa lugar. Ang kanyang walong lolo at lola-sa-tuhod ay nanirahan sa mga lambak na nakapalibot sa templo, gayundin ang ilan sa akin. Ang aking lolo-sa-tuhod na si Andrew Anderson ay kabilang sa pangkat ng mga manggagawa ng mga naunang pioneer na nagtrabaho nang 11 taon para matapos ang Manti Temple, ang pangatlo sa Rocky Mountains.

Habang nakatayo kami kasama si Pangulong Nelson, nagkaroon kami ng pagkakataong sang-ayunan at suportahan ang propeta ng Diyos sa pagdaraos ng muling paglalaan ng banal na bahay ng Panginoon. Isang araw iyon na hinding-hindi ko malilimutan.

“Nagtatayo tayo ng mga templo para parangalan ang Panginoon,” sabi ni Pangulong Nelson sa sagradong araw na iyon. “Ang mga ito ay itinayo para sa pagsamba at hindi para magpapansin. Gumagawa tayo ng mga sagradong tipan na walang hanggan ang kahalagahan sa loob ng mga sagradong pader na ito.” Tinitipon natin ang Israel.

Pinahahalagahan at minamahal ni Pangulong Nelson at ng mga propetang nauna sa kanya ang mga banal na templo. Ngayon, sa buong mundo, mayroon tayong 350 sagradong bahay ng Panginoon na ginagamit na, ibinalitang itatayo, o kasalukuyang itinatayo. Bilang propeta, mula noong 2018, nakapagbalita na si Pangulong Nelson ng 168 na mga templo.

“Sa ating panahon,” sabi niya, “ang buo, kumpleto, at ganap na pagsasama-sama ng lahat ng dispensasyon, susi, at kapangyarihan ay pag-uugnay-ugnayin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:18). Para sa mga sagradong layuning ito, ang mga banal na templo ay makikita na sa maraming bahagi ng daigdig. Muli kong binibigyang-diin na maaaring hindi mabago ng pagtatayo ng mga templong ito ang inyong buhay, ngunit tiyak na mababago ito ng paglilingkod ninyo sa templo.”

“Ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo,” sabi ng Pangulo. “Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa pagkaunawa natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan.”

“Lahat ng sumasamba sa templo,” sabi ni Pangulong Nelson, “ay magkakaroon ng kapangyarihan ng Diyos at ng mga anghel na ‘[nangangalaga] sa kanila’ [Doktrina at mga Tipan 109:22]. Gaano nadaragdagan ang tiwala ninyo sa sarili na malaman na, bilang isang na-endow na babae o lalaki [o kabataang palaging dumadalo sa templo] na taglay ang kapangyarihan ng Diyos, hindi ninyo kailangang harapin nang mag-isa ang buhay? Anong lakas ng loob ang ibinibigay sa inyo na malaman na talagang tutulungan kayo ng mga anghel?”

Ang mga anghel na nagsisikap na magbigay ng lakas ay inilarawan sa mga banal na kasulatan nang mapagpakumbabang lumuhod si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani. Sa Kanyang pagdurusa naglaan Siya ng walang-hanggang Pagbabayad-sala. “Doon,” sabi ni Pangulong Nelson, “naganap ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal sa lahat ng nakatalang kasaysayan. … Doon sa Getsemani, ang Panginoon ay ‘tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat … ay magsisi at makalapit sa kanya’ [Doktrina at mga Tipan 18:11].”

“Ilayo mo sa akin ang kopang ito,” ang samo ni Jesucristo, “gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.

“Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya.”

May mga anghel tayo na nakapalibot sa atin ngayon. Sinabi ni Pangulong Nelson, “[Sa templo] matututuhan ninyo kung paano hawiin ang tabing sa pagitan ng langit at lupa, kung paano hilingin sa mga anghel ng Diyos na tulungan kayo, at kung paano mas makatanggap ng patnubay mula sa langit.”

Ang mga anghel ay nagdadala ng liwanag. Ang liwanag ng Diyos. Sa Kanyang mga Apostol na Nephita, sinabi ni Jesus, “Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas.” Kapag sinasang-ayunan natin ang ating propeta, pinatototohanan natin na tinawag siya ng ating Tagapagligtas, “ang liwanag … ng sanlibutan.”

Mahal naming Pangulong Nelson, sa ngalan ng mga miyembro at kaibigan ng Simbahan ng Panginoon sa iba’t ibang panig ng mundo, pinagpala kaming masunod ang inyong mga turo, matularan ang inyong halimbawa ng pamumuhay na tulad ng kay Cristo, at mapahalagahan ang inyong taimtim na patotoo sa ating Panginoon at Tagapagligtas, ang Manunubos nating lahat.

Pinatototohanan ko bilang apostol na si Jesucristo ang “liwanag … ng sanlibutan.” Nawa’y lahat tayo, bilang Kanyang mga disipulo, ay “magtaas” ng Kanyang liwanag. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.