Liahona
Nakasalig kay Jesucristo: Maging Asin ng Lupa
Nobyembre 2024


10:49

Nakasalig kay Jesucristo: Maging Asin ng Lupa

Kapag nananatili tayong nakasalig sa Panginoon, natural na makikita sa ating buhay ang Kanyang liwanag, at tayo ay magiging asin ng lupa.

Sinabi ng Tagapagligtas na kapag tayo ay “tinawag sa [Kanyang] walang hanggang ebanghelyo, at nakipagtipan na may walang hanggang tipan, [tayo] ay ituturing bilang asin ng lupa.” Ang asin ay gawa sa dalawang pinaghalong sangkap. Hindi tayo maaaring maging asin nang nag-iisa; kung magiging asin tayo ng lupa, dapat na nakasalig tayo sa Panginoon, at iyan ang nakikita ko kapag nakikihalubilo ako sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo—nakakakita ako ng matatapat na miyembro ng Simbahan na nakasalig sa Panginoon, na tapat sa kanilang pagsisikap na maglingkod sa kapwa at maging asin ng lupa.

Ang inyong hindi natitinag na dedikasyon ay isang mabuting halimbawa. Ang inyong paglilingkod ay pinasasalamatan at pinahahalagahan.

Ang ating mga kabataan ay nagpakita ng pambihirang tapang at katapatan. Buong sigasig na niyakap nila ang gawain ng family history, at ang madalas na pagbisita nila sa bahay ng Panginoon ay patunay ng kanilang dedikasyon. Makikita ang malalim at matibay na pananampalataya nila sa kanilang handang paglalaan ng oras at lakas sa paglilingkod sa misyon sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi lamang sila lumalahok kundi nangunguna rin sa pagiging mga disipulo na nakasalig kay Jesucristo. Nagbibigay ng liwanag at pag-asa ang paglilingkod nila, na umaantig sa buhay ng napakaraming tao. Sa inyong mga kabataan ng Simbahan, taos-puso kaming nagpapasalamat sa inspiradong paglilingkod ninyo. Hindi lamang kayo ang kinabukasan ng Simbahan, kundi kayo rin ang kasalukuyan nito. At kayo ay tunay na asin ng lupa!

Mahal ko ang Panginoong Jesucristo, at ramdam kong pinagpapala ako ng oportunidad na makapaglingkod na kaagapay kayo sa Simbahan ng Panginoon. Ang ating pagkakaisa at lakas, na nakasalig sa ating pinagsamang pananampalataya, ay muling nagbibigay sa atin ng kasiguruhan na hindi tayo kailanman nag-iisa sa paglalakbay na ito. Nang sama-sama, maipagpapatuloy natin ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos, na nakaugat sa paglilingkod, pag-ibig, at hindi natitinag na pananampalataya.

Noong nagturo si Jesucristo sa tabi ng Dagat ng Galilea, madalas Siyang gumamit ng pang-araw-araw na bagay na pamilyar sa Kanyang tagapakinig upang ipaalam ang espirituwal na malalalim na katotohanan. Ang asin ay isa na rito. Ipinahayag ni Jesus, “Kayo ang asin ng lupa,”2 isang pahayag na hitik sa kahulugan at kahalagahan, lalo na sa mga tao noong kapanahunan Niya, na alam ang maraming gamit at kahalagahan ng asin.

Ang sinaunang paraan ng pag-aani ng asin sa Algarve, ang timog na rehiyon ng bansang Portugal na aking pinagmulan, ay nagmula pa noong panahon ng Imperyong Romano libu-libong taon na ang nakalipas. Kapansin-pansin, ang mga pamamaraang ginagamit ng mga manggagawa ng asin, na kilala sa tawag na marnotos, ay kakaunti lamang ang ipinagbago mula noon. Ang mga dedikadong artisanong ito ay gumagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan, isinasagawa ang kanilang buong trabaho gamit ang kamay, pinananatili ang isang pamana na ilang siglo na ang pinagdaanan.

Ang sinaunang pamamaraang ito ang ginagamit sa pag-aani ng tinatawag na “flower of salt [namumuong asin].” Upang lubos na mapahalagahan ang masalimuot na proseso ng pag-aani ng flower of salt, kailangang maunawaan natin ang kapaligiran sa paggawa nito. Ang coastal salt marshes ng Algarve ay may mga ideyal na kondisyon para sa produksyon ng asin. Ang tubig-dagat ay pinadadaloy sa mabababaw na lawa, na kilala sa tawag na mga salt pan [pilapil ng asin], kung saan iniiwan ito sa ilalim ng matinding sikat ng araw upang matuyo. Habang natutuyo ang tubig, ang flower of salt ay nagsisimulang mamuo na mga pinong kristal sa ibabaw ng mga salt pan. Ang mga kristal na ito ay napakadalisay at kakaiba, malutong kapag sinasalat. Maingat na ini-skim ng marnotos ang mga kristal mula sa ibabaw ng tubig gamit ang mga hindi pangkaraniwang kasangkapan, isang proseso na nangangailangan ng kahusayan at kaeksaktuhan. Sa Portugal, ang pinong kalidad ng asin na ito ay tinutukoy na “salt cream [kremang asin]” dahil maaari itong dahan-dahang i-skim na tulad ng krema na umaalsa sa ibabaw ng gatas. Ang maselang asin na ito ay itinatangi dahil sa kadalisayan at pambihirang lasa nito, kaya naman isa itong mahalagang sangkap na ginagamit sa pagluluto.

Tulad ng pagsisikap ng marnotos na tiyaking naaani nila ang pinakamataas na kalidad ng asin, dapat ding gawin natin, bilang mga pinagtipanang tao ng Panginoon, ang lahat-lahat ng makakaya natin upang ang ating pagmamahal at halimbawa, hangga’t maaari, ay dalisay na sumalamin sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Sa sinaunang mundo, hindi lamang basta pampalasa ang asin—ito ay mahalagang pampreserba at simbolo ng kadalisayan at tipan. Alam ng mga tao na mahalaga ang asin sa pagpepreserba ng pagkain at pampasarap ng lasa. Nauunawaan din nila ang malalang implikasyon ng pagkawala ng alat o pagtabang ng asin dahil sa nakontaminado o nahaluan ito.

Tulad ng asin na maaaring mawalan ng lasa, maaari din tayong mawalan ng ating espirituwal na sigla kung nagiging kaswal ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Maaaring gaya pa rin ng dati ang ating panlabas na anyo, pero kung walang malakas na pananampalataya sa ating kalooban, nawawala ang kakayahan nating gumawa ng kaibhan sa mundo at ilabas ang pinakamabuting pagkatao ng mga nakapaligid sa atin.

Kaya paano natin itutuon ang ating enerhiya at pagsisikap na gumawa ng kaibhan at magsilbing pagbabago na siyang kailangan ng mundo ngayon? Paano natin mapapanatili ang ating pagiging disipulo at patuloy na maging positibong impluwensya sa iba?

Ang mga salita ng ating mahal na propeta ay umaalingawngaw pa rin sa aking isipan: “Nais ng Diyos na sama-sama tayong kumilos at magtulungan. Iyan ang dahilan kaya ipinadala Niya tayo sa mundo na kabilang sa mga pamilya at isinaayos tayo sa mga ward at stake. Iyan ang dahilan kaya hiniling Niya sa atin na maglingkod at mag-minister sa bawat isa. Iyan ang dahilan kaya hiniling Niya sa atin na mamuhay sa sanlibutan ngunit hindi maging katulad ng sanlibutan.”

Kapag ang ating buhay ay puno ng layunin at paglilingkod, naiiwasan natin ang espirituwal na kawalang-malasakit; sa kabilang banda, kapag ang ating buhay ay pinagkaitan ng banal na layunin, ng makabuluhang paglilingkod sa iba, at ng sagradong mga oportunidad para magnilay at mag-isip, unti-unti tayong masasakal sa ating sariling aktibidad at pansariling interes, na nanganganib na mawala ang ating lasa. Ang gamot dito ay magpatuloy sa paglilingkod—maging sabik sa paggawa ng mabubuting bagay at sa pagpapabuti ng ating sarili at ng lipunang kinabibilangan natin.

Mahal kong mga kapatid, napakalaking pagpapala na kabilang tayong lahat ngayon sa Simbahan ni Jesucristo at may oportunidad na maglingkod sa Kanyang Simbahan. Maaaring magkakaiba ang sitwasyon ng buhay natin, pero lahat tayo ay makagagawa ng kaibhan.

Alalahanin ang marnotos, ang mga manggagawa ng asin; gumagamit sila ng mga simpleng kasangkapan para anihin ang pinakamagagandang kristal, ang pinakamasarap na asin! Sa patuloy na pagsisikap na gumawa ng maliliit at makabuluhang bagay, makagagawa rin tayo ng mga simpleng bagay na magpapalalim sa ating pagiging disipulo at tapat kay Jesucristo. Narito ang apat na simple ngunit mahahalagang paraan na mapagsisikapan nating maging mga asin ng lupa:

  1. Panatilihing nakasentro ang ating katapatan sa bahay ng Panginoon. Ngayong mas malapit na ang mga templo sa atin kaysa noon, tutulungan tayo ng pag-una sa regular na pagsamba sa bahay ng Panginoon na magtuon sa mga bagay na pinakamahalaga at panatilihing nakasentro ang ating buhay kay Cristo. Sa templo, matatagpuan natin ang kaibuturan ng ating pananampalataya kay Jesucristo at ang kaluluwa ng ating katapatan sa Kanya.

  2. Sadyang magsikap tayo na palakasin ang ating kapwa sa pamamagitan ng sama-sama nating pagsasabuhay ng ebanghelyo. Mapapalakas natin ang ating pamilya sa pamamagitan ng palagian at sadyang pagsisikap na sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa ating buhay at sa ating tahanan.

  3. Maging handa sa pagtanggap ng tungkulin at maglingkod sa Simbahan. Ang paglilingkod sa ating mga lokal na kongregasyon ay binibigyan tayo ng pagkakataong suportahan ang isa’t isa at sama-samang umunlad. Bagama’t hindi madaling maglingkod sa tuwina, ito ay laging nagbibigay ng kasiyahan.

  4. At ang huli, gamitin ang mga digital na kagamitan sa komunikasyon nang may layunin. Ngayon, ang mga digital na kagamitan sa komunikasyon ay nagbibigay-daan sa atin na makipag-ugnayan sa isa’t isa sa paraang hindi pa kailanman nangyari. Tulad ng karamihan sa inyo, ginagamit ko ang mga kagamitang ito upang makipag-ugnayan sa mga kapatid sa simbahan, at sa aking pamilya at mga kaibigan. Kapag nakikipag-ugnayan ako sa kanila, nadarama ko na mas malapit ako sa kanila; maaari tayong mag-minister sa isa’t sa oras ng pangangailangan kapag hindi tayo makapunta nang personal. Ang mga kagamitang ito ay talagang pagpapala, pero ang mga kagamitan ding ito ang maglalayo sa atin sa makabuluhang pakikipag-ugnayan at sa huli ay hihilahin tayo nito sa mga gawi na sasayang sa oras natin sa paggawa ng mga bagay na hindi gaanong makabuluhan. Ang pagsisikap na maging asin ng lupa ay higit pa sa walang katapusang panonood ng iba’t ibang reels sa isang anim na pulgadang screen.

Sa pagpapanatili nating nakasentro ang ating buhay sa bahay ng Panginoon, sadyang pagpapalakas ng ating kapwa sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo, pagtanggap ng mga tungkulin upang maglingkod, at paggamit ng mga digital na kagamitan nang may layunin, mapapanatili natin ang ating espirituwal na sigla. Tulad ng asin sa pinakadalisay na kalidad nito na may kapangyarihang magpasarap ng lasa at magpreserba ng pagkain, gayon din ang ating pananampalataya kay Jesucristo kapag inaalagaan at pinoprotektahan ito ng ating dedikasyon sa paglilingkod at pagmamahal na tulad ng kay Cristo.

Kapag nananatili tayong nakasalig sa Panginoon, natural na makikita sa ating buhay ang Kanyang liwanag, at tayo ay magiging asin ng lupa. Sa pagsisikap na ito, hindi lamang natin pinagyayaman ang ating buhay kundi pinalalakas din ang ating pamilya at komunidad. Nawa’y magsikap tayong mapanatili ang pagsalig na ito sa Panginoon at hindi kailanman mawala ang ating lasa, at maging maliit, munting kristal na asin na nais ng Panginoon sa atin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.