Pagsunod kay Cristo
Bilang tagasunod ni Cristo, itinuturo natin at pinatototohanan si Jesucristo, ang ating Perpektong Huwaran. Kaya tularan natin Siya sa pamamagitan ng pag-iwas sa alitan.
Sa taong ito, milyun-milyon ang nabigyang inspirasyon sa plano ng pag-aaral ng ebanghelyo na kilala sa paanyaya ng Tagapagligtas na “Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.” Ang pagsunod kay Cristo ay hindi isang kaswal o paminsan-minsang gawain. Ito ay tuloy-tuloy na katapatan at paraan ng pamumuhay na dapat na gumabay sa atin sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ang Kanyang mga turo at Kanyang halimbawa ang tumutukoy sa landas para sa bawat disipulo ni Jesucristo. At lahat ay inaanyayahan sa landas na ito, dahil inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”
I.
Ang unang hakbang sa pagsunod kay Cristo ay ang sumunod sa bagay na Kanyang ipinaliwanag na “ang dakilang utos sa kautusan”:
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.
“Ito ang dakila at unang utos.
“At ang pangalawa ay katulad nito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”
Ang mga kautusan ng Diyos ay nagbibigay ng matatag at gumagabay na impluwensiya sa ating mga buhay. Ang ating mga karanasan sa mortalidad ay tulad ng munting batang lalaki at ng kanyang tatay na nagpapalipad ng saranggola sa isang mahangin na araw. Habang mas tumatayog ang saranggola, nahihila ng hangin ang nakadugtong na tali sa kamay ng munting batang lalaki. Dahil kulang sa karanasan sa pwersa ng mortal na mga hangin, iminungkahi niyang putulin ang tali upang mas tumayog pa ang lipad ng saranggola. Ang kanyang matalinong tatay ay nagpayong huwag, ipinaliliwanag na ang tali ang nagpapanatili sa saranggola sa kinalalagyan nito laban sa mortal na mga hangin. Kapag nakabitiw tayo sa pagkakahawak sa tali, ang saranggola ay hindi mas tatayog ang lipad. Ito ay tatangayin ng mga hanging ito at hindi maiiwasang sasadsad sa lupa.
Ang mahalagang tali ay kumakatawan sa mga tipan na umuugnay sa atin sa Diyos, sa ating Ama sa Langit, at sa Kanyang anak na si Jesucristo. Habang nagiging tapat tayo sa mga tipang iyon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanilang mga utos at pagsunod sa Kanilang plano ng pagtubos, ang Kanilang pangakong mga pagpapala ay magbibigay sa atin ng kakayahang makalipad sa selestiyal na mga kataasan.
Ang Aklat ni Mormon ay madalas na nagsasabing si Cristo “ang ilaw ng sanlibutan.” Sa Kanyang pagpapakita sa mga Nephita, ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay nagpaliwanag sa turong iyon sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila na, “Ipinakita ko ang isang halimbawa sa inyo.” “Ako ang ilawan na inyong itataas—na nakita ninyong ginawa ko.” Siya ang ating huwaran. Natututuhan natin ang Kanyang mga sinabi at ginawa sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagsunod sa mga turo ng propeta tulad ng panghihikayat sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na gawin natin. Sa ordenansa ng sakramento, nakikipagtipan tayo tuwing araw ng Sabbath na tayo ay “lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan.”
II.
Sa Aklat ni Mormon, ibinigay sa atin ng Panginoon ang mga pangunahing kaalaman sa Kanyang tinawag na “ang doktrina ni Cristo.” Ito ay ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, binyag, pagtanggap sa handog ng Espiritu Santo, pagtitiis hanggang sa wakas, at pagiging gaya ng isang maliit na bata, na ang ibig sabihin ay magtiwala sa Panginoon at magpasakop sa lahat ng ipagagawa Niya sa atin.
Ang mga kautusan ng Panginoon ay may dalawang uri, permanente tulad ng doktrina ni Cristo, at pansamantala. Ang pansamantalang mga kautusan ay yaong mahalaga para sa pangangailangan ng Simbahan ng Panginoon o ng matapat sa isang pansamantalang kalagayan, ngunit isasantabi rin kapag lumipas na ang pangangailangan. Isang halimbawa ng pansamantalang mga kautusan ay ang direksiyon ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan noon na dalhin ang mga Banal mula sa New York patungo sa Ohio, patungo sa Missouri, patungo sa Illinois, at sa huli ay na akayin ang pioneer exodus patungo sa Intermountain West. Kahit na pansamantala lamang, kapag iniutos, ang mga ito ay ibinigay upang sundin.
Ang ilang permanenteng mga kautusan ay dumaan sa ilang panahon bago maging lubos na magawa ng lahat. Halimbawa, ang popular na turo ni Pangulong Lorenzo Snow sa batas ng ikapu ay nagbibigay-diin sa isang utos na ibinigay na noon ngunit hindi pa lubos na ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan. Kinailangan nitong muling bigyang-diin sa mga kalagayang kinaharap noon ng Simbahan at ng mga miyembro nito. Ang mga napapanahong halimbawa ng pagbibigay-diin ay kinailangan dahil sa mga napapanahong kalagayang kinakaharap ng mga Banal sa mga Huling Araw o ng Simbahan. Kinabibilangan ito ng pagpapahayag sa mag-anak na inilabas ni Pangulong Gordon B. Hinckley isang henerasyon na ang nakalipas at ang kamakailang panawagan ni Pangulong Russell M. Nelson na ipakilala ang Simbahan sa inihayag na pangalan nito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
III.
May isa pa sa mga turo ng Tagapagligtas na tila nangangailangan ng muling pagbibigay-diin sa mga kalagayan sa ating panahon.
Ngayon ay panahon ng maraming mararahas at masasakit na salita sa mga pag-uusap sa publiko at kung minsan kahit sa ating mga pamilya. Ang mga tahasang pagkakaiba sa mga isyu ng pampublikong patakaran ay kadalasang humahantong sa pagtatalo—maging pagkapoot—sa pampubliko at pampribadong mga relasyon. Ang kapaligirang may poot ay nakapagpaparalisa kung minsan sa kakayahang gumawa ng batas sa mga bagay na mahalaga kung saan ang karamihan sa mga mamamayan ay nakikita ang agarang pangangailangan para sa ilang gawi sa pampublikong interes.
Ano ang dapat na ituro at gawin ng mga tagasunod ni Cristo sa panahong ito ng ‘di kanais-nais na pakikipag-usap? Ano ba ang Kanyang mga turo at halimbawa?
Napakahalagang sa lahat ng mga unang alituntuning itinuro ni Jesus nang Siya ay nagpakita sa mga Nephita ay ang iwasan ang pagtatalo. Bagama’t itinuro Niya ito sa konteksto ng alitan sa mga doktrina sa relihiyon, ang dahilang ibinigay Niya ay malinaw na nauugnay sa mga pakikipag-usap at relasyon sa politika, pampublikong patakaran, at relasyon ng pamilya. Itinuro ni Jesus:
“Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang puso ng mga tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.
“Masdan, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang puso ng mga tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi.”
Sa Kanyang nalalabing ministeryo sa mga Nephita, itinuro ni Jesus ang iba pang kautusang malapit na nauugnay sa Kanyang pagbabawal sa pagtatalo. Nalaman natin mula sa Biblia na nauna na Niyang itinuro ang bawat isa nito sa Kanyang dakilang Pangangaral sa Bundok, karaniwan sa parehong mga salita na ginamit Niya sa mga Nephita. Aking sasabihin ang pamilyar na mga salita mula sa Biblia:
“Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo.”
Ito ang isa sa mga pinakakilalang kautusan ni Cristo—pinakanakapagpapabago at pinakamahirap na sundin. Ngunit ito ay ang pinakapangunahing bahagi ng Kanyang paanyaya para sa lahat na sumunod sa Kanya. Tulad ng itinuro ni Pangulong David O. McKay, “Wala nang ibang mas mabuting paraan para ipamalas ang pag-ibig sa Diyos kaysa sa pagpapakita ng di-sakim na pagmamahal sa kapwa-tao.”
Narito ang isa pang pangunahing turo Niya na ating mabuting huwaran: “Pinagpala ang lahat ng tagapamayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.”
Mga Tagapamayapa! Paano magbabago ang mga personal na relasyon kung ang mga tagasunod ni Cristo ay iiwasan ang mararahas at masasakit na mga salita sa lahat ng kanilang pakikipag-usap.
Sa pangkalahatang kumperensya noong nakaraang taon, ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga hamong ito:
“Isa sa pinakamadadaling paraan para makilala ang isang tunay na tagasunod ni Jesucristo ay kung gaano niya tinatrato nang may pagkahabag ang ibang tao. …
“… Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay mga tagapamayapa.
“… Ang isa sa mga pinakamagandang paraan na masusunod natin ang Tagapagligtas ay ang maging tagapamayapa.”
Bilang pagtatapos sa kanyang mga turo, sinabi niya: “Pinipili nating makipagtalo. Pinipili nating maging tagapamayapa. May kalayaan kayong piliin ang pagtatalo o pagkakasundo. Hinihikayat ko kayo na piliing maging tagapamayapa, ngayon at sa tuwina.”
Ang mga posibleng maging magkakalaban ay dapat simulan ang kanilang mga talakayan sa pagtukoy sa mga bagay na sinasang-ayunan ng lahat.
Upang masunod ang ating Perpektong Huwaran at ang Kanyang propeta, kailangan nating gawin ang bantog na Ginintuang Aral: “Kaya, anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta.” Kailangan nating magmahal at gumawa ng mabuti sa lahat. Kailangan nating iwasan ang pagtatalo at maging tagapamayapa sa lahat ng ating pakikipag-usap. Hindi ibig sabihin nito na ibaba ang ating mga alituntunin at pinapahalagahan kundi huminto sa malupit na pag-atake nito sa iba. Iyan ang ginawa ng ating Perpektong Huwaran sa Kanyang ministeryo. Iyan ang halimbawang ipinakita Niya para sa atin, habang inaanyayahan Niya tayong sumunod sa Kanya.
Sa kumperensyang ito apat na taon na ang nakalipas, binigyan tayo ni Pangulong Nelson ng isang hamon ng propeta para sa ating panahon:
“Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya ang Diyos sa buhay mo? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba?”
Bilang tagasunod ni Cristo, itinuturo natin at pinatototohanan si Jesucristo, ang ating Perpektong Huwaran. Kaya tularan natin Siya sa pamamagitan ng pag-iwas sa alitan. Habang tayo ay nagpapatuloy sa ating mga nais na patakaran sa mga pampublikong gawi, maging karapat-dapat tayo sa Kanyang mga pagpapala sa pamamagitan ng paggamit ng mga wika at pamamaraan ng mga tagapamayapa. Sa ating pamilya at iba pang personal na relasyon, iwasan natin ang mga bagay na mararahas at puno ng galit. Ating sikaping maging banal, gaya ng ating Tagapagligtas, na ang banal na pangalan ay pinatototohanan ko at isinasamo na ang Kanyang pagpapala ay tulungan tayong maging mga Banal. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.