Liahona
“Kayo ay Aking mga Kaibigan”
Nobyembre 2024


10:49

“Kayo ay Aking mga Kaibigan”

Ang pahayag ng Tagapagligtas na “kayo ay aking mga kaibigan” ay isang malinaw na paanyaya na bumuo ng mas dakila at mas banal na ugnayan sa lahat ng mga anak ng Diyos.

Sa mundong puno ng pagtatalo at pagkakahati, kung saan ang mahinahong talakayan ay napapalitan na ng panghuhusga at panghahamak, at ang pagkakaibigan ay naitatakda ng mga ideolohiya at pangkat, nalaman ko na may malinaw, simple, at banal na halimbawa na maaari nating tularan para sa pagkakaisa, pagmamahal, at pagiging kabilang. Ang halimbawang ito ay si Jesucristo. Pinatototohanan ko na Siya ang dakilang tagabuklod.

Tayo ay Kanyang mga Kaibigan

Noong Disyembre ng 1832, habang “ang mga nakikitang kaguluhan sa mga bansa” ay naging “mas malinaw” kaysa alinmang panahon simula noong naorganisa ang Simbahan, ang mga lider na Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland, Ohio ay nagtipon sa isang kumperensya. Nanalangin sila nang “magkakahiwalay at hayagan sa Panginoon upang ihayag ang kanyang naisin para sa [kanila].” Bilang pagtugon sa mga panalangin ng matatapat na miyembrong ito sa mga panahon ng matinding kaguluhan, pinanatag sila ng Panginoon, tinatawag ang mga Banal nang tatlong beses sa nakaaantig na mga salitang: “aking mga kaibigan.”

Noon pa man ay tinatawag na ni Jesucristo ang Kanyang mga tapat na tagasunod na Kanyang mga kaibigan. Labing-apat na beses sa Doktrina at mga Tipan, ginamit ng Tagpagligtas ang katagang kaibigan upang tukuyin ang isang sagrado at pinahahalagahang ugnayan. Ang sinasabi ko ay hindi ang tungkol sa salitang kaibigan tulad ng pakahulugan dito ng mundo—na batay sa mga follower sa social media o mga “like.” Hindi ito kayang makuha ng hashtag o ng isang numero sa Instagram o X.

Sa totoo lang, noong tinedyer ako, naaalala ko ang mga nakakainis na pag-uusap kapag naririnig ko ang masasakit na mga salitang “Oy, maaari bang maging magkaibigan na lamang tayo?” o “manatili na lamang tayo sa friend zone.” Hindi natin maririnig sa mga banal na kasulatan na nagsabi Siya ng, “Mga kaibigan ko lamang kayo.” Sa halip, Siya ay nagturo na “walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.” At “kayo yaong ibinigay sa akin ng aking Ama; kayo ay aking mga kaibigan.”

Malinaw ang ipinararating: kilala ng Tagapagligtas ang bawat isa sa atin at pinangangalagaan Niya tayo. Ang pangangalagang ito ay hindi walang halaga o walang kabuluhan. Sa halip, ito ay nakapagpapadakila, nakapagpapasigla, at walang hanggan. Nakikita ko na ang pahayag ng Tagapagligtas na “kayo ay aking mga kaibigan” ay isang malinaw na paanyaya na bumuo ng mas dakila at mas banal na ugnayan sa lahat ng anak ng Diyos “upang [tayo] ay maging isa.” Ginagawa natin ito kapag tayo ay nagsasama-sama at naghahanap ng mga pagkakataong magkaisa at maipadama sa lahat na kabilang sila.

Tayo ay Isa sa Kanya

Naipakita ito nang mahusay ng Tagapagligtas sa Kanyang paanyayang “pumarito ka, sumunod ka sa akin.” Ginamit Niya ang mga talento at katangian ng bawat isa sa isang pangkat ng mga tagasunod na may pagkakaiba-iba upang tumawag ng Kanyang mga Apostol. Tumawag Siya ng mga mangingisda, masigasig, magkapatid na kilala sa kanilang masiglang personalidad, at maging ng isang maniningil ng buwis. Ang kanilang paniniwala sa Tagapagligtas at pagnanais na lumapit sa Kanya ang nagbuklod sa kanila. Tumingin sila sa Kanya, nakita ang Diyos sa Kanya, at “kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.”

Nakita ko rin kung paanong ang pagbuo ng mas dakila at mas banal na ugnayan ay magbubuklod sa atin. Ako at ang aking asawang si Jennifer ay nabiyayaang palakihin ang lima naming anak sa New York City. Sa abalang metropolis na iyon, nagkaroon kami ng maganda at sagradong ugnayan sa mga kapitbahay, kaibigan sa paaralan, kasama sa negosyo, lider ng simbahan, at kapwa mga Banal.

Noong Mayo ng 2020, habang kinakaharap ng mundo ang pagkalat ng isang pandaigdigang pandemya, ang mga miyembro ng New York City Commission of Religious Leaders ay nagkaroon ng biglaang virtual na miting. Walang agenda iyon. Walang espesyal na panauhin. Isang kahilingan lamang na magsama-sama at pag-usapan ang mga hamong kinakaharap naming lahat bilang mga lider ng simbahan. Kauulat lamang ng Centers for Disease Control na ang aming siyudad ay ang epicenter ng COVID-19 pandemic sa Estados Unidos. Ang ibig sabihin nito ay bawal na ang pagtitipon. Bawal na ang pagsasama-sama.

Para sa mga lider na ito ng simbahan, ang pagbabawal sa personal na paglilingkod, pagtitipon ng kongregasyon, at lingguhang pagsamba ay isang matinding dagok. Ang aming maliit na grupo—na kinabibilangan ng kardinal, reverend, rabbi, imam, pastor, ministro, at elder—ay nakinig, nagpagaan ng loob, at sumuporta sa isa’t isa. Sa halip na magtuon sa aming pagkakaiba, nakita namin kung ano ang pagkakatulad namin. Nag-usap kami tungkol sa mga posibilidad at pagkatapos ay sa mga maaaring mangyari. Kami ay nagkaisa at tumugon sa mga katanungan tungkol sa pananampalataya at sa hinaharap. At pagkatapos, kami ay nanalangin. Napakaganda ng panalanging iyon.

Sa isang siyudad na may maraming pagkakaiba-iba at nagtutunggaliang kultura, nakita naming naglaho ang aming mga pagkakaiba nang kami ay nagsama-sama bilang magkakaibigang may iisang tinig, iisang layunin, at iisang panalangin.

Hindi na namin nakikita ang isa’t isa sa magkabilang panig ng mesa kundi nakatingin sa langit nang magkakasama. Iniwan namin ang mga sumunod na miting nang mas nagkakaisa at handang kunin ang aming “mga pala” at gumawa. Ang pagtutulungang nangyari at ang mga paglilingkod na nagawa sa libu-libong taga-New York ay nagturo sa akin na sa mundong nag-uudyok ng pagwawatak-watak, paglayo, at paglisan, may mas marami tayong dahilan upang magkaisa kaysa maghiwa-hiwalay. Nakiusap ang Tagapagligtas, “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”

Mga kapatid, dapat tayong tumigil sa paghahanap ng mga dahilan upang magkawatak-watak at sa halip ay maghanap ng mga pagkakataong “maging isa.” Pinagkalooban Niya tayo ng mga natatanging kaloob at katangian na nag-aanyaya sa ating matuto sa isa’t isa at personal na umunlad. Madalas kong sinasabi sa aking mga estudyante sa unibersidad na kung gagawin ko ang ginagawa ninyo at gagawin ninyo ang ginagawa ko, hindi na natin kailangan ang isa’t isa. Ngunit dahil hindi ninyo ginagawa ang ginagawa ko at hindi ko ginagawa ang ginagawa ninyo, kailangan natin ang isa’t isa. At pinagkakaisa tayo ng pangangailangang iyon. Ang pagwatak-watakin at paglupig ay plano ng kaaway upang sirain ang pagkakaibigan, pamilya, at pananampalataya. Ang Tagapagligtas ang nagbubuklod.

Nabibilang Tayo sa Kanya

Isa sa mga ipinangakong pagpapala ng “pagiging isa” ay ang makapangyarihang damdamin ng pagiging kabilang. Itinuro ni Elder Quentin L. Cook na “ang diwa ng tunay na pagiging kabilang ay ang maging kaisa ni Cristo.”

Sa isang pagbisita kamakailan kasama ang aking pamilya sa bansang Ghana sa Kanlurang Aprika, naibigan ko ang isang lokal na kaugalian. Kapag dumarating kami sa isang simbahan o tahanan, binabati kami ng mga salitang “tuloy po kayo.” Kapag nakahain na, sasabihin ng naghanda ng pagkain na, “Kain na po kayo.” Ang mga simpleng pagbati na ito ay sinasabi ng may layunin at sinasadya. Tuloy po kayo. Kain na po kayo.

Inilalagay din natin ang katulad na pahayag sa mga pintuan ng ating mga meetinghouse. Ngunit ang karatulang Malugod na Tinatanggap ang mga Bisita ay hindi sapat. Mainit ba nating tinatanggap ang lahat ng pumapasok sa ating mga pinto? Mga kapatid, huwag lamang manatiling nakaupo. Kailangan nating dinggin ang paanyaya ng Tagapagligtas na bumuo ng mas dakila at mas banal na ugnayan sa lahat ng mga anak ng Diyos. Kailangan nating mamuhay ayon sa ating pananampalataya! Madalas akong paalalahanan ng aking ama na ang pananatili sa upuan tuwing Linggo ay hindi ka gagawing mabuting Kristiyano gaya rin naman ng hindi ka magkakaroon ng kotse sa pagtulog lamang sa garahe.

Kailangan nating mamuhay na ang nakikita ng mundo ay hindi tayo kundi Siya sa pamamagitan natin. Hindi ito nangyayari tuwing Linggo lamang. Nangyayari ito sa grocery store, sa gasolinahan, sa miting sa paaralan, sa pagtitipun-tipon ng kapitbahay—sa lahat ng lugar kung saan ang mga nabinyagan na at hindi pa nabinyagang mga miyembro ng ating pamilya ay nagtatrabaho o naninirahan.

Sumasamba ako tuwing Linggo bilang paalala na kailangan natin ang isa’t isa at sama-sama nating kailangan Siya. Ang natatangi nating mga kaloob at talento na nagpapaiba sa atin sa isang sekular na mundo ang nagbubuklod sa atin sa isang sagradong lugar. Inaatasan tayo ng Tagapagligtas na tulungan ang bawat isa, palakasin ang bawat isa, at pasiglahin ang bawat isa. Ito ang ginawa Niya nang pinagaling Niya ang babaeng inaagasan ng dugo, nilinis ang isang ketongin na nagmakaawa sa Kanya, pinayuhan ang isang batang pinuno na nagtanong kung ano pa ba ang kanyang magagawa, minahal si Nicodemo na nakaaalam ngunit nagkukulang sa kanyang pananampalataya, at umupo kasama ng isang babae sa balon na hindi sumusunod sa kaugalian noong panahong iyon ngunit inihayag Niya sa kanya ang Kanyang misyon bilang Mesiyas. Ito para sa akin ang simbahan—isang lugar ng pagtitipon at pagpapagaling, pagsasaayos at muling pagtutuon ng pansin. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang lambat ng ebanghelyo ang pinakamalaking lambat sa mundo. Inaanyayahan ng Diyos ang lahat na lumapit sa Kanya. … May puwang para sa lahat.”

Ang ilan ay maaaring nagkaroon ng mga karanasang nagpapadama sa inyo na hindi kayo kabilang. Ang mensahe ng Tagapagligtas para sa inyo at sa akin ay magkatulad: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang perpektong lugar para sa atin. Ang pagpunta sa simbahan ay nagbibigay ng pag-asa ng mas mabuting mga araw, ng pangakong hindi kayo nag-iisa, at ng isang pamilyang nangangailangan sa atin tulad ng pangangailangan natin sa kanila. Pinagtibay ni Elder D. Todd Christofferson na “ang maging kaisa ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo ay walang alinlangang siyang pinakalubos na diwa ng pagiging kabilang.” Sa sinumang lumayo at naghahanap ng pagkakataong bumalik, ibinibigay ko ang walang hanggang katotohanan at paanyaya: Kabilang ka. Bumalik ka na. Panahon na.

Sa isang mundong puno ng pagtatalo at pagkakawatak-watak, nagpapatotoo ako na ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang dakilang tagabuklod. Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na maging karapat-dapat sa paanyaya ng Tagapagligtas na “maging isa” at matapang na ihayag tulad ng ginawa Niya, “Kayo ay aking mga kaibigan.” Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.