Maging Marapat Kayo sa Inyong mga Pribilehiyo
Alamin kung paano padadaluyin ng mga ordenansa at pangako ng tipan ng priesthood ang kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay.
Kamakailan ay natanggap ng aking asawang si Greg ang diagnosis na mangangailangan ng matinding operasyon at ilang buwang pagki-chemotherapy. Tulad ng marami sa inyo na naharap sa parehong sitwasyon, agad kaming nagsimulang manalangin para sa tulong ng langit at kapangyarihan ng Diyos. Nang sumunod na Linggo matapos ang operasyon kay Greg, dinala ang sakramento sa silid namin sa ospital.
Sa pagkakataong ito, ako lamang ang tatanggap ng sakramento. Isang pirasong tinapay. Isang maliit na cup ng tubig. Sa simbahan, madalas na nakatuon ang isipan ko sa sistema ng paghahatid ng sakramento—sa paghahanda, sa pagbabasbas, at sa pagdadala. Ngunit nang hapong iyon, pinagnilayan ko ang kaloob na kapangyarihan ng Diyos na makukuha ko sa pamamagitan mismo ng sagradong ordenansa at ng pangako ng tipan na sinasang-ayunan ko nang kunin ko ang piraso ng tinapay at maliit na baso ng tubig na iyon. Ito ang panahon na kailangan ko ng lakas na mula sa langit. Sa gitna ng matinding lungkot, pagod, at pag-aalinlangan, napaisip ako tungkol sa kaloob na ito na magtutulot na makahugot ako ng lakas mula sa Kanya na kailangang-kailangan ko. Ang pakikibahagi ng sakramento ay magpapalakas sa aking kaugnayan sa Espiritu ng Panginoon, na nagbibigay-daan para matanggap ko ang kaloob na kapangyarihan ng Diyos, kasama na rito ang paglilingkod ng mga anghel at ang lakas na nagmumula sa Tagapagligtas upang magtagumpay.
Sa palagay ko, ngayon ko lamang napagtanto nang ganito kalinaw na hindi lamang ang taong nangangasiwa sa ordenansa ang mahalaga—dapat din nating pagtuunan ng pansin ang naidudulot ng ordenansa at ng ating pangako sa tipan. Ang mga ordenansa ng priesthood at ang mga pangako ng tipan ay nagbibigay-daan sa Diyos na pabanalin tayo at pagkatapos gumawa ng mga himala sa ating buhay. Ngunit, paano nangyayari ito?
Una, upang maipakita ng ordenansa ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay, dapat itong isagawa nang may awtoridad na mula sa Anak ng Diyos. Ang paraan ng pangangasiwa ay mahalaga. Ipinagkatiwala ng Ama kay Jesucristo ang mga susi at awtoridad na pamahalaan ang pangangasiwa ng Kanyang mga ordenansa ng priesthood. Sa ilalim ng Kanyang pamamahala, sa orden ng Kanyang priesthood, inorden ang mga anak ng Diyos na humalili sa Anak ng Diyos.
Pangalawa, hindi lamang tayo sumasang-ayon sa mga pangako ng tipan—dapat nating tuparin ang mga ito. Sa maraming ordenansa ng ebanghelyo, gumagawa tayo ng mga sagradong tipan sa Diyos; nangangako Siya na pagpapalain tayo kapag tinutupad natin ang mga tipang iyon. Nauunawaan ba natin na ang pagsasagawa ng ordenansa ng priesthood at pagtupad sa mga pangako ng tipan ang nagbibigay-daan para makahugot tayo ng lakas mula sa kapangyarihan ng Diyos?
Nang hapong iyon napaisip ako kung ganap nga bang nauunawaan ko, na isang pinagtipanang anak na babae ng Diyos, kung paano matatamo ang kaloob na kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood at alam ko ba talaga kung paano matutukoy na sumasaakin ang kapangyarihan ng Diyos.
Noong 2019, isang paanyaya ng propeta ang ipinaabot sa kababaihan ng Simbahan, na nagtuturo sa atin kung paano huhugot ng lakas mula sa kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay. Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 25, isang paghahayag na ibinigay kay Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania. Ang pagtanggap sa paanyayang iyon ang bumago sa aking buhay.
Noong nakaraang buwan, nagkaroon ako ng hindi inaasahang oportunidad na bumisita sa Harmony. Doon, sa ilalim ng mga puno ng maple, ang priesthood ay ipinanumbalik kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Malapit sa mga punong iyon ang pintuan sa harap ng bahay nina Joseph at Emma. Sa tapat ng pugon ng bahay na iyon ay may bintana. Tumayo ako sa harap ng bintanang iyon at naitanong ko kung ano kaya ang naiisip ni Emma habang nakatanaw sa mga puno sa tapat.
Noong Hulyo ng 1830, 26 na taon pa lamang si Emma; napakabata pa niya. Tatlo at kalahating taon pa lamang siyang nakakasal. Namatayan siya ng sanggol na lalaki—ang kanyang panganay. Ang kanyang maliit na libingan ay nasa gilid lamang ng kanyang tahanan. Habang nakatayo sa harap ng bintanang iyon, hindi mahirap para sa akin na isipin kung ano ang maaaring laman ng kanyang isipan. Tiyak na nag-alala siya tungkol sa kanilang pananalapi, sa lumalalang pag-uusig na banta sa kanilang kaligtasan, sa kanilang kinabukasan. Gayunman, ang gawain ng Diyos ay nakapalibot sa kanya. Inisip din ba niya ang kanyang lugar sa plano, ang layunin niya sa Kanyang kaharian, at ang kanyang potensyal sa mga mata ng Diyos?
Sa palagay ko napag-isipan niya iyan.
Sa kabila lamang ng daan, ang kaloob ng Diyos na awtoridad ng priesthood at mga susi ay ipinanumbalik na sa lupa. Ito ang panahon na kailangan ni Emma ng lakas mula sa langit. Sa gitna ng matinding lungkot, pagod, at kawalang-katiyakan, naiisip ko si Emma na pinag-iisipan ang kaloob na ito na priesthood ng Diyos na makapagbubukas ng kapangyarihan mula sa Kanya na lubos niyang kailangan.
Ngunit hindi basta lamang tumayo si Emma sa harap ng bintanang iyon at nag-isip.
Habang tinuturuan si Propetang Joseph kaugnay ng mga susi, katungkulan, ordenansa, at paano tutulong sa paglilingkod sa priesthood, ang Panginoon mismo, sa pamamagitan ng Kanyang propeta, ay nagbigay ng paghahayag kay Emma. Hindi sa Nauvoo-Relief-Society-president na si Emma—ibinigay ang paghahayag na ito sa 26-na-taong-gulang na si Emma sa Harmony. Sa pamamagitan ng paghahayag, nalaman ni Emma ang tungkol sa panloob na pagpapakabanal at pakikipagtipan na magpapalakas sa kakayahan ng mga ordenansang iyon ng priesthood na maramdaman sa kanyang buhay.
Una, ipinaalala ng Panginoon kay Emma ang lugar niya sa Kanyang plano, pati na kung sino at kanino siya—isang anak na babae sa Kanyang kaharian. Inanyayahan siyang “lumakad sa mga landas ng kabanalan,” isang landas na kinabibilangan ng mga ordenansa na magbubukas ng kapangyarihan ng Diyos kung mananatiling tapat si Emma sa kanyang mga tipan.
Pangalawa, sa panahon ng kanyang labis na pagluluksa, binigyan siya ng layunin ng Panginoon. Hindi lamang tagapanood si Emma sa Pagpapanumbalik; siya ay mahalagang kalahok sa gawaing nagaganap. Itatalaga si Emma Smith na “magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at upang manghikayat sa simbahan.” Ang kanyang panahon ay “ilalaan sa pagsusulat, at sa pag-aaral nang lubos.” Binigyan si Emma ng sagradong tungkuling tumulong sa paghahanda sa mga Banal na sumamba; ang kanilang mga awitin sa Panginoon ay tatanggapin bilang mga panalangin at “tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo.”
Panghuli, binalangkas ng Panginoon ang proseso ng panloob na pagpapakabanal na maghahanda kay Emma para sa kadakilaan. “At malibang gawin mo ito,” paliwanag ng Panginoon sa kanya, “kung nasaan ako ay hindi ka makatutungo.”
Kung babasahin natin nang mabuti ang bahagi 25, matutuklasan natin ang isang mahalagang pag-unlad na nagaganap. Si Emma ay magsisimula sa pagiging anak sa kaharian patungo sa pagiging “hinirang na babae” hanggang sa maging reyna. Ang mga ordenansa ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, kasabay ng pagtupad sa kanyang mga pangako sa tipan, ay magpapalakas sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Espiritu at sa mga anghel, na magbibigay sa kanya ng lakas na maglayag nang may banal na patnubay sa kanyang buhay. Sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan ng Diyos, pagagalingin Niya ang kanyang puso, palalakihin ang kanyang kakayahan, at babaguhin ang kanyang pagkatao sa alam Niyang kaya nitong kahinatnan. At sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood, “ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” sa kanyang buhay, at hahawiin ng Panginoon ang tabing upang makatanggap siya ng pang-unawa mula sa Kanya. Ganito kung paano mararamdaman sa ating buhay ang kapangyarihan ng Diyos.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Lahat ng bagay na nangyari sa [Harmony] ay may malaking epekto sa inyong buhay. Ang panunumbalik ng priesthood, at ang payo ng Panginoon kay Emma, ay papatnubay at magpapala sa bawat isa sa inyo. …
“… Ang pagtatamo ng kapangyarihan ng Diyos sa buhay ninyo ay nangangailangan din ng mga bagay na ipinagawa ng Panginoon kay Emma at sa bawat isa sa [atin].”
May mahahalagang bagay na nangyayari sa magkabilang panig ng bintanang iyon sa Harmony, kabilang na ang paghahayag na ibinigay sa hinirang na ginang na tinawag ng Panginoon—isang paghahayag na magpapalakas, maghihikayat, at magtuturo kay Emma Smith, na anak ng Diyos.
Nang bigyan ng pangalan at basbas ang aming apong si Isabelle, binasbasan siya ng kanyang ama ng pang-unawa sa priesthood; na patuloy siyang uunlad at matututo tungkol sa pagpapalang idudulot nito sa kanyang buhay; at na ang kanyang tiwala sa priesthood ay lalakas habang patuloy na lumalawak ang kanyang pag-unawa.
Bihira sa isang batang babae ang mabasbasan na maunawaan ang priesthood at malaman kung paano siya matutulungan ng mga ordenansa ng priesthood at ng mga pangako ng tipan na iyon para matamo ang kapangyarihan ng Diyos. Ngunit naalala ko si Emma at naisip ko, Bakit hindi? Ang anak na ito ay may potensyal na maging isang hinirang na babae sa Kanyang kaharian at maging reyna sa huli. Sa pamamagitan ng Kanyang mga ordenansa sa priesthood at pagtupad sa kanyang mga pangako sa tipan, ang kapangyarihan ng Diyos ay mapapasakanya at magagamit niya upang magtagumpay sa anumang kakaharapin sa buhay at maging babaeng alam ng Diyos na maaari niyang kahinatnan. Isang bagay ito na gusto kong maunawaan ng bawat babae sa kaharian.
“Maging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo.”
Alamin kung paano padadaluyin ng mga ordenansa at pangako ng tipan ng priesthood ang kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay nang mas mahusay, mapapasainyo at magagamit ninyo, mapapalakas at sasandatahan kayo upang marating ang inyong buong layunin at potensyal.
Pag-aralan at pagnilayan nang mabuti ang mga ordenansa ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, ang bawat kaugnay na mga pangako ng tipan na sinasang-ayunan natin, at ang kapangyarihan ng Diyos na natatamo natin sa pamamagitan ng mga ordenansang iyon.
Tandaan, hindi lamang ang taong nangangasiwa sa ordenansa ang mahalaga; dapat din ninyong pagtuunan ng pansin ang naidudulot ng ordenansa at ng inyong pangako sa tipan.
Ang pakikibahagi ng tinapay at tubig ay lingguhang paalala sa Kanyang kapangyarihan na natatanggap ninyo upang tulungan kayong magtagumpay. Ang pagsusuot ng garment ng banal na priesthood ay isang paalala sa araw-araw sa kaloob na kapangyarihan Niya na natatanggap ninyo upang tulungan kayong maabot ang inyong potensyal.
Matatamo nating lahat ang kaloob na kapangyarihan ng Diyos.
Sa tuwing nakikibahagi tayo ng sakramento.
Sa tuwing pumapasok tayo sa pintuan ng templo.
Ito ang pinakatampok na kaganapan sa araw ng Sabbath para sa akin. Ito ang dahilan kung bakit pinahahalagahan ko ang aking temple recommend.
“Sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”
Pinatototohanan ko ang kaloob na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.