Liahona
“Ito ang Aking Ebanghelyo”—“Ito ang Aking Simbahan”
Nobyembre 2024


13:49

“Ito ang Aking Ebanghelyo”—“Ito ang Aking Simbahan”

Ito ang ebanghelyo ng Tagapagligtas, at ito ang Kanyang Simbahan (tingnan sa 3 Nephi 27:21; Mosias 26:22; 27:13). Ang kombinasyon ng dalawa ay mabisa at nakapagpapabago.

Sa loob ng maraming siglo, ang itim na pulbura [black powder] ang pinakamalakas na magagamit na pampasabog. Maaari itong magpaputok ng mga bala ng kanyon, ngunit hindi ito epektibo sa karamihan sa mga proyekto ng pagmimina at paggawa ng mga kalsada. Napakahina nito para makadurog ng bato.

Noong 1846 isang Italyanong chemist na nagngangalang Ascanio Sobrero ang nag-halu-halo ng isang bagong pampasabog, ang nitroglycerin. Ang mamantikang likidong ito ay hindi bababa sa isang libong beses na mas malakas kaysa sa itim na pulbura. Madali itong makadurog ng bato. Sa kasamaang-palad, ang nitroglycerin ay kulang sa stabilizer. Kapag ipinatak mo ito kahit sa malapitan, sasabog ito. Kapag masyadong nainitan, sasabog ito. Kapag masyadong nalamigan, sasabog ito. Kahit na ilagay ito sa malamig at madilim na lugar at hinayaang mag-isa, sasabog ito. Karamihan sa mga bansa ay ipinagbawal ang paglilipat nito, at marami ang ipinagbawal ang paggawa nito.

Noong 1860 isang siyentipikong Swedish na nagngangalang Alfred Nobel ang nagsimulang subukang lagyan ng stabilizer ang nitroglycerin. Pagkatapos ng pitong taong pag-eksperimento, nakamit niya ang kanyang mithiin nang ipasipsip niya ang nitroglycerin sa isang halos walang halagang sangkap na kilala bilang kieselguhr. Ang kieselguhr ay butas-butas na bato na maaaring mapulbos. Kapag inihalo sa nitroglycerin, sisipsipin ng kieselguhr ang nitroglycerin, at ang kinalabasang kola ay maaaring hugisin na parang mga “stick.” Sa ganitong porma, mas nai-stabilize ang nitroglycerin. Maaari itong ligtas na maimbak, mailipat-lipat, at magamit nang hindi nababawasan ang lakas ng pagsabog. Pinangalanan ni Nobel ang kumbinasyon ng nitroglycerin at kieselguhr na “dinamita.”

Binago ng dinamita ang mundo. Dahil din dito ay yumaman si Nobel. Kung walang stabilizer, ang nitroglycerin ay hindi maibebenta sa merkado dahil lubhang mapanganib ito, tulad ng natuklasan ni Ascanio Sobrero. Kapag walang kahalong sangkap, tulad ng nabangit ko, ang kieselguhr, ay walang halaga. Ngunit sa kumbinasyon ng dalawang sangkap, malaking pagbabago ang nagawa ng dinamita.

Sa gayunding paraan, ang kombinasyon ng ebanghelyo ni Jesucristo at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay ng matatag at nakapagpapabagong mga kapakinabangan para sa atin. Ang ebanghelyo ay perpekto, ngunit ang isang simbahang inatasan ng Diyos ay kinakailangang ipangaral ito, panatilihin ang kadalisayan nito, at pangasiwaan ang mga sagradong ordenansa nito nang may kapangyarihan at awtoridad ng Tagapagligtas.

Isipin ang kumbinasyon ng ebanghelyo ng Tagapagligtas at ng Kanyang Simbahan na itinatag ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Alma. Ang Simbahan ay may responsibilidad na ipangaral lamang ang “pagsisisi at pananampalataya sa Panginoon, na siyang [tutubos] sa kanyang mga tao. Gamit ang awtoridad ng Diyos, responsibilidad ng Simbahan na pangasiwaan ang ordenansa ng binyag “sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa [paggawa ng] tipan sa kanya … na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan,” Ang mga taong nabinyagan ay nagtaglay ng pangalan ni Jesucristo, sumapi sa Kanyang Simbahan, at pinangakuan ng malaking kapangyarihan sa pamamagitan ng pagbubuhos ng Espiritu.

Dumagsa ang mga tao sa Tubig ng Mormon upang pakinggan ang pangangaral ni Alma ng ebanghelyo. Bagama’t iginagalang nila ang mga tubig na iyon at ang nakapaligid na kagubatan, ang Simbahan ng Panginoon ay hindi isang lugar o gusali noon, maging hanggang sa ngayon. Ang Simbahan ay mga ordinaryong tao, mga disipulo ni Jesucristo, na tinipon at inorganisa sa isang banal na istruktura na tumutulong sa Panginoon na maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Ang Simbahan ay kasangkapan kung saan natututuhan natin ang pangunahing ginagampanan ni Jesucristo sa plano ng Ama sa Langit. Ang Simbahan ay naglalaan ng mga paraan nang may awtoridad upang makabahagi ang mga tao sa mga ordenansa at gumawa ng mga walang-hanggang tipan sa Diyos. Ang pagtupad sa mga tipang iyon ay nagpapalapit sa atin sa Diyos, nagbibigay sa atin ng Kanyang kapangyarihan, at binabago tayo sa kung ano ang nais Niyang kahinatnan natin.

Tulad ng dinamita na kung walang nitroglycerin ay hindi kapansin-pansin, ang Simbahan ng Tagapagligtas ay katang-tangi lamang kung ito ay itinayo sa Kanyang ebanghelyo. Kung wala ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at ang awtoridad na pangasiwaan ang mga ordenansa nito, hindi na natatangi ang Simbahan.

Kung wala ang nakapagpapa-stabilize na epekto ng kieselguhr, limitado lang ang bisa ng nitroglycerin bilang pampasabog. Tulad ng nasaksikan sa kasaysayan, kung wala ang Simbahan ng Panginoon, ang pagkaunawa ng sangkatauhan sa Kanyang ebanghelyo ay hindi rin matatag—madaling malihis sa doktrina at maimpluwensiyahan ng iba’t ibang relihiyon, kultura, at pilosopiya. Ang pagsasama-sama ng mga impluwensyang iyon ay ipinakita sa bawat dispensasyon na humahantong sa huling pagkakataong ito. Bagama’t ang ebanghelyo ay unang inihayag sa kadalisayan nito, ang interpretasyon at pagsasabuhay ng ebanghelyong iyon ay unti-unting nagkaroon ng anyo ng kabanalang walang kapangyarihan dahil wala ang Simbahang pinahintulutan ng Diyos.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtutulot sa atin na magamit ang kapangyarihan ng Diyos dahil ito ay pinahintulutan Niya na ituro kapwa ang doktrina ni Cristo at ialay ang nakapagliligtas at nakadadakilang mga ordenansa ng ebanghelyo. Nais ng Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan, tulungan tayong magamit ang Kanyang kapangyarihan, at baguhin tayo. Nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan at inaasam na patawarin tayo mula sa kaparusahang atin sanang nararapat na matanggap. Nais Niyang maging banal tayo at maging ganap sa Kanya.

Si Jesucristo ay may kapangyarihang gawin ito. Siya ay hindi lamang simpleng nakikiramay sa ating mga kakulangan at nagdadalamhati sa ating walang hanggang kaparusahan bunga ng kasalanan. Hindi, sa halip higit pa roon ang Kanyang ginawa, at ipinanumbalik ang Kanyang Simbahan upang magamit ang Kanyang kapangyarihan.

Ang pinakasentro ng ebanghelyong itinuturo ng Simbahan ay na pinasan ni Jesucristo ang “ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan.” Kanyang “ipinasan … ang lahat nating kasamaan.” “Tiniis [N]iya ang krus,” kinalag ang “mga gapos ng kamatayan,” “umakyat sa langit, at … umupo sa kanan ng Diyos, upang angkinin sa Ama ang kanyang mga karapatan ng awa.” Ginawa ng Tagapagligtas ang lahat ng ito dahil mahal Niya ang Kanyang Ama at mahal Niya tayo. Nagbayad na Siya ng walang-hanggang halaga upang “[angkinin] Niya ang lahat ng yaong sumasampalataya sa kanya [at nagtataguyod]” para sa kanila—para sa atin. Walang ibang mas nais si Jesucristo kundi ang magsisi tayo at lumapit sa Kanya upang tayo ay Kanyang bigyang-katwiran at pabanalin. Sa hangaring ito, Siya ay walang humpay at hindi natitinag.

Ang access sa Kanyang kapangyarihan sa loob ng tipan at pagmamahal sa tipan ay makukuha sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan. Ang kombinasyon ng ebanghelyo ng Tagapagligtas at ng Kanyang Simbahan ay nagpapabago sa ating buhay. Binago nito ang lolo’t lola ko sa ina. Ang lolo kong si Oskar Andersson ay nagtrabaho sa isang shipyard sa Högmarsö, isang isla sa kapuluan ng Stockholm. Ang kanyang asawang si Albertina at ang kanilang mga anak ay nakatira sa mainland ng Sweden. Isang beses kada dalawang linggo, tuwing Sabado, nagbabangka si Oskar pauwi sa katapusan ng linggo bago bumalik sa Högmarsö sa Linggo ng gabi. Isang araw, habang nasa Högmarsö, narinig niya ang dalawang Amerikanong missionary na nangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nadama ni Oskar na ang narinig niya ay dalisay na katotohanan, at napuno siya ng ‘di maipaliwang na kagalakan.

Sa sumunod na pag-uwi niya, tuwang-tuwa niyang sinabi kay Albertina ang tungkol sa mga missionary. Ipinaliwanag niya na naniniwala siya sa itinuro ng mga ito. Ipinabasa niya kay Albertina ang mga polyetong ibinigay nila sa kanya, at sinabi niya rito na sa palagay niya ay hindi dapat binyagan ang kanilang magiging mga anak kapag sanggol pa lang. Galit na galit si Albertina at itinapon ang mga polyeto sa basurahan. Hindi na sila gaanong nag-usap bago umalis si Oskar para magtrabaho noong Linggo ng gabi.

Pagkaalis niya, agad na kinuha ni Albertina ang mga polyetong iyon. Maingat niyang inihambing ang doktrina nito sa mga turo sa kanyang gamit na gamit na Biblia. Nagulat siya nang maramdaman na totoo ang kanyang nabasa. Nang sumunod na umuwi si Oskar, magiliw siyang sinalubong ni Albertina, gayundin ang kopya ng Aklat ni Mormon na dala niya. Sabik na binasa niyang muli ito, at muling inihambing ang doktrina sa doktrina sa kanyang Biblia. Tulad ni Oskar, nadama niya ang dalisay na katotohanan at napuno ng hindi maipaliwanag na kagalakan.

Lumipat sina Oskar, Albertina, at kanilang mga anak sa Högmarsö para mas maging malapit sa ilang miyembro ng Simbahan doon. Isang linggo matapos mabinyagan sina Oskar at Albertina noong 1916, tinawag si Oskar na maging lider ng grupo sa Högmarsö. Tulad ng maraming mga convert, sina Oskar at Albertina ay nakaranas ng pagbatikos dahil sa kanilang bagong pananampalataya. Ang mga lokal na magsasaka ay tumangging pagbilhan sila ng gatas, kaya sakay ng bangkang tinawid ni Oskar ang fjord araw-araw upang bumili ng gatas mula sa isang mas maunawaing magsasaka.

Subalit sa mga sumunod na taon, dumami ang mga miyembro ng Simbahan sa Högmarsö, isa sa mga dahilan nito ay ang malakas na patotoo at matinding sigasig sa gawaing-misyonero ni Albertina. Nang maging branch ang grupo, tinawag si Oskar bilang unang branch president.

Ikinararangal ng mga miyembro ng Högmarsö branch ang islang iyon. Ito ang kanilang mga Tubig ng Mormon. Dito nila nakilala ang kanilang Manunubos.

Sa paglipas ng mga taon, sa pagtupad nila ng kanilang tipan sa binyag, sina Oskar at Albertina ay nabago sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo. Inasam nilang gumawa pa ng mas maraming tipan at matanggap ang kanilang mga pagpapala sa templo. Upang matamo ang mga pagpapalang iyon, tuluyan nilang nilisan ang kanilang tahanan at nandayuhan mula sa Sweden patungong Salt Lake City noong 1949. Si Oskar ay naglingkod bilang lider ng mga miyembro sa Högmarsö sa loob ng 33 taon.

Dahil sa kombinasyon ng nitroglycerin at kieselguhr, nagkaroon ng halaga ang dinamita; ang kumbinasyon ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan ay hindi matatawaran. Narinig nina Oskar at Albertina ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo dahil isang propeta ng Diyos ang tumawag, nagtalaga, at nagpadala ng mga missionary sa Sweden. Sa pamamagitan ng banal na atas, itinuro ng mga missionary ang doktrina ni Cristo at sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood ay bininyagan sina Oskar at Albertina. Bilang mga miyembro, patuloy na nag-aral, natuto, at naglingkod sa kapwa sina Oskar at Albertina. Sila ay naging mga Banal sa mga Huling Araw dahil tinupad nila ang mga tipang ginawa nila.

Tinukoy ng Tagapagligtas ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang “aking simbahan” dahil inatasan Niya itong isagawa ang Kanyang mga layunin—pangangaral ng Kanyang ebanghelyo, pag-aalay ng Kanyang mga ordenansa at tipan, at paggawa ng paraan para mabigyang-katwiran ng Kanyang kapangyarihan na pabanalin tayo. Kung wala ang Kanyang Simbahan, walang awtoridad, walang pangangaral ng mga inihayag na katotohanan sa Kanyang pangalan, walang mga ordenansa o tipan, walang pagpapakita ng kapangyarihan ng kabanalan, walang pagbabago sa kung sino ang nais ng Diyos na maging tayo, at ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay mawawalan ng silbi. Ang Simbahan sa dispensasyong ito ay bahagi ng Kanyang plano.

Inaanyayahan ko kayong mas lubos na ilaan ang inyong sarili sa Tagapagligtas, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan. Sa paggawa ninyo nito, malalaman ninyo na ang kumbinasyon ng ebanghelyo ng Tagapagligtas at ng Kanyang Simbahan ay magdudulot ng kapangyarihan sa inyong buhay. Ang kapangyarihang ito ay lubhang nakahihigit kaysa dinamita. Dudurugin nito ang mga bato sa inyong daraanan, babaguhin kayo at gagawing tagapagmana sa kaharian ng Diyos. At kayo ay “[mapupuspos] ng yaong hindi maipaliwanag na kagalakan at puspos ng kaluwalhatian.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang itim na pulbura (black powder) ay pinaghalong potassium nitrate (saltpeter), asupre, at uling. Ito ay inuri bilang isang mahinang paputok o isang mababang uri ng paputok dahil may kabagalan ang dekomposisyon nito, at mas mabagal kaysa bilis ng tunog. Ang malalakas na pampasabog o matataas na uri ng mga pampasabog ay sumasabog sa halip na nasusunog, na nagdudulot ng supersonic shock wave.

  2. Pinagana ng dinamita ang “walang katulad na pagdagsa ng paglikha ng mga lagusan ng tren, mga sistema ng alkantarilya, at mga subway sa iba’t ibang bahagi ng mundo—mga pangunahing proyekto sa engineering na imposibleng [isagawa] kung wala ang mga kinokontrol na pagsabog [na pinapahintulutan nito]. Halos lahat ng nagawang tanyag na engineering noong [huling bahagi ng ika-19 at unang bahagi ng ika-20 siglo]—ang London Underground, ang Brooklyn Bridge, ang Transcontinental Railroad, [at] ang Panama Canal—ay lubos na umasa sa bagong pampasabog” (Steven Johnson, The Infernal Machine: A True Story of Dynamite, Terror, and the Rise of the Modern Detective [2024], 24).

  3. Dahil ang nitroglycerin mismo ay hindi maipagbibili sa merkado, hindi yumaman si Ascanio Sobrero dahil sa kanyang imbensyon. Gayumpaman, nang si Alfred Nobel ay nagtayo ng isang pabrika ng dinamita sa Avigliana, Italya, noong 1873, si Sobrero ay hinirang bilang isang adviser na binayaran nang malaki bilang pagkilala sa pagtuklas niya sa nitroglycerin. Hawak ni Sobrero ang paghirang na iyon hanggang sa kanyang kamatayan noong 1888. (Tingnan sa G. I. Brown, The Big Bang: A History of Explosives [1998], 106.)

  4. Para sa kasaysayan ng black powder, nitroglycerin, at dinamita, tingnan sa Brown, The Big Bang, 1–121.

  5. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kasingkahulugan ng doktrina ni Cristo.

  6. Tingnan sa Mosias 18:7, 20; 25:15, 22.

  7. Mosias 18:10.

  8. Tingnan sa 2 Nephi 31:13.

  9. Tingnan sa Mosias 18:17; 25:18, 23; Alma 4:4–5; Helaman 3:24–26; 3 Nephi 28:18, 23.

  10. Tingnan sa 2 Nephi 31:12–14; Mosias 18:10.

  11. Ang Simbahan ay susi sa pag-aalay ng mga sagradong tipan sa mga anak ng Ama sa Langit. Ito ang dahilan kung bakit, sa panahon ng endowment sa mga templo, nangangako ang mga miyembro na susundin ang batas ng paglalaan. Nangangahulugan ito na “ilalaan ng mga miyembro ang kanilang oras, mga talento, at lahat ng ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon para sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa mundo” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 27.2, Gospel Library).

  12. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 77.

  13. Tingnan sa Mosias 18:22; Moises 6:68; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anak na Lalaki at Babae ng Diyos, Mga” Gospel Library.

  14. Tingnan sa 3 Nephi 27:13–21.

  15. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5.

  16. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2024, 121; 3 Nephi 27:9–11.

  17. Ang Tagapagligtas ay “pinagkalooban … ang iba na maging mga apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y ebanghelista, at ang iba’y pastor at mga guro” upang “makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, … [upang] tayo’y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya” (Efeso 4:11, 13–14).

  18. Ang syncretism ay ang teknikal na termino para sa pagsasama-sama ng iba’t ibang relihiyon, kultura, o paraan ng pag iisip.

  19. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:19.

  20. Tingnan sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” Gospel Library. Ang pagpapahayag ay binasa ni Pangulong Russell M. Nelson bilang bahagi ng kanyang mensahe sa Ika-190 Taunang Pangkalahatang Kumperensya, noong Abril 05, 2020, sa Salt Lake City, Utah (tingnan sa, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 91–92).

  21. Matatanggap natin ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi sa ating mga kasalanan, at pagtupad sa mga tipang ginawa natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa mga ordenansa tulad ng binyag, endowment, at sakramento.

  22. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-katwiran, Pangatwiranan,” Gospel Library.

  23. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapabanal,” Gospel Library.

  24. Tingnan sa Moroni 10:32–33.

  25. Tingnan sa Mga Hebreo 4:15; tingnan rin sa footnote a sa bersyon sa Ingles ng Biblia.

  26. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:15–18.

  27. Tingnan sa Isaias 53:4–12.

  28. Mga Hebreo 12:2.

  29. Mosias 15:23.

  30. Moroni 7:27–28; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 45:3–5.

  31. Tingnan sa Mosias 18:30.

  32. Tingnan sa Inger Höglund and Caj-Aage Johansson, Steg i Tro: Jesu Kristi Kyrka av Sista Dagars Heliga i Sverige 1850–2000 (2000), 66–67.

  33. Doktrina at mga Tipan 115:4.

  34. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–21.

  35. Kung tatanggapin ninyo ang ibinibigay ng Simbahan ng Panginoon, magiging ganap kayo kay Cristo bago maging ganap ang Kanyang Simbahan, kung magkakagayon man ito. Ang Kanyang mithiin ay gawin kayong perpekto, hindi ang Kanyang Simbahan. Ang kanyang mithiin ay hindi kailanman na, sa metaporikal na mga kataga, gawing brilyante ang kieselguhr; ang mithiin Niya ay dalisayin kayo upang maging dalisay na ginto, iligtas at itaas kayo bilang katuwang Niya sa kaharian ng ating Ama sa Langit. Ngunit kailangang iyan din ang maging layunin ninyo. Kayo ang magpapasiya.

  36. Helaman 5:44.