Simple Lamang ang Doktrina ni Jesucristo
Pinatototohanan ko ang sagradong gawain na ituro sa mga anak ng Ama sa Langit ang simpleng doktrina ni Jesucristo.
Lahat tayo ay may mga kapamilyang mahal natin na tinutukso at sinusubukan ng tila baga walang-humpay na mga puwersa ni Satanas, ang mangwawasak, na gagawing kaaba-aba ang lahat ng anak ng Diyos. Para sa marami sa atin, may mga gabing hindi tayo makatulog. Sinubukan na nating paligiran ng bawat mabuting puwersa ang mga taong nanganganib. Nagsumamo na tayo sa panalangin para sa kanila. Minahal na natin sila. Ipinakita na natin ang pinakamagandang halimbawang kaya nating ipakita.
Si Alma, isang matalinong propeta noong unang panahon, ay naharap din sa gayong mga pagsubok. Ang mga taong kanyang pinamunuan at minahal ay madalas salakayin ng isang mabangis na kaaway, subalit sinikap pa rin nilang magpalaki ng mabubuting anak sa isang mundong puno ng kasamaan. Nadama ni Alma na ang tanging pag-asa para magtagumpay ay isang puwersa na kung minsa’y minamaliit natin at kadalasa’y hindi natin gaanong ginagamit. Humingi siya ng tulong sa Diyos.
Alam ni Alma na para tumulong ang Diyos, kailangang magsisi ang kanyang mga pinamumunan, at maging ang kanyang mga kaaway. Dahil dito, pumili siya ng ibang paraan sa halip na makipaglaban.
Inilalarawan ito ng Aklat ni Mormon sa ganitong paraan: “At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos.”
Ang salita ng Diyos ang doktrinang itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta. Alam ni Alma na may matinding kapangyarihan ang mga salita ng doktrina.
Sa ika-18 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, inihayag ng Panginoon ang saligan ng Kanyang doktrina:
“Sapagkat, masdan, iniuutos ko sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. …
“Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya.
“At siya ay nabuhay na muli mula sa patay, upang kanyang madala ang lahat ng tao sa kanya, kung sila ay magsisisi.”
“At kayo ay [magpapa]tirapa at sasambahin [ninyo] ang Ama sa aking pangalan.
“… Kailangan ninyong magsisi at magpabinyag, sa pangalan ni Jesucristo.”
“Humingi sa Ama sa aking pangalan, nang may pananampalataya na naniniwalang kayo ay makatatanggap, at mapapasainyo ang Espiritu Santo.”
“At ngayon, pagkaraan ninyong matanggap ito, kailangan ninyong sundin ang aking mga kautusan sa lahat ng bagay.”
“Taglayin sa inyo ang pangalan ni Cristo, at sabihin ang katotohanan nang may kahinahunan.
“At kasindami ng magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan, na Jesucristo, at magtitiis hanggang wakas, sila rin ay maliligtas.”
Sa iilang talatang iyan, ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang perpektong halimbawa kung paano natin dapat ituro ang Kanyang doktrina. Ang doktrinang ito ay na ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas ay nagpapala sa lahat ng anak ng Diyos.
Habang itinuturo natin ang mga alituntuning ito sa mga mahal natin sa buhay, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman ang katotohanan. Dahil kailangan natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, kailangan nating iwasan ang mga haka-haka o personal na interpretasyon na higit pa sa pagtuturo ng tunay na doktrina.
Maaaring mahirap gawin iyan kapag mahal ninyo ang taong sinisikap ninyong impluwensyahan. Maaaring binalewala niya ang doktrinang itinuro na noon. Nakatutuksong sumubok ng bago o kamangha-manghang paraan. Ngunit ihahayag lamang ng Espiritu Santo ang diwa ng katotohanan kapag nag-iingat tayong hindi gumawa ng higit pa sa pagtuturo ng tunay na doktrina. Ang isa sa pinakatiyak na mga paraan para maiwasang mapalapit man lang sa maling doktrina ay ang magpasiya na simplihan ang ating pagtuturo. Natatamo ang kaligtasan sa kasimplihang iyan, at halos walang nawawala.
Ang pagtuturo nang simple ay tinutulutan tayong ibahagi nang maaga ang nakapagliligtas na doktrina, habang hindi pa naiimpluwensyahan ang mga bata ng mga tukso ng manlilinlang na kalaunan ay kakaharapin nila, bago pa man matabunan ng ingay ng social media, mga barkada, at sarili nilang personal na mga problema ang mga katotohanang kailangan nilang matutuhan. Kailangan nating samantalahin ang bawat pagkakataon na maibahagi ang mga turo ni Jesucristo sa mga bata. Ang mga sandaling ito ng pagtuturo ay napakahalaga at mas kakaunti kumpara sa walang-humpay na mga pagsisikap ng mga puwersa ng kaaway. Para sa bawat oras na ginugol sa pagkikintal ng doktrina sa buhay ng isang bata, napakaraming oras ng oposisyon na puno ng mga mensahe at larawan na humahamon o nagbabalewala sa nakapagliligtas na mga katotohanang iyan.
Maaaring iniisip ng ilan sa inyo kung mas mabuti bang palalimin pa ang relasyon ninyo sa inyong mga anak sa pamamagitan ng masasayang aktibidad, o maaaring itinatanong ninyo kung maaari bang unti-unting mahirapan ang bata sa inyong mga itinuturo. Sa halip, dapat nating isipin: “Sa kakaunting panahon at iilang oportunidad, anong mga salita ng doktrina ang maaari kong ibahagi na magpapalakas sa kanila laban sa di-maiiwasang mga hamon sa kanilang pananampalataya?” Maaaring ang mga salitang ibinabahagi ninyo ngayon ang maaalala nila sa kanilang paglaki, at limitado ang oras nating magturo.
Noon pa man ay hinahangaan ko na ang debosyon ng aking lola-sa-tuhod na si Mary Bommeli sa pagbabahagi ng doktrina ni Jesucristo. Ang kanyang pamilya ay tinuruan ng mga missionary sa Switzerland noong siya ay 24 anyos.
Pagkatapos mabinyagan, ninais ni Mary na sumama sa mga Banal sa Amerika, kaya naglakbay siya mula Switzerland hanggang Berlin at namasukan sa isang babae bilang tagahabi ng tela para sa pananamit ng pamilya nila. Tumira si Mary sa isang silid na para sa katulong at inayos niya ang kanyang panghabi sa salas ng bahay.
Noong panahong iyon, ang pagtuturo ng doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay labag sa batas sa Berlin. Ngunit hindi napigilan ni Mary na ibahagi ang mga bagay na natutuhan niya. Nagtitipon ang babaeng may-ari ng bahay at mga kaibigan nito sa paligid ng panghabi para pakinggang magturo si Mary. Ikinuwento niya ang pagpapakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kay Joseph Smith, ang pagdalaw ng mga anghel, at ang Aklat ni Mormon. Naaalala ang mga tala ni Alma, itinuro niya ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli. Pinatotohanan niya na ang mga pamilya ay maaaring magkasama-samang muli sa kahariang selestiyal.
Hindi nagtagal ay nagsanhi ng problema ang kasigasigan ni Mary na ibahagi ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Dinakip at ibinilanggo ng mga pulis si Mary. Papunta sa bilangguan, itinanong niya sa pulis ang pangalan ng hukom na lilitis sa kanya kinaumagahan. Kinumusta rin niya ang pamilya nito at kung mabuti ba itong ama at asawa. Inilarawan ng pulis ang hukom bilang isang taong makamundo.
Sa kulungan, humingi ng lapis at ilang papel si Mary. Magdamag siyang gumawa ng liham para sa hukom, na nagpapatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ayon sa inilarawan sa Aklat ni Mormon, tinatalakay ang daigdig ng mga espiritu, at ipinaliliwanag ang pagsisisi. Iminungkahi niya na kakailanganin ng hukom ng panahon para pagnilayan ang buhay nito bago humarap sa huling paghuhukom. Isinulat niya na alam niya na marami itong kailangang pagsisihan, na karamihan ay nagdudulot ng matinding kalungkutan dito at sa pamilya nito. Kinaumagahan, nang matapos niya ang liham, ibinigay niya iyon sa pulis at hiniling dito na ihatid ang liham sa hukom, at pumayag naman ito.
Maya-maya pa ay pinapunta ng hukom ang pulis sa kanyang opisina. Ang liham na isinulat ni Mary ay malinaw na katibayan na itinuturo niya ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo at, sa paggawa nito, nilabag niya ang batas. Gayunman, hindi nagtagal ay bumalik ang pulis sa selda ni Mary. Sinabi nito sa kanya na pinawalang-bisa ang lahat ng paratang sa kanya at makakalaya na siya. Ang pagtuturo niya ng doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang dahilan kaya siya nabilanggo. At ang pagpapahayag niya ng doktrina ng pagsisisi sa hukom ang nagpalaya sa kanya mula sa bilangguan.
Hindi nagwakas ang pagtuturo ni Mary Bommeli sa kanyang paglaya. Ang tala ng kanyang mga salita ay nagpasa ng tunay na doktrina sa mga henerasyong hindi pa isinisilang. Ang kanyang paniniwala na kahit ang isang bagong convert ay maituturo ang doktrina ni Jesucristo ang nagbigay ng katiyakan na magkakaroon ng lakas ang kanyang mga inapo sa sarili nilang mga pakikibaka.
Kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para ituro sa ating mga mahal sa buhay ang doktrina ni Jesucristo, maaaring hindi pa rin tumugon ang ilan. Maaaring magkaroon kayo ng mga pagdududa sa inyong isipan. Maaari ninyong pagdudahan kung sapat na ba ang kaalaman ninyo tungkol sa doktrina ng Tagapagligtas para epektibong ituro ito. At kung nasubukan na ninyong ituro ito, maaaring isipin ninyo kung bakit hindi gaanong nakikita ang mga positibong epekto nito. Huwag magpadala sa mga pagdududang ito. Humingi ng tulong sa Diyos.
“Oo, at magsumamo sa Diyos para sa lahat ng iyong pangangailangan; … hayaang … ang pagmamahal sa iyong puso ay mapasa-Panginoon magpakailanman.”
“At ngayon nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay; masikap na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng panahon; humihingi ng ano mang bagay na inyong kinakailangan, maging espirituwal at temporal; parating gumaganti ng pasasalamat sa Diyos para sa ano mang bagay na inyong tinatanggap.”
Kung nagdarasal kayo, kung kinakausap ninyo ang Diyos, at kung humihingi kayo ng tulong sa Kanya para sa inyong mahal sa buhay, at kung pinasasalamatan ninyo Siya hindi lamang para sa tulong kundi para sa pagtitiis at kahinahunang nagmumula sa hindi pagtanggap ng lahat ng nais ninyo kaagad o marahil ay hindi na kailanman, sa gayon ay ipinapangako ko sa inyo na mas mapapalapit kayo sa Kanya. Magiging masipag kayo at matiisin. At sa gayo’y malalaman ninyo na nagawa na ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para tulungan ang inyong mga mahal sa buhay at ang mga ipinagdarasal ninyo na tuklasin ang mga pagtatangka ni Satanas na ilihis sila ng landas.
“Ngunit silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas, sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila, sila’y tatakbo at hindi mapapagod, sila’y lalakad, at hindi manghihina.”
Makasusumpong kayo ng pag-asa sa nakatala sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga pamilya. Mababasa natin ang mga nagsitalikod sa mga itinuro sa kanila o nakipagbuno sa Diyos para sa kapatawaran, tulad ni Nakababatang Alma, mga anak ni Mosias, at Enos. Sa kanilang mga kritikal na sandali, naalala nila ang mga salita ng kanilang mga magulang, mga salita ng doktrina ni Jesucristo. Nailigtas sila ng pag-alaala. Ang pagtuturo ninyo ng sagradong doktrinang iyan ay maaalala.
Pinatototohanan ko ang sagradong gawain na ituro sa mga anak ng Ama sa Langit ang simpleng doktrina ni Jesucristo, na nagtutulot sa atin na mapadalisay sa espirituwal at sa huli ay matanggap sa presensya ng Diyos, upang makapiling Siya at ang Kanyang Anak sa kaluwalhatian magpakailanman sa mga pamilya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.