Ang Paborito ng Diyos
Ang pagkapuspos ng pag-ibig sa Diyos ay pumoprotekta sa atin sa mga unos ng buhay at ginagawa rin nitong mas masaya ang masasayang sandali.
Bago ako magsimula, dapat kong sabihin sa inyo na dalawa sa aking mga anak ang nahimatay na habang nagsasalita sa mga pulpito, at ngayon ko lang mas nadama ang pagkakatulad namin sa sandaling ito. Hindi lang trapdoor ang naiisip ko.
May anim kaming anak na kung minsan ay inaasar ang isa’t isa na sila ang paboritong anak. Ang bawat isa ay may iba’t ibang dahilan kung bakit sila ang paborito. Ang aming pagmamahal para sa bawat isa sa aming mga anak ay dalisay at kasiya-siya at ganap. Hindi namin kayang mahalin ang sinuman sa kanila nang higit sa isa pa—sapagka’t kasabay ng pagsilang sa bawat anak ang paglawak ng aming pag-ibig. Pinakanakauugnay ako sa pagmamahal ng aking Ama sa Langit para sa akin sa pamamagitan ng pagmamahal na nadarama ko para sa aking mga anak.
Habang sinasabi ng bawat isa sa kanila ang mga rason kung bakit sila ang pinakapaboritong anak, maaaring akalain ninyo na ang aming pamilya ay hindi kailanman nagkaroon ng maruming silid. Ang pagpuna sa mga kapintasan sa ugnayan sa pagitan ng magulang at anak ay nababawasan kapag nakatuon sa pagmamahal.
Sa isang punto, siguro dahil nakikita kong papunta na kami sa isang hindi maiiwasang away sa pamilya, magsasabi ako ng katulad nito, “Sige, naririndi na ako sa inyo pero hindi ko pa rin sasabihin iyon; alam na ninyo kung sino sa inyo ang paborito ko.” Ang aking layunin ay na madama ng bawat isa sa kanilang anim na nagwagi sila at maiwasan ang malaking digmaan—kahit hanggang sa susunod na pagkakataon lamang!
Sa kanyang Ebanghelyo, inilarawan ni Juan ang kanyang sarili bilang “ang alagad na minamahal ni Jesus,” na tila ba ang kalagayang iyon ay natatangi. Gusto kong isipin na ito ay dahil nadama ni Juan na talagang mahal siya ni Jesus. Nagparating din si Nephi sa akin ng parehong diwa nang isulat niyang, “Ako ay nagpupuri sa aking Jesus.” Siyempre, ang Tagapagligtas ay hindi higit na kay Nephi kaysa kay Juan, ngunit ang personal na katangian ng ugnayan ni Nephi sa “kanyang” Jesus ay nag-akay sa kanya sa magiliw na paglalarawang iyon.
Hindi ba kamangha-mangha na may mga pagkakataong nadarama natin na tayo ay lubos at personal na pinapansin at minamahal? Maaari Siyang tawagin ni Nephi na “kanyang” Jesus, at maaari din nating gawin iyon. Ang pag-ibig ng ating Tagapagligtas ang “pinakadakila, pinakamarangal, pinakamasidhing uri ng pag-ibig,” at nagbibigay Siya hanggang sa tayo ay “[m]abusog.” Hindi nauubos ang banal na pag-ibig, at ang bawat isa sa atin ay itinatanging paborito. Ang pag-ibig ng Diyos ay kung saan, tulad ng mga bilog sa isang Venn diagram, tayong lahat ay nabibilang. Bagama’t tila magkakaiba ang ilan sa ating mga bahagi, sa Kanyang pag-ibig ay makahahanap tayo ng pagkakaisa.
Nakakagulat ba na ang mga pinakadakilang utos ay ibigin ang Diyos at ibigin ang mga yaong nasa paligid natin? Kapag nakakikita ako ng mga taong nagpapakita ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo para sa isa’t isa, nadarama ko na tila ang pag-ibig na iyon ay naglalaman ng higit pa sa kanilang pag-ibig; ito ay pag-ibig na mayroon ding kabanalan. Kapag iniibig natin ang isa’t isa sa ganitong paraan, sa pinakaganap at pinakalubusang makakaya natin, ang langit ay nakikiisa rin.
Kaya kung ang isang taong pinagmamalasakitan natin ay tila malayo sa diwa ng banal na pag-ibig, maaari nating sundin ang huwaran na ito—sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na naglalapit mismo sa atin sa Diyos at pagkatapos ay paggawa ng mga bagay na naglalapit sa atin sa kanila—isang hindi sinasambit na paanyayang lumapit kay Cristo.
Sana maaari akong umupo sa tabi ninyo at magtanong sa inyo kung anong mga pangyayari ang nagpadama sa inyo ng pag-ibig ng Diyos. Aling mga talata ng banal na kasulatan, aling mga partikular na gawain ng paglilingkod? Saan kayo naroroon? Anong musika? Sino ang kasama ninyo? Ang pangkalahatang kumperensya ay isang napakagandang kaganapan na nagbibigay ng maraming pagkakataon na matuto tungkol sa pag-ugnay sa pag-ibig ng langit.
Marahil nadarama ninyo na malayo kayo mula sa pag-ibig ng Diyos. Siguro mayroong isang koro ng mga tinig ng panghihina ng loob at kadiliman na nagpapagulo sa inyong isipan, mga mensahe na nagsasabi sa inyo na kayo ay lubhang nasugatan at nalilito, lubhang mahina at hindi napapansin, lubhang naiiba o walang direksyon para makaasang mapagkakalooban ng pagmamahal ng langit sa anumang tunay na paraan. Kapag narinig ninyo ang mga ideyang iyon, mangyaring pakinggan ito: ang mga tinig na iyon ay maling-mali. May tiwala tayong sa anumang paraan hindi hadlang ang ating mga kakulangan para maging marapat sa pagmamahal ng langit—sa tuwing aawit tayo ng himnong nagpapaalala sa atin na pinili ng ating pinakamamahal at walang-kapintasang Tagapagligtas na “[m]aghirap sa kalbaryo [para sa atin]” sa tuwing tatanggap tayo ng tinapay na pinutol-putol. Tiyak na tinatanggal ni Jesus ang lahat ng kahihiyan mula sa mga may kakulangan at kapintasan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkapinsala, naging perpekto Siya, at kaya Niya tayong gawing perpekto sa kabila ng ating pagkapinsala. Napinsala, nalungkot, nasugatan, at nabugbog Siya—at maaaring nadarama nating tayo rin—ngunit hindi tayo nahihiwalay sa pag-ibig ng Diyos. “[Mga taong may pagkukulang, perpektong pag-ibig],” sabi nga ng awitin.
Maaaring may itinatago kayo tungkol sa inyong sarili na dahilan kung bakit nadarama ninyong hindi kayo nararapat mahalin. Gaano man kayo katama tungkol sa kung ano ang alam ninyo tungkol sa inyong sarili, mali kayo na isiping inilagay ninyo ang inyong sarili sa hindi abot ng pag-ibig ng Diyos. Kung minsan, tayo ay malupit at walang tiyaga sa ating mga sarili sa mga paraang hindi natin kailanman maiisip na gawin sa iba. Marami pa tayong gagawin sa buhay na ito, ngunit hindi kasama sa listahang iyon ang pagkamuhi sa sarili at karima-rimarim na pagkondena sa sarili. Gaano man natin maaaring nadarama na napinsala tayo, ang Kanyang mga bisig ay hindi maikli. Hindi. Palaging sapat ang haba nito upang “[maabot tayo]” at yakapin ang bawat isa sa atin.
Kahit na hindi natin nadarama ang init ng banal na pag-ibig, hindi ito nawawala. Sinabi mismo ng Diyos na “ang mga bundok ay maaaring umalis, at ang mga burol ay mapalipat; ngunit ang [Kanyang] kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa [atin].” Kaya, upang maging malinaw lamang, ang ideya na ang Diyos ay tumigil na sa pagmamahal ay dapat nasa pinakababa ng listahan ng mga posibleng paliwanag sa buhay nang sa gayon ay hindi natin ito maisip hanggang sa makaalis ang mga bundok at mapalipat ang mga burol!
Talagang ikinasisiya ko ang simbolismong ito ng mga bundok bilang katibayan ng katiyakan ng pag-ibig ng Diyos. Ang makapangyarihang simbolismong iyon ay makikita sa mga salaysay ng mga yaong nagtutungo sa mga bundok upang makatanggap ng paghahayag at sa paglalarawan ni Isaias sa “bundok ng bahay ng Panginoon” na “matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok.” Ang bahay ng Panginoon ay ang tahanan ng ating pinakamahahalagang tipan at isang lugar para sa ating lahat na puntahan at siyasating mabuti ang katibayan ng pag-ibig ng ating Ama para sa atin. Nasisiyahan din ako sa kaginhawaan na dumarating sa aking kaluluwa kapag mas tinutupad ko ang aking tipan sa binyag at naghahanap ako ng isang taong nagdadalamhati sa kawalan o nagdadalamhati sa pagkabigo at sinusubukan ko silang tulungan at iproseso ang kanilang mga nadarama. Ang mga ito ba ay mga paraan na maaari tayong mas mapuspos sa natatanging pag-ibig na hatid ng tipan, na hesed?
Kung lagi tayong iniibig ng Diyos, bakit hindi natin ito palaging nadarama? Upang hindi kayo gaanong umasa sa sagot: Hindi ko alam. Ngunit ang pagiging iniibig ay tiyak na hindi kapareho ng pagdama na iniibig, at mayroon akong ilang ideya na maaaring makatulong sa inyo habang hinahanap ninyo ang inyong mga sagot sa tanong na iyan.
Marahil kayo ay nahihirapan sa kalungkutan, depresyon, pagtataksil, kalumbayan, kabiguan, o iba pang makapangyarihang hadlang sa inyong kakayahang madama ang pag-ibig ng Diyos para sa inyo. Kung gayon, ang mga bagay na ito ay maaaring magpahina o magpahinto sa ating kakayahang madama ang dapat nating madama. May kahit isang panahon na marahil ay hindi ninyo madarama ang Kanyang pag-ibig at kailangang maging sapat muna ang kaalaman. Ngunit iniisip ko kung maaari ba kayong—matiyagang—sumubok ng iba’t ibang paraan ng pagpapahayag at pagtanggap ng banal na pag-ibig? Maaari ba kayong humakbang papalayo mula sa kung ano man ang nasa harapan ninyo at marahil ay humakbang nang isa pa at isa pa hanggang sa makita ninyo ang mas malawak na tanawin, palawak nang palawak kung kailangan hanggang sa kayo ay literal na “[n]ag-iisip nang selestiyal” dahil kayo ay tumitingin sa mga bituin at inaalala ninyo ang mga daigdig na di mabilang at sa pamamagitan ng mga ito ang kanilang Tagapaglikha?
Ang paghuni ng mga ibon, pagdama sa araw o simoy ng hangin o ulan sa aking balat, at mga panahon kung kailan pinamamangha ako ng aking mga pandama sa Diyos—ang bawat isa ay may papel sa pagbibigay sa akin ng ugnayan sa langit. Marahil ang kaginhawaan ng matatapat na kaibigan ay makatutulong? Marahil ang musika? O paglilingkod? Kayo ba ay nakapagtabi ng rekord o nakapagsulat sa journal tungkol sa mga panahon kung kailan naging mas malinaw sa inyo ang inyong ugnayan sa Diyos? Marahil maaari ninyong anyayahan ang mga yaong pinagkakatiwalaan ninyo na ibahagi sa inyo ang kanilang mga pinagkukunan ng banal na ugnayan habang naghahanap kayo ng kaginhawaan at pag-unawa.
Iniisip ko, kung si Jesus ay pipili ng isang lugar kung saan maaari Siyang makipagkita sa inyo, isang pribadong lugar kung saan maaaring sa Kanya lamang kayo nakatuon, pipiliin kaya Niya ang inyong natatanging lugar ng personal na pagdurusa, ang lugar ng inyong pinakamalalim na pangangailangan, kung saan walang ibang makapupunta? Isang lugar kung saan napakalungkot ninyo kaya tila nag-iisa lamang kayo kahit hindi naman, isang lugar kung saan marahil Siya pa lamang ang nakapupunta ngunit sa katunayan ay nakahanda na Siyang salubungin kayo roon pagdating ninyo. Kung hinihintay ninyo Siya na dumating, maaari kayang Siya ay naroon na at abot-kamay na?
Kung nadarama ninyong kayo ay napuspos ng pag-ibig sa panahong ito ng inyong buhay, mangyaring subukang sarilinin ito nang kasimbisa ng salaan na naghahawak ng tubig. Isaboy ito sa lahat ng pinupuntahan ninyo. Ang isa sa mga himala ng banal na pagbabahagi ay na kapag sinusubukan nating ibahagi ang pag-ibig ni Jesus, nakikita natin ang ating mga sarili na napupuspos sa ibang paraan ng alituntunin na “ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito”
Ang pagkapuspos ng pag-ibig sa Diyos ay pumoprotekta sa atin sa mga unos ng buhay at ginagawa rin nitong mas masaya ang masasayang sandali—ang ating masasayang araw, kung kailan may sikat ng araw sa langit, ay mas lalo pang pinaliliwanag ng sikat ng araw sa ating kaluluwa.
Tayo ay “[mag-ugat] at [tumibay]” sa ating Jesus at sa Kanyang pag-ibig. Hanapin at pahalagahan natin ang mga karanasan kung kailan nadarama natin ang Kanyang pag-ibig at kapangyarihan sa ating mga buhay. Ang kagalakan ng ebanghelyo ay para sa lahat: hindi lamang sa masaya, hindi lamang sa malungkot. Kagalakan ang ating layunin, hindi ang kaloob ng ating mga kalagayan. Nasa sa atin ang lahat ng magandang dahilan upang “magsaya at mapuspos ng pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.” Tayo ay magpakapuspos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.