Liahona
Epektibo ang Mortalidad!
Nobyembre 2024


10:59

Epektibo ang Mortalidad!

Sa kabila ng mga hamon na dinaranas nating lahat, dinisenyo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang plano ng kaligayahan kaya hindi tayo nakatadhanang mabigo.

Ilang taon akong na-assign na mag-home teach sa nakatatandang sister sa aming ward. Hindi naging madali ang buhay niya. Nagkaroon siya dati ng iba’t ibang problema sa kalusugan at habambuhay na masakit ang katawan dahil sa isang aksidente sa playground noong bata pa siya. Diborsyada sa edad na 32 na may apat na bata pang mga anak na palalakihin at tutustusan, muli siyang nag-asawa sa edad na 50. Pumanaw ang pangalawa niyang asawa noong siya ay 66, at nabuhay ang sister na ito nang 26 na taon pa bilang biyuda.

Sa kabila ng kanyang mga hamon sa buhay, naging tapat siya sa kanyang mga tipan hanggang wakas. Ang sister na ito ay isang masugid na genealogist, mahilig dumalo sa templo, at kolektor at manunulat ng mga family history. Bagama’t nagkaroon siya ng maraming mahihirap na pagsubok, at walang duda na nalungkot at nalumbay kung minsan, masaya ang kanyang mukha at mabait at kaaya-aya ang kanyang personalidad.

Siyam na buwan matapos siyang pumanaw, nagkaroon ng pambihirang karanasan sa templo ang isa sa mga anak niyang lalaki. Nalaman nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na may mensahe ang kanyang ina para sa kanya. Nakipag-ugnayan ito sa kanya, pero hindi sa pangitain o sa naririnig na mga salita. Sumaisip sa anak ang di-mapag-aalinlanganang mensahe ng kanyang ina: “Gusto kong malaman mo na epektibo ang mortalidad, at gusto kong malaman mo na nauunawaan ko na ngayon kung bakit nangyari ang lahat [sa buhay ko] sa gayong paraan—at OK ang lahat ng iyon.”

Mas pambihira pa ang mensaheng ito kapag inisip natin ang sitwasyon at mga paghihirap na tiniis at nalampasan ng sister na ito.

Mga kapatid, epektibo ang mortalidad! Dinisenyo ito para maging epektibo! Sa kabila ng mga hamon, sama-ng-loob, at hirap na dinaranas nating lahat, dinisenyo ng ating mapagmahal, matalino, at perpektong Ama sa Langit ang plano ng kaligayahan kaya hindi tayo nakatadhanang mabigo. Ang Kanyang plano ay naglalaan ng paraan para madaig natin ang ating mga kabiguan sa buhay. Sabi ng Panginoon, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”

Gayunpaman, kung nais nating makinabang sa “gawain at … kaluwalhatian” ng Panginoon, maging “sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan,” kailangang asahan natin na mabigyan tayo ng aral at maturuan at magdaan sa apoy ng tagapagdalisay—kung minsa’y hanggang sa hindi na natin iyon makayanan. Ang lubos na pag-iwas sa mga problema, hamon, at paghihirap ng mundong ito ay pag-iwas sa proseso na talagang kailangan para maging epektibo ang mortalidad.

Kaya nga hindi tayo dapat magulat kapag dumaranas tayo ng mahihirap na panahon. Mahaharap tayo sa mga sitwasyon na susubok sa atin at makakasalamuha natin ang mga taong magbibigay-kakayahan sa atin na tunay na mahalin ang ating kapwa at magpasensya. Pero kailangan nating tiisin ang ating mga paghihirap at tandaan, tulad ng sabi ng Panginoon:

“At sino man ang maghahain ng kanyang buhay para sa aking layunin, para sa aking pangalan, ay matatagpuan ito, maging buhay na walang hanggan.

“Samakatwid, huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway [o sa inyong mga problema, hamon, o mga pagsubok sa buhay na ito], sapagkat aking napagpasiyahan … , wika ng Panginoon, na akin kayong susubukin sa lahat ng bagay, kung kayo ay mananatiling tapat sa aking tipan … nang kayo ay matagpuang karapat-dapat.”

Kapag tayo ay naguguluhan o nababalisa tungkol sa ating mga problema o nadarama natin na baka higit pa sa nararapat ang nararanasan nating mga paghihirap sa buhay, maaari nating alalahanin ang sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel:

“At [inyong] aalalahanin ang lahat ng paraan ng pagpatnubay sa [inyo] ng Panginoon [ninyong] Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, upang kanyang pagpakumbabain ka[yo], upang malaman kung ano ang nasa [inyong] puso, kung [inyong] tutuparin ang kanyang mga utos o hindi.”

Tulad ng itinuro ni Lehi sa anak niyang si Jacob:

“Ikaw ay nagdanas ng mga kahirapan at maraming kalungkutan. … Gayunman, … ilalaan [ng Diyos] ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan. … Kaya nga, alam ko na ikaw ay tinubos, dahil sa kabutihan ng iyong Manunubos.”

Dahil ang buhay na ito ay isang lugar ng pagsubok at “kami rito ay nababagabag, at sadyang kaygulo ng lahat,” makakatulong na alalahanin ang payong ito at ang pangako sa Mosias 23 na may kaugnayan sa mga hamon sa buhay: “Gayon pa man—sinuman ang magbibigay ng kanyang tiwala sa [Panginoon], siya rin ay dadakilain sa huling araw.”

Noong kabataan ko, personal akong nakaranas ng matinding pasakit at kahihiyan mula sa mga kasamaang ginawa ng iba, na sa loob ng maraming taon ay nakaapekto sa pagpapahalaga ko sa sarili at pagkamarapat sa harap ng Panginoon. Gayunpaman, personal kong pinatototohanan na maaari tayong palakasin at pasanin ng Panginoon sa anumang mga paghihirap na dinaranas natin habang nabubuhay tayo sa mundong ito ng kalungkutan at pagdurusa.

Pamilyar tayo sa karanasan ni Pablo:

“Kaya’t upang ako’y huwag magyabang [na]ng labis [sa pamamagitan ng saganang paghahayag na natanggap ko], binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang ako’y saktan, upang ako’y huwag magmalaki [na]ng labis.

“Tatlong ulit akong nanalangin sa Panginoon tungkol dito na lumayo sana ito sa akin.

“[At] sinabi niya sa akin, Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan. Ako’y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin.”

Hindi natin alam kung ano ang naging “tinik sa laman” ni Pablo. Pinili niyang hindi ilarawan kung iyon ba ay sakit ng katawan, isipan o damdamin, o isang tukso. Ngunit hindi natin kailangang malaman ang detalyeng iyon para malaman na naghirap siya at humingi ng tulong sa Panginoon at na, sa huli, ang lakas at kapangyarihan ng Panginoon ang tumulong sa kanya na tiisin iyon.

Tulad ng nangyari kay Pablo, sa tulong ng Panginoon ay tumatag ang aking damdamin at espiritu kalaunan, at sa wakas ay napansin ko pagkaraan ng maraming taon na noon pa man ay may halaga na ako at nararapat sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Tinulungan ako ng Tagapagligtas na madaig ang pakiramdam na hindi ako marapat at taimtim kong patawarin ang nagkasala sa akin. Sa huli ay naunawaan ko na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay isang personal na kaloob sa akin at na sakdal ang pagmamahal sa akin ng aking Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, epektibo ang mortalidad.

Samantalang napagpala ako kalaunan na mapansin kung paano ako sinagip at sinuportahan ng Tagapagligtas sa mga karanasang iyon, malinaw kong nauunawaan na ang masamang sitwasyon noong tinedyer ako ay aking personal na paglalakbay at karanasan sa buhay, na ang resolusyon at kinahinatnan kalaunan ay hindi maisisisi sa mga nagdusa at patuloy na nagdurusa mula sa masamang pag-uugali ng iba.

Nauunawaan ko na ang mga karanasan sa buhay—mabuti at masama—ay maaaring magturo sa atin ng mahahalagang aral. Alam ko na ngayon at pinatototohanan na epektibo ang mortalidad! Sana dahil sa resulta ng kabuuan ng mga karanasan ko sa buhay—mabuti at masama—ay magkaroon ako ng habag sa mga inosenteng biktima ng mga kagagawan ng iba at ng pagdamay sa mga inaapi.

Taos-puso akong umaasa na dahil sa mga karanasan ko sa buhay—mabuti at masama—ay naging mas mabait ako sa iba, tinatrato ko ang iba tulad ng gagawin ng Tagapagligtas, at mas nauunawaan ko ang makasalanan at na ganap ang aking integridad. Habang natututo tayong umasa sa biyaya ng Tagapagligtas at tinutupad natin ang ating mga tipan, maaari tayong magsilbing mga halimbawa ng malalaking epekto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Magbabahagi ako ng isang huling halimbawa na epektibo ang mortalidad.

Tita at ina ni Elder Hales.

Ang tita ni Elder Hales na si Lois VandenBosch at ang kanyang inang si Klea VandenBosch.

Hindi naging madali ang paglalakbay sa buhay ng aking ina. Hindi siya tumanggap ng mga papuri o parangal ng mundo at high school lang ang natapos niya. Nagkaroon siya ng polio noong bata pa siya, na nauwi sa habambuhay na pananakit at paghihirap sa kanyang kaliwang binti. Noong adult na siya, dumanas siya ng maraming hirap at hamon sa pisikal at pinansyal na sitwasyon pero naging tapat sa kanyang mga tipan at minahal niya ang Panginoon.

Noong 55 anyos ang aking ina, pumanaw ang sumunod na nakatatandang kapatid kong babae, at naiwan ang kanyang walong-buwan na sanggol na babae, ang aking pamangkin, na walang ina. Sa iba’t ibang kadahilanan, si Inay halos ang nagpalaki sa aking pamangkin sa sumunod na 17 taon, na kadalasa’y sa napakahihirap na sitwasyon. Subalit, sa kabila ng mga karanasang ito, pinaglingkuran niya nang masaya at kusang-loob ang kanyang pamilya, mga kapitbahay, at mga miyembro ng ward at naglingkod bilang ordinance worker sa templo nang maraming taon. Sa huling ilang taon ng kanyang buhay, si Inay ay nagkaroon ng dementia, madalas malito, at nanatili sa isang nursing facility. Ang malungkot, nag-iisa siya nang pumanaw nang di-inaasahan.

Ilang buwan matapos siyang pumanaw, nagkaroon ako ng isang panaginip na hindi ko malilimutan. Sa aking panaginip, nakaupo ako sa aking opisina sa Church Administration Building. Pumasok si Inay sa opisina. Alam ko na nanggaling siya sa daigdig ng mga espiritu. Hindi ko malilimutan kailanman ang nadama ko. Wala siyang sinabi, pero nagniningning ang espirituwal na kagandahan niya na hindi ko pa naranasan kahit kailan at nahirapan akong ilarawan iyon.

Talagang napakaganda ng kanyang mukha at katauhan! Naaalala ko na sinabi ko sa kanya, “Inay, napakaganda ninyo!” na tinutukoy ang kanyang espirituwal na lakas at kagandahan. Tumango siya sa akin—muli nang hindi nagsasalita. Nadama ko ang pagmamahal niya sa akin, at nabatid ko na masaya siya at gumaling na mula sa mga paghihirap at hamon sa mundo at sabik na naghihintay sa “isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli.” Alam ko na para kay Inay, naging epektibo ang mortalidad—at na epektibo rin iyon sa atin.

Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Ang mga karanasan ng mortalidad ay bahagi ng paglalakbay sa buhay para lumago at umunlad tayo tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Hindi tayo isinugo rito para mabigo kundi para magtagumpay sa plano ng Diyos para sa atin.

Tulad ng itinuro ni Haring Benjamin: “At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.” Sa madaling salita, epektibo ang mortalidad!

Pinatototohanan ko na kapag tinanggap natin ang mga ordenansa ng ebanghelyo, nakipagtipan tayo sa Diyos at tinupad natin ang mga tipang iyon, nagsisi, naglingkod sa iba, at nagtiis hanggang wakas, tayo man ay magkakaroon ng katiyakan at lubos na tiwala sa Panginoon na epektibo ang mortalidad! Pinatototohanan ko si Jesucristo at na ang ating maluwalhating kinabukasan sa piling ng ating Ama sa Langit ay ginawang posible ng biyaya at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.