“Ako Nga”
Ang pag-ibig ni Cristo sa kapwa—na malinaw na nakikita sa Kanyang lubos na katapatan sa kalooban ng Diyos—ay nanatili at patuloy na nananatili.
Araw ng Sabbath ngayon, at nagtipon tayo upang pag-usapan si Cristo at Siya na ipinako sa krus. Alam ko na buhay ang aking Manunubos.
Isipin ang tagpong ito mula sa huling linggo ng buhay ni Jesus sa lupa. Nagtipon ang maraming tao, kabilang na ang mga kawal na Romano na may dalang mga pamalo at sukbit na mga espada. Sa pangunguna ng mga opisyal mula sa mga punong saserdote na may hawak na mga sulo, ang masugid na grupong ito ay hindi mananakop ng isang lungsod. Ngayong gabi ay isang lalaki lamang ang hanap nila, isang lalaking walang dalang sandata, hindi nagsanay sa militar, o lumaban sa digmaan sa tanang buhay Niya.
Nang lumapit ang mga kawal, lumapit kaagad si Jesus sa pagsisikap na protektahan ang Kanyang mga disipulo, at sinabi, “Sino ang inyong hinahanap?” Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi ni Jesus, “Ako nga. … Nang sabihin [Niya] sa kanila, ‘Ako nga,’ umurong sila at bumagsak sa lupa.”
Para sa akin, iyan ang isa sa mga pinaka-nakapupukaw na linya sa buong banal na kasulatan. Bukod sa iba pang mga bagay, tuwiran nitong sinasabi sa akin na ang makapiling lamang ang Anak ng Diyos—ang dakilang Jehova ng Lumang Tipan at Mabuting Pastol ng Bago, na walang dalang anumang uri ng sandata—na ang marinig lamang ang tinig ng Kanlungang ito mula sa Bagyo, ang Prinsipeng ito ng Kapayapaan, ay sapat na para mag-atrasan ang mga kaaway, madapa at madaganan ang isa’t isa, at hilingin ng buong grupo na madestino na lang sana sila sa kusina noong gabing iyon kaysa maisugong dakpin Siya.
Ilang araw pa lang ang nakararaan, nang matagumpay Siyang nakapasok sa lungsod, “ang buong lun[g]sod ay nagkagulo,“ sabi sa mga banal na kasulatan, na nagtatanong ng, “Sino ba ito?” Naiisip ko lang na ang “Sino ba ito?” ang itinatanong ngayon ng tulirong mga kawal na iyon!
Ang sagot sa tanong na iyan ay hindi makikita sa Kanyang anyo, dahil ipinropesiya ni Isaias mga pitong siglo na ang nakararaan na “siya’y walang anyo o kagandahan man na dapat nating pagmasdan siya, at walang kagandahan na maiibigan natin sa kanya.” Tiyak na hindi iyon dahil sa Kanyang makintab na damit o Kanyang malaking personal na kayamanan, sapagkat wala naman Siya ng alinman doon. Hindi ito maaaring magmula sa anumang propesyonal na pagsasanay sa mga lokal na sinagoga dahil wala tayong katibayan na nag-aral Siya sa alinman sa mga iyon, bagama’t kahit noong kabataan Niya ay napapamangha Niya ang handang-handang mga eskriba at abugado, at ginugulat sila sa Kanyang doktrina “na tulad sa may awtoridad.”
Mula sa pagtuturong iyon sa templo hanggang sa Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem at dito sa panghuli at di-makatarungang pagkadakip, paulit-ulit na nalagay si Jesus sa mahirap at kadalasa’y mapanlinlang na mga sitwasyon kung saan lagi Siyang nagtatagumpay—mga tagumpay na hindi natin maipaliwanag maliban sa banal na DNA.
Subalit sa buong kasaysayan ng mundo marami ang nagmamaliit at nagbabalewala sa paglalarawan natin sa Kanya at sa Kanyang patotoo kung sino Siya. Sinasabi nila na pakitang-tao lamang ang Kanyang kabutihan, galit lamang ang Kanyang pagiging makatarungan, pagpaparaya lamang ang Kanyang awa. Hindi tayo kailangang makonsiyensya sa gayong simpleng bersyon Niya na na nagbabalewala sa mga turo na hindi komportable sa atin. Ang “pagmamaliit” na ito ay totoo maging patungkol sa Kanyang pinakadakilang katangian, ang Kanyang pagmamahal.
Sa Kanyang mortal na misyon, itinuro ni Jesus na may dalawang dakilang kautusan. Itinuro na ang mga iyon sa kumperensyang ito at ituturo ang mga iyon magpakailanman: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos [at] ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Kung nais nating tapat na sundin ang Tagapagligtas sa dalawang mahalaga at hindi mapaghihiwalay na mga tuntuning ito, dapat nating matibay na panghawakan ang sinabi Niya talaga. At ang sinabi Niya talaga ay, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Nang gabi ring iyon, sinabi Niya na “kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa.”
Sa mga talatang iyon, ang mga katagang marapat na naglalarawan sa tunay na pag-ibig na tulad ni Cristo—na kung minsa’y tinatawag na pag-ibig sa kapwa—ay lubos na mahalaga.
Ano ang inilalarawan ng mga ito? Paano nagmahal si Jesus?
Una, nagmahal Siya “nang [Kanyang] buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas,” na nagbigay sa Kanya ng kakayahang pagalingin ang pinakamatinding pasakit at ipahayag ang katotohanang pinakamahirap tanggapin. Sa madaling salita, magagawa Niyang magbigay ng biyaya at igiit ang katotohanan nang sabay. Tulad ng sinabi ni Lehi sa kanyang basbas sa anak niyang si Jacob, “Ang pagtubos ay darating sa at sa pamamagitan ng Banal na Mesiyas; sapagkat siya ay puspos ng biyaya at katotohanan.” Ang Kanyang pag-ibig ay nagtutulot sa yakap na nagpapasigla kapag kailangan ito at sa mapait na saro kapag kailangan itong lunukin. Kaya sinisikap nating magmahal—nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas—dahil ganoon Niya tayo minamahal.
Ang pangalawang katangian ng banal na pag-ibig ni Jesus ay ang Kanyang pagsunod sa bawat salita na nagmumula sa bibig ng Diyos, na laging inaayon ang Kanyang kalooban at pag-uugali sa Kanyang Ama sa Langit.
Nang dumating Siya sa Western Hemisphere kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, sinabi ni Cristo sa mga Nephita: “Masdan, ako si Jesucristo. … Ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, … kung saan aking binata ang kalooban ng Ama … magbuhat pa sa simula.”
Sa napakaraming paraan na maaari sana Niyang ipakilala ang Kanyang sarili, ginawa iyon ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Kanyang pagsunod sa kalooban ng Ama—sa kabila ng hindi nagtagal bago sumapit ang oras ng Kanyang pinakamatinding pangangailangan, nadama ng Bugtong na Anak na ito ng Diyos na lubusan Siyang pinabayaan ng Kanyang Ama. Ang pag-ibig ni Cristo sa kapwa—na madaling maunawaan sa Kanyang ganap na katapatan sa kalooban ng Diyos—ay nanatili at patuloy na nananatili, hindi lamang sa madali at komportableng mga panahon kundi lalo na sa pinakamadilim at pinakamahirap na mga panahon.
Si Jesus ay “isang taong nagdurusa,” sabi sa mga banal na kasulatan. Nakaranas Siya ng lungkot, pagod, kabiguan, at matinding kalumbayan. Sa mga araw na iyon at sa lahat ng panahon, ang pag-ibig ni Jesus ay hindi nagkukulang, at ganoon din ang pag-ibig ng Kanyang Ama. Sa gayong ganap at tunay na pagmamahal—isang uri ng pagmamahal na matutularan, magpapalakas, mapagbigay—ang ating pagmamahal ay hindi rin magkukulang.
Kaya, kung minsan kapag mas nagsisikap kayo, parang mas mahirap matamo ang nais ninyo; kung, sa kabila ng pagsisikap ninyong punan ang inyong mga limitasyon at pagkukulang, may tao o bagay na determinadong hamunin ang inyong pananampalataya; kung, habang tapat kayong nagpupunyagi, mayroon pa ring mga sandali na nadaraig kayo ng pangamba, tandaan na ganyan din ang nangyari sa ilan sa mga taong pinakamatapat at kahanga-hanga sa bawat panahon. Tandaan din na may puwersa sa sansinukob na determinadong tutulan ang lahat ng mabuting bagay na sinisikap ninyong gawin.
Kaya, sa kasaganaan at maging sa karukhaan, sa pribadong pagpuri at maging sa hayagang pagpuna, sa pamamagitan ng mga banal na elemento ng Pagpapanumbalik at maging sa mga kahinaan ng tao na di-maiiwasang magiging bahagi nito, nananatili tayong tapat sa tunay na Simbahan ni Cristo. Bakit? Dahil tulad ng ating Manunubos, nangako tayong manatili sa buong kurso—na hindi nagtatapos sa unang maikling panimulang pagsusulit kundi hanggang sa huli. Ang masaya rito ay na ibinigay sa atin ng Punung-guro ang lahat ng sagot sa ating mga tanong na nasa nakabuklat na aklat bago nagsimula ang kurso. Bukod pa riyan, napakarami nating tagapagturo na laging ipinapaalala sa atin ang mga sagot na ito habang daan. Ngunit siyempre, hindi magiging epektibo ang alinman dito kung lagi tayong lumiliban.
“Sino ang inyong hinahanap?” Buong puso tayong sumasagot ng, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Kapag sinabi Niyang, “Ako nga,” lumuluhod tayo at sinasambit ng ating bibig na Siya ang buhay na Cristo, na Siya lamang ang nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan, na tayo ay pasan Niya kahit na ang akala natin ay pinabayaan na Niya tayo. Kapag tumayo tayo sa Kanyang harapan at nakita natin ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa, unti-unti nating mauunawaan ang naging kahulugan sa Kanya ng pasanin ang ating mga kasalanan at magdalamhati, ng lubusang sundin ang kalooban ng Kanyang Ama—lahat nang dahil sa dalisay na pagmamahal sa atin. Ang ituro sa iba ang panampalataya, pagsisisi, binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtanggap ng ating mga pagpapala sa bahay ng Panginoon—ito ang mga pangunahing “alituntunin at ordenansa” na sa huli ay naghahayag ng ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa at may galak na nagpapakita ng katangian ng tunay na Simbahan ni Cristo.
Mga kapatid, pinatototohanan ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang daan na inilaan ng Diyos para sa ating kadakilaan. Ang ebanghelyong itinuturo nito ay totoo, at ang priesthood na ginagawa itong lehitimo ay hindi nanggagaling sa mundo. Pinatototohanan ko na si Russell M. Nelson ay isang propeta ng ating Diyos, tulad ng mga nauna sa kanya at tulad ng mga susunod sa kanya. At isang araw ang patnubay na iyon ng propeta ay aakay sa isang henerasyon para makitang bumaba ang ating Sugo ng Kaligtasan na tulad ng “kidlat na nanggagaling sa silangan,” at ibubulalas natin, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Habampanahong nakaunat ang mga bisig at di-nagmamaliw ang pagmamahal, sasagot Siya ng, “Ako nga.” Ipinapangako ko ito sa kapangyarihan at awtoridad ng isang apostol sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.