Liahona
Pagbabaon ng Ating mga Sandata ng Paghihimagsik
Nobyembre 2024


13:12

Pagbabaon ng Ating mga Sandata ng Paghihimagsik

Nawa’y ibaon natin—nang malalim na malalim—ang anumang elemento ng paghihimasik laban sa Diyos sa ating buhay at palitan ito ng isang nagkukusang puso at isipan.

Nakatala sa Aklat ni Mormon na mga 90 taon bago ang pagsilang ni Cristo, sinimulan ng mga anak ni Haring Mosias ang magiging 14 na taong pagmimisyon sa mga Lamanita. Marami na ang ginawa sa nakalipas na maraming henerasyon upang madala ang mga Lamanita sa paniniwala sa doktrina ni Cristo ngunit ang mga ito ay nabigo. Gayunman, sa pagkakataong ito, sa mahimalang pamamagitan ng Banal na Espiritu, libu-libo sa mga Lamanita ang nagbalik-loob at naging mga disipulo ni Jesucristo.

Mababasa natin, “At tunay na yamang buhay ang Panginoon, tunay na kasindami ng naniwala, o kasindami ng nadala sa kaalaman ng katotohanan, sa pamamagitan ng pangangaral ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, alinsunod sa diwa ng paghahayag at ng propesiya, at ng kapangyarihan ng Diyos na gumagawa ng mga himala sa kanila—oo, sinasabi ko sa inyo, yamang buhay ang Panginoon, kasindami ng mga Lamanita na naniwala sa kanilang pangangaral, at mga nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod.”

Ang susi sa patuloy na pagbabalik-loob ng mga taong ito ay nakasaad sa kasunod na talata: “Sapagkat sila ay naging mabubuting tao; ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos, ni ang labanan ang sino man sa kanilang mga kapatid.”

Ang pagbanggit na ito sa “mga sandata ng paghihimagsik” ay kapwa literal at matalinghaga. Tinutukoy rito ang kanilang mga espada at iba pang mga sandata ng digmaan ngunit pati na rin ang kanilang pagsuway sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan.

Ganito ang sinabi ng hari ng mga Lamanitang ito na nagbalik-loob: “At ngayon masdan, mga kapatid ko, … ito lamang ang lahat ng ating magagawa … upang magsisi sa lahat ng ating kasalanan at sa maraming pagpaslang na nagawa natin, at upang mapahinuhod ang Diyos na alisin ang mga ito sa ating mga puso, sapagkat ito lamang ang lahat ng magagawa natin upang sapat na makapagsisi sa harapan ng Diyos upang kanyang linisin ang ating dungis.”

Pansinin ang mga salita ng hari—hindi lamang ang kanilang taos-pusong pagsisisi ang humantong sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, kundi inalis din ng Diyos ang dungis ng mga kasalanang iyon at maging ang pagnanais na magkasala sa kanilang mga puso. Tulad ng alam ninyo, sa halip na mameligro na baka muli silang bumalik sa paghihimagsik nila noon laban sa Diyos, ibinaon nila ang kanilang mga espada. At nang ibaon nila ang kanilang mga pisikal na sandata, na may nagbagong puso, ibinaon din nila ang hangarin nilang magkasala.

Maaari nating tanungin ang ating sarili kung ano ang magagawa natin upang masunod ang huwarang ito, na “[ibaba] ang [ating] mga sandata ng paghihimagsik,” anuman ang mga ito, at lubos na “[m]agbalik-loob sa Panginoon” upang ang dungis ng kasalanan at ang hangaring magkasala ay maalis sa ating puso at hindi na tayo kailanman magsitalikod.

Ang paghihimagsik ay maaaring maging aktibo o tahimik. Ang klasikong halimbawa ng sadyang paghihimagsik ay si Lucifer, na, sa premortal na daigdig, ay sinalungat ang plano ng pagtubos ng Ama at inudyukan ang iba na tutulan din ito, “at, sa araw na yaon, marami ang sumunod sa kanya.” Hindi mahirap tukuyin ang epekto ng kanyang patuloy na paghihimagsik sa ating panahon.

Ang tatlong masasamang tao na mga anti-Cristo sa Aklat ni Mormon—sina Serem, Nehor, at Korihor—ay karaniwang halimbawa ng paghihimagsik laban sa Diyos. Ang pangunahing itinuturo nina Nehor at Korihor ay walang kasalanan; samakatwid, hindi na kailangang magsisi, at walang Tagapagligtas. “Bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang likas na talino, at … bawat tao ay nagagapi alinsunod sa kanyang lakas; at ang ano mang [ginagawa] ng tao ay hindi pagkakasala.” Hindi tinatanggap ng anti-Cristo ang awtoridad sa relihiyon, itinuturing nila ang mga ordenansa at tipan bilang mga pagtatanghal na “inilatag ng mga sinaunang saserdote, upang mangamkam ng kapangyarihan at karapatan.”

William W. Phelps

Ang isang halimbawa ng sadyang paghihimagsik sa mga huling araw na may mas masayang wakas ay ang kuwento ni William W. Phelps. Si Phelps ay sumapi sa Simbahan noong 1831 at hinirang na manlilimbag ng Simbahan. Siya ang nag-edit ng ilang unang lathalain ng Simbahan, sumulat ng maraming himno, at naglingkod bilang tagasulat ni Joseph Smith. Ang nakakalungkot, kinalaban niya ang Simbahan at ang Propeta, hanggang sa puntong nagbigay siya ng maling patotoo laban kay Joseph Smith sa isang hukuman sa Missouri, na nakatulong sa pagkabilanggo roon ng Propeta.

Kalaunan, sumulat si Phelps kay Joseph na humihingi ng kapatawaran. “Alam ko ang sitwasyon ko, alam mo ito, at alam ito ng Diyos, at gusto kong maligtas kung tutulungan ako ng mga kaibigan ko.”

Sa kanyang tugon ipinahayag ng Propeta: “Totoong nagdusa kami nang labis dahil sa ginawa mo. … Gayunman, nainom na ang saro, nagawa na ang kalooban ng ating Ama sa Langit, at kami ay buhay pa. … Halika, mahal kong kapatid, dahil lumipas na ang digmaan, sapagka’t ang magkaibigan noong una ay magkaibigang muli sa wakas.”

Taos-pusong nagsisi, ibinaon ni William Phelps ang kanyang “mga sandata ng paghihimagsik,” at siya ay muling tinanggap sa Simbahan, at hindi na siya muling tumalikod.

Marahil ang mas mapanlinlang na uri ng paghihimagsik laban sa Diyos ay ang tahimik na bersiyon—na binabalewala ang Kanyang kalooban sa ating buhay. Marami sa mga hindi kailanman pipiliing aktibong maghimagsik ang maaaring sumasalungat pa rin sa kalooban at salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagtahak sa kanilang sariling landas nang hindi isinasaalang-alang ang utos ng Diyos. Naaalala ko ang awiting pinasikat ilang taon na ang nakararaan ng mang-aawit na si Frank Sinatra na may pangwakas na linyang “Ginawa ko ito sa aking paraan [I did it my way].” Tiyak sa buhay ay maraming pagkakataon para sa personal na kagustuhan at pagpili ng bawat isa, pero pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan at buhay na walang hanggan, ang dapat na theme song natin ay, “Ginawa ko ito sa paraan ng Diyos,” dahil tunay na walang ibang paraan.

Talakayin natin ang halimbawa ng Tagapagligtas hinggil sa binyag. Siya ay nagpabinyag bilang pagpapakita ng katapatan sa Ama at bilang halimbawa sa atin:

“Ipinakikita niya sa mga anak ng tao na, ayon sa laman siya sa kanyang sarili ay nagpapakumbaba sa harapan ng Ama, at pinatototohanan sa Ama na siya ay magiging masunurin sa kanya sa pagsunod ng kanyang mga kautusan. …

“At sinabi niya sa mga anak ng tao: Sumunod kayo sa akin. Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, makasusunod ba tayo kay Jesus maliban sa tayo ay nakahandang sumunod sa mga kautusan ng Ama?”

Walang “aking paraan” kung tutularan natin ang halimbawa ni Cristo. Ang pagtatangkang maghanap ng ibang daan papunta sa langit ay tulad ng walang-kabuluhang pagtatayo ng Tore ng Babel sa halip na umasa kay Cristo at sa Kanyang kaligtasan.

Ang mga espada at iba pang sandata na ibinaon ng mga nagbalik-loob na Lamanita ay mga sandata ng paghihimagsik dahil sa kung paano nila ginamit ang mga ito noon. Ang gayon ding uri ng mga sandata sa mga kamay ng kanilang mga anak na lalaki, na ginamit sa pagtatanggol sa pamilya at kalayaan, ay hindi kailanman sandata ng paghihimagsik laban sa Diyos. Totoo rin ito sa mga sandata na nasa mga kamay ng mga Nephita: “Hindi sila nakikipaglaban para sa kaharian ni kapangyarihan kundi sila ay nakikipaglaban para sa kanilang mga tahanan at kanilang mga kalayaan, kanilang mga asawa at kanilang mga anak, at ang lahat-lahat sa kanila, oo, para sa kanilang mga seremonya ng pagsamba at kanilang simbahan.”

Sa ganito ring paraan, may mga bagay sa ating buhay na maaaring neutral o likas na mabuti pero kapag ginamit sa maling paraan ay nagiging “mga sandata ng paghihimagsik.” Halimbawa, ang ating pananalita ay maaaring magpasigla o makasakit. Tulad ng sinabi ni Santiago:

“Subalit ang dila ay [tila] hindi napapaamo ng tao, isang hindi napipigilang kasamaang puno ng lasong nakamamatay.

“Sa pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos.

“Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito.”

Marami sa mga diskurso sa publiko at pribado sa panahong ito ang nakasasakit at masama. Maraming usapan na mahahalay at walang-pakundangan, maging sa mga kabataan. Ang ganitong uri ng pananalita ay isang “sandata ng paghihimagsik” laban sa Diyos, na “puno ng lasong nakamamatay.”

Pag-isipan ang isa pang halimbawa ng isang bagay na maganda pero maaaring magamit laban sa mga kautusan ng Diyos—ang propesyon ng isang tao. Ang isang tao ay maaaring makahanap ng tunay na kasiyahan sa propesyon, bokasyon, o paglilingkod, at lahat tayo ay nakikinabang sa kung ano ang nagawa at nalikha ng masisigasig at mahuhusay na tao sa maraming larangan.

Gayunman, posible pa rin na ang pagmamahal sa propesyon ay maaaring pagtuunan nang labis sa buhay ng isang tao. Pagkatapos ang lahat ng iba pa ay nagiging pangalawa na lamang, kabilang na ang anumang maaaring sabihin ng Tagapagligtas tungkol sa oras at talento ng isang tao. Para sa kalalakihan at para sa kababaihan na rin, ang pagpapaliban sa mga oportunidad para magpakasal, hindi pagpisan at pagtulong sa asawa, hindi pag-aalaga sa mga anak, o kahit na ang sadyang pag-iwas sa pagpapala at responsibilidad ng pagpapalaki ng anak para lamang sa kapakanan ng pagsulong ng propesyon ay maaaring maging dahilan upang ang mga kahanga-hangang nagawa ay maging isang anyo ng paghihimagsik.

Ang isa pang halimbawa ay tungkol sa ating pisikal na katawan. Ipinaalala sa atin ni Pablo na dapat nating luwalhatiin ang Diyos kapwa sa katawan at espiritu at ang katawang ito ay ang templo ng Espiritu Santo, “na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili.” Kaya, marapat na mag-ukol tayo ng oras na pangalagaan ang ating katawan sa abot ng ating makakaya. Iilan lamang sa atin ang makakarating sa rurok ng pagganap na nakita natin kamakailan sa pagtatagumpay ng mga atleta ng Olympic at Paralympic games, at ang ilan sa atin ay nakakaranas ng mga epekto ng pagtanda, o ng tinatawag ni Pangulong M. Russell Ballard na “paghina ng mga kalamnan at buto.”

Gayunpaman, naniniwala ako na nalulugod ang ating Lumikha kapag ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin upang alagaan ang Kanyang kahanga-hangang kaloob na pisikal na katawan. Magiging tanda ng paghihimagsik ang papangitin o lapastanganin ang katawan o abusuhin ito, o hindi gawin ang magagawa ng isang tao para magkaroon ng malusog na pamumuhay. Kasabay nito, ang karangyaan at sobrang pagtutuon sa pigura ng katawan, hitsura, o pananamit ay maaaring maging isang anyo ng paghihimagsik, na humahantong sa pagsamba sa kaloob ng Diyos sa halip na sa Diyos.

Sa huli, ang simpleng ibig sabihin ng pagbabaon ng ating mga sandata ng digmaan laban sa Diyos ay pagbibigay-daan sa panghihikayat ng Banal na Espiritu, paghubad ng likas na tao, at “maging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon.” Ibig sabihin nito ay unahin ang unang utos sa ating buhay. Nangangahulugan ito na hayaang manaig ang Diyos. Kung ang ating pagmamahal sa Diyos at ang ating determinasyong paglingkuran Siya nang ating buong kakayahan, pag-iisip, at lakas ang magiging pamantayan natin sa paghatol sa lahat ng bagay at paggawa ng lahat ng ating desisyon, ibinabaon na natin ang ating mga sandata ng paghihimagsik. Sa biyaya ni Cristo, patatawarin ng Diyos ang ating mga kasalanan at paghihimagsik noon at aalisin Niya ang dungis ng mga kasalanan at mga paghihimagsik na iyon mula sa ating puso. Kalaunan, aalisin din Niya ang anumang hangaring gumawa ng masama, tulad ng ginawa Niya sa nagbalik-loob na mga Lamanitang iyon noon. Pagkatapos niyon, tayo rin ay “[hindi] kailanman [magsi]sitalikod.”

Ang pagbabaon ng mga sandata ng digmaan ay humahantong sa naiibang kagalakan. Kasama ang lahat ng nagbalik-loob sa Panginoon, tayo ay “nadala na magsiawit ng [awit ng] mapagtubos na pag-ibig.” Pinatunayan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak, na ating Manunubos, ang Kanilang walang-hanggang dedikasyon sa ating sukdulang kaligayahan sa pamamagitan ng napakalalim na pagmamahal at sakripisyo. Nararanasan natin ang Kanilang pagmamahal araw-araw. Tiyak na masusuklian natin ito ng ating pagmamahal at katapatan. Nawa’y ibaon natin—nang malalim na malalim—ang anumang elemento ng paghihimasik laban sa Diyos sa ating buhay at palitan ito ng nagkukusang puso at isipan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.