Mahal ng Diyos ang Lahat ng Kanyang Anak
Lagi tayong tinatawag ni Jesus, at kinakasangkapan Niya tayo, na Kanyang mga ordinaryong lingkod, upang tumulong sa pagdadala ng Kanyang mga anak sa Kanya.
Ano ang nais ng ating Ama sa Langit mula sa inyo? Nauunawaan ba ninyo na sa buhay ninyo bago kayo isilang, inihahanda kayo ng Ama sa Langit para sa buhay ninyo sa lupa? Sinabi ni Pangulong Nelson sa mga kabataan, “Inireserba ng Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na anak—masasabi kong, ang [Kanyang] pinakamahusay na pangkat—para sa huling yugtong ito.” Dahil inilaan tayo para sa mga huling araw na ito, napakahalaga na matuto tayo na maging mga disipulo ni Jesucristo.
Ang Panginoong Jesucristo ay ang Mabuting Pastol at kilala Niya ang Kanyang kawan, at kilala ng kawan ang Pastol nito dahil “tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan.” Lagi Niya tayong tinatawag, at kinakasangkapan Niya tayo, na Kanyang mga ordinaryong lingkod, upang tumulong sa pagdadala ng Kanyang mga anak sa Kanya.
Kamakailan, binisita namin ng isang stake president ang mga miyembro ng Simbahan sa isang komunidad. Nang matapos namin ang aming mga nakatakdang bisitahin, tinanong ako ng stake president kung puwede kaming pumunta sa isa pang pamilya. Nadama niya na dapat kaming makipag-usap sa kanila.
Kumatok kami sa pinto at binuksan ito ng isang sister. Tumingin siya sa akin, pero hindi niya ako kilala, kaya hindi siya gaanong nagpakita ng emosyon. Itinuro ko ang stake president, na binati siya sa pangalan. Pagkarinig at pagkakita niya rito, agad siyang natuwa. Habang nakatayo sa may pintuan, nagyakapan sila at sabay na umiyak. Ang tagpong ito ang nagpahiwatig ng dahilan kung bakit kami bumisita. Hindi namin alam na kakatapos lang ng chemotherapy ni sister isang araw bago kami dumating. Napakahina niya para alagaan ang kanyang anak na nasa hustong gulang na. Kaya’t tinulungan ko ang stake president na bihisan ang anak ni sister, at iniupo namin siya sa kanyang wheelchair. Pinakain namin siya ng pagkaing dinala ng isa pang mapagmalasakit na sister mula sa ward, at tumulong kami sa iba pang mga gawain. Bago kami umalis sa kanilang tahanan, binasbasan namin sila.
Naiisip ko nang sandaling iyon na ang pagbisitang ito ay pagpapatunay na mahal na mahal sila ni Jesucristo. Naiintindihan Niya sila at personal na alam ang hirap ng kanilang ‘di pangkaraniwang sitwasyon. Ang buong pagbisita ay nangyari nang halos walang nagsasalita. Sa pagkakataong ito hindi kami nagbahagi ng mensahe o ng paborito naming talata sa banal na kasulatan, ngunit sagana kaming pinagpala ng Panginoon ng Kanyang Espiritu.
Isa ito sa pinakamagagandang dahilan kung bakit kayo ipinadala ng inyong Ama sa Langit sa panahong ito upang mapagtanto ninyo ang inyong buong potensyal. Itinuturo sa atin ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo na bilang mga disipulo ni Cristo, dapat nating iwasang ihambing ang ating sarili sa isa’t isa. Ang inyong espirituwal na kakayahan ay kakaiba, personal, at likas, at nais ng inyong Ama sa Langit na tulungan kayong linangin ang mga ito. Laging may isang taong matutulungan ninyong madama ang pagmamahal ng inyong Ama sa Langit. Walang hanggan ang inyong potensyal. Bagama’t tiyak na mahalagang ihanda ang inyong sarili na magtagumpay sa mundong ito na puno ng kompetisyon, isa sa mahahalagang misyon ninyo sa buong buhay ninyo ay maging disipulo ni Jesucristo at sundin ang mga impresyon ng Espiritu. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain ng Diyos ang inyong buhay, pagpapalain Niya ang inyong pamilya ngayon o sa hinaharap, at pagpapalain Niya ang buhay ng Kanyang mga anak na makikilala ninyo.
Nabubuhay tayo sa panahong puno ng magandang oportunidad. Bagama’t maraming paghihirap ang nararanasan natin, alam kong bahagi ang mga iyan upang tulutan tayong tulungang madama ng iba ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman.” May pribilehiyo tayong kalingain ang mga taong nangangailangan ng tulong, ng yakap, ng kapanatagan, o ang masamahan lamang natin sila nang tahimik. Kung matutulungan natin na maibsan ang kanilang mga pasanin, kahit sandali lang, makikita natin ang dakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas sa kanilang buhay.
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring makagawa ng magandang kaibhan sa mundo. Maaari tayong magbigay ng kagalakan na makikita sa ating mukha—isang kagalakan na sasabihin natin nang may pagmamahal at kabaitan. Maging mabuti tayong mga kapitbahay, mabuting amo, mabuting manggagawa. Sikapin nating maging mabuting Kristiyano sa lahat ng oras.
Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga kinakailangang ordenansa upang matanggap ng mga anak ng Ama sa Langit ang lahat ng pangakong nagbubuklod sa atin sa Kanya. Sa pagtulong sa ating mga kapatid sa mga pagsubok na nararanasan nila araw-araw, tandaan din nating tulungan silang gawin at tuparin ang mga sagradong pangakong ito sa kanilang Ama sa Langit upang Siya ma’y makapapangako sa kanila ng pinakasaganang mga pagpapala para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang mga pangakong ito ay nagagawa lamang sa pamamagitan ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Kanyang mga susi ng priesthood.
Sa madaling salita, matutulungan natin ang iba na manatili sa landas ng tipan. Ang ilan sa atin ay lumilihis sa landas paminsan-minsan, kaya dapat nating tandaan na para sa ating Ama sa Langit, lagi tayong may posibilidad na bumalik. Kahit hindi lubos na perpekto ang tinatahak natin, laging ipinaaalala sa atin ng Tagapagligtas na “Kasindalas na [tayo ay nagsisisi] at [humihingi] ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, [tayo ay mapapatawad].”
Isa sa mga gawain ng kaaway ngayon ay ang pag-isipin at pagpaniwalain tayo na wala nang paraan para magbago tayo o wala na tayong pag-asa. Ang mapanirang pag-iisip na ito ay nagiging sanhi para tumigil sa pagsisikap ang marami sa atin. At ito ang sandali kung kailan ang ating pagmamahal, mga nakahihikayat na salita at suporta, ang ating oras, at ang ating tulong ay maaaring magbigay sa isang tao ng sapat na pag-asa upang sumubok muli’t muli.
Marahil iniisip ninyo, “Okay, pero sino naman ang maglilingkod sa akin?” Sa pagkilos at pagpapala sa buhay ng ating mga kapatid, titipunin natin ang mga patotoo na pupuno sa ating mga buhay ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang mga patotoong ito ay magpapasigla sa atin na sumubok ding muli. Pasisiglahin at tutulungan tayo ng Banal na Espiritu na magkaroon ng pinanibagong mga patotoo upang patuloy na kayanin ang ating mga paghihirap at personal na pagsubok. Tuwing hangad nating pagpalain ang buhay ng iba, lalong naaawa sa atin ang Panginoon; pinatitibay at tinutulungan Niya tayo sa ating buhay.
Tandaan lamang na ang Panginoong Jesucristo ang inyong Tagapagligtas at personal kayong nauunawaan. Alam Niya ang pakiramdam ng pangangailangang gumanap ng tungkulin at magsakripisyo para tulungan ang mga anak ng Diyos. May kapangyarihan Siya na pagpalain kayo sa lahat ng bagay, kung naniniwala kayo sa kanya at hindi kayo nag-aalinlangan.
Mahal kong mga kapatid, sa araw na iyon nang mabigyang-inspirasyon ang isang priesthood leader na bisitahin namin ang isang mag-ina na wala sa aming agenda, maipapahayag ko na alam ng Diyos na kailangan nila kami. At sa huli, ako ang napaglingkuran. Sa araw na iyon, natanggap ko ang isa sa pinakamagagandang aral ng pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na Siya ay buhay, na Siya ay nabuhay at namatay para sa inyo at sa akin, at na Siya ay nabuhay na mag-uli para sa inyo at sa akin upang mahangad natin nang may lubos na kalagalakan ang makalangit na pagkikita nating muli ng mga nagsipanaw na. Alam kong kayo at ako ay ganap Niyang nauunawaan. Nauunawaan Niya ang bawat mahihirap na sandali natin, at may kapangyarihan Siyang tulungan tayo sa mga sandaling iyon kung saan nadarama natin na pinakamahina tayo. Alam ko na nagpakita ang Panginoong Jesucristo at ang ating Ama sa Langit kay Joseph Smith para ipanumbalik ang ebanghelyo sa mga araw na ito. Alam ko na ang ating mahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, ay propeta ng Panginoon, at pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.