Liahona
Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya: Pag-aayos ng Conference Center
Nobyembre 2024


“Sa Likod ng mga Pangyayari: Staging ng Conference Center,” Liahona, Mayo 2024.

Sa Likod ng mga Pangyayari sa Pangkalahatang Kumperensya: Staging ng Conference Center

Kapag inilalarawan natin sa ating isipan ang pangkalahatang kumperensya, malamang na naiisip natin ang podium at ang upuan ng mga pinuno ng Simbahan sa harapan ng organ pipes. Pero hindi ganoon ang hitsura ng Conference Center sa buong taon.

Ang Conference Center ay nagdaraos ng maraming event na nangangailangan ng iba’t ibang pag-aayos, at kailangan ng ilang oras para ihanda ang entablado (na opisyal na tinatawag na “rostrum”) para sa pangkalahatang kumperensya. Isang grupo ng 10 katao ang gumugugol ng mga tatlong linggo sa paghahanda ng entablado, mga lobby, at iba pang pasilidad ng Conference Center para maging masaya ang mga bisita sa pangkalahatang kumperensya.

Narito ang ilang nakakaaliw na bagay:

  • 18 malalaking module ang lumilikha ng mga pangunahing staging floor, na bawat isa ay may timbang na 1.5–4 na tonelada.

  • Ang mabibigat na istrukturang iyon ay inilipat gamit ang mga unan na may compressed air na tumutulak sa sahig, at ginagawang medyo madaling ilipat ang mga istruktura.

  • Nagdaragdag din ng mga 500 mas maliit na piraso, tulad ng mga rehas at panel.

  • Bumubukas ang mga pinto na may taas na 80 talampakan (24 m) para mailipat sa lugar ang pinakamalalaking istruktura.

  • Ang staging team ay naghahanda rin ng mga pasilidad para sa seguridad, mga missionary, at hosting—na mahigit 600 gawain sa kabuuan.

Si Joel Wright, ang staging supervisor ng team, ay nakatulong na sa 50 pangkalahatang kumperensya. Ang tawag niya sa kanyang team ay “mga bayaning hindi napupuri” na nagbibigay ng kamangha-manghang pagsisikap. Sabi niya, “Walang gaanong karangalan sa pag-aayos ng isang upuan o isang mesa o pag-aayos ng pasilidad.” Pero kung wala sila, sabi niya, hindi magiging ganoon kaayos ang kumperensya.

Sabi ng staging lead na si Brandon Urry, kailangan ng “maraming iba’t ibang tao na may iba’t ibang kasanayan at iba’t ibang pinagmulan” para maisakatuparan ang kanilang gawain—“ang iparating ang pagmamahal ng Panginoon at ang mga salitang nais Niyang ibahagi sa lahat.”

Ayon kay Brandon, kailangan nila ang lahat ng may iba’t ibang kasanayang iyon na “magsama-sama para sa isang layunin.” Dahil nakasentro ang layuning iyan kay Jesucristo, nadarama ng staging team na ito ang Kanyang presensya at nakikita ang Kanyang mga himala.

Sabi ni Robert Simpson, na isa ring staging lead, “Pakiramdam ko … pumapasok ang Espiritu ng Panginoon sa ating mga miting at nariyan Siya upang tulungan tayo … na makumpleto [ang gawain]. … Kung minsan iniisip namin kung paano namin magagampanan ang lahat ng ito. Pero nagdarasal kami at humihingi ng tulong sa ating Ama sa Langit.”

At idinagdag pa ni Joel: “Sa pagtitiis, sa pagtitiyaga, sa patuloy na pagsusumikap, [ang staging] ay nailalagay na lahat sa lugar, handa na para sa umaga ng pangkalahatang kumperensya.” Ang tawag dito ni Joel ay “nagbibigay-inspirasyon” dahil dumarating ang mga himala sa pamamagitan ni Jesucristo.