“Ipinagdiwang ni Pangulong Nelson ang Kanyang Ika-100 Kaarawan,” Liahona, Nob. 2024.
Mga Balita sa Simbahan
Ipinagdiwang ni Pangulong Nelson ang Kanyang Ika-100 Kaarawan
Sinamahan ng mga pinuno ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pamilya at mga kaibigan noong Setyembre 9, 2024, para parangalan ang propeta at Pangulo ng Simbahan na si Russell M. Nelson sa kanyang ika-100 kaarawan.
Ang event ay ginanap sa Salt Lake City at ipinalabas sa buong mundo. Itinampok doon ang live music, mga video ng pagpugay mula sa mga pinuno ng iba’t ibang relihiyon, mga mensahe mula sa mga pinuno ng Simbahan at mga miyembro ng pamilya ni Pangulong Nelson, at mga video mula sa mga miyembro ng Simbahan na nagbabahagi kung paano sila naglingkod sa isa.
Pinasalamatan ni Pangulong Nelson ang pamilya, mga kaibigan, at mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang kabaitan at suporta. Ibinahagi niya ang kanyang pagpapahalaga sa di-mabilang na mga mensahe sa kaarawan at sa pandaigdigang tugon sa kanyang “99+1” na imbitasyon, kung saan hinikayat niya ang mga tao “na tumulong sa ‘isa’ sa ating buhay na maaaring naguguluhan o nag-iisa” (Facebook, Hunyo 1, 2024, facebook.com/russell.m.nelson).
Binigyang-diin ng propeta ang kahalagahan ng pananampalataya, walang-hanggang pananaw sa buhay, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. “Mahal kong mga kapatid, ang haba ng inyong buhay ay hindi kasinghalaga ng uri ng inyong pamumuhay,” sabi ni Pangulong Nelson. “Para sa bawat isa sa atin, maging sa isang 100-taong-gulang na lalaki, mabilis na lumilipas ang buhay. Ang panalangin ko ay hayaan ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay. Makipagtipan sa Kanya. Manatili sa landas ng tipan. Maghandang makabalik upang makapiling Siyang muli.”
Ibinahagi nina Pangulong Dallin H. Oaks at Henry B. Eyring, mga tagapayo ni Pangulong Nelson sa Unang Panguluhan, ang kanilang mga obserbasyon mula sa pakikipagtulungan sa propeta sa loob ng anim at kalahating taon. Binigyang-diin nila ang pagmamahal, paggalang sa iba, at pag-uugali ni Pangulong Nelson.
“Ang makasama sa isang silid o sa isang miting o makausap si Pangulong Nelson ay nagbibigay sa inyo ng oportunidad na maranasan ang pakiramdam ng makasama ang Tagapagligtas,” sabi ni Pangulong Oaks. “Siya ang kinatawan ng Tagapagligtas. At siya ang aming huwaran.”