Liahona
Mga Sagradong Banal na Kasulatan—ang Pundasyon ng Pananampalataya
Nobyembre 2024


14:7

Mga Sagradong Banal na Kasulatan—ang Pundasyon ng Pananampalataya

Hindi natin maaaring maliitin ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan kapwa sa pagpapabalik-loob at sa pagpapanatiling tapat sa ebanghelyo.

Kami ng asawa kong si Mary ay nakakita kamakailan ng isang T-shirt na may larawan ng isang aklat na may mensahe sa harapan nito na mababasang, “Mga Libro: Ang Orihinal na Handheld Device.”

T shirt na may nakasulat na, “Mga Aklat: Ang Orihinal na Handheld Device.”

Pinag-isipan ko ang nakakaaliw mensaheng ito at kung gaano na naging kaimportante ang iba’t ibang uri ng mga handheld device. Nang pag-isipan ko pa ito, natanto ko na ang anumang kasangkapan o maging ang isang nilagyan ng artificial intelligence ay hindi kailanman magiging kasinghalaga o makabuluhang gaya ng espirituwal na patnubay na nagmumula sa banal na paghahayag.

Handheld o digital man, ang Banal na Biblia at ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay nagbibigay ng espirituwal na patnubay at turo mula kay Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Pinahahalagahan natin ang mga aklat na ito para sa kanilang napakahalagang bahagi sa pagdokumento ng patnubay ng Diyos sa mga sinaunang propeta at tao at sa patnubay na ibinibigay nito para sa ating personal na buhay.

Kasama ng mga turo ng mga buhay na propeta, ang mga sagradong banal na kasulatan na ito ay nagbibigay ng patnubay ng doktrina para sa atin sa mundo ngayon. Ang mga banal na kasulatan na ito ay pinakamabisa kapag nagbibigay ang mga ito ng tagubilin, pagtutuwid, kapanatagan, at kaaliwan sa mga tao at pamilya na humihingi ng patnubay sa Panginoon.

Ang mga banal na kasulatan, na sinamahan ng espirituwal na inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ay nananatiling pangunahing mapagkukunan na nagpapadali sa pagbabalik-loob ng mga taong may “bagbag na puso at nagsisising espiritu” at nagnanais na sumunod kay Jesucristo. Ang mga banal na kasulatan ay tumutulong sa pagbuo ng pundasyon na makadaraig sa patuloy na pagsisikap ng kaaway na pahinain ang pananampalataya.

Ang mga bagong binyag ay biyaya at mahalaga sa Simbahan sa buong kasaysayan nito. May isang halimbawa na napakahalaga sa akin. Noong bata pa akong bishop, dalawang kahanga-hangang sister missionary ang nagturo sa pamilya ni William Edward Mussman. Ang ama, isang napakahusay na abogado, ay general counsel ng isang malaking korporasyon. Ang kanyang tapat na asawa na si Janet ay tinulungan ang pamilya na magsikap na mamuhay nang higit na “katulad ni Cristo.”

Tinuruan din ang kanilang mahuhusay na anak na lalaki at babae na parehong mahigit 20 taong gulang na. Silang apat ay tinuruan ng mga lesson at nagsimba. Binigyang-diin ng mga sister missionary ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pagdarasal para magkaroon ng patotoo sa sagradong banal na kasulatang iyon. Nakamamangha na mapanalanging nabasa ng pamilya ang buong Aklat ni Mormon sa maikling panahon.

Ang mga ward missionary, na kapwa mga ward Relief Society president dati, ay sinamahan sila sa mga sacrament meeting.

Nang malapit nang mabinyagan ang pamilya, nakatanggap sila ng maraming literatura na naninira sa Simbahan. Ito ay noong bago pa magkaroon ng Internet, pero ang mga materyal ay napuno ang isang malaking kahon.

Inanyayahan ako ng mga sister missionary, na isang 34 na taong gulang na bishop noon na katatawag pa lamang, na tumulong sa pagsagot sa mga tanong ng pamilya. Nang magtipon kami sa kanilang sala, nasa gitna ng silid ang malaking kahon ng mga polyetong naninira sa Simbahan. Nanalangin ako para sa sandaling iyon. Habang ibinibigay ang pambungad na panalangin, bumulong sa akin ang Espiritu, “Alam na niya na totoo ito.” Napakahalaga niyon. Naniniwala ang mga sister missionary na ang iba pa sa pamilya ay may patotoo na. Hindi sila nakasisiguro sa tatay.

Kaagad kong sinabi sa kanya na “Ipinabatid sa akin ng Espiritu na mayroon [ka nang] patotoo. Totoo ba ito?” Tiningnan niya ako nang mabuti at sinabing pinagtibay ng Espiritu ang katotohanan ng Aklat ni Mormon at ng Simbahan sa kanya.

Pagkatapos ay tinanong ko kung kailangan pang pag-usapan ang mga polyeto, kung mayroon na silang espirituwal na pagpapatibay.

Tumugon ang ama na hindi na ito kailangan. Ang iba pa sa pamilya ay sumang-ayon sa kanyang sagot.

Sinabi niya na talagang may mahalagang tanong siya: Ang isang dahilan kung bakit nakatanggap sila ng maraming literaturang sumasalungat sa Simbahan ay dahil miyembro sila ng iba pang relihiyon. Bukod pa rito, nangako siya na magbibigay ng malaking halaga para sa pagpapatayo ng bagong kapilya para sa relihiyong iyon. Sinabi niya sa akin na itinuro sa kanya ng mga sister missionary ang kahalagahan ng ikapu, na buong pasasalamat niyang tinanggap, pero napaisip siya kung mali bang tuparin din ang ipinangako niya. Tiniyak ko sa kanya na ang pagbibigay ng ipinangakong halaga ay kapwa kapuri-puri at wasto.

Pamilya Mussman.

Ang mga Mussman, kasama ang kanilang anak na lalaki, manugang, at anak na babae.

Ang buong pamilya ay nabinyagan. Pagkaraan ng isang taon, sila ay ibinuklod bilang pamilya sa Oakland California Temple. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na makadalo roon. Natapos ng anak na lalaki ang law school, nakapasa sa California Bar exam, at agad na naglingkod nang buong katapatan sa misyon sa Japan. Nakita ko sa pagdaan ng mga taon ang pananatiling tapat sa ebanghelyo ng mga sumunod na henerasyon. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na ibuklod ang isa sa mga apong babae.

Ang mga pagbabalik-loob na nangyayari sa ating panahon ay kahanga-hanga rin. Noong nakaraang Hunyo, nagsalita kami ni Coach Andy Reid, head football coach ng Kansas City Chiefs, kasama ang iba pa na kumakatawan sa ating relihiyon at sa iba pang relihiyon, sa isang multifaith event sa Riverside Church sa New York City. Binigyang-diin ni Coach Reid ang tungkol sa mga pangalawang pagkakataon at pagtugon sa mga paanyaya at oportunidad, na patungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nang sumunod na araw, kasama ang aming mga asawa, sina Tammy Reid at Mary, dumalo kami sa sacrament meeting sa Manhattan Second Ward. Napakaespirituwal ng serbisyo roon. Maraming bagong binyag sa kongregasyon. Limang bagong binyag na miyembro, apat na adult na lalaki at isang binatilyo, ang kabilang sa mga miyembro ng Aaronic Priesthood na nagpapasa ng sakramento. Masaya kong ibinabalita na may gayon ding pagdagsa ng mga bagong miyembro sa buong Simbahan.

Nagpapasalamat tayo sa kapansin-pansing pagdami ng mga tumutugon sa mga sagradong paanyaya, binabago ang kanilang buhay, at tinatanggap ang pagkakataon na sundin si Jesucristo. Pumapasok sila sa landas ng tipan sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon na itinuro sa Banal na Biblia at sa Aklat ni Mormon.

Hindi natin maaaring maliitin ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan kapwa sa pagpapabalik-loob at sa pagpapanatiling tapat sa ebanghelyo. Alam ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa misyon ni Jesucristo at itinuro nila ang Kanyang ebanghelyo. Tinutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Diyos habang natututuhan, inuunawa, at ipinamumuhay natin ang mga turo nito. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “ang isang [lalaki o babae] ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin [ng aklat], nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”

Upang malaman kung ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, kailangan nating basahin, pagnilayan, at ipanalangin ang tungkol dito at pagkatapos ay kumilos ayon sa mga tuntunin nito. Ipinangako ng propetang si Moroni na ihahayag sa atin ng Diyos ang katotohanan ng aklat na ito kapag tayo ay nanalangin nang may matapat na puso, may tunay na layunin, at may pananampalataya kay Cristo. Ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay mahalaga para sa tunay at nagtatagal na pagbabalik-loob.

Habang pinagninilayan natin ang kaugnayan ng Biblia sa Aklat ni Mormon bilang mga handheld device, maaaring magtanong ang isang tao. Sa tingin ninyo, gaano kapaki-pakinabang at nagkakatugma ang dalawang aklat kung ipinahayag ng Panginoon na ang mga ito ay pagdu[ru]gtungin” at “ma[gi]ging isa sa inyong kamay”? Iyan ang ipinahayag ng Panginoon hinggil sa “tungkod ni Juda,” ang Biblia, at sa “tungkod ni Jose,” ang Aklat ni Mormon.

Sa maraming mahahalagang aspekto, ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng pangunahing doktrina na nagpapalakas at nagpapatatag sa Biblia. Ang doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay isang mahalagang halimbawa.

Ang Biblia ay nagbibigay ng isang tumpak na tala tungkol sa mortal na ministeryo ni Jesucristo, pati na ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Ang Aklat ni Mormon ay mas malinaw tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, isang bagay na detalyadong ipinaliwanag ng mga propeta bago ang Kanyang kapanganakan.

Ang heading sa kabanata 42 ng Alma ay naglalarawan sa doktrinal na kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mababasa rito: “Ang buhay na may kamatayan ay isang panahon ng pagsubok upang ang tao ay makapagsisi at makapaglingkod sa Diyos—Ang Pagkahulog ang nagdulot ng temporal at espirituwal na kamatayan sa buong sangkatauhan—Ang pagtubos ay dumarating sa pamamagitan ng pagsisisi—Ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan—Ang awa ay para roon sa mga nagsisisi—Lahat ng iba pa ay mapaiilalim sa katarungan ng Diyos—Ang awa ay darating dahil sa Pagbabayad-sala—Yaon lamang tunay na nagsisisi ang maliligtas.”

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw.” Ipinangako niya rin na “sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral [ng] Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon.”

Tulad ng sinabi ko, humanga ako sa konsepto ng orihinal na handheld device—ang aklat. Gayunman, kinikilala ko ang nakapalaking kahalagahan ng Internet sa mundo ngayon. Isang modernong handheld device ang maaaring magbigay ng impormasyon na pumuno noon sa isang malaking silid-aklatan. Nagpapasalamat tayo na mabuhay sa panahong ito. Nagpapasalamat ako lalo na mababasa na ang mga sagradong aklat at materyal ng Simbahan sa mga digital device. Ang Internet ay isang mabisang kagamitan sa pag-aaral ng ebanghelyo. Sa kasalukuyan, maraming tao ang nagbabahagi ng mga banal na kasulatan sa mga kaibigan gamit ang teknolohiya. Ang app ng Aklat ni Mormon, halimbawa, ay isang napakagandang paraan para ipakilala sa mga kaibigan ang Aklat ni Mormon at madaling maibabahagi sa karaniwan at natural na paraan saanman kayo naroroon.

Book of Mormon app.

Bagama’t maraming pagpapala ang ibinibigay ng Internet, sa kasamaang-palad, tulad ng mga nakasulat na polyeto na naninira sa Simbahan na inilarawan ko kanina, ginagamit din ito upang lumikha ng pagdududa at pahinain ang pananampalataya sa mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Maaari itong maging bahagi ng “mga kasamaan ngayon” na binanggit ni Pangulong Nelson.

Ang kaaway at ang mga tumutulong sa kanya, sinadya man o hindi, ay lumikha sa Internet ng katumbas ng kahon na iyon na puno ng nakasulat na paninira sa Simbahan na binanggit ko kanina, na naglalayong ilayo kayo sa katotohanan ng Diyos.

Ang mga isyung inilabas para makalikha ng pagdududa sa paglipas ng mga taon ay kapansin-pansing magkakatulad. Totoo ito lalo na kapag inihambing ninyo ang ating panahon sa 1960s, noong ako ay mahigit 20 taong gulang.

Tinuturuan tayo ng mga banal na kasulatan na gumamit ng mabuting paghatol at maging matalino sa lahat ng bagay. Ang Internet ay magagamit sa positibong paraan o sa mapaminsalang paraan.

Ang matagal nang mga miyembro at ang mga bago pa lang na nag-aaral ng ebanghelyo ay kailangang maging maingat tungkol sa kanilang binabasa o pinanonood. Huwag tumangkilik ng mga imoral, di-tapat, o di-mabuting materyal. Kung gagawin ninyo ito, ang mga algorithm ay ihahantong kayo sa landas na sumisira sa pananampalataya at nakapipinsala sa inyong walang hanggang pag-unlad. Maaari kayong kumilos nang positibo o negatibo. Hanapin ang mabuti at iwasan ang masama at kasuklam-suklam na mga bagay sa Internet at ang doomscrolling. Punuin ang inyong buhay ng positibo at mabubuting ideya, maging masayahin, magsaya pero iwasan ang kalokohan. May pagkakaiba riyan. Ang ika-13 saligan ng pananampalataya ay isang kahanga-hangang gabay. Higit sa lahat, patuloy na ituon ang inyong sarili sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon, na maglalapit sa Espiritu sa inyong buhay at tutulungan kayo na mahiwatigan ang katotohanan laban sa kamalian.

Ang payo ko para sa mga taong lumihis sa anumang kadahilanan mula sa landas ng tipan ay bumalik kayo sa sagradong mga banal na kasulatan, patnubay ng propeta, pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa tahanan, at sa musika ng pananampalataya. Bawat kaluluwa ay mahalaga sa Panginoon. Kailangan namin kayo! Kailangan kayo ng Panginoon, at kailangan ninyo Siya! Malugod kayong tatanggapin palagi. Sa maraming taon kong paglilingkod sa Simbahan ay pinahahalagahan ko ang mga kahanga-hangang tao na bumalik sa landas ng tipan at pagkatapos ay naglingkod at pinagpala ang lahat ng mahal nila o nakasalamuha nila.

Ang mga sagradong banal na kasulatan at buhay na mga propeta ay paraan ng mapagmahal na Ama sa Langit upang malaman ng lahat ng Kanyang mga anak ang Kanyang plano ng kaligayahan.

Pinatototohanan ko nang may katiyakan ang kabanalan ni Jesucristo at ang katotohanan ng Kanyang Pagbabayad-sala, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa 2 Timoteo 3:16.

  2. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo (2023), 33; tingnan din sa 2 Nephi 2:7; 3 Nephi 12:19; Doktrina at mga Tipan 20:37; Ezra Taft Benson, “A Mighty Change of Heart,” Ensign, Okt. 1989, 2–5.

  3. Sina Sister Beverly Bridge at Sister Cheryl Morgan ang mga sister missionary.

  4. Ang anak na si William E. Mussman III ay nagtapos sa Stanford at nag-aral ng abogasya sa University of California, sa San Francisco. Ang kapatid niya na si Ann C. Mussman ay nag-aaral noon sa Stanford University.

  5. Sina Sister Eleanor Mehr at Sister Louise Johnson ang mga ward missionary.

  6. Pinarangalan ng The New York Latter-day Saint Professional Association (NYLDSPA) sina Reverend A. R. Bernard at Coach Andrew “Andy” W. Reid sa makasaysayang interdenominational Riverside Church sa Manhattan. Naroon din ang mga lider ng Simbahan mula sa ating relihiyon at sa marami pang ibang relihiyon, kabilang na ang unang pinarangalan na si Rabbi Joseph Potasnik.

  7. Tingnan sa Tad Walch, “How Andy Reid’s Beliefs in Jesus Christ and a Second Chance for Michael Vick Guide the Kansas City Chiefs,” Deseret News, Hulyo 3, 2024, deseret.com.

  8. Mahigit 198,000 bagong binyag ang nabinyagan sa pagitan ng Enero 1, 2024, hanggang Agosto 30, 2024 (impormasyong ibinigay ng Missionary Department).

  9. Inilarawan sa kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo kung bakit ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon.

  10. Pambungad sa Aklat ni Mormon.

  11. Pinatotohanan ni Propetang Joseph Smith na ang isang tao ay mas malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntuning itinuro sa Aklat ni Mormon nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat (tingnan sa “pambungad sa Aklat ni Mormon”).

  12. Tingnan sa Moroni 10:4.

  13. Tingnan sa Ezekiel 37:15–17; tingnan din sa 2 Nephi 3:12.

  14. Ang salitang Pagbabayad-sala, na tumutukoy sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ay minsan lamang binanggit sa Bagong Tipan (tingnan sa Mga Taga Roma 5:11). Sa Aklat ni Mormon, ang salitang Pagbabayad-sala ay binanggit nang 24 na beses. Inilalarawan sa 2 Nephi 2:10 ang “kaligayahan” na kaakibat ng Pagbabayad-sala (tingnan din sa index sa Aklat ni Mormon, “Jesus Christ, Atonement through”).

  15. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 62–63.

  16. Isipin na lamang kung gaano tayo pinagpapala kada linggo kapag pinag-aaralan natin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin online.

  17. Ang ilan sa mga isyung ito ay hindi talaga totoo. Ang ilan ay inilalahad ang mga katotohanan ng kasaysayan nang walang angkop na konteksto. Ang ilan ay nagtataguyod ng mga isyung panlipunan na salungat kapwa sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Ang ilan ay tungkol sa mga isyu na hindi pa inihahayag ng Panginoon.

  18. Ang doomscrolling ay ang gawain na palagian at matindihang paghahanap ng mga negatibo o nakakalulunos na balita sa social media o mga news feed (tingnan sa Merriam-Webster.com Dictionary, “doomscroll”).

  19. Tumaas at nadagdagan ang dumalo sa Simbahan sa nakalipas na mga taon. Ang porsiyento ng mga taong umaalis sa Simbahan ay mas mababa kaysa dati, pero kailangan natin ang bawat miyembro.