Liahona
Pagtitiwala sa Ating Ama
Nobyembre 2024


10:20

Pagtitiwala sa Ating Ama

Pinagtitiwalaan tayo ng Diyos na gumawa ng maraming mahahalagang desisyon at na sa lahat ng bagay hinihiling Niya na magtiwala tayo sa Kanya.

Noong Hunyo 1, 1843, nilisan ni Addison Pratt ang Nauvoo, Illinois, para ipangaral ang ebanghelyo sa Hawaiian Islands, at iniwan ang kanyang asawang si Louisa Barnes Pratt para mag-alaga sa kanilang bata pang mga anak.

Nang tumindi ang mga pag-uusig sa Nauvoo, at mapilitan ang mga Banal na umalis, at kalauna’y sa Winter Quarters nang maghanda silang mandayuhan sa Salt Lake Valley, naharap si Louisa sa desisyon kung maglalakbay ba sila. Mas madali sanang manatili at hintaying makauwi si Addison kaysa maglakbay nang mag-isa.

Sa dalawang pagkakataong ito, humingi siya ng patnubay mula sa propetang si Brigham Young, na naghikayat sa kanya na maglakbay. Sa kabila ng malaking hirap at personal niyang pag-aatubili, matagumpay siyang nakapaglakbay sa bawat pagkakataon.

Sa simula, di-gaanong naging masaya si Louisa sa paglalakbay. Gayunman, hindi nagtagal ay sumaya na siya nang makita niya ang luntiang damo sa parang, makukulay na ligaw na bulaklak, at mga bakanteng lupa sa tabing ilog. “Ang lungkot sa aking isipan ay unti-unting nagmaliw,” itinala niya, “at wala [nang ibang] mas masayang babae sa buong pangkat.”

Lubos akong nagkainspirasyon sa kuwento ni Louisa. Hinahangaan ko ang kahandaan niyang isantabi ang kanyang mga personal na kagustuhan, ang kanyang kakayahang magtiwala sa Diyos at kung paano nakatulong sa kanya ang pagsampalataya para makita ang sitwasyon sa ibang pananaw.

Naipaalala niya sa akin na mayroon tayong isang mapagmahal na Ama sa Langit na nagmamalasakit sa atin saanman tayo naroroon at na maaari tayong magtiwala sa Kanya nang higit kaysa kaninuman o anuman.

Ang Pinagmumulan ng Katotohanan

Nagtitiwala ang Diyos sa atin na gagawa tayo ng maraming mahalagang desisyon at na sa lahat ng bagay, hinihiling Niya na magtiwala tayo sa Kanya. Mahirap ito lalo na kapag ang ating palagay, o ang opinyon ng iba, ay naiiba sa Kanyang kalooban para sa Kanyang mga anak.

Iminumungkahi ng ilan na dapat ay muli tayong maglagay ng hangganan sa pagitan ng tama at mali dahil depende raw sa tao ang katotohanan, depende sa sarili ang realidad, o lubhang mapagbigay ang Diyos kaya wala talaga Siyang pakialam sa ginagawa natin.

Sa ating pagsisikap na unawain at tanggapin ang kalooban ng Diyos, makatutulong na alalahanin na hindi tayo ang magpapasiya ng mga hangganan sa pagitan ng tama at mali. Itinatag na ng Diyos mismo ang mga hangganang ito, batay sa mga walang-hanggang katotohanan para sa ating kapakinabangan at pagpapala.

May mahabang kasaysayan ang pagnanais na baguhin ang walang-hanggang katotohanan ng Diyos. Nagsimula iyon bago pa nagsimula ang mundo, nang maghimagsik si Satanas laban sa plano ng Diyos, sa makasariling hangarin na sirain ang kalayaan ng tao. Kasunod nito, ikinatwiran ng mga taong katulad nina Serem, Nehor, at Korihor na kahangalan ang manampalataya, hindi mahalaga ang paghahayag, at anumang gusto nating gawin ay tama. Ang malungkot, napakadalas na ang mga paglihis na ito mula sa katotohanan ng Diyos ay humantong na sa matinding kalungkutan.

Bagama’t ang ilang bagay ay depende sa konteksto, hindi ganoon ang lahat. Palaging itinuturo ni Pangulong Russell M. Nelson na ang nakapagliligtas na mga katotohanan ng Diyos ay ganap, nag-iisa, at binigyang-kahulugan ng Diyos mismo.

Ang Ating Pagpipilian

Sinuman ang piliin nating pagkatiwalaan ay isa sa mahahalagang desisyon sa buhay. Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, “Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga … , maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan … , maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon.”

Sa kabutihang-palad, mayroon tayong mga banal na kasulatan at patnubay mula sa mga buhay na propeta para tulungan tayong maunawaan ang katotohanan ng Diyos. Kung kailangan ng higit pang paglilinaw kaysa alam na natin, ibinibigay iyon ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. At sasagot Siya sa ating mga taimtim na dalangin sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag hinangad nating maunawaan ang mga katotohanang hindi pa natin lubos na pinahahalagahan.

Itinurong minsan ni Elder Neil L. Andersen na hindi tayo dapat mabigla “kung [paminsan-minsan] ang [ating] mga personal na pananaw sa simula ay hindi palaging lubos na umaayon sa mga turo ng propeta ng Panginoon. Ito ang mga sandali ng pagkatuto, sabi niya, “ng pagpapakumbaba, kapag tayo ay lumuluhod sa panalangin. Nagpapatuloy tayo sa paglakad nang may pananampalataya, nagtitiwala sa Diyos, nalalaman na darating ang panahon na makatatanggap tayo ng dagdag na espirituwal na kaliwanagan mula sa ating Ama sa Langit.”

Sa lahat ng pagkakataon, makakatulong na alalahanin ang turo ni Alma na ibinibigay ng Diyos ang Kanyang salita ayon sa pagtutok at pagsisikap na inilalaan natin para dito. Kung pakikinggan natin ang salita ng Diyos, tatanggap tayo ng iba pa; kung babalewalain natin ang Kanyang payo, mas lalong mababawasan ang matatanggap natin hanggang sa mawala na ito nang tuluyan. Ang kawalan ng kaalaman ay hindi nangangahulugan na mali ang katotohanan; sa halip, ipinapakita nito na nawalan tayo ng kakayahang maunawaan ito.

Umasa sa Tagapagligtas

Sa Capernaum, nagturo ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagkatao at misyon. Marami ang nahirapang unawain ang Kanyang mga salita, kaya ipinasiya nilang tumalikod at “hindi na sumama sa kanya.”

Bakit sila nagsilayo?

Dahil hindi nila nagustuhan ang sinabi Niya. Kaya dahil nagtiwala sila sa sarili nilang palagay, lumayo sila at ipinagkait sa kanilang sarili ang mga pagpapalang dumating sana kung nanatili sila.

Madaling pumagitan sa atin at sa walang-hanggang katotohanan ang ating kapalaluan. Kapag may hindi tayo nauunawaan, maaari tayong tumigil sandali, hayaang mapanatag ang ating damdamin, at pagkatapos ay magpasiya kung paano tutugon. Hinimok tayo ng Tagapagligtas na “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” Kapag nagtuon tayo sa Tagapagligtas, magsisimulang daigin ng ating pananampalataya ang ating mga alalahanin.

Tulad ng hinikayat ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na gawin natin: “Mangyaring pagdudahan muna ang inyong mga pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya. Hindi natin dapat hayaang pigilan tayo ng pagdududa at ilayo tayo sa [banal na] pagmamahal, kapayapaan at mga natatanging kaloob na dulot ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”

Dumarating ang mga Pagpapala sa mga Nananatili

Nang lumayo ang mga disipulo sa Tagapagligtas sa araw na iyon, tinanong Niya ang Labindalawa pagkatapos, “Ibig din ba ninyong umalis?”

Sumagot si Pedro:

“Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

“[At] kami’y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang [Anak ng buhay na] Diyos.”

Gayon din ang naging mundo ng mga Apostol, at naharap sila sa impluwensya ng lipunan na tulad ng mga disipulong nagsilayo. Gayunman, sa sandaling ito, pinili nilang manampalataya at nagtiwala sila sa Diyos, kaya naingatan ang mga pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa mga nananatili.

Kung minsan, tulad ko, marahil ay natatagpuan ninyo ang inyong sarili sa magkabilang panig ng desisyong ito. Kapag nahihirapan tayong unawain o tanggapin ang kalooban ng Diyos, nakapapanatag na alalahanin na mahal Niya tayo sinuman tayo, nasaan man tayo sa landas ng pagkadisipulo. At may ibibigay Siya sa atin na mas maganda. Kung lalapit tayo sa Kanya, tutulungan Niya tayo.

Bagama’t maaaring mahirap lumapit sa Kanya, tulad lang ng ama na nagsumamong pagalingin ang kanyang anak na sinabihan ng Tagapagligtas na “lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya.” Sa mga sandali ng ating pakikibaka, maaari din tayong magsumamo, “Tulungan mo ang kawalan [ko] ng pananampalataya.”

Pagsuko ng Ating Kalooban sa Kanya

Itinurong minsan ni Elder Neal A. Maxwell na “ang pagsuko ng kalooban ng isang tao ay ang talagang tanging maiaalay natin sa altar ng Diyos.” Hindi nakapagtatakang masigasig na hinangad ni Haring Benjamin na ang kanyang mga tao ay maging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”

Tulad ng dati, itinakda ng Tagapagligtas ang perpektong halimbawa para sa atin. Naghihinagpis man, at batid ang masakit na gawaing kailangan Niyang gawin, nagpasakop Siya sa kalooban ng Kanyang Ama, tinupad Niya ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at sinimulan ang pangako ng kawalang-hanggan sa inyo at sa akin.

Ang pagpapasiyang isuko ang ating kalooban sa Diyos ay isang pagpapakita ng pananampalataya na nasa puso ng ating pagkadisipulo. Sa paggawa ng pagpapasiyang iyon, natutuklasan natin na hindi nababawasan ang ating kalayaan; sa halip, nadaragdagan ito at nagagantimpalaan ng presensya ng Espiritu Santo, na naghahatid ng layunin, kagalakan, kapayapaan, at pag-asa na hindi natin matatagpuan sa iba pang lugar.

Ilang buwan na ang nakararaan, binisita namin ng isang stake president ang isang sister sa kanyang stake at ang anak nitong binata. Pagkaraang mapalayo sa Simbahan nang maraming taon, na naliligaw mula sa landas ng pagkadisipulo, nagbalik siya. Nang bisitahin namin sila, tinanong namin kung bakit siya nagbalik.

“Nasira ko ang buhay ko,” wika niya, “at alam ko kung saan ako dapat magpunta.”

Pagkatapos ay tinanong ko siya kung ano ang natutuhan niya sa kanyang paglalakbay sa buhay.

Madamdamin niyang ikinuwento na nalaman niya na matagal na niyang kailangang magsimba para matigil ang kanyang gawing hindi magsimba at na kailangan niyang manatili hanggang sa gustuhin niyang doon magpunta. Hindi naging madali ang kanyang pagbalik, ngunit nang manampalataya siya sa plano ng Ama, nadama niya na nagbalik ang Espiritu.

At pagkatapos ay idinagdag niya, “Nalaman ko sa aking sarili na ang Diyos ay mabuti at na mas mainam ang Kanyang mga paraan kaysa akin.”

Pinatototohanan ko ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan, na nagmamahal sa atin; ang Kanyang Anak na si Jesucristo na nagligtas sa atin. Alam nila ang ating mga pasakit at hamon. Hinding-hindi Nila tayo pababayaan at alam na alam Nila kung paano tayo tutulungan. Maaari tayong magalak kapag higit tayong nagtiwala sa Kanila kaysa kanino pa man o ano pa man. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.