10
Hanapin ang Katotohanan
Pambungad
Iniutos sa atin ng Panginoon na “maghangad na matuto, … sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). Ang pagsunod sa paraang ito ay tumutulong sa tao na maging karapat-dapat na matulungan ng Espiritu Santo sa proseso ng pagkatuto. Ngayon, napakarami nang makukuhang impormasyon sa internet—ang ilan ay totoo, ang ilan ay huwad, at ang ilan ay mapanlinlang—tungkol sa doktrina, kasaysayan, at pananaw sa mga isyung panlipunan, kaya lalong mahalaga para sa atin na umasa sa Espiritu Santo upang tulungan tayong malaman ang kaibhan ng katotohanan sa kamalian. Ang malaman kung paano tukuyin at gamitin ang mga angkop na mapagkukunan ng impormasyon ay bahagi ng prosesong ito.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ano ang Katotohanan?” (Church Educational System devotional, Ene. 13, 2013), lds.org/broadcasts.
-
“Gospel Learning,” Gospel Topics, lds.org/topics.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 88:118, 121–26
Isang huwaran para sa pag-aaral
Basahin nang malakas ang sumusunod na paglalarawan sa Paaralan ng mga Propeta na ginanap sa Kirtland, Ohio:
“Noong 1833, ang Propeta at isang grupo ng mga Banal sa Kirtland ay nagkaroon ng kakaibang pagkakataong pag-aralan ang ebanghelyo. Noong Enero ng taong iyon, ayon sa utos ng Panginoon (tingnan sa D at T 88:127–41), itinatag ng Propeta ang Paaralan ng mga Propeta upang sanayin ang mga maytaglay ng priesthood sa kanilang gawain sa ministeryo at ihanda sila sa pangangaral ng ebanghelyo. Ang paaralan ay idinaos sa silid sa pangalawang palapag ng tindahan ni Newel K. Whitney, kung saan nakatira ang Propeta. Mga 25 kalalakihan ang nag-aral doon, ang ilan ay naglakbay ng daan-daang kilometro para sa pribilehiyong makapag-aral ng ebanghelyo sa isang silid na hindi hihigit sa 3.25 metro ang luwang at 4.27 metro ang haba. Kalaunan ay marami sa kalalakihang ito ang naging mga Apostol, Pitumpu, at iba pang mga lider ng Simbahan. Bagaman pana-panahon ay nag-aral ng wika ang Propeta at iba pang kalalakihan, higit nilang pinagtuunan ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo, masigasig na nag-aaral mula sa pagbubukang-liwayway hanggang dapit-hapon. Ang paaralang ito ay nagtagal nang apat na buwan, at ganitong mga paaralan ang kalaunan ay itinatag sa Kirtland at gayundin sa Missouri, na dinaluhan ng daan-daang tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 305-06).
Ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 88 ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga makikibahagi sa Paaralan ng mga Propeta. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:118–7, na inaalam ang huwaran ng pag-aaral na inilarawan ng Panginoon. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maghangad na matuto, … sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya”?
-
Sa anong mga paraan maaaring makadagdag sa kakayahan nating matuto ang pagsunod sa huwarang ito? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante, ngunit tiyakin na malinaw sa kanila na kapag isinama natin ang pananampalataya sa proseso ng pagkatuto, nagiging karapat-dapat tayo sa tulong ng Panginoon.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 88:121–26, na naglalaman ng karagdagang tagubilin ng Panginoon sa Paaralan ng mga Propeta. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga alituntunin na tutulong sa atin na maunawaan kung paano matututo sa pamamagitan ng pananampalataya. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Maaari mong ilista ang mga alituntuning ito sa pisara habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga ito. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ang pariralang “mga alituntunin na nagtuturo kung paano matututo sa pamamagitan ng pananampalataya” sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng mga talatang ito. (Paalala: Ang pagsusulat ng mga tala sa margin ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa mga estudyante na makita at matandaan ang mahahalagang alituntunin nang mas madali.) Kung may oras pa, maaari mong sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang Alma 32:28, 41–43 at Juan 7:17 para sa iba pang karagdagang alituntunin.
-
Paano makatutulong sa atin na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya ang mga alituntuning itinuro sa mga talatang ito? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong bigyang-diin na ang pagsunod sa mga alituntuning ito ay makakatulong sa atin na maging karapat-dapat sa tulong ng Espiritu.)
-
Kapag naging karapat-dapat tayo sa Espiritu ng Panginoon, paano naaapektuhan ng Espiritung ito ang paghahanap natin ng katotohanan?
Doktrina at mga Tipan 91:1–6
Pag-alam sa kaibhan ng katotohanan sa kamalian
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng mundo na mas madali tayong nakakakuha ng maraming impormasyon—ang ilan dito ay totoo, ang ilan ay mali, at karamihan sa mga ito ay bahagyang totoo.
“Bunga nito, ngayon lang sa kasaysayan ng mundo naging mas mahalagang matutuhan kung paano makikilala nang tama ang katotohanan sa kamalian” (“Ano ang Katotohanan?” [Church Educational System devotional, Ene 13, 2013], 3, lds.org/broadcasts).
-
Ano ang maaaring maging kahinatnan kapag hindi natin matututuhang malaman ang kaibahan ng katotohanan sa kamalian?
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:
Ipaliwanag na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 91 ay nagturo kay Joseph Smith na malaman kung totoo ang binabasa niya sa Apocripa. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang heading ng bahagi 91 habang tahimik na sumasabay ang klase. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong na nasa pisara habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 91 sa klase.
Ipaliwanag na ang Apocripa ay koleksyon ng mga sagradong aklat ng mga Judio. Ang mga aklat na ito ay hindi kasama sa Biblia ng mga Hebreo (Lumang Tipan) ngunit isinama sa pagsasalin ng Biblia sa Griyego bago ang panahon ni Cristo. Noong tipunin ng unang mga Kristiyano ang mga aklat ng Biblia pagkalipas ng daan-daang taon, isinama nila ang aklat ng Apocripa bilang apendiks. Itinuturing ng ilang mga relihiyong Kristiyano ang mga aklat ng Apocripa bilang banal na kasulatan, ngunit ang ibang relihiyon ay hindi naniniwala na inspirado ang mga talang ito. Ang kopya ng Biblia na ginamit ni Joseph Smith sa paggawa ng kanyang inspiradong pagsasalin ay naglalaman ng Apocripa. Itinanong ni Joseph sa Panginoon kung dapat isama sa kanyang pagsasalin ng Biblia ang mga aklat na ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 91:1–3 .
-
Ano ang nalaman ni Joseph Smith tungkol sa Apocripa? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang isang interpolasyon ay materyal na isiningit sa isang manuskrito, na nagiging sanhi kung minsan ng pagkasira ng orihinal na teksto.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 91:4–6.
-
Paano makatutulong sa atin ang payo sa mga talata 4–6 na malaman ang katotohanan sa kamalian at masuri ang katumpakan ng binabasa natin? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang Espiritu Santo ay makatutulong sa ating mahiwatigan kung ang mga bagay na nabasa natin ay totoo.)
Ipaliwanag na dahil sa napakaraming impormasyong makukuha sa Internet, kailangang lalo tayong magkaroon ng espirituwal na kaloob na makahiwatig o makaalam (tingnan sa D at T 46:23) para malaman natin kung paano matutukoy ang katotohanan sa kamalian. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa dahilan kung bakit napakahalaga sa ating buhay ng kaloob na makaalam, tingnan sa artikulo ni Elder David A. Bednar na “Mabilis Magmasid,” Ensign o Liahona, Dis. 2006, 31–36.)
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Steven E. Snow ng Pitumpu. Sabihin sa mga estudyante na hanapin sa unang dalawang talata ang payo na ibinigay ni Elder Snow tungkol sa pagsusuri ng mga impormasyon na mababasa natin tungkol sa kasaysayan at mga turo ng Simbahan.
-
Dahil kailangan nating maingat na suriin ang pagiging tumpak ng mga mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa kasaysayan at mga turo ng Simbahan, paano ninyo magagamit ang itinuro ni Elder Snow upang tulungan kayong masuri ang katumpakan ng isang bagay na nabasa ninyo tungkol sa Simbahan?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang pangatlong talata ng pahayag na ito ni Elder Snow. Pagkatapos ay talakayin ang sumusunod na tanong:
-
Paano makatutulong ang payo ni Elder Snow kapag nakakita kayo ng mga impormasyon na maaaring sumalungat sa inyong mga paniniwala?
Ang pananatiling matapat kapag may mga tanong
Ipaliwanag na kung minsan may mga miyembro ng Simbahan na nagtatanong o nagdududa pa nga tungkol sa doktrina, kasaysayan, o pananaw sa mga isyung panlipunan ng Simbahan. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa inyong mga estudyante:
“Natural lamang ang magtanong—ang binhi ng tapat na pagtatanong ay kadalasang sumisibol at lumalagong tulad ng malaking puno ng pang-unawa. May ilang mga miyembro ng Simbahan na, sa anumang pagkakataon, ay hindi nagkaroon ng anumang malalim o sensitibong tanong. Isa sa mga layunin ng Simbahan ang pangalagaan at linangin ang binhi ng pananampalataya—ito man ay nasa lupa ng pagdududa at walang-katiyakan” (“Halina, Sumama sa Amin,“ Ensign o Liahona, Nob. 2013, 23).
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na “Pag-alam sa Kaibhan ng Katotohanan sa Kamalian,” na naglalaman ng mga payo ng mga lider ng Simbahan para sa mga taong may mga katanungan o pag-aalinlangan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga pahayag sa handout at tukuyin ang mga alituntunin na makatutulong sa isang tao na tumugon sa mga tanong o pag-aalinlangan sa matapat na paraan. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano makatutulong ang nabasa nila sa handout sa pagtulong sa isang tao na may tanong o pag-aalinlangan sa doktrina, kasaysayan, o pananaw sa mga isyung panlipunan ng Simbahan.
Sa pagtatapos ng aralin, bigyang-diin na bagama’t may ilang mga tanong na hindi natin mahanapan ng mga sagot sa ating buhay, mahahanap natin ang mga sagot sa ating malalaking katanungan kapag sinusunod natin ang mga utos, pinag-aaralan ang mga angkop na mapagkukunan ng impormasyon—lalo na ang mga salita ng mga buhay na propeta—humihingi ng patnubay sa pamamagitan ng panalangin, at nagtitiis at nananampalataya.
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila na ginagabayan sila ng Panginoon sa paghanap ng katotohanan at mga sagot sa kanilang mga katanungan.
Hikayatin ang mga estudyante na balikan ang mga pahayag sa handout, at sabihin sa kanila na sundin ang payo mula sa lesson na maghangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ano ang Katotohanan?” (Church Educational System devotional, Ene. 13, 2013), lds.org/broadcasts.
-
David A. Bednar, “Mabilis Magmasid” Ensign o Liahona, Dis. 2006, 31-36.