Library
Lesson 7: Ipahayag ang Walang-Hanggang Ebanghelyo


7

Ipahayag ang Walang Hanggang Ebanghelyo

Pambungad

Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag ng Panginoon sa ilang miyembro ng Simbahan, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na nag-uutos sa mga miyembro na ipangaral ang pagsisisi at tipunin ang Kanyang mga hinirang. Mabilis na umunlad ang Simbahan nang tumawag si Propetang Joseph Smith ng mga missionary na naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Ang mga miyembro ng Simbahan ngayon ay tumatanggap ng mga pagpapala mula sa gawaing misyonero kapag tinatanggap at ginagampanan nila ang kanilang responsibilidad na tumulong sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

Mga Babasahin tungkol sa Paksang Ito

  • Neil L. Andersen, “Ito ay isang himala,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 77–80.

  • L. Tom Perry, “Magdala ng mga Kaluluwa sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 109–12.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 29:4–7; 33:2–7

Ang Panginoon ay tumatawag ng mga tagapaglingkod na tutulong na matipon ang kanyang mga anak

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ang gawaing misyonero ang lakas na nagbibigay-buhay sa Simbahan. Ito ang pangunahing paraan na nagpapaunlad dito. Ang paglilingkod na ito ang dahilan kaya naabot ng Simbahan ang kasalukuyang dami ng mga miyembro nito” (“Missionary Service,” First Worldwide Leadership Training Meeting, Ene. 11, 2003, 17).

  • Sa inyong palagay, sa anong mga paraan maituturing na “lakas na nagbibigay-buhay sa Simbahan” ang gawaing misyonero?

Ipaliwanag na sa mga unang araw ng Panunumbalik, madalas hilingin ng mga tao sa propeta na humingi ng paghahayag para sa kanila upang malaman nila kung paano sila makatutulong sa gawain ng Panginoon. Kung minsan ang mga paghahayag na ito ay para sa isang indibidwal at kung minsan ay para sa maraming tao. Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 33 ay isang halimbawa ng isang paghahayag na natanggap para sa dalawang tao: sina Ezra Thayer (o Thayre) at Northrop Sweet.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 33:2–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga salita, parirala, o simbolo na ginamit ng Panginoon na angkop sa ating tungkulin sa gawaing misyonero at nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagpapahayag ng ebanghelyo sa mga huling araw.

  • Anong mga simbolo ang ginamit ng Panginoon? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.)

  • Paano inilalarawan ng mga simbolong ito ang ating tungkulin sa gawaing misyonero at nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagpapahayag ng ebanghelyo?

Sabihin sa mga estudyante na masusing pag-aralan ang talata 6 at tukuyin ang naisasakatuparan kapag ipinahahayag natin ang ebanghelyo sa iba. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na gamitin ang kanilang sariling mga salita upang ipaliwanag ang kanilang nalaman. (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag ipinahayag natin sa iba ang ebanghelyo ni Jesucristo, tumutulong tayo sa pagtitipon ng mga hinirang ng Panginoon. Maaari mong ikuwento na matapos ang paghahayag na ito, “pinuno ni [Ezra Thayer] ang kanyang kamalig” ng mga tao na makikinig sa pangangaral ni Joseph Smith at ng iba pa ng ebanghelyo [Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers (2013), 206].)

Ibahagi sa mga estudyante ang sumusunod na kahulugan ng pagtitipon ng Israel mula sa pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang pagtitipon ng Israel ay nangyayari sa paniniwala at pagtanggap at pamumuhay ayon sa lahat ng ibinigay noon ng Panginoon sa kanyang mga piniling tao. … Ito ay binubuo ng mga paniniwala sa ebanghelyo, pagsapi sa Simbahan, at paglapit sa kaharian” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 515).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento tungkol sa ilan sa mga unang missionary na tinawag matapos itatag ang Simbahan. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano nagtagumpay ang mga unang misyonerong ito sa pagtipon sa mga hinirang ng Panginoon.

“[Noong taglagas ng 1830], inihayag ng Panginoon kina Joseph Smith na sina Oliver Cowdery, Peter Whitmer Jr., Parley P. Pratt, at Ziba Peterson ay ‘magtungo sa mga Lamanita at mangaral ng aking ebanghelyo sa kanila’ (D at T 28: 8; 30:5–6; 32:1–3). Naglakbay ng mga 2,400 kilometro ang mga misyonerong ito, habang nangangaral nang kaunti sa iba’t ibang tribo ng mga Indian. … Gayunman, ang pinakamalaking tagumpay ng mga misyonero ay nangyari nang tumigil sila sa pook ng Kirtland, Ohio. Doon ay nakapagbinyag sila ng mga 130 tao, na karamihan ay mga miyembro ng Reformed Baptist ni Sidney Rigdon, kaya nabuksan ang lugar na pagtitipunan ng daan-daang miyembro ng Simbahan nang sumunod na taon. Nakapagbinyag din ang mga misyonero ng ilang naninirahan sa Jackson County, Missouri, kung saan itatatag kalaunan ang lungsod ng Sion” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 174; tingnan din sa Richard Dilworth Rust, “A Mission to the Lamanites: D at T 28, 30, 32,” Revelations in Context series, Peb. 22, 2013, history.lds.org).

Ipaliwanag na dahil sa mga pagbibinyag na ito sa hilagang Ohio, hindi lamang nadoble ang dami ng mga miyembro ng Simbahan nang panahong iyon.

Ipabasa nang tahimik sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 29: 4–7, na inaalam ang paliwanag tungkol sa “mga hinirang ng Panginoon.”

  • Paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang hinirang?

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang gawain ng mga unang misyonero sa labas ng North America ay kakikitaan ng halimbawa ng nakaaantig na paraan ng paggamit ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod upang tipunin ang kanyang mga hinirang. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pakinggan ang payo ni Propetang Joseph Smith kay Elder Heber C. Kimball (1801–1868).

“Pag-alaala ni Heber C. Kimball, miyembro ng Korum ng Labindalawa: ‘Bandang unang araw ng Hunyo 1837, nagpunta sa akin si Propetang Joseph, habang nakaupo ako sa … Templo, sa Kirtland, at bumulong sa akin, at nagsabi, ‘[Brother] Heber, ang Espiritu ng Panginoon ay bumulong sa akin, ‘Papuntahin ang aking tagapaglingkod na si Heber sa [England] at ipahayag ang aking ebanghelyo at buksan ang pintuan ng kaligtasan sa bansang iyon.’”’ Nalula si Elder Kimball sa bigat ng gayong tungkulin: “Ipinalagay ko na isa ako sa pinakamahihinang tagapaglingkod ng Diyos. Tinanong ko si Joseph kung ano ang dapat kong sabihin pagdating ko roon; sabi niya’y lumapit ako sa Panginoon at gagabayan Niya ako, at magsasalita Siya sa pamamagitan ko sa espiritu ring yaon na [pumatnubay] sa kanya.’

“[Tinawag din] ng Propeta sina Orson Hyde, Willard Richards, at Joseph Fielding [na nasa] Kirtland, at sina Isaac Russell, John Snyder, at John Goodson [na nasa] Toronto, Canada. Sasama ang mga kalalakihang ito kay Elder Kimball sa kanyang misyon sa England. Nagkita sila sa New York City, at naglayag sakay ng barkong Garrick papuntang Great Britain noong Hulyo 1, 1837. Sa unang misyong ito sa labas ng North America mga 2,000 ang nagpabinyag sa Simbahan sa unang taon ng mga misyonero sa England. Galak na sumulat si Elder Kimball sa Propeta: ‘Luwalhati sa Diyos, Joseph, pinapatnubayan kami ng Panginoon sa lahat ng bansa!’

“Pinamahalaan ng Propeta mula sa Nauvoo ang ikalawang misyon ng mga apostol sa Britain, kasama ang karamihan ng mga miyembro ng Labindalawa sa ilalim ng pamumuno ni Brigham Young. Pag-alis nila noong taglagas ng 1839, dumating ang Labindalawa sa England noong 1840. Doo’y nagsimula silang magturo at pagsapit ng 1841 mahigit 6,000 ang nagpabinyag sa Simbahan (Mga Turo: Joseph Smith, 383, 385).

  • Anong payo ang tinanggap ni Heber C. Kimball mula kay Propetang Joseph Smith?

  • Ilarawan ang isang pagkakataon na naranasan ninyo ang tulong ng Panginoon sa mga pagsisikap ninyong ibahagi ang ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 4:1–7; 18:10–16; 31:1–12; 34:5–6; 39:20–23; 88:81

Ang mga taong nabalaan ay dapat balaan ang kanilang kapwa

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan ay paulit-ulit na nagpapaalala sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa mga responsibilidad at pagpapala ng pakikibahagi sa gawaing misyonero. Ang ating responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo sa iba ay isang paulit-ulit na huwaran at tema sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan. Ang matutuhang matukoy ang mga huwaran at mga tema ay nagbibigay-daan sa mambabasa na mas magpakabusog sa mga salita ni Cristo (tingnan sa David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” [Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007], speeches.byu.edu).

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Doktrina at mga Tipan 88: 81 at pagkatapos ay ibuod sa sarili nilang mga salita kung paano ito naaangkop sa mga kasalukuyang miyembro ng Simbahan. (Ang isang sagot na maaaring maibigay ng mga estudyante ay lahat ng mga tumanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo ay may tungkuling ibahagi ito sa iba.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag o isulat ito sa pisara. Hatiin ang klase sa tatlong grupo, at mag-assign sa bawat grupo ng isa sa mga sumusunod na scripture reference. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang naka-assign na mga talata sa kanila at hanapin ang mga responsibilidad at ipinangakong mga pagpapala na nagmumula sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

Mga responsibilidad

Basbas, pagpapala

Doktrina at mga Tipan 4:1–7

Doktrina at mga Tipan 18:10–16

Doktrina at mga Tipan 31:1–12

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang nalaman nila.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na pakinggan ang paliwanag ni Elder Bednar sa ating indibiduwal na responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo.

Elder David A. Bednar

“Ang matatapat na disipulo ni Jesucristo ay magigiting na missionary noon pa man at magpakailanman. Ang missionary ay isang alagad ni Cristo na nagpapatotoo na Siya ang Manunubos at nagpapahayag ng mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo.

“Ang Simbahan ni Jesucristo ay isang simbahang may mga missionary noon pa man at magpakailanman. Tinanggap ng bawat miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas ang sagradong obligasyon na tumulong sa pagtupad ng banal na tungkuling ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol, tulad ng nakatala sa Bagong Tipan:

“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:

“‘Ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at, narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan. Amen’ (Mateo 28:19–20).

“Taimtim na ginagampanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang responsibilidad na ito na turuan ang lahat ng tao sa lahat ng bansa tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. …

“Tunay ngang isang dakilang responsibilidad na dalhin ang mensaheng ito sa bawat bansa, lahi, wika, at tao” (“Magsiparito Kayo, at Inyong Makikita,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 107).

  • Bakit dapat ituring ng mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas ang gawaing misyonero bilang isang sagradong obligasyon?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung bakit gusto nilang maging mas masigasig sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

Elder L. Tom Perry

“Ang ebanghelyo ay nakasentro sa Pagbabayad-sala ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Ang Pagbabayad-sala ay nagbibigay ng kapangyarihan na mahugasan ang mga kasalanan, magpagaling, at magkaloob ng buhay na walang hanggan. Ang lahat ng hindi matutumbasang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ay maibibigay lamang sa mga taong ipinamumuhay ang mga alituntunin at tinatanggap ang mga ordenansa ng ebanghelyo—pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Ang ating dakilang mensahe bilang misyonero sa sanlibutan ay lahat ng tao ay inaanyayahang masagip at pumasok sa kawan ng Mabuting Pastol, na si Jesucristo.

“Ang ating mensahe bilang misyonero ay napalalakas ng kaalaman tungkol sa Panunumbalik. Alam natin na ang Diyos ay nangungusap sa Kanyang mga propeta ngayon, tulad ng ginawa Niya noong unang panahon. Alam din natin na ang Kanyang ebanghelyo ay pinangangasiwaan sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng ipinanumbalik na priesthood. Wala nang iba pang mensahe na may gayong walang-hanggang kahalagahan sa bawat taong nabubuhay sa mundo ngayon” (“Magdala ng mga Kaluluwa sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 110–11).

  • Sa palagay ninyo bakit dapat mas maging masigasig ang bawat isa sa atin sa pagbabahagi ng ebanghelyo? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod: Kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo sa iba, naipapaalam natin sa kanila ang mga pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 34: 5–6; 39:20–23, na inaalam ang isa pang mahalagang dahilan kung bakit iniutos sa atin ng Panginoon na ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa iba. (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag ibinahagi natin ang mensahe ng ebanghelyo sa iba, tinutulungan natin silang maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)

  • Paano nakahihikayat sa inyo ang pag-unawa sa walang hanggang kahalagahan ng ebanghelyo na ibahagi ang mga ito sa mga hindi natin kamiyembro?

  • Ilarawan ang mga naging karanasan ninyo sa pagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo sa iba.

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-isipang mabuti at isulat kung ano ang magagawa nila para makibahagi sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Halimbawa, maaari nilang isulat ang pangalan ng isang taong kilala nila na hindi kasalukuyang miyembro ng Simbahan at mangakong ibabahagi ang ebanghelyo sa taong iyon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang plano nilang gawin. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang mga impresyon na natanggap nila at ipagdasal araw-araw ang pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Mga Babasahin ng mga Estudyante