26
Ang Paghahayag Tungkol sa Priesthood
Noong ika-20 siglo, nang lumaganap ang gawaing misyonero sa buong mundo, ipinagdasal ng mga lider ng Simbahan na gabayan sila tungkol sa mga restriksyon sa ordenasyon sa priesthood at mga ordenansa sa templo para sa mga miyembro ng Simbahan na may lahing Aprikano. Isang malinaw na paghahayag ang natanggap ng Pangulo ng Simbahan na si Spencer W. Kimball, kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Salt Lake Temple noong Hunyo 1, 1978. Sa pakikibahagi ng mga estudyante sa lesson na ito ay mas mauunawaan nila kung paano matapat na tugunan ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo at malalaman din ang mga sitwasyon at katotohanang may kinalaman sa malinaw na paghahayag na ito.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Gordon B. Hinckley, “Priesthood Restoration,” Ensign, Okt. 1988, 69–72.
-
“Race and the Priesthood,” Gospel Topics, lds.org/topics.
-
Ahmad Corbitt, “A Personal Essay on Race and the Priesthood,” parts 1–4, Perspectives on Church History series, history.lds.org/section/perspectives-on-church-history.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Pambungad sa Opisyal na Pahayag 2
Matapat na pagtugon sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo
Ilahad ang sumusunod na sitwasyon sa klase mo:
Pagkatapos ng klase isang araw, nilapitan si Scott ng isa pang miyembro ng Simbahan na kamakailan lamang ay nagkaroon ng ilang tanong tungkol sa doktrina ng Simbahan. Nadama ni Scott na nakapagbigay siya ng tulong sa kanyang kaibigan kahit paano, pero pagkatapos ay inisip niya na kung ano ang iba pa niyang magagawa sakaling kausapin siya ng isang miyembro ng Simbahan sa gayunding sitwasyon.
Itanong sa mga estudyante kung ano na ang mga nagawa nila para matulungan ang mga miyembro ng Simbahan na matapat na nagtatanong sa kanila tungkol sa Simbahan o sa mga doktrina nito.
Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Sa pagtatanong nagsisimula ang patotoo. Maaaring nahihiya ang ilan o nadarama nilang hindi sila karapat-dapat dahil nagdududa sila tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi nila dapat madama iyon. Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; simula iyon ng pag-unlad.
“Iniutos sa atin ng Diyos na maghanap ng mga sagot sa ating mga tanong at sinasabi sa atin na dapat maghanap ‘nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo’ [Moroni 10:4]. Kapag ginawa natin ito, ang katotohanan ng lahat ng mga bagay ay ipapakita sa atin ‘sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo’ [Moroni 10:5].
“Huwag matakot magtanong. Mag-usisa, ngunit huwag magduda! Laging higpitan ang kapit sa pananampalataya at liwanag na natanggap na ninyo” (“The Reflection in the Water” [Church Educational System fireside for young adults, Nob. 1, 2009], 7, ldschurchnewsarchive.com).
-
Ano ang itinuro sa atin ni Pangulong Uchtdorf na makatutulong sa isang taong may mga tanong tungkol sa doktrina, kasaysayan, o sa mga isyung panglipunan tungkol sa Simbahan? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sumusunod na alituntunin: Kung magpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo, ang matatapat na tanong ay makatatanggap kalaunan ng mga sagot mula sa ating Ama sa Langit.)
Ipaliwanag na isa sa mga isyu sa kasaysayan na hinahanapan ng sagot ng ilang miyembro ng Simbahan ay nag-ugat sa isang patakaran ng Simbahan na ipinatupad noong kalagitnaan ng 1800s hanggang 1978 na naghihigpit sa mga lalaking may lahing Aprikano na maorden sa priesthood. Ipinagbabawal din nito ang pakikibahagi ng mga itim na kababaihan at kalalakihan sa endowment sa templo o sa mga seremonya ng pagbubuklod. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, na bahagi ng pambungad sa Opisyal na Pahayag 2 (matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan). Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano makatutulong ang impormasyong ito sa may mga tanong tungkol sa isyung ito sa kasaysayan.
“Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ‘pantay-pantay ang lahat sa Diyos,’ kabilang na ang mga ‘maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae’ (2 Nephi 26: 33). Sa buong kasaysayan ng Simbahan, ang mga tao sa bawat lipi at etniko sa maraming bansa ay nabinyagan at namuhay bilang matatapat na miyembro ng Simbahan. Noong nabubuhay pa si Joseph Smith, may ilang itim na miyembro ng Simbahan ang naorden sa priesthood. Sa mga unang taon ng kasaysayan ng Simbahan, itinigil ng mga miyembro ng Simbahan ang pagkakaloob ng priesthood sa mga lalaking itim na may lahing Aprikano. Walang tala ang Simbahan na nagbibigay ng malinaw na pagkaunawa tungkol sa pinagmulan ng gawaing ito” (pambungad sa Opisyal na Pahayag 2).
-
Anong mahahalagang katotohanan ang nilalalaman ng pahayag na ito para sa mga nahihirapan tungkol sa isyung ito?
Bigyang-diin ang bahaging nagsasaad na, “Ang Simbahan ay walang malinaw na pagkaunawa.” Bagama’t may ilang tao na nagsasabi ng mga dahilan kung bakit may panahong ang mga lalaking may lahing Aprikano ay hindi inorden sa priesthood, maaaring hindi tumpak ang mga dahilang iyon. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kung magbabasa kayo ng mga banal na kasulatan na iniisip ang tanong na ito, ‘Bakit iniutos ng Panginoon ito o bakit niya iniutos iyon,’ makikita ninyo na halos wala pa sa isang porsiyento ng mga utos ang binigyan ng anumang dahilan. Hindi pamantayan ng Panginoon ang magbigay ng mga dahilan. Tayong [mga tao] ang nagbibigay ng mga dahilan sa paghahayag. Maaari tayong magbigay ng mga dahilan sa mga kautusan. Kapag ginawa natin iyan, sarili lang nating dahilan iyan. May ilang tao na nagbibigay ng mga dahilan ng pinag-uusapan natin dito [lahi at ang priesthood], at napapatunayang mali ang mga ito. …
“… Huwag nating gawin ang pagkakamaling nagawa noon, dito at sa ibang lugar, na tinatangkang ipaliwanag ang paghahayag. Ang mga paliwanag na ito ay halos gawa-gawa lamang ng mga tao” (Life’s Lessons Learned [2011], 68–69).
-
Bakit makabubuting iwasan ang mga haka-haka kung bakit hindi binigyan ang mga tao na may lahing Aprikano ng priesthood o pahintulot na makatanggap ng mga ordenansa sa templo bago ang taong 1978? (Nagsasalita ang mga tao mula sa limitadong pananaw, at hindi sinabi sa atin ng Diyos ang mga dahilan.)
Bigyang-diin na ngayon, tinutulan ng Simbahan ang mga teoriyang ipinalaganap sa isyung ito: ang itim na balat ay tanda ng galit o sumpa ng langit; ang itim na balat ay nagpapakita ng masamang pag-uugali sa premortal na buhay; ang pagpapakasal ng magkaiba ang lahi ay kasalanan; o ang mga itim na tao ng kahit anong lahi o etniko ay mas mababa kaysa sa sinupaman. Ang mga lider ng Simbahan ngayon ay maliwanag na tumutuligsa sa rasismo, noon at sa kasalukuyan, sa anumang uri nito. (Tingnan sa “Race and the Priesthood,” Gospel Topics, lds.org/topics.)
-
Paano matutulungan ng pananampalataya ng mga tao kay Jesucristo na malutas ang kanilang mga tanong o alalahanin tungkol sa restriksyon sa priesthood na ipinatupad bago ang taong 1978?
Opisyal na Pahayag 2
Ang mga pagpapala ng Priesthood at templo ay ibinigay sa bawat karapat-dapat na miyembro ng Simbahan
Ipaliwanag na bago ang taong 1978, nalaman ng libu-libong katao na may lahing Aprikano sa iba’t ibang bansa ang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang mga lider ng Simbahan sa Salt Lake City ay nakatanggap ng maraming sulat mula sa mga hindi pa nabinyagang convert sa Nigeria at Ghana na humihiling na mapadalhan sila ng mga missionary sa Africa. Sa loob ng maraming taon, mapanalanging pinag-isipan ng mga lider ng Simbahan ang bagay na ito ngunit nadamang hindi pa panahon para magpadala ng mga missionary sa Africa. Sa Brazil, tumulong ang matatapat na itim na miyembro na maitayo ang São Paulo Temple, na ibinalita noong 1975, kahit alam nilang hindi sila makakapasok sa templo.
Sabihin sa mga estudyante na ang Opisyal na Pahayag 2 ay naglalaman ng opisyal na pagpapabatid ng isang paghahayag na natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball, kanyang mga Tagapayo sa Unang Panguluhan, at sampung miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang paghahayag na ito ay natanggap noong Hunyo 1, 1978. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata sa ilalim ng “Mga Minamahal na Kapatid.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng mga lider ng Simbahan na kanilang nasaksihan.
-
Ano ang nasaksihan ng mga lider ng Simbahan sa buong mundo?
-
Ano ang nakapagbigay ng inspirasyon sa mga lider ng Simbahan nang masaksihan nila ang paglawak ng gawain ng Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang kasunod na talata, na nagsisimula sa mga salitang “Batid ang mga pangako.” Sabihin sa klase na alamin kung paano kumilos ang mga lider ng Simbahan sa kanilang may inspirasyong hangarin. Itanong:
-
Paano kumilos si Pangulong Spencer W. Kimball at ang iba pang mga lider ng Simbahan ayon sa kanilang may inspirasyong hangarin?
-
Ayon sa mga unang tatlong linya ng talatang ito, ano ang alam ng mga pinuno ng Simbahan tungkol sa pagkakait o restriksyon sa priesthood? (Alam nila na darating ang panahon na ang lahat ng karapat-dapat na kalalakihan ay magkakaroon ng oportunidad na tumanggap ng priesthood.)
Ipaliwanag na maraming taon bago ang taong 1978, batid na kailangan ang paghahayag para magkaroon ng pagbabago, tinalakay ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang restriksyon sa priesthood at ipinagdasal ito. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Araw-araw akong pumupuntang mag-isa sa mga silid sa itaas ng templo nang may lubos na kataimtiman, at iniaalay ko roon ang aking kaluluwa at iniaalay ang aking mga pagpupunyagi na maisulong ito. Nais kong gawin ang nais Niya. Nakipag-usap ako sa kanya tungkol dito at nagsabing, ‘Panginoon, ang nais ko lamang ay ang tama. Hindi kami nagpaplano ng anuman upang maging kagila-gilalas sa pag-unlad. Ang hangad lang po namin ay ang bagay na nais ninyo, at nais namin iyon kung nais po ninyo, at hindi kung kailan namin gusto’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 283).
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga salita ni Pangulong Kimball tungkol sa mga paraan ng paghiling ng mga propeta ng paghahayag? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inaalam ng mga propeta ang kagustuhan ng Panginoon sa pamamahala sa Simbahan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumunod na dalawang talata sa Opisyal na Pahayag 2, simula sa “Kanyang dininig ang aming mga panalangin.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinugon ng Panginoon sa mga panalangin ni Pangulong Kimball, kanyang mga Tagapayo, at ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
-
Ano ang sagot ng Panginoon sa mga panalangin ng Kanyang propeta? (Bigyang-diin ang mensahe ng Panginoon na natanggap sa paghahayag na ito: Ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tinanggap ang paghahayag na nakatala sa Opisyal na Pahayag 2, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), na nasa templo noong araw na matanggap ang paghahayag:
“Nagkaroon ng isang sagrado at pinabanal na kapaligiran sa silid. Para sa akin, parang isang lagusan ang nagbukas sa pagitan ng luklukan ng langit at ng nakaluhod, nagsusumamong propeta ng Diyos na sinamahan ng kanyang mga Kapatid. Naroon ang Espiritu ng Diyos. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay dumating ang katiyakan sa propetang iyon na tama ang bagay na ipinagdasal niya, na dumating na ang tamang panahon, at ngayon ang mga kamangha-manghang pagpapala ng priesthood ay dapat igawad sa karapat-dapat na tao anuman ang lahi nito. …
“Alam naming lahat na dumating na ang panahon para sa pagbabago at ang desisyong iyon ay nagmula sa kalangitan. Malinaw ang sagot. Nagkaroon ng ganap na pagkakaisa sa amin sa aming karanasan at sa aming kaalaman” (“Priesthood Restoration,” Ensign, Okt. 1988, 70).
Ipaliwanag na pagkatapos matanggap ang paghahayag na nag-aalis ng restriksyon sa priesthood, nagpadala na ng mga missionary sa Africa. Nagtayo ng mga templo sa kontinenteng iyon, daan-daang stake ang inorganisa, at libu-libong tao ang nakatanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang sarili at para sa yumao nilang mga ninuno. (Tingnan, halimbawa, “Mormons in Africa: A Bright Land of Hope,” mormonnewsroom.org; “Emerging with Faith in Africa,” parts 1–3, lds.org/prophets-and-apostles/unto-all-the-world.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Sa lahat ng kontinente at isla sa karagatan, ang matatapat ay tinitipon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga pagkakaiba sa kultura, wika, kasarian, at mukha ay nawawalan ng kabuluhan kapag kinalimutan ng mga miyembro ang kanilang sarili at naglingkod sa kanilang pinakamamahal na Tagapagligtas. Ang pahayag ni Pablo ay natutupad na: ‘Sapagka’t ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
“‘Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka’t kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus’ [Mga Taga Galacia 3:27–28].
“Tanging pag-unawa lamang sa tunay na Pagkaama ng Diyos ang magdudulot ng lubos na pagpapahalaga sa tunay na kapatiran ng tao. Ang pang-unawang iyan ay nagbibigay-inspirasyon sa hangaring magkaisa sa halip na maghiwa-hiwalay” (“Teach Us Tolerance and Love,” Ensign, Mayo 1994, 70).
-
Paano tayo inihahanda ng ebanghelyo na maging kaisa ng mga taong may iba’t ibang pinagmulan?
-
Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa mga miyembro ng Simbahan na iba’t iba ang pinagmulan ngunit magkasamang umuunlad sa pagkakaisa at pagtutulungan?
Bilang pagwawakas, sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang isasagot nila kung itanong sa kanila kung bakit may panahong hindi inorden sa Priesthood ang mga kalalakihang may lahing Aprikano. Sabihin na nararapat na ipaliwanag sa iba na hindi natin alam ang dahilan kung bakit nagsimula ang restriksyon sa priesthood at ang dapat nating ibahagi at patotohanan ay ang mga katotohanang alam natin.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
“Race and the Priesthood,” Gospel Topics, lds.org/topics.
-
Ahmad Corbitt, “A Personal Essay on Race and the Priesthood,” parts 1–4, Perspectives on Church History series, history.lds.org/section/perspectives-on-church-history.