Library
Lesson 24: Pag-alis sa Nauvoo at ang Paglalakbay Pakanluran


24

Pag-alis sa Nauvoo at ang Paglalakbay Pakanluran

Sa ilalim ng inspiradong pamumuno ni Brigham Young, natapos ng mga Banal ang pagtatayo ng Nauvoo Temple, kung saan gumawa sila ng mga sagradong tipan bago nila sinimulan ang napakahirap na paglalakbay patungo sa kanilang bagong tahanan sa Rocky Mountains. Ang mga tipang ito sa templo ang nagbigay ng lakas at inspirasyon sa mga Banal nang dumanas sila ng mga paghihirap habang naglalakbay. Bilang mga tagapagmana ng pamana ng matatapat na Banal na ito, matututo tayo mula sa kanilang mga halimbawa at ihahanda ang daan para sa iba upang matamasa nila ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Gordon B. Hinckley, “True to the Faith,” Ensign, Mayo 1997, 65–67.

  • M. Russell Ballard, “You Have Nothing to Fear from the Journey,” Ensign, Mayo 1997, 59–61.

  • Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 302–14, 329–36.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Pagtapos ng Paggawa sa Nauvoo Temple

Nauvoo Temple
Nauvoo Illinois Temple

Magdispley ng larawan ng orihinal na Nauvoo Temple, o gumamit ng larawan ng bagong Nauvoo Illinois Temple (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 118). Sabihin sa mga estudyante na matapos lisanin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Nauvoo, ang templong kanilang itinayo ay nilamon ng apoy noong 1848 at halos ganap na napatag ng buhawi noong 1850. Pagkalipas ng mga 150 taon, isang bagong templo na kamukhang-kamukha ng orihinal ang itinayo at inilaan noong Hunyo 2002.

Ipaliwanag na matapos ang pagkakamartir kay Joseph Smith, nagsipagtrabaho ang mga Banal sa ilalim ng pamamahala ng Korum ng Korum ng Labindalawang Apostol upang mabilis na matapos ang Nauvoo Temple. Ipakita ang mga sumusunod na pahayag at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na pansinin ang mga sakripisyong ginawa ng mga Banal para itayo ang Nauvoo Temple:

“Mahigit sa 1,000 kalalakihan ang nag-alay ng paggawa sa bawat ikasampung araw nila. Humanga si Louisa Decker, isang batang babae, sa kanyang ina nang ipinagbili nito ang mga pinggang porselana at magandang kobrekama upang maging ambag niya sa templo. Nagbigay ang ibang mga Banal sa mga Huling Araw ng mga kabayo, bagon, baka, karne ng baboy, at butil upang makatulong sa pagtatayo ng templo. Ang kababaihan sa Nauvoo ay hinilingang mag-ambag ng kanilang mga kusing at sentimo para sa pondo ng templo” (Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [1996], 71).

Ibinigay ni Elizabeth Terry Kirby Heward ang tanging pag-aaring mayroon siya—ang relo ng kanyang asawa, na pumanaw kamakailan. “Ibinigay ko ito para sa Nauvoo Temple at lahat ng iba pa na maibibigay ko at ang tanging natitirang dolyares ko, na nang pagsama-samahin ay umabot nang halos $50” (sinipi sa Carol Cornwall Madsen, In Their Own Words: Women and the Story of Nauvoo [1994], 180).

Ipaliwanag na dahil sa tumitinding pag-uusig sa mga Banal at mga banta mula sa mga kaaway ng Simbahan, ibinalita ng mga lider ng Simbahan noong September 24, 1845, na lilisanin ng mga Banal ang Nauvoo sa susunod na tagsibol. Itanong sa mga estudyante:

  • Sa palagay ninyo ano kaya ang epekto ng pasiyang lisanin ang Nauvoo sa mga ginawang pagsisikap ng mga Banal na maitayo ang templo?

Ipaliwanag sa mga estudyante na kahit alam ng mga Banal na kailangan nilang lisanin ang Illinois, lalo pa nilang dinagdagan ang pagsisikap nila na itayo ang templo bago sila umalis. Ang mga silid sa templo ay inilaan nang matapos na ang mga ito upang makapagsagawa ng mga ordenansa hangga’t maaga. Bago siya namatay, pinangasiwaan ni Propetang Joseph Smith ang seremonya ng endowment sa templo sa isang maliit na grupo ng kalalakihan at kababaihan. Noong Disyembre 10, 1845, nagsimulang pangasiwaan ng kalalakihan at kababaihang ito ang mga ordenansa sa templo para sa iba pang mga miyembro sa mga inilaan na silid sa templo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na dalawang talata, na naglalarawan sa pagsisikap ng mga Banal at ng kanilang mga lider na matiyak na mas maraming tao hangga’t maaari ang makatanggap ng mga ordenansa sa templo bago lisanin ang Nauvoo:

Mula 1844 hanggang 1846, ginawang prayoridad ni Pangulong Brigham Young at ng Labindalawang Apostol ang pagtapos sa Nauvoo Temple. Ang mga endowment at pagbubuklod ay isinasagawa roon bago pa man natapos ang pagtatayo. Itinala ni Brigham Young (1801–77): “Gayon na lamang ang pananabik na ipinakita ng mga Banal na makatanggap ng mga ordenansa [ng Templo], at gayon na lamang ang pananabik namin na mangasiwa sa kanila; kaya’t inilaan ko na ang aking sarili sa gawain ng Panginoon sa Templo gabi at araw, karaniwan, hindi natutulog nang higit pa sa apat na oras, bawat araw, at umuuwi minsan isang linggo” (sa History of the Church, 7:567).

Bukod pa sa mga lalaking nagtrabaho sa templo, “tatlumpu’t anim na kababaihan ang naging mga ordinance worker sa Nauvoo Temple, at nagtrabaho buong magdamag noong taglamig ng 1845–46 para mapangasiwaan ang mga ordenansa sa mas maraming tao hangga’t maaari bago ang paglalakbay. ‘Nagtrabaho ako sa templo araw-araw nang walang tigil hanggang sa isara ito,’ paggunita ni Elizabeth Ann Whitney, isa sa tatlumpu‘t anim. ‘Ibinigay ko ang aking sarili, oras at atensyon sa misyong iyon.’ Maraming iba pang kababaihan ang naglaba ng mga damit at naghanda ng pagkain na nakatulong nang malaki sa kamangha-manghang gawaing iyon” (Carol Cornwall Madsen, “Faith and Community: Women of Nauvoo,” sa Joseph Smith: The Prophet, The Man, ed. Susan Easton Black and Charles D. Tate Jr. [1993], 233–34).

Ipaliwanag na sa pagitan ng Disyembre 10, 1845 at Pebrero 7, 1846—ang petsa nang simulan ng mga Banal ang paglisan para sa kanilang paglalakbay pakanluran—mga 5,615 Banal ang tumanggap ng ordenansa ng endowment sa Nauvoo Temple at maraming pamilya ang ibinuklod doon.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga sakripisyo ng mga Banal upang matapos ang templo, kahit na alam nila na di-magtatagal ay lilisanin nila ang Nauvoo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang iba‘t ibang mga alituntunin, tulad ng sumusunod: Ang pagtanggap ng mga ordenansa sa templo ay karapat-dapat sa lahat ng ating matwid na pagsisikap at pagsasakripisyo. Maaari mong isulat ito sa pisara para mabigyang-diin.)

  • Sa palagay ninyo sa anong mga paraan kaya naihanda ng pagtanggap ng mga ordenansa sa templo ang mga lumisan sa Nauvoo para sa kanilang paglalakbay nang mahigit isang libong milya upang makahanap ng kanlungan sa kanlurang Estados Unidos?

Upang masagot ang tanong na ito, ipakita ang sumusunod na pahayag nina Sister Sarah Rich at Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, at basahin nang malakas sa isang estudyante:

Sarah Rich

“Kung hindi sa pananampalataya at kaalamang ipinagkaloob sa amin ng inspirasyon at tulong ng Espiritu ng Panginoon sa templong iyon, ang paglalakbay namin marahil ay parang paghakbang ng isang tao sa kadiliman” (Sarah Rich, sinipi sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 36).

Elder Robert D. Hales

“Ang ating mga ninunong pioneer ay magkakasamang nabuklod bilang mga pamilya sa Nauvoo. Ang kanilang mga tipan sa Panginoon sa Nauvoo Temple ay naging proteksyon sa kanila sa paglalakbay nila pakanluran, gaya rin sa bawat isa sa atin ngayon at habang tayo ay nabubuhay. …

“Para sa mga Banal noong araw, ang kanilang pakikibahagi sa mga ordenansa ng templo ay naging mahalaga sa kanilang patotoo nang maharap sila sa mga paghihirap, sa galit na mga mandurumog, nang paalisin sila sa kanilang komportableng mga tahanan sa Nauvoo, at sa mahaba at mahirap na paglalakbay nila kalaunan. Pinagkalooban sila ng kapangyarihan sa banal na templo. Ang mag-asawa ay ibinuklod sa isa’t isa. Ang mga anak ay ibinuklod sa kanilang mga magulang. Marami ang namatayan ng mga kapamilya habang naglalakbay, ngunit alam nila na hindi iyon ang wakas nila. Sila ay ibinuklod sa templo para sa buong kawalang-hanggan” (Robert D. Hales, “Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Peb. 2014, 52).

Itanong sa mga estudyante:

  • Ano ang naging epekto ng pagtanggap ng mga ordenansa ng templo sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw na napilitang gumawa ng mahabang paglalakbay pakanluran? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga sagot, tulungan sila na maunawaan ang sumusunod na alituntunin: Ang mga ordenansa sa templo na ay nagbibigay sa atin ng proteksyon at lakas kapag nahaharap tayo sa mga panahon ng paghihirap at pagsubok.)

  • Paano kayo o ang mga kakilala ninyo pinangalagaan at pinalakas ng pagsamba sa templo sa panahon ng mga pagsubok?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin upang makahanap ng mas malaking espirituwal na proteksyon at lakas sa pamamagitan ng pagsamba sa bahay ng Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 136

Ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga taong naglakbay pakanluran

mapa, Ang Pakanlurang Pagkilos ng Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mapa ng kasaysayan ng Simbahan, blg. 6, “Ang Pakanlurang Pagkilos ng Simbahan,” at sabihin sa kanila na hanapin ang Nauvoo at Winter Quarters. Ipaliwanag na dahil sa sobrang ulan at hindi sapat na supply, ang mga Banal na lumisan sa Nauvoo noong Pebrero 1846 ay gumugol ng apat na buwan para sa 300 milyang paglalakbay patawid ng Iowa. Sa panahong ito, mahigit 500 kalalakihang Banal sa mga Huling Araw—na nakilala bilang Mormon Battalion—ang nakinig sa panawagan ni Pangulong Brigham Young na magpalista sa United States Army noong panahon ng digmaan ng Estados Unidos at Mexico. Kasama ng ilan sa kalalakihan ang kanilang mga asawa at mga anak. Ang kikitain nila sa serbisyo ay makatutulong sa mga maralitang miyembro ng Simbahan sa paglalakbay pakanluran, ngunit maraming pamilya ang walang kasamang asawa at Ama sa ilang bahagi ng kanilang paglalakbay pakanluran. Para sa mga kadahilanang ito, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na ipagpaliban muna ang paglalakbay pakanluran sa Rocky Mountains hanggang sa tagsibol ng 1847. Nanirahan ang mga Banal sa isang lugar na tinawag nilang Winter Quarters. Doon natanggap ni Brigham Young ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 136.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 136:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Banal para paghadaan ang patuloy na paglalakbay pakanluran.

  • Paano inorganisa ang mga samahan? Sa palagay ninyo paano makatutulong ang organisasyong ito ng mga Banal sa kanilang paglalakbay?

  • Paano nakatulad ng organisasyong ito ang paraan ng pagkakaorganisa ng Simbahan ngayon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inorganisa ng Panginoon ang kanyang mga Banal nang pangkat-pangkat upang magabayan at mapangalagaan ang bawat tao.)

  • Ano ang ipinahihiwatig ng talata 4 tungkol sa kung paano tatanggap ng lakas ang mga Banal sa kanilang mga pagsisikap na isakatuparan ang kalooban ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 136:6–11, na inaalam ang mga paraan ng pag-organisa sa mga Banal upang mapangalagaan ang pangangailangan ng isa’t isa at tulungan ang mga maralita at nangangailangan sa kanilang paglalakbay pakanluran. Matapos ang sapat na oras, maaari mong itanong ang mga sumusunod upang pangunahan ang talakayan:

  • Anong mga salita o parirala sa mga talata 6–11 ang naglalahad kung paano pangangalagaan ng mga Banal ang isa’t isa at ang mga nangangailangan? (Maaaring bigyang diin mo ang salitang “maghanda” sa mga talata 6, 7, at 9. Kakailanganin dito ang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na pagtukoy sa mga katagang paulit-ulit na binabanggit.)

  • Ayon sa talata 11, ano ang mga ipinangako ng Panginoon sa mga nagnanais na tumulong sa iba at ihahanda ang daan para sa kanila? (Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Pagpapalain tayo ng Panginoon kapag tumutulong tayo sa iba at inihahanda ang daan para sa kanila.)

  • Sino ang naghanda ng paraan para matamasa ninyo ang mga pagpapala ng ebanghelyo? Ano ang ginawa nila upang ihanda ang daan para sa inyo?

Maaari mong ipaliwanag na ang salitang tagapanguna ay mailalarawan bilang isang nauuna upang ihanda ang daan o buksan ang daang susundan ng iba, ibig sabihin na lahat tayo ay maaaring maging pioneer sa ilang paraan. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pag-isipang mabuti ang magagawa nila para tulungan ang iba at ihanda ang daan para sa kanila upang matamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip. Magpatotoo na nais ng Panginoon na patuloy nating sikapin na ihanda ang daan para sa bawat isa sa Kanyang mga anak upang matanggap ang ebanghelyo at makabalik sa Kanyang piling.

Ipaliwanag na sinunod ng mga Banal ang utos ng Panginoon sa pagtulong sa isa’t isa na ihanda ang daan para sa mga susunod sa kanila. Ang unang grupo ng mga tagapanguna o pioneer ay umalis sa Winter Quarters noong Abril 5, 1847. Sila ay naglakbay nang mahigit 1,000 milya at dumating sa Salt Lake Valley noong huling bahagi ng Hulyo 1847. Noong Hulyo 24, 1847, pumasok si Pangulong Brigham Young sa lambak at nakatanggap ng kumpirmasyon na natagpuan na ng mga Banal ang kanilang bagong tahanan.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder William R. Walker, dating miyembro ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder William R. Walker

“Inapo man kayo ng mga pioneer o hindi, ang pamana ng pananampalataya at sakripisyo ng Mormon pioneer ay inyong pamana. Ito ang marangal na pamana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Mamuhay nang Tapat sa Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 97).

  • Sa palagay ninyo bakit mahalaga para sa bawat miyembro ng Simbahan na maunawaan na ang “pamana ng pananampalataya at sakripisyo ng Mormon pioneer” ay kanilang pamana, anuman ang kanilang angkan?

  • Sa anong mga paraan maiinspirasyunan ng paglalakbay ng mga Mormon pioneer ang mga miyembro ng Simbahan ngayon sa kanilang pagsisikap na paglingkuran ang iba at tulungan sila sa kanilang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Narito tayo ngayon bilang mga tagatanggap ng malaking pagsisikap [ng mga pioneer]. Umaasa ako na pasasalamatan natin ito. Umaasa ako na tataglayin natin sa ating puso ang matinding pasasalamat sa lahat ng ginawa nila para sa atin. …

“Minamahal kong mga kapatid, Napakapalad natin! Angkin natin ang kahanga-hangang pamana! Kasama rito ang sakripisyo, pagdurusa, kamatayan, pananaw, pananampalataya, at kaalaman at patotoo sa Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak, ang nabuhay na mag-uling Panginoong Jesucristo. …

“Napararangalan natin nang lubos ang nangauna sa atin kapag masigasig tayong naglilingkod sa layunin ng katotohanan” (“True to the Faith,” Ensign, Mayo 1997, 66–67).

Ipaalala sa mga estudyante na ang bawat miyembro ng Simbahan ay pinagpala ng iba na naghanda ng daan para sa kanila upang matamasa nila ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para ihanda ang iba, kabilang na ang kanilang mga inapo, na mamuhay nang may pananampalataya at pagsunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

  • Doktrina at mga Tipan 136.

  • Gordon B. Hinckley, “True to the Faith,” Ensign, Mayo 1997, 65–67.

  • “Pananampalataya sa Bawat Hakbang,” kabanata 6 sa Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (1996), 69–80.