2
Ang Unang Pangitain
Pambungad
Ang tala ng Unang Pangitain ni Joseph Smith na matatagpuan sa Mahalagang Perlas ay isinulat upang maitama ang mga maling usap-usapan tungkol sa Simbahan. Sa buong buhay niya, nagbigay si Propetang Joseph Smith ng ilang salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Ang mga salaysay na ito ay nakadadagdag sa ating pang-unawa tungkol sa karanasang iyon at pinalalakas ang ating pananampalataya sa Panunumbalik. Ang lesson na ito ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng patotoo sa napakahalaga at natatanging pangyayaring ito.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Gordon B. Hinckley, “Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2002, 78–81.
-
“First Vision Accounts,” Gospel Topics, lds.org/topics.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–2
Nagsulat ang Propeta ng tungkol sa Unang Pangitain para itama ang mga maling usap-usapan
Ipaliwanag na noong 1838 sinimulan ni Joseph Smith ang kanyang opisyal na kasaysayan. Ang bahagi sa Mahalagang Perlas na kilala bilang Joseph Smith—Kasaysayan ay kinuha mula sa mas mahabang kasaysayan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilang ibinigay ni Joseph Smith sa paghahanda ng kanyang kasaysayan.
-
Ayon sa talata 1 ano ang kumakalat sa mga tao noong nagsisimula pa lang ang Simbahan?
-
Ano ang layunin ng mga taong tumutulong sa pagpapakalat ng mga usap-usapan na sumasalungat sa Simbahan?
-
Ano ang mga nangyayari sa panahon natin ngayon na katulad ng sitwasyong ito?
Ipaliwanag na may mga indibiduwal at mga grupo ngayon na nagpapakalat ng mga mali at nakalilitong impormasyon tungkol sa Simbahan sa layuning wasakin ang pananampalataya.
-
Ano ang mga dahilan na ibinigay ni Joseph sa pagsulat ng kanyang kasaysayan? (Upang “bigyang-linaw ang isipan ng madla, at upang ipaalam sa lahat ng mananaliksik ng katotohanan ang mga tunay na nangyari, ayon sa pagkakaganap nito,” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:1].)
-
Bakit mahalaga na ang mga “mananaliksik ng katotohanan” tungkol sa Panunumbalik ay nakasalig sa mismong salaysay ni Joseph Smith? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na natukoy na ang pagtitiwala sa salaysay ng propeta ay makatutulong sa tao na maiwasang malinlang ng mali o nakalilitong impormasyon.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang tahimik sa mga estudyante:
“Noon pa man ay may mangilan-ngilan nang gustong siraan ang Simbahan at wasakin ang pananampalataya. Gamit nila ngayon ang Internet.
“Ang ilan sa mga impormasyon tungkol sa Simbahan, nakakakumbinsi man ito, ay hindi totoo” (“Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 41).
-
Anong mga pinagkukunan ang dapat nating hanapin at pagkatiwalaan sa ating sariling pagsasaliksik upang malaman ang katotohanan tungkol sa Unang Pangitain, Panunumbalik ng ebanghelyo, at iba pang mga kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan? Bakit? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sumusunod na alituntunin: Upang maiwasang malinlang ng mali o nakalilitong impormasyon, ang mga nagsasaliksik ng katotohanan ay dapat maghanap sa mga mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa Simbahan at sa kasaysayan nito sa halip na tanggapin na lamang ang anumang impormasyon na maririnig o mababasa nila, kabilang na ang impormasyong nahanap sa Internet.)
Ipaliwanag na itinuturo ng mga kritiko ng Simbahan na hindi kapani-paniwala ang Unang Pangitain dahil maraming taon na ang lumipas bago itinala ni Joseph Smith ang karanasan niyang ito. Ipaliwanag na ang 14-na-taong-gulang na si Joseph Smith ay nag-atubiling magsalita tungkol sa kanyang pangitain dahil sa reaksyon ng mga nauna niyang pinagsabihan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26). Isinulat niya ang mga karanasan nang madama niya na iyon ang tamang panahon para gawin ito. Itinuro ng Tagapagligtas kina Pedro, Santiago, at Juan na huwag magsalita tungkol sa kanilang karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo hanggang sa matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mateo 17:9), na malinaw na nagsasabi na ang ilang sagradong karanasan ay dapat ibahagi lamang kapag ipinahiwatig ng Espiritu.
Mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain
Paalala: Habang itinuturo mo ang bahaging ito ng lesson, maglaan ng sapat na oras para maituro ang huling bahagi ng lesson na sumasakop sa sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–20.
Ipaliwanag sa mga estudyante na isinulat ni Joseph Smith, nang personal o sa tulong ng mga eskriba, ang hindi bababa sa apat na iba’t ibang salaysay ng Unang Pangitain. Bukod pa rito, ang ilang mga tala ng pangitaing ito ay itinala ng mga taong kapanahon ni Joseph Smith. Bawat salaysay ay nagbibigay-diin sa iba‘t ibang aspeto ng karanasan ni Joseph, ngunit nagkakapareho ang mga ito sa mga pangunahing elemento ng nakita at narinig ni Joseph. Upang maipaliwanag kung bakit may mga pagkakaiba sa iba’t ibang salaysay, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod:
-
Mag-isip ng isang mahalagang espirituwal na naranasan ninyo sa buhay. Paano naiiba ang pagsasalaysay ng tala ng karanasan ninyong iyon depende sa kung sino ang nakikinig sa inyo? Paano ito maaaring magbago depende sa panahon o dahilan kung bakit ninyo ikinukuwento ang karanasan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang inaasahan ng mga mananalaysay kapag isinalaysay nang maraming beses ang isang karanasan:
“Ang iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay iisa ang kuwento, bagama’t natural na magkakaiba ang kanilang binibigyang-diin at mga detalye. Inaasahan ng mga mananalaysay na kapag muling ikinuwento ng isang tao ang isang karanasan sa iba‘t ibang lugar sa iba’t ibang tagapakinig sa loob ng maraming taon, bawat salaysay ay magbibigay-diin sa iba‘t ibang aspeto ng karanasan at maglalaman ng kakaibang mga detalye. Tunay ngang makikita sa mga salaysay ng Unang Pangitain ang mga pagkakaibang makikita rin sa maraming tala sa banal na kasulatan tungkol sa salaysay ng pangitain ni Pablo sa daan patungong Damasco at karanasan ng mga Apostol sa Bundok ng Pagbabagong-anyo [Mga Gawa 9:3–9; 22:6–21; 26:12–18; Mateo 17:1–13; Marcos 9:2–13; Lucas 9:28–36]. Subalit sa kabila ng mga pagkakaiba, hindi naiiba ang pangunahing nilalaman ng lahat ng salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Nagkamali ang ilan sa pakikipagtalo na anumang pagkakaiba sa muling pagsasalaysay ng kuwento ay katibayan na gawa-gawa lamang ang kuwento. Sa kabilang banda, ang saganang talaan ng kasaysayan ay nagpapaalam sa atin ng iba pa tungkol sa kagila-gilalas na pangyayaring ito kaysa kaya nating malaman kung hindi ito gayon kahusay na naitala” (“First Vision Accounts,” Gospel Topics, lds.org/topics).
Bilang halimbawa ng pagkakaiba sa mga salaysay, maaari mong sabihin sa mga estudyante na “ang salaysay na ibinigay noong 1832 ay nagbibigay-diin sa mas personal na kuwento ni Joseph Smith bilang isang binata na humihingi ng tawad, ngunit ang salaysay ng 1838 ay nakapokus sa pangitain bilang simula ng ‘pagkakatatag at pag-unlad [ng] Simbahan’” (“First Vision Accounts,” Gospel Topics, LDS.org/topics). Ipaalala sa mga estudyante na kasama sa kanilang takdang babasahin ang artikulo sa Gospel Topics na “First Vision Accounts,” na nagbibigay ng detalyadong pagsusuri at paliwanag sa bawat salaysay ng Unang Pangitain. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang artikulo sa labas ng klase upang mas maunawaan kung paano nakatutulong ang bawat salaysay sa ating kaalaman tungkol sa Unang Pangitain. (Paalala: Ipaalala sa mga estudyante ang kahalagahan ng pagbabasa ng mga assignment sa “Mga Babasahin ng mga Estudyante” bago magsimula ang klase. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga talakayan sa klase.)
-
Paano nasusuportahan ang katotohanan at napapalawak ng maraming salaysay ng Unang Pangitain ang ating pag-unawa sa sagradong pangyayaring ito? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang maraming salaysay tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith ay nagbibigay sa atin ng kakayahang malaman pa ang tungkol sa espirituwal na karanasang ito kaysa magagawa natin kung ito ay hindi maayos na naitala.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Hindi ako nag-aalala na nagbigay si Propetang Joseph Smith ng maraming bersyon ng Unang Pangitain tulad din na hindi ako nag-aalala na may apat na iba’t ibang manunulat ng mga ebanghelyo sa Bagong Tipan, bawat isa ay may sariling pananaw, bawat isa ay isinalaysay ang mga pangyayari ayon sa layunin niya nang isulat niya ito nang sandaling iyon” “Hindi Tayo Binigyan ng Dios ng Espiritu ng Katakutan,” Ensign, Okt. 1984, 5).
Magpatotoo tungkol sa katotohanan ng Unang Pangitain at ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–20
Ang pagiging totoo ng Simbahan ay nakasalalay sa katotohanan ng Unang Pangitain
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–15.
-
Ano ang ilan sa mga bagay na ginawa ni Joseph Smith upang mahanap ang mga sagot sa kanyang mga tanong?
-
Sa palagay ninyo, bakit tinangkang pigilan ni Satanas si Joseph Smith sa pagdarasal?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–19.
-
Ano ang ilang mahahalagang katotohanan na malalaman natin mula sa talata 16–17? (Sa pagsagot ng mga estudyante, bigyang diin na may mga walang-hanggang katotohanan na ipinanumbalik sa lupa nang magpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith.)
Ipakita at basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Tad R. Callister, na naglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu. Habang binabasa mo ang pahayag na ito, maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan sa kanilang mga banal na kasulatan ang mga katotohanan na binigyang-diin ni Brother Callister. Maaari mo ring imungkahi na isulat nila ang mga katotohanang nalaman ni Joseph sa margin sa tabi ng sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–19. (Paalala: Ang matutuhang magmarka at maglagay ng anotasyon sa mga banal na kasulatan ay isang mahalagang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na maitutulong mo sa mga estudyante na taglayin [tingnan sa Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion (2012), 21].)
“Si Joseph Smith ang hinirang ng Panginoon upang ipanumbalik ang Simbahan ni Cristo dito sa lupa. Paglabas niya mula sa kakahuyan, nalaman niya ang apat na pangunahing katotohanan na hindi pa naituro nang panahong iyon ng karamihan sa mga relihiyon ng Kristiyano.
Una, nalaman niya na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, ay dalawang magkahiwalay, at magkaibang katauhan. …
“Ang pangalawang dakilang katotohanan na natuklasan ni Joseph Smith ay mayroong niluwalhating mga katawan na may laman at mga buto ang Ama at ang Anak. …
“Ang pangatlong katotohanang nalaman ni Joseph Smith ay nakikipag-usap pa rin ngayon ang Diyos sa tao—na hindi nakasara ang kalangitan. …
“Ang pang-apat na katotohanang nalaman ni Joseph Smith ay wala noon ang ganap at kumpletong Simbahan ni Jesucristo sa lupa” (“Joseph Smith—Propeta ng Pagpapanumbalik,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 35–36).
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang malaman at maunawaan ang mga katotohanang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Paano makatutulong ang pangangailangan sa mga katotohanang iyon na maipaliwanag kung bakit tinangka ni Satanas na pigilan ang batang si Joseph Smith sa pagdarasal?
Upang bigyang-diin ang kahalagahan ng Unang Pangitain ni Joseph Smith, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang buong lakas nati’y nakasalalay sa katunayan ng [Unang Pangitain]. Maaaring naganap ito o hindi. Kung hindi ito naganap, ang gawaing ito ay huwad. Kung naganap nga ito, ito nga ang pinakamahalaga at kamangha-manghang gawain sa balat ng lupa. …
“… Noong 1820 naganap ang maluwalhating pagpapamalas bilang tugon sa panalangin ng isang batang nabasa sa Biblia ng kanyang pamilya ang mga salita ni Santiago: ‘Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito ’y ibibigay sa kanya’ (Santiago 1:5).
“Sa kakaiba at kamangha-manghang karanasang iyon nasasalalay ang katotohanan ng Simbahang ito” (“Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2002, 80).
-
Paano nauugnay sa Unang Pangitain ni Joseph Smith ang katotohanan ng Simbahan?
-
Bakit mahalagang magkaroon ng patotoo na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na natukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagkaroon tayo ng patotoo na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at kanyang anak na si Jesucristo, malalaman din natin ang katotohanan ng Panunumbalik ng ebanghelyo.)
Sa pagtatapos ng aralin, bigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling patotoo tungkol sa katotohanan ng Unang Pangitain. Ang personal na patotoong ito, na nakasalig sa bato ng paghahayag, ay tumutulong sa atin na mapanatiling malakas ang ating pananampalataya kapag naharap tayo sa mga maling impormasyon tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Simbahan. Magpatotoo na ang pamamarang ginawa ni Joseph Smith sa pag-aaral ng katotohanan ay makatutulong din sa atin. Maaari tayong maghanap ng katotohanan, magbasa ng mga banal na kasulatan, magnila-nilay, at sa huli ay magtanong sa Diyos, at Siya ay sasagot (tingnan sa Santiago 1:5). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nagpakita kay Joseph Smith ang Ama at ang Anak. Maglaan ng panahon na maibahagi ng isa o dalawang estudyante kung paano sila nagkaroon ng patotoo sa Unang Pangitain.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Gordon B. Hinckley, “Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2002, 78–81.
-
“First Vision Accounts,” Gospel Topics, lds.org/topics.