16
Pagtubos sa mga Patay
Bilang bahagi ng Panunumbalik ng lahat ng bagay sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, ipinanumbalik ng Panginoon ang doktrina ng pagtubos sa mga patay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang doktrinang ito ay ipinanumbalik nang “taludtod sa taludtod.” Ang gawain ng pagtubos sa mga patay ay mahalaga sa kaligtasan ng kapwa buhay at patay, at itinuro ni Propetang Joseph Smith ang kahalagahan ng pakikibahagi sa gawaing ito: “Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 557).
Mga Babasahin tungkol sa Paksang Ito
-
Richard G. Scott, “Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 93–95.
-
D. Todd Christofferson, “Ang Pagtubos sa mga Patay at ang Patotoo ni Jesus,” Liahona, Ene. 2001, 10–13.
-
“Pagiging mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion,” kabanata 41 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 549–61.
-
Matthew S. McBride, “Letters on Baptism for the Dead: D&C 127, 128,” Revelations in Context series, Mayo 29, 2013; history.lds.org.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 137
Ang Pangitain ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kahariang selestiyal
Ibahagi sa mga estudyante ang sumusunod na pinagmulang kasaysayan:
“Noong Nobyembre 1823, biglang nagkasakit nang malubha ang panganay na anak nina Lucy Mack Smith at Joseph Smith Sr. na si Alvin Smith, at nabingit sa kamatayan. Si Alvin ay 25 taong gulang, isang malakas at maabilidad na binata na ang kasipagan ay nakatulong nang malaki sa kabuhayan ng pamilya. Inilarawan siya ng kanyang ina bilang ‘isang binatang namumukod sa ganda ng pag-uugali,’ na ang ‘pagiging marangal at bukas-palad” ay nagpala sa mga nakapaligid sa kanya ‘sa bawat oras ng kanyang buhay.’ …
“Batid na mamamatay na siya, pinalapit ni Alvin ang kanyang mga kapatid at kinausap ang bawat isa. Kay Joseph, na halos 18 taong gulang noon at hindi pa natatanggap ang mga laminang ginto, ay sinabi ni Alvin, “Nais kong maging mabait kang bata at gawin ang lahat ng magagawa mo upang makuha ang [mga] talaan. Maging matapat ka sa pagtanggap ng tagubilin at sa pagtupad ng bawat kautusan na ibinibigay sa iyo. …’
“Pagkamatay ni Alvin, hiniling ng pamilya sa isang pastor na Presbyterian sa Palmyra, New York, na siya ang mamuno sa burol ni Alvin. Dahil hindi miyembro ng kongregasyon ng pastor si Alvin, iginiit ng pastor sa kanyang sermon na hindi maliligtas si Alvin. Nagunita ni William Smith, nakababatang kapatid ni Joseph: “Ipinagdiinan … [ng pastor] na napunta sa impiyerno [si Alvin], dahil hindi siya miyembro ng simbahan, pero mabait siyang anak kaya hindi nagustuhan ng aking ama ang sinabi nito’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 401, 403).
-
Dahil ang doktrina ng pagtubos sa mga patay ay hindi pa naipapanumbalik nang mamatay si Alvin, ano kaya ang ipinangangamba ng pamilya Smith tungkol sa kaligtasan ni Alvin?
Sabihin sa mga estudyante na makakatulong ang lesson na ito na maunawaan nila na inihayag ng Panginoon ang doktrina ng pagtubos sa mga patay nang taludtod sa taludtod. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 137. Ipaliwanag na ang paghahayag na ito ay ibinigay ilang buwan bago ilaan ang Kirtland Temple. (Maaari mong banggitin na sa 2013 edisyon ng Doktrina at mga Tipan, may mga pagbabagong ginawa sa heading ng bahagi 137.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:1–6 habang tahimik na sumusunod ang klase. Talakayin ang sumusunod:
-
Sino ang nakita ni Joseph Smith sa kahariang selestiyal? (Maaaring interesado ang mga estudyante na malaman na buhay pa ang ama at ina ni Joseph Smith nang matanggap ang pangitaing ito; sa katunayan, kasama ni Joseph ang kanyang ama sa silid nang maganap ang paghahayag.)
-
Ayon sa talata 6, bakit nagtaka si Joseph Smith na makitang nasa kahariang selestiyal ang kanyang kapatid na si Alvin? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na natanggap ang pangitaing ito ilang taon bago nalaman ni Joseph Smith ang tungkol sa doktrina ng pagtubos para sa mga patay.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 137:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang isang doktrina na nakatulong sa mga Banal sa mga Huling Araw na mas maunawaan ang plano ng Diyos na iligtas ang Kanyang mga anak.
-
Ano ang probisyon sa plano ng Diyos para sa mga taong tulad ni Alvin Smith na namatay nang walang pagkakataong matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo o ang ordenansa ng binyag? (Sa pagbahagi ng mga estudyante ng kanilang mga ideya, tulungan mo silang matukoy ang sumusunod na doktrina: Lahat ng tao na namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo, na tatanggapin sana ito kung narinig lamang nila ang ebanghelyo, ay magmamana ng kahariang selestiyal.)
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng doktrinang ito tungkol sa katangian ng Ama sa Langit at sa pagmamahal Niya sa Kanyang mga anak?
-
Kailan kayo napagpala ng doktrinang ito? Kailan ninyo nakita ang iba, marahil ang mga tinuruan ninyo bilang missionary, na nakadama ng kapanatagan nang maunawaan nila ang doktrinang ito?
Doktrina at mga Tipan 124:30–34; 127:5–8; 128:1–18; 138:28–37
Mga ordenansang ginagawa para sa patay
Tinalakay ni Propetang Joseph Smith sa kauna-unahang pagkakataon ang doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay sa libing ni Seymour Brunson noong Agosto 15, 1840, matapos na naisaayos ng mga Banal ang kanilang sarili sa Nauvoo, Illinois. Nagulat at natuwa ang mga miyembro ng Simbahan nang malaman nila ang inihayag na doktrinang ito. Ilang buwan matapos ang pagbabalita, nagbinyag ang mga Banal sa kalapit na Ilog Mississippi alang-alang sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay (tingnan sa Mga Turo: Joseph Smith, 473; Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 251).
-
Paano nakadagdag ang mensaheng ito sa lumalalim na pag-unawa sa plano ng Ama sa Langit na iligtas ang Kanyang mga anak? (Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Maisasagawa ang nakapagliligtas na ordenansa ng binyag para sa mga taong hindi tinanggap ang ebanghelyo noong sila ay buhay pa.)
-
Sa palagay ninyo, ano kaya ang reaksyon ninyo kung narinig ninyo ang pagsasalita ni Propetang Joseph Smith tungkol sa doktrina ng binyag para sa mga patay sa kauna-unahang pagkakataon sa dispensasyong ito?
Ipaliwanag na sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan sa Nauvoo, Illinois noong Oktubre 1841, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na nais ng Panginoon na itigil ng mga Banal ang pagpapabinyag para sa mga patay hanggang sa maaaring nang maisagawa ang mga pagbibinyag sa Kanyang bahay (tingnan sa D at T 124:29–34). Noong ika-8 ng Nobyembre 1841, inilaan ni Brigham Young, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang baptismal font sa basement ng hindi pa tapos na Nauvoo Temple, at sinimulan na ng mga miyembro ng Simbahan ang pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 127, kung saan ipinapaliwanag na ang bahagi 127 ay liham ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal, na nagtatagubilin sa kanila na itala ang mga pagbibinyag na isinagawa nila para sa mga patay. Ipaliwanag na makalipas ang isang linggo, isinulat ni Joseph ang isa pang sulat tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 128.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference. (Huwag isama ang materyal na nasa mga panaklong; ito ay inilaan para sa iyo, ang titser.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang bawat isa sa mga talatang nakasulat sa pisara. Sabihin sa kanila na alamin ang mga doktrina na nakadagdag sa ating pagkaunawa sa plano ng Diyos para sa pagtubos sa mga patay. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang doktrina tungkol sa pagtubos sa mga patay na itinuturo sa bawat talata. Sabihin sa ilang estudyante na isulat ang mga doktrinang ito sa pisara sa tabi ng mga talata. Ituro na ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 127 at 128 ay naglalarawan ng isang bagay na naging karaniwan sa Panunumbalik ng ebanghelyo—ipinapahayag ng Panginoon ang katotohanan nang taludtod sa taludtod, at hindi minsanan.
Ipaliwanag sa mga estudyante na maraming taon matapos matanggap ang mga paghahayag na ito, ipinaunawa pang lalo ng Panginoon ang kanyang plano na tubusin ang mga patay. Noong 1918, nakatanggap si Pangulong Joseph F. Smith ng pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay. Ang pangitain ay dumating sa panahon na nagdadalamhati siya sa pagkawala ng kanyang anak na si Hyrum M. Smith, na namatay ng taong iyon habang naglilingkod pa siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:28–37, na inaalam ang mga katotohanang inihayag kay Pangulong Joseph F. Smith hinggil sa pagtubos sa mga patay.
-
Anong mga katotohanan tungkol sa pagtubos sa mga patay ang itinuro sa mga talatang ito? (Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang nalaman nila, tiyaking nauunawaan nila ang katotohanang ito: Sa ilalim ng pamamahala ni Jesucristo, ang mabubuting sugo ay nagtuturo ng ebanghelyo sa mga nasa bilangguan ng mga Espiritu.)
-
Paano makatutulong sa atin ang mga karagdagang katotohanang ito na ang mga namatay nang hindi nakatanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo, tulad nina Alvin Smith, ay makatatanggap ng mana sa kahariang selestiyal?
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, may responsibilidad tayo sa ating tipan na saliksikin ang ating mga ninuno at magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanila. ‘Sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin’ (Sa Mga Hebreo 11:40; tingnan din sa Mga Turo: Joseph Smith, 475). At ‘ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap’ (D at T 128:15)” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 25).
-
Bakit dapat maging prayoridad sa ating buhay ang gawain ng pagtubos sa mga patay?
-
Paano nakatutulong sa mga yumaong kamag-anak natin at sa atin na maging perpekto ang paggawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanila?
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito. Ang mga ito ay literal na tumutulong upang dakilaan ang kanilang mga pamilya.”(“Mga Henerasyong Nabigkis ng Pagmamahal, ” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 93).
-
Paano pinatototohanan ng doktrina ng pagtubos sa mga patay ang walang hanggang saklaw ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang napakagandang doktrina tungkol sa sagradong ordenansa ng binyag. Dumating ang paghahayag na iyon nang itinuturo ng iba pang mga simbahang Kristiyano na ang kamatayan ay hindi madadaig, walang hanggan, at nagtatadhana sa kahahantungan ng kaluluwa. Itinuro nila na ang mga nabinyagan ay ginagantimpalaan ng walang-katapusang kagalakan samantalang ang iba ay dumaranas ng walang-hanggang kaparusahan, na walang pag-asang matubos pa. …
“Ang maluwalhating doktrinang ito ay isa pang patotoo sa ganap at walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ginawa Niyang posible ang kaligtasan sa bawat kaluluwang nagsisisi. Dinaig ng Kanyang Pagbabayad-sala ang kamatayan, at tinulutan Niyang matanggap ng mga karapat-dapat na yumao ang lahat ng ordenansa ng kaligtasan” (“Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay, ” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 93).
-
Anong mga karanasan ang itinuro sa inyo ng kahalagahan ng pakikilahok sa mga gawain ng pagtubos sa mga patay?
-
Paano nag-ibayo ang inyong patotoo dahil nakibahagi kayo sa gawain ng pagtubos sa mga patay? (Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo.)
Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila maaaring makibahagi sa dakilang gawain ng pagtubos sa mga patay, sa pamamagitan man ng pagsasaliksik sa family history o sa pamamagitan ng paglilingkod bilang proxy sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo. Ibahagi ang iyong patotoo na sa pamamagitan ng gawain sa makabagong mga templo, maaaring matanggap ng lahat ng anak ng Ama sa Langit ang lahat ng ordenansang kailangan para sa kaligtasan.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Doktrina at mga Tipan 124:30–41; 127:1–9; 128:1–18; 137:1–10; 138:28–37.
-
Richard G. Scott, “Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 93–95.
-
D. Todd Christofferson, “Ang Pagtubos sa mga Patay at ang Patotoo ni Jesus,” Liahona, Ene. 2001, 10–13.