Library
Lesson 18: Ang Relief Society at ang Simbahan


18

Ang Relief Society at ang Simbahan

“Inihahanda ng Relief Society ang kababaihan para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maragdagan ang kanilang pananampalataya at sariling kabutihan, mapatatag ang mga pamilya at tahanan, at tulungan ang mga nangangailangan” (“The Purpose of Relief Society,” lds.org/callings/relief-society/purposes). Ang lesson na ito ay makakatulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang pagtatatag ng Relief Society at ang mga layunin nito. Makikita rin ng mga estudyante na maraming oportunidad at responsibilidad ang kababaihan na hindi mapapantayan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 49–52.

  • M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Set. 2014, 32–37.

  • Julie B. Beck, “Ang Pananaw ng mga Propeta tungkol sa Relief Society: Pananampalataya, Pamilya, Kaginhawahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 83–85.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 25

Mga Tagubilin ng Panginoon kay Emma Smith

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang karamihan sa malaking pag-unlad na mangyayari sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo … ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba ang kababaihan ng Simbahan—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 266).

  • Ano ang naisip ninyo habang pinagninilayan ninyo ang pahayag na ito?

  • May kilala ba kayong sinumang babae na nagpakita na masaya siyang namumuhay nang mabuti? Paano sila nakagawa ng kaibahan sa buhay ng mga taong nakakakilala sa kanila?

Ipaliwanag na ang lesson na ito ay nakatuon sa mga paraan na pinagpapala ng Relief Society ang mga anak na babae at lalake ng Ama sa Langit sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Doktrina at mga Tipan 25 at basahin ang section heading para malaman kung sino ang taong kinakausap ng Panginoon sa paghahayag na ito. Pagkatapos ay basahin nang malakas ang talata 3. Ipaliwanag sa mga estudyante na sa paningin ng Panginoon, si Emma Smith ay isang “hinirang na babae.” Sa unang miting ng Female Relief Society of Nauvoo, ipinaliwanag ni Joseph Smith na “ang ibig sabihin ng hinirang ay itinalaga sa isang partikular na gawain.” Sinabi rin niya na ang paghahayag na ibinigay kay Emma Smith ay “natupad nang italaga si Emma sa Panguluhan ng [Relief] Society” (sa History of the Church, 4:552–53). Hatiin ang klase sa dalawang grupo, at ipabasa sa kalahati ng klase ang Doktrina at mga Tipan 25:4–9 at ipabasa sa natitirang kalahati ang Doktrina at mga Tipan 25:10–15. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga assignment o tungkuling ibinigay ng Panginoon kay Emma Smith. Maaari nilang ilista ang mga responsibilidad na ito o markahan ang mga ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natukoy nila.

  • Paano makatutulong sa pag-unlad ng Simbahan ang pagtupad sa mga responsibilidad na ito?

  • Ano ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Emma Smith kung siya ay susunod sa Kanyang mga utos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 25:16.

  • Bagama’t ito ay paghahayag na ibinigay kay Emma Smith, sa anong mga paraan maiaangkop sa atin ang mga salita ng Panginoon kay Emma? (Ang mga turo tungkol sa pagsunod at iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro sa paghahayag na ito ay angkop sa lahat. [Paalala: Ipaliwanag na ang pag-aangkop ng mga banal na kasulatan sa sarili nating mga karanasan ay isang mahalagang paraan ng pag-aaral na nakatutulong sa atin na makita ang pagkakatulad ng mga karanasan natin at ng mga tao sa mga banal na kasulatan.])

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa tanong na ito, ipaunawa sa kanila ang sumusunod na katotohanan: Kapag tapat nating sinusunod ang mga kautusan at tinutupad ang ating mga tungkulin sa Panginoon, tayo ay tatanggap ng putong ng kabutihan. Maaari mong patotohanan ang katotohanang ito.

Ang Relief Society ay mahalagang bahagi ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na inihayag ng Panginoon ang organisasyon ng Simbahan nang taludtod sa taludtod. Bilang bahagi ng prosesong ito, binigyan niya ng isang napakahalagang tungkulin si Emma Smith. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod tungkol sa pagtatatag sa Relief Society. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano pinalawak ng pananaw ni Propetang Joseph Smith sa Relief Society ang unang pananaw ng mga kababaihan tungkol dito.

Sa Nauvoo, ang mga kababaihang Banal sa mga huling araw ay pinagpala na magkaroon ng sarili nilang organisasyon sa Simbahan. Nagsimula ito noong may ilang kababaihan, na pinamunuan ni Sarah Granger Kimball, ang nagsama-sama upang manahi ng mga kamiseta para sa mga kalalakihang gumagawa sa templo. Ipinasiya ng kababaihan na pormal nang itatag ang samahan, at hiniling nila kay Eliza R. Snow na magsulat ng mga tuntunin para sa kanilang grupo. Nang isangguni ito kay Propetang Joseph Smith, sinabi niya sa kanila na napakaganda ng kanilang mga tuntunin ngunit iminungkahi na iorganisa ang mga kababaihan sa mas mabuting paraan. Noong Marso 17, 1842, ang Propeta, kasama sina Elder John Taylor at Willard Richards, ay nakipagpulong sa 20 kababaihan sa silid sa itaas ng Red Brick Store, kung saan binuo ng propeta ang Female Relief Society of Nauvoo. Napili si Emma Smith bilang Pangulo ng organisasyon, na naging katuparan ng paghahayag na tumutukoy sa kanya bilang “hinirang na babae” (D at T 25:3). Kalaunan ay ipinahayag ng propeta na ang layunin ng samahan ay “magbigay-ginhawa sa mga dukha” at “magligtas ng mga kaluluwa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 531).

Noong Abril 28, 1842, nakipagpulong muli ang propeta sa mga kababaihan. Sinabi niya sa kanila na sila ay tatanggap ng mga tagubilin sa pamamagitan ng orden ng priesthood at pagkatapos ay sinabing, “Ipinipihit ko ngayon ang susi para sa inyo sa ngalan ng Diyos, at ang Samahang ito ay magagalak, at kaalaman at katalinuhan ang dadaloy mula sa oras na ito” (Mga Turo: Joseph Smith, 529).

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na mababasa nila ang opisyal na ulat ng mga unang pulong ng Relief Society sa josephsmithpapers.org/paperSummary/Nauvoo-relief-society-minute-book.

  • Paano napalawak ng pananaw ng Propeta sa Relief Society ang orihinal na mungkahi ni Sarah Kimball?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith: “Ipinipihit ko ngayon ang susi para sa inyo sa ngalan ng Diyos”? (Ang Relief Society ay inorganisa sa ilalim ng pamamahala ng priesthood ng mga taong mayhawak ng mga susi ng priesthood.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Sister Zina D. H. Young (1821–1901) at ni Sister Julie B. Beck, mga dating Relief Society general president, hinggil sa mga layunin ng Relief Society, at ipabasa sa tatlong estudyante ang mga pahayag. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pag-isipan ang mga itinuturo ng mga pahayag na ito tungkol sa mga layunin ng Relief Society.

Zina D. H. Young

“Ang Relief Society … ay unang itinatag ng halos kalahating siglo na ang nakararaan, ni Propetang Joseph Smith; ayon sa kaayusan ng Banal na Priesthood, at sa ilalim ng pamamahala nito, na ipamahagi ang mga temporal na pagpapala sa mga maralita at nangangailangan: at bigyan ng pag-asa ang mga nanghihina, at pagsabihan ang mga nagkakamali, at para sa ibayong pag-unlad, at pagpapadama ng pagiging madamayin, at mapagkawanggawa, upang magtamo ng espirituwal na lakas at kapangyarihan para sa katuparan ng mas malaking kabutihan sa gawain ng pagtubos sa sangkatauhan” (Zina D. H. Young, “First General Conference of the Relief Society,” Woman’s Exponent, Abr. 15, 1889, 172).

Julie B. Beck

Busath.com

“Niliwanag ni Propetang Joseph Smith ang layunin ng Relief Society at itinuro sa kababaihan ang kanilang layunin … Ang atin ay isang organisasyong patuloy na pinamumunuan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag” (Julie B. Beck, “Relief Society: Isang Sagradong Gawain” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 110–11).

“Tulad sa patuloy na pagtuturo ng mga propeta ng Panginoon sa mga elder at high priest ng kanilang mga layunin at tungkulin, ibinahagi nila ang kanilang pananaw para sa kababaihan ng Relief Society. Mula sa kanilang payo, malinaw na ang mga layunin ng Relief Society ay pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan. Pananampalataya, pamilya, at ginhawa—sa tatlong simpleng salitang ito naipahayag ang pananaw ng mga propeta para sa kababaihan ng Simbahan” (Julie B. Beck, “Ang Pananaw ng mga Propeta tungkol sa Relief Society: Pananampalataya, Pamilya, Kaginhawahan” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 83).

  • Paano pinagpapala ng mga layunin ng Relief Society ang buong Simbahan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan. Layunin ng Relief Society na pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at magbigay-ginhawa sa pamamagitan ng paghahanap at pagtulong sa mga nangangailangan. Ang buong Simbahan ay pagpapalain kapag isinasagawa ng mga kababaihan ang mga layuning ito.)

  • Paano ninyo nakitang naisakatuparan ng Relief Society ang mga layuning ito?

Ipakita ang sumusunod na pahayag at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, ‘Nang maorganisa ang kababaihan noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan’ [Mga Turo: Joseph Smith, 528]. …

“Bukod kay Joseph Smith, ang iba pang mga propeta sa mga huling araw ay nagpatotoo na ang organisasyon ng Relief Society ay bahagi ng Panunumbalik na binigyang-inspirasyon, kung saan tinatawag ang kababaihan sa Simbahan sa mga katungkulan upang paglingkuran ang isa’t isa at maging pagpapala sa buong Simbahan. Si Pangulong Joseph F. Smith … ay nagsabi, ‘Ang samahang ito ay buong kabanalang itinayo, binigyang kapahintulutan, pinasimulan, inorden ng Diyos para sa kaligtasan ng mga kababaihan at kalalakihan’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 222]” (Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 8).

  • Ano ang itinuturo ng pahayag na ito tungkol sa ginagampanan ng Relief Society sa Panunumbalik ng ebanghelyo? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyaking nauunawaan nila ang katotohanang ito, kahit na ito ay ipinahayag sa iba‘t ibang salita: Ang Relief Society ay isang banal na bahagi ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Anong kaibahan ang nagagawa sa buhay ninyo ang malamang bahagi ng Panunumbalik ang organisasyon ng Relief Society?

  • Paano nakatutulong ang pagtupad ng mga kababaihan sa mga tungkulin sa Simbahan upang maging “ganap na nabuo” ang Simbahan?

Mga kababaihan at ang Priesthood

Ipaliwanag sa mga estudyante na may ilang mga nagdududa kung bakit hindi inoorden ang mga kababaihan sa mga katungkulan sa priesthood. Bigyang-diin na bagama’t hindi natin alam kung bakit hindi inoorden sa mga katungkulan sa priesthood ang kababaihan, alam natin na nakikibahagi ang kababaihan sa priesthood sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan at sa kanilang mga tahanan.

Magpamahagi ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga paraan kung saan nagagamit ng mga kababaihan ang awtoridad ng priesthood:

handout, Mga Kababaihan at ang Priesthood

Mga Kababaihan at ang Priesthood

Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Sa isang mensahe sa Relief Society, si Pangulong Joseph Fielding Smith, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay ganito ang sinabi: ‘Bagama’t ang mga kababaihan ay hindi binigyan ng priesthood at hindi ito iginawad sa kanila, hindi ibig sabihin nito na wala nang awtoridad na ibinigay sa kanila ang Panginoon. … Ang isang lalaki ay maaaring mabigyan ng awtoridad, gayundin ang isang babae, na gawin ang ilang bagay sa Simbahan na may bisa at mahalaga para sa ating kaligtasan, tulad ng ginagawa ng ating kababaihan sa Bahay ng Panginoon. Binigyan sila ng awtoridad na gawin ang ilang dakila at kagila-gilalas na mga bagay, na banal sa Panginoon, at may bisa ito na katulad ng mga pagbabasbas na ibinibigay ng kalalakihang mayhawak ng Priesthood’ [‘Relief Society—An Aid to the Priesthood,’ Relief Society Magazine, Ene. 1959, 4].

“Sa mahalagang mensaheng iyan, muli’t muling sinabi ni Pangulong Smith na ang kababaihan ay binigyan ng awtoridad. Sinabi niya sa kababaihan, ‘Makapagsasalita kayo nang may awtoridad, sapagkat binigyan kayo ng awtoridad ng Panginoon.’ Sinabi rin niya na ang Relief Society ay ‘binigyan … ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ang maraming dakilang bagay. Ang gawain nila ay ginagawa nang may awtoridad mula sa Diyos.’ At, mangyari pa, ang gawain sa Simbahan na ginagawa ng kalalakihan at kababaihan, sa templo man o sa mga ward o branch, ay ginagawa sa ilalim ng pamamahala ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Kaya patungkol sa Relief Society, ipinaliwanag ni Pangulong Smith na, ‘Ibinigay [ng Panginoon] sa kanila ang napakalaking organisasyong ito kung saan mayroon silang awtoridad na maglingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga bishop ng mga ward … , na pinangangalagaan ang kapakanan ng ating mga tao kapwa sa espirituwal at temporal’ [‘Relief Society—An Aid to the Priesthood,’ 4–5]. …

“Hindi karaniwan sa atin ang sabihing may awtoridad ng priesthood ang kababaihan sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan, ngunit ano pa bang awtoridad ang maitatawag dito? Kapag ang isang babae—bata man o matanda—ay itinalaga na mangaral ng ebanghelyo bilang full-time missionary, siya ay binibigyan ng awtoridad ng priesthood para isagawa ang tungkulin ng priesthood. Angkop din iyan kapag ang isang babae ay itinalaga na mamuno o magturo sa isang organisasyon ng Simbahan sa pamamahala ng mayhawak ng mga susi ng priesthood. Sinumang gumaganap sa katungkulan o tungkulin na natanggap mula sa taong mayhawak ng mga susi ng priesthood ay ginagamit ang awtoridad ng priesthood sa pagtupad sa mga gawaing itinalaga sa kanya” (“Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 50–51).

  • Anong mga katotohanan tungkol sa mga tungkulin at responsibilidad ng kababaihan sa Simbahan ang natutuhan ninyo mula kay Elder Oaks? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga sagot, tiyaking naunawaan nila ang katotohanang ito: Kapag ang mga kababaihan ay itinalagang maglingkod sa Simbahan, tumatanggap sila ng awtoridad ng priesthood para isagawa ang kanilang mga responsibilidad.)

Upang mapalalim ang pang-unawa ng mga estudyante at ang kanilang damdamin tungkol sa mga katotohanang tinalakay nila sa klase, pagpartner-partnerin sila at sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod:

  • Paano natin mapagbubuti ang ating sinasabi tungkol sa kababaihan ng Simbahan upang umakma sa tunay na kabuluhan ng kanilang mga ambag?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga damdamin tungkol sa impluwensya ng kababaihan at ang gawaing kanilang ginagawa bilang mga disipulo sa kaharian ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa nadama nila sa oras ng lesson, lalo na ang pagbibigay ng ibayong pagpapahalaga sa kahalagahan ng Relief Society sa kanilang buhay.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

  • Doktrina at mga Tipan 25.

  • Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 49–52.

  • Julie B. Beck, “Ang Pananaw ng mga Propeta tungkol sa Relief Society: Pananampalataya, Pamilya, Kaginhawahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 83–85.