Lesson 25: Ang Utah War at ang Mountain Meadows Massacre
25
Ang Utah War at ang Mountain Meadows Massacre
Noong 1850s, ang tensiyon at di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga opisyal ng pamahalaan ng Estados Unidos ay humantong sa Utah War noong 1857–58. Noong Setyembre 1857, ilang mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah Territory at ang mga dayuhang nakasakay sa mga bagon na papuntang California ay nagkaroon ng pagtatalo. Dahil sa galit at takot, plinano at isinagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw na iyon ang pagmasaker sa 120 dayuhan. Ang malupit na karahasang ito ay kilala na ngayon bilang Mountain Meadows Massacre.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 17–21.
“Peace and Violence among 19th-Century Latter-day Saints,” Gospel Topics, lds.org/topics.
Henry B. Eyring, “150th Anniversary of Mountain Meadows Massacre,” Set. 11, 2007, mormonnewsroom.org/article/150th-anniversary-of-mountain-meadows-massacre.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Nagkaroon ng tensiyon at di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng pamahalaan ng Estados Unidos
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout sa katapusan ng lesson. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang handout section na may pamagat na “Ang Lumalang Tensiyon ay Humantong sa Digmaan sa Utah.”
Kung kayo ay Banal sa mga Huling Araw noong 1857 at nabalitaan ninyo na isang malaking hukbo ang paparating sa lungsod ninyo, ano kaya ang ikababahala ninyo? (Maaaring mabanggit ng mga estudyante na ang mga Banal ay marahas na pinalayas sa Ohio, Missouri, at Illinois; marami ang nawalan ng mahahalagang ari-arian at mga lupain; at ang ilan ay napatay o namatay sa mga pag-uusig na ito. Ang mga balita tungkol sa paparating na hukbo ay nagdulot ng pangamba na baka maulit ang gayong mga pangyayari sa Utah.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang handout section na may pamagat na “Paghahanda para sa Pagtatanggol sa Teritoryo.”
Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga dayuhang nakasakay sa mga bagon
Magdispley ng mapa na katulad ng ipinakita rito, o magdrowing ng isa nito sa pisara.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang handout section na may pamagat na “Pakikipagtalo sa mga Dayuhang Sakay ng mga Bagon.”
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na naranasan nilang makipagtalo sa ibang tao o sa isang grupo ng mga tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 12:25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang alituntuning itinuro ni Jesucristo na gagabay sa atin kapag may nakaalitan tayo.
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “Makipagkasundo kayo agad sa inyong kaaway”?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang ito, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu:
“Sinabi ng Tagapagligtas, ‘Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit … ,’ sa gayo’y inuutusan tayong maaga nating lunasan ang di pagkakasundo, nang di mauwi ang panandaliang init ng ulo sa kalupitang pisikal o emosyonal, at matangay tayo ng ating galit” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 11).
Paano ninyo ibubuuod ang itinuro ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 12:25? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung lulutasin natin ang pagtatalo sa pamamaraan ng Panginoon, maiiwasan natin ang masasamang epekto ng pagtatalu-talo.)
Paano kaya maaaring nakatulong ang alituntuning ito sa mga nagbalak na saktan ang mga miyembro ng mga bagon?
Ipabasa nang malakas ang handout section na may pamagat na “Tumindi ang Pagtatalo.”
Ano ang dapat na ginawa ng mga lider ng Cedar City nang payuhan sila ni William Dame na huwag gamitin ang militia? Ano ang ginawa nila sa halip na sundin ang payong ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin susundin ang payo na gawin ang tama, mas malamang na mali ang maging desisyon natin. Maaari mo ring ituro na isang malaking karunungan ang sistema ng mga council sa pamamahala sa Simbahan.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng handout section na may pamagat na “Pagsalakay sa mga Dayuhan”, at sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano patuloy na nagkamali sa pagpapasiya ang mga lider ng Cedar City matapos balewalain ang payo na natanggap nila.
Ano ang ibinunga ng desisyon ng mga lider ng Cedar City na huwag sundin ang payo ni William Dame, ang kumander ng militia?
Sa pagkakataong ito, ano ang mga maaaring ipasiyang gawin ng mga responsable sa pagsalakay? (Puwede nilang ipagtapat ang nagawa nila at tanggapin ang mga ibubunga nito, o puwede nilang tangkaing pagtakpan ang mga krimen at kasalanang ginawa nila.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
Ano ang ginagawa ninyo kapag nagkakamali kayo? Ipinagtatapat ba ninyo ang nagawa ninyong pagkakamali at tinatanggap ang mga ibubunga nito, o tinatangka ninyong pagtakpan ang kasalanan sa pamamagitan ng panlilinlang?
Ilang Banal sa mga Huling Araw ang nagplano at isinagawa ang Mountain Meadows Massacre
Ipaliwanag na ang mga miyembro ng Simbahan na sangkot sa mga pagsalakay laban sa mga dayuhan ay piniling pagtakpan ang kanilang mga kasalanan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nangyari dahil sa desisyong ito habang nagsasalitan ang mga estudyante sa pagbasa nang malakas ng section handout na may pamagat na “Ang Mountain Meadows Massacre” at “Mga Kalunus-lunos na Ibinunga.”
Ipaliwanag na ang mga ipinasiyang gawin ng ilang lider na mga Banal sa mga Huling Araw at mga naninirahan sa katimugan ng Utah Territory ay humantong sa kalunus-lunos na Mountain Meadows Massacre. Taliwas dito, sinikap ng mga lider ng Simbahan at teritoryo sa Salt Lake City na resolbahin ang hindi nila pagkakasundo ng pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga mapayapang pag-uusap at pakikipagkasunduan noong 1858. Sa hidwaang ito—na tinawag kalaunan na Utah War—ang mga sundalo ng Estados Unidos at ng Utah ay nagpakita ng pagkapoot sa isa’t isa ngunit hindi ito kailanman humantong sa digmaan.
Paano ninyo ibubuod ang mga pagpapasiyang humantong sa Mountain Meadows Massacre?
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa trahedyang ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang iba’t ibang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Ang ipasiyang pagtakpan ang ating mga kasalanan ay magdudulot ng hinagpis at pagdurusa. Ang ipasiyang itago ang ating mga kasalanan ay magdudulot ng dalamhati at pagdurusa.)
Tiyakin sa mga estudyante na kung nagkamali sila at nagkasala, maiiwasan nila ang pagkabagabag ng budhi at paghihinagpis sa hinaharap kung babaling sila sa Panginoon at magsisisi sa kanilang mga kasalanan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang handout section na may pamagat na “Nalaman ng mga lider ng Simbahan ang tungkol sa Masaker.”
Ipaliwanag na dahil ilan sa mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar ang nagplano at nagsagawa ng Mountain Meadows Massacre, naging masama na ang tingin ng ilang tao sa buong Simbahan dahil sa pangyayaring ito.
Bakit mahalagang malaman na ang mga maling gawain ng ilang miyembro ng Simbahan ay hindi sukatan ng katotohanan ng ebanghelyo?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan na matatagpuan handout section na may pamagat na “Ang ika-150 Anibersaryo ng Mountain Meadows Massacre.”
Paano tayo dapat tumugon kapag nalaman natin na may mga pagkakataon na hindi ipinapamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang mga turo ni Jesucristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 5:12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang magagawa natin para magkaroon tayo ng patotoo at mapanatili ito upang sa panahon ng mga pagsubok, tulad ng mga pagkakataong nalaman natin na hindi ipinapamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang mga turo ni Jesucristo, ay hindi matitinag ang ating pananampalataya.
Ayon sa Helaman 5:12, ano ang maaari nating gawin upang magkaroon ng patotoo at mapanatili ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Magkakaroon tayo ng malakas na patotoo kapag isinalig natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo.)
Para mailarawan ang alituntuning ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na tala:
“Si James Sanders ay kaapu-apuhan ng … isa sa mga anak na nakaligtas sa masaker [at isa rin siyang miyembro ng Simbahan]. … Sinabi ni brother Sanders na … ang malaman na napatay ang kanyang ninuno sa masaker ay ‘hindi nakaapekto sa aking pananampalataya dahil nakasalig ito kay Jesucriso at hindi sa sinumang tao sa Simbahan’” (Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 21).
Paano tayo mapalalakas ng ating pananampalataya kay Jesucristo kapag nalaman natin ang mga pagkakataon na hindi ipinapamuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang mga turo ng Tagapagligtas?
Ano ang ginagawa ninyo na nakatutulong sa inyo na maisalig ang inyong pananampalataya kay Jesucristo?
Patotohanan ang kahalagahan ng pamumuhay sa mga turo ng Tagapagligtas at ang pagsalig ng ating pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila mas maisasalig ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at mithiing magawa iyon.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
“Peace and Violence among 19th-Century Latter-day Saints,” Gospel Topics, lds.org/topics.
Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 17–21.