14
Ang Kirtland Temple at ang mga Susi ng Priesthood
Pambungad
Pagkaraan ng halos tatlong taon ng paghihirap at pagsasakripisyo para sa panustos, inilaan ang Kirtland Temple noong Marso 27, 1836. May mga himalang naganap habang ginagawa ang paglalaan, at ilang linggo kalaunan, ipinanumbalik ng mga sugo ng langit ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Ang mga susing ito ay isang kakaibang katangian ng Simbahan at nagpapala sa milyun-milyong tao na sumapi sa Simbahan.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Jeffrey R. Holland, “Ang Ating Natatanging Katangian,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 43–45.
-
David A. Bednar, “Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 97–100.
-
“Glorious Days in Kirtland, 1834–1836,” kabanata 13 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 153–68.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 109:1–28
Ang mga Banal ay nagsakripisyo para maitayo ang Kirtland Temple
Ipakita sa mga estudyante ang larawan ng Kirtland Temple (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 117; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na nagtrabaho at nagsakripisyo ang mga Banal sa loob ng halos tatlong taon para maitayo ang Kirtland Temple. Sa paggawa nito, nasaksihan nila ang katuparan ng pangako ng Panginoon na kung susundin nila ang Kanyang mga kautusan, sila ay “magkakaroon ng kapangyarihang itayo ito” (D at T 95:11). Halos 1,000 katao ang dumalo sa paglalaan ng templo, na ginanap noong Marso 27, 1836. Ang panalangin ng paglalaan, na natanggap ni Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag, ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 109.
Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 109:1–5. Hikayatin ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at mas pagtuunan ang mga pariralang naglalarawan sa mga sakripisyo ng mga Banal sa pagtatayo ng templo. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang mga pariralang ginamit ni Joseph Smith upang ilarawan ang mga sakripisyo ng mga Banal?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga sakripisyo ng mga Banal, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod:
Mula Hunyo 1833 hanggang Marso 1836, ang mga kalalakihan at kababaihan ay nagtulungan na maitayo at makumpleto ang bahay ng Panginoon. Ilan ang nagmason, may ibang naghakot ng bato, ang iba naman ang nag-ikid ng sinulid at nanahi ng mga damit para sa mga manggagawa, at ang ilan ay nagsipanahi ng mga kurtina para sa bahay ng Panginoon. Ginawa nilang lahat ito “nang ang Anak ng Tao ay magkaroon ng lugar na pagpapakitaan ng kanyang sarili sa kanyang mga tao” (D at T 109:5). Ang ilang Banal sa mga Huling Araw, tulad ni John Tanner, ay nagbigay ng napakalaking halaga ng salapi para sa pagtatayo ng templo. Sa kabuuan, maaaring umabot nang hanggang 40,000 US dollars ang ginastos sa pagtatayo—na napakalaking halaga nang panahong iyon. Sa kabila ng gastos at sakripisyo, nanatiling matapat ang mga Banal sa kanilang mga pagsisikap na sundin ang mga utos ng Panginoon (tingnan sa D at T 95:11). Ang templo ng Kirtland ay ginawa nang may pagmamahal at pagpapakita ng pagsunod, pagsasakripisyo, at pananampalataya.
-
Anu-anong mga sakripisyo ang kailangan ninyong gawin ngayon upang matamasa ang mga pagpapala ng templo?
-
Anong mga pagpapala ang dumarating sa ating buhay kapag nagsasakripisyo tayo para sa gawain ng Panginoon?
Upang matulungang sagutin ang tanong na ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Sister Carol B. Thomas ng Young Women General Presidency. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang sakripisyo ay isang kahanga-hangang alituntunin. Kapag kusa tayong nagbibigay ng ating panahon at mga talento at lahat ng ating ari-arian, nagiging isa ito sa ating pinakatunay na paraan ng pagsamba. Ipadadama nito sa atin ang marubdob na pagmamahal sa isa’t isa at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa pagsasakripisyo, mababago ang ating mga puso, mas mapapalapit tayo sa Espiritu, at mababawasan ang hilig natin sa mga bagay ng mundo” (“Sacrifice: An Eternal Investment,” Ensign, May 2001, 64).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 109:12–13 at 20–21, at alamin kung paano ipinahihiwatig sa panalanging ito ang kasagraduhan ng templo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang pinakamahalaga sa kanila sa mga talatang ito.
Sabihin sa mga estudyante na sa panalangin ng paglalaan, nagsumamo si Joseph Smith sa Panginoon ng mga partikular na mga pagpapala. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 109:12–15, 22–28. Hikayatin ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapalang dumarating sa mga yaong karapat-dapat na sumamba sa templo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o pariralang mahalaga sa kanila. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa mga pagpapala na natukoy ninyo, ano ang pinakamakabuluhan sa inyo? Bakit?
-
Anong doktrina o alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Tiyaking matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay tapat na sumasamba sa templo, makatatanggap tayo ng higit na proteksyon at kapangyarihan laban sa kasamaan ng mundo.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Mangyaring pag-aralan ang [Doktrina at mga Tipan 109:24–28] na isinasaalang-alang ang kasalukuyang poot ng kalaban at … ang ating kahandaang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at ang pangangalagang ipinangako sa mga taong marangal na humahawak ng pangalan at katayuan sa banal na templo. Kapansin-pansin na ang mga pagpapalang ito mula sa tipan ay para sa lahat na henerasyon at sa kawalang-hanggan. Inaanyayahan ko kayo na paulit-ulit ninyong aralin at nilayin ang mga ipinapahiwatig ng mga banal na kasulatang ito sa buhay ninyo at para sa inyong pamilya.
Huwag tayong magtaka sa mga pagpupumilit ni Satanas na hadlangan at pasinungalingan ang pagsamba at paggawa sa templo. Ang diyablo ay galit sa kadalisayan at kapangyarihan ng bahay ng Panginoon. At ang pangangalagang nakakamit natin sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo ang tumatayong malaking balakid sa masasamang tangka ni Lucifer” (“Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 99–100).
-
Paano ninyo nadama na lumakas ang espirituwalidad ninyo dahil sa pagsamba sa templo?
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung ano ang maaari nilang gawin para matanggap ang iba pang mga pagpapala na ipinangako sa matatapat na sumasamba sa templo. Ipaalala sa mga estudyante na kapag pinagnilayan nila ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta, ang kanilang puso’t isipan ay mas magiging bukas sa inspirasyon mula sa Panginoon.
Doktrina at mga Tipan 110
Sina Jesucristo, Moises, Elijah, at Elias ay nagpakita sa Kirtland Temple
Ipaliwanag na ginantimpalaan ng Diyos ang sakripisyo ng mga Banal sa pagtatayo ng Kirtland Temple ng saganang pagbuhos ng espirituwal na pagpapamalas sa mga araw bago, habang isinasagawa, at pagkatapos ng paglalaan. Kung may oras pa, ibahagi nang maikli ang ilan sa mga salaysay na matatagpuan sa kabanata 13 (“Glorious Days in Kirtland, 1834–36”) sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), lalo na sa bahaging may pamagat na “A Pentecostal Season” (mga pahina 164–67). Sabihin sa mga estudyante na marahil ang pinakamahalaga sa mga pangyayaring ito ay naganap noong Abril 3, 1836, isang linggo matapos ang paglalaan ng templo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 110, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Para kanino ang pangitaing ibinigay? Ano ang ginagawa nina Joseph Smith at Oliver Cowdery bago nangyari ang pangitaing ito?
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang unang sampung talata ng Doktrina at mga Tipan 110 ay binubuo ng maluwalhating pangitain na ibinigay kina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa Tagapagligtas, na nagpakita sa kanila upang ipahayag ang pagtanggap Niya sa Kirtland Temple. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talatang ito nang tahimik habang inaalam ang mahahalagang katotohanan hinggil sa Tagapagligtas at sa templo. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong ang sumusunod:
-
Alin sa mga talatang ito ang makabuluhan sa inyo? Bakit?
-
Ayon sa talata 6, ipinahayag ng Tagapagligtas na, “Magsaya ang mga puso ng lahat ng aking tao.” Sa palagay ninyo, bakit may dahilan ang mga Banal para magsaya sa panahong iyon?
Ipaliwanag na nang matapos ang pangitain tungkol sa Tagapagligtas, sunud-sunod na pangitain ang dumating. Sa mga pangitaing ito, isa-isang nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod:
Hatiin sa tatlong grupo ang klase. Mag-assign sa bawat grupo ng isa sa mga pangalan na nakasulat sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga kaukulang talata upang malaman ang partikular na mga susi ng priesthood na ipinanumbalik. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ang mga sumusunod na paliwanag ay maaaring magbigay sa mga estudyante ng mas malalim na pang-unawa sa nabasa nila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bawat pahayag matapos ninyong talakayin ang kaukulang talata:
Moises: Ang mga susi ng pagtitipon ng Israel ay nagbibigay ng awtoridad na pamahalaan ang pangangaral ng ebanghelyo sa apat na sulok ng mundo. “Angkop lamang na si Moises, na unang namuno sa mga anak ng Diyos sa lupain ng kanilang mana, ang siyang maggagawad ng mga susi ng pagtitipon ng Israel sa ipinanumbalik na Simbahan” (Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 82, footnote 28).
Elias: “Isang tao na tinawag na Elias na tila nabuhay sa mundo noong panahon ni Abraham, ang ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa templo ng Kirtland (Ohio) noong Abril 3, 1836” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Elias”). “[Ibinalik] ni Elias ‘ang ebanghelyo ni Abraham,’ ang dakilang tipan ni Abraham kung saan tinatanggap ng matatapat ang mga pangako na walang hanggang pag-unlad, mga pangako na sa pamamagitan ng selestiyal na kasal ang kanilang walang hanggang angkan ay magiging kasindami ng buhangin sa dalampasigan o gaya ng mga bituin sa langit” (Bruce R. McConkie, “The Keys of the Kingdom,” Ensign, Mayo 1983, 22).
Elijah: “Ang kapangyarihang ito na magbuklod na ipinagkaloob kay Elijah, ay ang kapangyarihan na nagbubuklod sa mga mag-asawa, at mga anak sa mga magulang sa panahon at kawalang-hanggan. Ito ang kapangyarihang magbuklod na nakapaloob sa bawat ordenansa ng Ebanghelyo. … Dahil sa kapangyarihang ito lahat ng ordenansang may kinalaman sa kaligtasan ay nakatali, o nakabuklod, at misyon ni Elijah ang bumalik, at ipanumbalik ang mga ito” (Joseph Fielding Smith, Elijah the Prophet and His Mission [1957], 5).
Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 110: 16, at hikayatin ang mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung ano ang ibinigay kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa panahong iyon (“mga susi ng dispensasyong ito”). Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ayon sa talata 16, ano ang malalaman natin dahil ipinanumbalik ang mga susing ito? (Ang Ikalawang Pagparito ay malapit na.)
-
Isinasaisip ang talata 16, bakit kailangang maipanumbalik ang mga susing ipinanumbalik nina Moises, Elias, at Elijah bago ang “dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon”?
-
Paano kayo napagpala ng panunumbalik ng mga susing ito ng priesthood? (Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, ibuod ang kahalagahan ng panunumbalik ng mga susi sa pamamagitan ng paglalahad ng alituntuning ito: Ang mga susi ng gawaing misyonero, mga walang-hanggang pamilya, at gawain sa templo ay tumutulong sa atin na ihanda ang ating sarili at ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang priesthood ng Diyos, kasama ang mga susi, mga ordenansa nito, ang banal na pinagmulan nito at kapangyarihang ibuklod sa Langit ang ibinuklod sa lupa, ay kailangang-kailangan sa totoong Simbahan ng Diyos sa pagiging kakaiba nito at kung wala ito, wala ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Ang Ating Natatanging Katangian,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 43).
Ibahagi kung paano pinagpala ang buhay mo dahil ipinanumbalik ang mga susi ng priesthood na ito. Magpatotoo na ang mga susi ng priesthood ay isang kakaibang katangian ng Simbahan; ibinubukod nito ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba pang Simbahan sa mundo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Jeffrey R. Holland, “Ang Ating Natatanging Katangian,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 43–45.
-
David A. Bednar, “Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 97–100.