Manwal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (Religion 225)
Ano ang inaasahan sa isang titser ng relihiyon?
Habang naghahanda kang magturo, mahalagang maunawaan ang layunin ng Seminaries and Institutes of Religion:
“Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at mga young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa dito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion [2012], x).
Makakamit mo ang layuning ito sa pamamagitan ng masigasig na pamumuhay ayon sa ebanghelyo, epektibong pagtuturo ng ebanghelyo sa iyong mga estudyante, at angkop na pamamahala sa iyong klase o programa. Kapag naghahanda ka at nagtuturo ng ebanghelyo sa mga paraang ito, magiging karapat-dapat ka para sa impluwensya ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 42:14).
Pagkakataon mo ito na matulungan ang mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng Espiritu upang mapalakas nila ang kanilang pananampalataya at mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob. Matutulungan mo ang mga estudyante na magawa ito kapag pinapatnubayan mo sila na matukoy, maunawaan, madama ang katotohanan at kahalagahan ng mahahalagang doktrina at alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at maipamuhay ang mga ito.
Ang hanbuk na Gospel Teaching and Learning ay mahalagang mapagkukunan ng impormasyon para maunawaan ang proseso ng pagtuturo at matutuhan kung paano maging matagumpay sa loob ng klase. Gamitin nang madalas ang hanbuk na ito.
Anu-ano ang mga layunin ng kursong ito?
Ang kursong ito, Mga Pundasyon ng Panunumbalik (Religion 225), ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na pag-aralan ang mga saligang paghahayag, doktrina, makasaysayang pangyayari, at mga taong may kaugnayan sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, mga turo ng mga propeta sa mga huling araw, at kasaysayan ng Simbahan. Ang kursong ito ay magbibigay ng mga doktrinal na pundasyon at makasaysayang konteksto na kinakailangan para sa tamang pag-unawa sa doktrina ng Simbahan at sa kasaysayan. Ang mga estudyante ay magkakaroon ng dagdag na kakayahang mahanap ang katotohanan, masuri ang bisa at katotohanan ng pinagmulang materyal, at mahiwatigan ang totoo sa mali. Pag-aaralan ng mga estudyante ang mga banal na kasulatan, doktrina ng Simbahan, at kasaysayan ng Simbahan sa paraan na may kaugnayan sa kanilang buhay at mga kalagayan. Si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ay nagpatotoo sa katotohanan ng Panunumbalik:
“Ito ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Tayong mga miyembro ay mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpapatotoo tayo na nabuksan ang kalangitan, na nahawi ang tabing, na nagsalita ang Diyos, at ipinakita ni Jesucristo mismo ang Kanyang Sarili. …
“Salamat sa Diyos sa Kanyang kagila-gilalas na pagkakaloob ng patotoo, awtoridad, at doktrina na nauugnay sa mga ito, ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
“Ito dapat ang ating dakila at natatanging mensahe sa mundo. Hindi natin ibinibigay ito nang may pagmamalaki. Pinatototohanan natin ito nang mapagkumbaba ngunit may marubdob at lubos na katapatan” (“Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,”,” Liahona,, Nob. 2002, 81).
Kapag ang mga estudyante ay nagkaroon ng mas malakas na pananampalataya kay Jesucristo at mas malalakas na patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo, pag-iibayuhin nila ang kanilang pangako na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan at maging mas handang ibahagi ang mensahe ng Panunumbalik.
Ano ang inaasahan sa mga mag-aaral?
Upang makatanggap ng credit para makapagtapos sa institute, dapat basahin ng mga estudyante ang mga scripture passage, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at iba pang mga materyal na nakalista sa bahaging Mga Babasahin ng mga Estudyante sa bawat lesson. Dapat ding matugunan ng mga estudyante ang attendance requirement at ipakita ang pagkaunawa sa kurso.
Paano inayos ang mga lesson sa manwal na ito?
Ang kursong ito ay ituturo sa buong isang semestre at mayroong 28 lesson na para sa mga 50-minutong class period. Kung nagkaklase ka nang dalawang beses bawat linggo, magturo ng isang lesson bawat class period. Kung nagkaklase ka nang isang beses kada linggo sa loob ng 90 hanggang 100 minuto, pagsamahin ang dalawang lesson at ituro ang mga ito sa bawat class period. Bawat lesson ay binubuo ng apat na bahagi:
-
Pambungad
-
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
-
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Pambungad
Ang bahaging ito ay nagbibigay ng maikling pambungad sa mga paksa at mga layunin ng lesson.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
Ang bahaging ito ay nagmumungkahi ng mga materyal o resources, tulad ng mga mensahe ng mga propeta sa panahong ito, na tutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga doktrina, alituntunin, at katotohanan ng ebanghelyo na tinalakay sa lesson outline.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Kasama sa bahaging Mga Mungkahi sa Pagtuturo ang materyal na makatutulong sa iyo na malaman kung ano ang ituturo at kung paano ito ituturo (tingnan din sa bahaging 4.3.3 at 4.3.4 ng hanbuk na Gospel Teaching and Learning). Ang mga iminungkahing aktibidad sa pag-aaral ay ginawa upang tulungan ang estudyante na matukoy, maunawaan, at maipamuhay ang mga sagradong katotohanan. Maaari mong piliing gamitin ang ilan o lahat ng mga mungkahi habang iniaangkop mo ang mga ito sa paraan ng iyong pagtuturo at upang matugunan ang mga pangangailangan at kalagayan ng iyong mga estudyante. Habang pinag-iisipan mo kung paano maiaangkop ang mga materyal ng lesson, sundin ang payo na ito ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Madalas kong marinig na itinuturo ni Pangulong Packer na umayon muna tayo, at saka tayo umangkop. Kung napag-aralan na natin nang husto ang iminungkahing lesson na ibibigay natin, kung gayon ay masusunod natin ang Espiritu para maiakma ito. Pero natutukso tayo, kapag tinatalakay natin ang flexibility na ito, na magsimulang iakma ito sa mga tinuturuan natin bago pag-aralan nang husto o maging pamilyar sa lesson. Dapat ay balanse. Ito ay hamon na makakaharap natin tuwina. Ngunit ang pag-aralan o maging pamilyar muna nang lubos sa lesson at pagkatapos ay iangkop sa tinuturuan ay mabuting paran para maayos itong maituro” (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Aug. 7, 2012], lds.org/broadcasts).
Ang kursong ito ay kinapapalooban ng mga pahayag ng mga lider ng Simbahan na malamang ay makukuha sa maraming wika. Habang naghahanda kang magturo, maaari mong iakma ang mga lesson gamit ang iba pang makukuhang mga pahayag ng mga lider ng Simbahan na nauugnay sa paksa.
Ang bahaging Mga Mungkahi sa Pagtuturo ay naglalaman ng isa o higit pang mga pahayag na doktrina o alituntunin, na nakasulat sa malalaki at maiitim na letra [bold letters]. Kapag natuklasan ng mga estudyante ang mga doktrina at alituntuning ito at ibinahagi ang natutuhan nila, ang kanilang mga salita ay maaaring maiba mula sa mga nakasaad sa manwal. Kapag nangyari ito, huwag ipahiwatig o sabihin na mali ang kanilang mga sagot. Gayunman, kung ang isinagot ay halos tama, ipaunawa ito nang mas malinaw.
Ang kurikulum na ito ay nagpapakita kung paano pinagsama ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo sa kursong magtuturo nang ayon sa paksa (tingnan sa Gospel Teaching and Learning, 10, 23–31, 38–41). Sa darating na mga buwan, ang seminary at institute ay maglalathala ng dokumentong tatawaging “Teaching and Learning the Scriptures in Institutes of Religion,” na lalong magpapaliwanag kung paano isama ang mga pangunahing alituntunin ng pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo sa isang kursong magtuturo nang ayon sa paksa.
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga kapakinabangang dulot ng pag-aaral ng ebanghelyo nang ayon sa paksa:
“Bagama’t ang pagbabasa ng isang aklat ng banal na kasulatan mula simula hanggang wakas ay nagbibigay ng pangunahing kaalaman, ang pag-aaral ayon sa paksa ay nagpapalawak ng ating kaalaman. Ang pagsasaliksik sa mga paghahayag para sa mga pagkakaugnay, huwaran, at tema ay nagpapatibay at nagdaragdag sa ating espituwal na kaalaman … ; pinalalawak nito ang ating pananaw at pang-unawa sa plano ng kaligtasan.
“Sa palagay ko, ang masigasig na pagsasaliksik upang matuklasan ang pagkakaugnay, huwaran, at tema ay bahagi ng ibig sabihin ng ‘magpakabusog’ sa mga salita ni Cristo. Ang paraang ito ay magbubukas ng daluyan ng espituwal na imbakan, liliwanagin ang ating pang-unawa sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, at magbubunga ng matinding pasasalamat para sa banal na kasulatan at matibay na pangako na hindi matatanggap sa ibang paraan. Ang ganitong pagsasaliksik ay makatutulong sa atin na makasalig sa ibabaw ng bato ng ating Manunubos at mapaglabanan ang kasamaan sa mga huling araw na ito” (“A Reservoir of Living Water” [Brigham Young University fireside, Feb. 4, 2007], 3, speeches.byu.edu).
Ilan sa mga materyal sa manwal na ito ay batay sa materyal sa Doctrine and Covenants and Church History Seminary Manual.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Nakalista sa bahaging ito ang mga scripture passage at mga mensahe ng mga lider ng Simbahan, at iba pang mga materyal na magpapalawak sa pang-unawa ng mga estudyante tungkol sa mga paksang binigyang-diin sa mga lesson. Tagubilinan at hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga materyal na ito bago sila pumasok sa klase. Kapag pinag-aralan nila ang mga materyal na binigyang-inspirasyon, hindi lamang sila magiging mas handang makibahagi sa mga talakayan sa klase, kundi magkakaroon din sila ng mas malawak at malalim na pag-unawa tungkol sa mga paksa ng kursong ito. Bigyan ang mga estudyante ng listahan ng lahat ng Mga Babasahin ng mga Estudyante sa simula ng semestre.
Paano ako maghahandang magturo?
Tutulungan ka ng Panginoon habang naghahanda kang magturo. Habang naghahanda ka, maaaring makatulong na itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:
-
Nanalangin ba ako para matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo?
-
Pinag-aralan ko ba ang mga naka-assign na scripture block at ang mga babasahin tungkol sa paksa?
-
Binasa ko ba ang kurikulum at inalam kung mayroong anuman doon na kailangan kong iakma o baguhin upang matugunan ang mga pangangailangan ng aking mga estudyante?
-
Paano ako magtatanong sa mga estudyante para matiyak ko na may natutuhan sila mula sa pagbabasa ng mga reading assignment?
-
Paano ko matutulungan ang bawat isa sa aking mga estudyante na lubos na makibahagi sa talakayan sa lesson?
Ang mga sumusunod na mungkahi ay maaari ding makatulong:
-
Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga naka-assign na scripture passage at artikulo bago ang bawat klase.
-
Umasang gagawin ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad bilang mga mag-aaral.
-
Madalas na bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataon na ipaliwanag ang mga doktrina at alituntunin sa sarili nilang mga salita, magbahagi ng mga kaugnay na karanasan, at magpatotoo sa nalaman at nadama nila.
-
Iba-ibang aktibidad sa pag-aaral at mga pamamaraan ang gamitin mo sa bawat klase at sa bawat araw rin.
-
Ihanda ang klase sa paraang madarama ang Espiritu at magbibigay sa mga estudyante ng pribilehiyo at responsibilidad na magturo at matuto sa isa’t isa (tingnan sa D at T 88: 78, 122).
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tiyakin na maraming makibahagi dahil ang paggamit ng kalayaan ng isang estudyante ay nagtutulot sa Espiritu Santo na makapagturo. … “Kapag nagpapahayag ang mga estudyante ng mga katotohanan, naipagtitibay ang mga ito sa kanilang mga kaluluwa at pinalalakas ang kanilang sariling patotoo” (“To Understand and Live Truth” [evening with Elder Richard G. Scott, Peb. 4, 2005], 3; si.lds.org).
Paano ko iaakma ang mga lesson sa mga taong may kapansanan?
Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyante na may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at mga ekspektasyon na tutulong sa kanila na magtagumpay.
Para sa mas marami pang ideya at resources, tingnan ang Disability Resources page sa disabilities.lds.org at ang Seminaries and Institutes of Religion policy manual section na may pamagat na “Adapted Classes and Programs for Students with Disabilities.”
Mga Pundasyon ng Panunumbalik (Religion 225)
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Paalala: Hindi mo kinakailangang basahin ang anumang iminungkahing materyal na wala sa inyong wika.
Lesson |
Pamagat |
Mga Iminungkahing Babasahin |
---|---|---|
1 |
Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain |
|
2 |
Ang Unang Pangitain |
|
3 |
Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon |
|
4 |
Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon |
|
5 |
Ang Pagpapanumbalik ng Priesthood |
|
6 |
Ang Organisasyon ng Simbahan |
|
7 |
Ipahayag ang Walang Hanggang Ebanghelyo | |
8 |
Ang Pagtitipon ng Israel sa mga Huling Araw | |
9 |
Sundin ang Buhay na Propeta |
|
10 |
Hanapin ang katotohanan |
|
11 |
Ang Tinig ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan |
|
12 |
Karagdagang mga Banal na Kasulatan sa Ating Panahon | |
13 |
“Ang Pangitain” |
|
14 |
Ang Kirtland Temple at mga Susi ng Priesthood |
|
15 |
Lakas sa Gitna ng Oposisyon |
|
16 |
Pagtubos sa mga Patay |
|
17 |
Mga Turo ng Ebanghelyo sa Nauvoo |
|
18 |
Ang Relief Society at ang Simbahan |
|
19 |
Ang Doktrina ng Walang-Hanggang Kasal at Pamilya |
|
20 |
Pag-aasawa nang Mahigit sa Isa |
Maaari mong basahin ang sumusunod:
|
21 |
Ang Misyon ni Joseph Smith Bilang Propeta |
|
22 |
Ang Martir na Pagkamatay ni Propetang Joseph Smith |
|
23 |
Paghalili sa Panguluhan |
|
24 |
Pag-alis sa Nauvoo at ang Paglalakbay Pakanluran |
|
25 |
Ang Utah War at ang Mountain Meadows Massacre |
|
26 |
Ang Paghahayag Tungkol sa Priesthood |
|
27 |
Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo |
|
28 |
Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan |
|
© 2018 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan.