19
Ang Doktrina ng Walang Hanggang Kasal at Pamilya
Binibigyang-diin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang doktrina na ang kasal at pamilya ay inorden ng Diyos. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mag-asawa ay maaaring manatiling mag-asawa matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli. Ipinaliwanag ng paghahayag mula sa Panginoon na ang “bago at walang-hanggang tipan ng kasal” (D at T 131:2) ay kinakailangan upang matanggap ang kadakilaan. Ipapaunawa ng lesson na ito sa mga estudyante na ang kasal ay magtatagal lamang nang walang hanggan kapag ang mag-asawa ay ibinuklod ng isang taong mayhawak ng mga susi ng priesthood at pagkatapos ay namuhay nang matwid.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Ensign at Liahona, Nob. 2008, 92–95.
-
David A. Bednar, “Marriage Is Essential to His Eternal Plan,” Ensign, Hunyo 2006, 82–87.
-
Joshua J. Perkey, “Why Temple Marriage?” New Era, Ago. 2013, 30–32.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 49:15–17; 131:1–4
“Ang bago at walang hanggang tipan ng kasal”
Paalala: Kapag itinuro mo ang lesson na ito, dapat mong isaisip na maaaring may mga estudyante ka na mahirap ang kalagayan sa tahanan o nakaranas ng lungkot o pasakit na may kinalaman sa kasal at pagkakaroon ng mga anak. Isipin ang mga pangangailangan ng mga estudyanteng ito habang naghahanda at nagtuturo ka ng lesson.
Sabihin sa mga estudyante na noong 1831 sa Kirtland, Ohio, si Leman Copley ay sumapi sa Simbahan. Siya ay miyembro ng United Society of Believers in Christ’s Second Appearing, na karaniwang tinatawag na Shakers dahil kapag sumasamba sila ay inaalog nila ang kanilang mga katawan habang kumakanta, nagsasayaw, at nagpapalakpakan kasabay ng musika. Bagama’t naniniwala si Leman Copley sa ebanghelyo, naniniwala pa rin siya sa ilang turo ng mga Shaker. Bumisita siya kay Joseph Smith, at dahil sa pagbisitang ito, ibinigay ng Panginoon kay Joseph ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 49 noong Mayo 7, 1831. (Nakatala sa mga section heading sa mga naunang edisyon ng Doktrina at mga Tipan na ang petsa nito ay Marso 1831. Kamakailan ay tiniyak ng mga mananalaysay na ang mas tumpak na petsa nito ay Mayo 7, 1831.)
Ang mga Shaker ay hindi naniniwala sa kasal at ganap na ipinamumuhay ang celibacy (hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon). Itinama ng Panginoon ang maling doktrinang ito sa paghahayag at inutusan din si Leman Copley at iba pa na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Shaker.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17, na inaalam ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kahalagahan ng pag-aasawa at pagpapamilya. Itanong:
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang itinuturo ng Panginoon tungkol sa kasal? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin na ang kasal ay inorden ng Diyos “upang matupad ng mundo ang layunin ng kanyang pagkakalikha”? (Maaaring kasama sa sagot ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan: Iniutos sa mag-asawa na magkaanak. Ang mundo ay nilikha upang maglaan ng lugar kung saan makapamumuhay bilang pamilya ang mga anak ng Diyos.)
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa mga katotohanang itinuro sa mga talatang ito upang maipaliwanag ang mga turo ng Simbahan tungkol sa kasal?
Ipaliwanag na makalipas ang ilang taon, ang pag-unawa ng mga Banal sa kahalagahan ng doktrina ng walang hanggang kasal at pamilya ay lumalim nang lubos. Noong Mayo 16, 1843, naglakbay si Joseph Smith papuntang Ramus, Illinois. Habang nasa bahay nina Benjamin at Melissa Johnson, itinuro sa kanila ng propeta ang tungkol sa walang hanggang kasal. Ilan sa mga tagubilin ng propeta na ibinigay sa Ramus ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 131. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4, at pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang dapat nating gawin upang matamo ang pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Upang matamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal, kailangan tayong pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang bago sa kontekstong ito ay bago pa lang ipinanumbalik ang tipang ito sa ating dispensasyon. Ang ibig sabihin ng mga katagang walang hanggan ay mayroon na ng tipang ito noon pa man at magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang mga kahulugang ito sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan.)
-
Sa ating panahon, paano pumapasok ang lalaki at babae sa “bago at walang-hanggang tipan ng kasal”?
Bigyang-diin na ang paraan upang makapasok ang kalalakihan at kababaihan sa bago at walang hanggang tipan ay sa loob lamang ng mga banal na templo. Ang mga taong ikinasal sa labas ng templo ay maaaring isama sa kanilang mga sinumpaan sa kasal ang mga katagang “mag-asawa para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan”, ngunit hindi kikilalanin ng Diyos ang mga kasal na ito sa kawalang-hanggan.
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang itinuro ni Elder Nelson kung bakit napakahalaga ng kasal na walang hanggan:
“Ang paksa ng pag-aasawa o kasal ay pinagtatalunan sa buong mundo, kung saan may iba-ibang kasunduan sa pagsasama ng mag-asawa. Ang layunin ko sa pagsasalita tungkol sa paksang ito ay ipahayag, bilang Apostol ng Panginoon, na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay sagrado—ito ay inordena ng Diyos. Pinagtitibay ko rin ang kainaman ng kasal sa templo. Ito ang pinakamataas at nagtatagal na uri ng kasal na maiaalok ng ating Tagapaglikha sa Kanyang mga anak.
“Bagamat ang kaligtasan ay nasa tao, ang kadakilaan ay nasa pamilya. …
“… Upang maging marapat sa buhay na walang hanggan, kailangan tayong gumawa ng walang hanggang tipan sa ating Ama sa Langit [tingnan sa D at T 132:19]. Ito ay nangangahulugan na ang kasal sa templo ay hindi lamang sa pagitan ng mag-asawa; tinatanggap nito ang pakikipagtuwang sa Diyos [tingnan sa Mateo 19:6]” (Selestiyal na Kasal,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 92–93).
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pangungusap na ito: “Bagamat ang kaligtasan ay nasa tao, ang kadakilaan ay nasa pamilya”?
-
Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang “pakikipagtuwang sa Diyos” sa walang hanggang kasal? Sa palagay ninyo, bakit mahalaga sa kasal ang magkaroon ng pakikipagtuwang sa Diyos? (Tanging sa kasal lamang nakikipagtipan ang isang tao sa ibang tao at sa Diyos. Lahat ng iba pang mga Tipan ng ebanghelyo ay ginawa sa pagitan ng tao at ng Diyos.)
-
Paano nakakadagdag ang ipinanumbalik na doktrina ng walang hanggang kasal at pamilya sa pagnanais ng isang tao na magkaroon ng kasal at pamilya na puno ng pagmamahal at walang hanggan?
Ipinaliwanag ni Elder Parley P. Pratt (1807–57) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang epekto sa kanya nang malaman niya ang ipinanumbalik na doktrinang ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod:
“[Kay Joseph Smith] ko natutuhan na ang mahal kong asawa ay maaaring mapasaakin sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. … Sa kanya ko nalaman na maaari naming linangin ang damdaming ito at lalago at madaragdagan ito sa buong kawalang-hanggan; habang ang bunga ng aming walang katapusang pagsasama ay ang mga supling na kasingdami ng mga bituin sa langit, o ng mga buhangin sa dalampasigan. … Nagmahal na ako noon, ngunit hindi ko alam kung bakit. Ngunit ngayon nagmahal ako—nang may kadalisayan—isang masidhing damdamin na mataas at dakila” (Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. [1938], 297–98).
Bago ipagpatuloy ang lesson, makabubuting talakayin sandali ang sumusunod:
“May ilang miyembro ng Simbahan na hindi nakapag-aasawa nang hindi nila sinasadya, kahit gusto nilang mag-asawa. Kung kayo ay nasa ganitong sitwasyon, mapanatag na ‘lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios’ (Mga Taga Roma 8:28). Kapag nanatili kayong karapat-dapat, ibibigay sa inyo balang araw, sa buhay mang ito o sa kabilang buhay, ang lahat ng pagpapala ng walang hanggang ugnayan ng pamilya” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 68).
Doktrina at mga Tipan 132:1–21
Mahalaga sa kadakilaan ang selestiyal na kasal
Ipaliwanag na halos dalawang buwan matapos ibigay ni Joseph Smith ang tagubiling nakatala sa Doktrina at mga Tipan 131, idinikta niya ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 132. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 132. Ipaliwanag na ang maramihang pagpapakasal o pag-aasawa ng higit sa isa ay tatalakayin sa susunod na lesson. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga salita at parirala na nagpapahiwatig ng kahalagahan ng pagpasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga salita at parirala sa mga talatang ito ang nagpapaliwanag ng kahalagahan ng kasal na walang hanggan?
-
Ano ang mga epekto ng pagtanggi sa doktrinang ito? (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang mapapahamak; ay nangangahulugan na ang isang tao ay mapapatigil sa kanyang walang hanggang pag-unlad.)
Paalala: Mag-ukol ng ilang minuto para ipaliwanag sa mga estudyante ang mahalagang kasanayan sa pag-aaral na pag-uukol ng pansin sa mahahalagang salita at parirala, ang kasanayan na kagagamit lang nila sa Doktrina at mga Tipan 132:3–6. Mahalagang pansinin at unawain ang mga salita at parirala kapag nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sa mga talata 3–6, mahalagang maunawaan ang sumusunod na mga kataga: “tanggapin at sundin,” “dapat sumunod,” “kung ikaw ay hindi tutupad sa tipang yaon, kung gayon ikaw ay mapapahamak,” “walang sinuman ang makatatanggi,” “kailangan at dapat.” Ilan sa mga katagang ito ay halimbawa rin ng mga koneksyon ng mga ideya sa mga banal na kasulatan. Ang mga koneksyon ay nagpapakita ng relasyon o ugnayan sa pagitan ng mga ideya. Halimbawa, sa talata 3, ipinapakita ang koneksyon ng mga ideya ng paghahanda, pagtanggap, at pagsunod.
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Doktrina at mga Tipan 132:7–8, at alamin ang mga kundisyon na hinihingi ng batas ng Panginoon upang ang mga mag-asawa ay mananatiling mag-asawa pagkatapos ng buhay na ito.
-
Ayon sa mga talatang ito, anong mga kondisyon ang kailangan para magpatuloy ang kasal sa kawalang hanggan? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Kapag ang tipan ay ginawa sa pamamagitan ng tamang awtoridad ng priesthood at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, mananatili ito magpakailanman.)
Ibahagi ang sumusunod na kahulugan ng Banal na Espiritu ng Pangako: “Ang Espiritu Santo ang Banal na Espiritu ng Pangako (Mga Gawa 2:33). Pinagtitibay niya na karapat-dapat tanggapin ng Diyos ang mabubuting gawa, mga ordenansa, at tipan ng mga tao. Sumasaksi ang Banal na Espiritu ng Pangako sa Ama na ang makapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,” scriptures.lds.org).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang magbuklod ay magpatibay, o magbigay-katwiran, o sumang-ayon. Kaya ang isang bagay na ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ay isang bagay na pinagtibay ng Espiritu Santo; ito ay isang bagay na sinang-ayunan ng Panginoon; at ang tao na tumanggap ng obligasyon sa kanyang sarili ay nabigyang-katwiran ng Espiritu sa isang bagay na ginawa niya. Ang nagpapatibay na buklod ng pagsang-ayon ay nagkakabisa lamang kung ang mga pumapasok sa kasunduan ay karapat-dapat bunga ng sariling kabutihan na matanggap ang pagsang-ayon ng langit” (Mormon Doctrine, Ika–2 ed. [1966], 361–62).
Patuloy na inilahad ng Panginoon ang mga kinakailangang kondisyon para sa mga pagpapala ng walang-hanggang kasal, tulad nang nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132:19–21. Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan na pag-aralan ang scripture passage na ito. Sabihin sa mga magkakapartner na gumawa ng dalawang listahan: (1) mga kondisyon para maging walang hanggan ang isang kasal, at (2) mga pagpapala na natatanggap kapag sinusunod ang mga kondisyong ito. Kapag natapos na, maaaring kasama sa listahan ang sumusunod:
Mga kondisyon para maging walang hanggan ang isang kasal
-
Ang kasal ay kailangang isagawa alinsunod sa mga batas ng Panginoon at sa “bago at walang hanggang tipan.”
-
Ang kasal ay kailangang mabuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako.
-
Ang kasal ay kailangang isagawa ng isang taong mayhawak ng mga susi ng priesthood.
-
Ang mag-asawa ay kinakailangang sumunod sa tipan ng Diyos.
Ang mga pagpapala na matatanggap
-
Ang mag-asawa ay babangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.
-
Ang mag-asawa ay magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, mga sakop, at lahat ng taas at lalim.
-
Ang kasal ay mayroon pa ring bisa pagkatapos ng pisikal na kamatayan.
-
Ang mag-asawa ay makararaan sa mga anghel.
-
Ang mag-asawa ay dadakilain at magtatamo ng kaluwalhatian sa lahat ng bagay.
-
Ang mag-asawa ay magkakaroon ng “pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman” (ang kanilang pamilya at mga inapo ay magpapatuloy sa kawalang hanggan; magkakaroon sila ng walang-hanggang pag-unlad).
-
Ang mag-asawa ay magiging mga diyos at walang katapusan.
-
Ang mag-asawa ay mangingibabaw sa lahat, sapagkat lahat ng bagay ay saklaw nila.
Talakayin ang sumusunod na mga tanong upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga kinakailangang kondisyon at ipinangakong mga pagpapala ng walang hanggang kasal:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “sumunod” sa tipan ng kasal? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang sumunod ay manatili o magpatuloy. Nangangahulugan din ito na mamuhay ayon sa tipan.)
-
Bakit hindi sapat na mabuklod lamang sa templo upang makamtan ang walang hanggang kasal?
-
Ano ang naiisip at nadarama ninyo sa ipinangangako ng Ama sa Langit sa inyo?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang selestiyal na kasal ay mahalagang bahagi ng paghahanda para sa buhay na walang hanggan. Kailangang makasal ang isang tao sa tamang kabiyak, sa tamang lugar, sa pamamagitan ng tamang awtoridad, at sundin ang sagradong tipang iyon nang buong katapatan. Sa gayon ay tiyak ang kadakilaan ng isang tao sa selestiyal na kaharian ng Diyos” (“Selestiyal na Kasal,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 94).
-
Paano ninyo ipaliliwanag sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan ang kahalagahan ng pagpapakasal “sa tamang lugar, sa pamamagitan ng tamang awtoridad”?
-
Ngayong alam na ninyo ang kahalagahan ng doktrina ng walang hanggang kasal at pamilya, ano ang magagawa ninyo ngayon upang maghanda para sa walang hanggang kasal at bumuo ng matibay na ugnayan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang kailangan nilang baguhin sa kanilang buhay upang maging mas handa sila sa pagbubuklod sa templo o sa pagsunod sa mga tipang nauugnay sa pagbubuklod na iyon. Ibahagi ang iyong patotoo na ang paghahangad ng walang hanggang kasal ay sulit sa ating sakripisyo at pagsisikap.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Ensign at Liahona, Nob. 2008, 92–95.
-
Joshua J. Perkey, “Why Temple Marriage?” New Era, Ago. 2013, 30–32.