22
Ang Martir na Pagkamatay ni Propetang Joseph Smith
Ang mga tumiwalag sa Simbahan at ang mga kalaban ng Simbahan ang nagpasimuno sa planong patayin sina Propetang Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum Smith. Ang kanilang pagkamatay ay nagdagdag ng malakas na tatak sa kanilang mga patotoo sa Aklat ni Mormon, sa Doktrina at mga Tipan, at sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pag-aaral tungkol sa buhay at pagkamatay bilang martir ni Propetang Joseph Smith ay makatutulong sa mga estudyante na pag-isipan ang maraming pagpapala na ibinigay sa kanila ng Panginoon sa pamamagitan ng ministeryo ni Propetang Joseph Smith, na kinasangkapan Niya upang maipanumbalik ang Kanyang ebanghelyo sa mga huling araw.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Thomas S. Monson, “Si Propetang Joseph Smith: Huwarang Guro,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 67–70.
-
“The Martyrdom,” kabanata 22 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 273–85.
-
“Ang Pagkamatay Bilang Martir: Tinatakan ng Propeta ng Kanyang Dugo ang Kanyang Patotoo,” kabanata 46 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 617–32.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 135:4–5; 136:36–39
Hinangad ng mga kaaway na patayin si Joseph Smith
Magdispley ng larawan ng Carthage Jail. Ipaliwanag sa mga estudyante na noong Hunyo 27, 1844, si Propetang Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum, na Patriarch sa Simbahan, ay pinatay bilang martir sa piitang ito sa Carthage, Illinois. Si Joseph Smith ay 38 taong gulang nang siya ay mamatay, at si Hyrum ay 44.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 136:36–39 habang tahimik na sumasabay ang klase. Hikayatin ang mga estudyante na habang nagbabasa sila ay tukuyin kung paano ibinuod ng Panginoon ang buhay ni Joseph Smith at ang gawaing ginawa niya. Pagkatapos ay talakayin ang sumusunod na tanong:
-
Paano inilarawan ng Panginoon ang buhay at gawain ni Propetang Joseph Smith? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga sumusunod na katotohanan: Inilatag ni Joseph Smith ang pundasyon para sa gawain ng Diyos sa dispensasyong ito ng ebanghelyo. Si Propetang Joseph Smith ay walang kasalanan sa oras ng kanyang kamatayan, at tapat niyang ginampanan ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ilan sa mga impluwensyang humantong sa pagkamatay ng propeta, sabihin sa kanila na ang mga Banal ay nanirahan nang payapa sa estado ng Illinois sa loob ng tatlong taon, ngunit noong 1842, muli nilang dinanas ang oposisyon. Ang mga kalaban ng Simbahan ay kinabibilangan ng mga mamamayan ng Illinois na natakot sa impluwensya sa pulitika ng mga Banal. Ang ilan ay nainggit sa pag-unlad ng ekonomiya ng Nauvoo at pinuna ang kapangyarihan ng pamahalaan at militia ng lunsod ng Nauvoo. May mga ibang mali ang pagkaunawa sa ilang naiibang mga doktrina at gawain ng mga Mormon. Ang mga sumasalungat sa Simbahan at ang mga kalaban sa labas ng Simbahan ay nagsanib-pwersa upang labanan ang Propeta at ang Simbahan.
Mamahagi ng kopya ng handout na nasa katapusan ng lesson na ito sa bawat estudyante. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bahaging pinamagatang “Pagsalungat sa Propeta at sa Simbahan.”
Ipaliwanag na alinsunod sa mga ipinatutupad na batas sa panahon ng pagkamatay ng propeta, walang batas na nilabag nang wasakin ang palimbagan. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pagsususog sa konstitusyon ng Estados Unidos na nagpalawak ng garantiya sa malayang pamamahayag upang maprotektahan ito laban sa mga gawain ng mga pamahalaan ng lungsod at estado ay hindi pa naipatupad bago sumapit ang 1868, at hindi ito naipatupad bilang pederal na batas hanggang 1931. … Dapat nating hatulan ang mga ginawa ng mga nauna sa atin batay sa mga batas at kautusan at sa kalagayan ng kanilang panahon, hindi ng sa atin” (“Joseph, the Man and the Prophet,” Ensign, Mayo 1996, 72).
-
Bakit mahalagang tandaan ang huling pangungusap sa pahayag ni Elder Oaks habang iniisip natin ang mga ginawa ng mga naunang lider ng Simbahan? (Maaari mong ipaliwanag na ang karamihan sa mga miyembro ng Konseho ng lungsod ng Nauvoo ay miyembro ng Simbahan, ngunit kumikilos sila sa kanilang katungkulan bilang halal na kawani nang kanilang ipag-utos na wasakin ang palimbagan. Ang Simbahan bilang isang organisasyon ay hindi gumawa ng aksyon laban sa palimbagan, ngunit gumawa ng aksyon ang konseho ng lungsod upang “pahupain ang … kaguluhan” [sa History of the Church, 6:432]).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bahagi ng handout na may pamagat na “Sina Joseph at Hyrum ay Pinaratangan nang Mali.” Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang propesiya noong naglakbay siya patungong Carthage.
-
Kahit hindi perpekto ang bawat tao, ano sa palagay ninyo ang kailangang gawin ng isang tao para magkaroon ng “budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao”? (D at T 135:4).
Ipaliwanag na habang naghahanda si Hyrum sa pagpunta sa Carthage Jail, binasa niya ang Eter 12:36–38 at pagkatapos ay itinupi ang pahina. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:5, na isang direktang sipi ng mga talatang ito mula sa Eter, habang tahimik na sumasabay ang klase. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung bakit makahulugan kay Hyrum ang scripture passage na ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan nila ang anumang salita o parirala na pinakanapansin nila.
-
Anong mga partikular na mga salita o parirala sa mga talatang ito mula sa Aklat ni Eter ang sa palagay ninyo ay makahulugan kay Hyrum nang maranasan niya ang pagkabilanggo at posibleng kamatayan?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng sumusunod na parirala: “Malalaman ng lahat ng tao na hindi nabahiran ng inyong dugo ang aking mga kasuotan”? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na i-cross-reference ang talata 5 sa Jacob 1:19 at Mosias 2:27 upang malaman ang kahulugan ng pariralang ito. Ang matutuhang mag-cross-reference ng isang scripture passage sa iba pang mga talata na nagbibigay ng karagdagang kaalaman ay mahalagang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring nadama nina Joseph at Hyrum sa pagkabatid na nagampanan nila ang kanilang mga katungkulan at tungkulin mula sa Diyos sa abot ng kanilang makakaya.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa nina Joseph at Hyrum Smith na makakatulong sa atin na magampanan ang mga responsibilidad na tinatanggap natin mula sa Diyos?
Doktrina at mga Tipan 135:1–3, 6–7
Pagkamatay Bilang Martir sa Carthage Jail at Pagpaparangal kay Joseph Smith
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 135. (Maaari mong ipaliwanag na ang mga pagkakaiba sa heading na ito noong 1981 at 2013 na edisyon ng mga banal na kasulatan ay nagpapakita ng mga bagong kaalaman.) Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 135:1–2 at ang bahagi ng handout na may pamagat na “Kamatayan Bilang Martir sa Carthage Jail.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa habang nagbabasa ang mga estudyanteng ito.
-
Ano kaya ang ibig sabihin ng pariralang “upang tatakan ang patotoo ng aklat na ito at ng Aklat ni Mormon”?
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nasa isipan nila, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na kahulugan: ang “tatakan ” ay ang matibay na pagtatatag ng isang bagay, tulad ng patotoo. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng talata 1.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:3, 6–7, na inaalam ang ilan sa mga katotohanang nalaman natin mula sa pahayag na ito ng pagiging martir nina Joseph at Hyrum Smith.
-
Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo sa pagpapabatid ng pagiging martir nina Joseph at Hyrum Smith? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang maraming katotohanan, kabilang ang sumusunod: Si Joseph Smith ay nakagawa ng higit pa para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito kaysa sa sinumang tao maliban kay Jesucristo. Ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ay inilabas para sa kaligtasan ng sanlibutan.)
-
Sa palagay ninyo sa anu-anong tiyak na paraan maiiba ang buhay ninyo kung wala ang ministeryo ni Propetang Joseph Smith?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Dallin H. Oaks na matatagpuan sa handout section na may pamagat na “Mga Pagpaparangal kay Propetang Joseph Smith.”
-
Bakit mahalagang malaman na ang mga taong nakasama ni Joseph Smith ay itinuturing siya bilang isang propeta at isang “kagalang-galang, at marangal na tao”?
Magtapos sa pagtatanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanilang gustong magbahagi ng kanilang patotoo tungkol kay Joseph Smith. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga oportunidad sa susunod na ilang araw na ibahagi sa iba ang kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa kanyang tungkulin sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Thomas S. Monson, “Si Propetang Joseph Smith: Huwarang Guro,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 67–70.
-
“The Martyrdom,” kabanata 22 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 273–85.